Sinuot ko na ang aking damit na ibinigay ni Hill. Hindi ko alam ngunit bigla na lamang itong dumidistansiya sa akin pagkatapos niyang may muntikan ng masabi. Alam kong may karugtong pa iyong Mahal na Prinsesa niya pero ayaw lang niya ipagpatuloy. Kung ano man iyon ay nasa kaniya na iyon, hindi ko naman siya mapipilit sa pwede niyang gawin. Hindi ko naman maaring ipagpilitan ang sarili ko sa kaniya. Alam kong may rason ito kung bakit niya ito ginagawa.
Kasalukuyan ko ng hinuhubad ang aking damit ng bigla na lang akong makaramdam ng paglamig sa paligid. Hindi pamilyar ang lamig na ito sa akin, kung kaya ay alam kong hindi ito ang aking ama. Ang alam ko rin ay kasama ni Ama si Ina na naghahanda sa aming pagligo. Ngunit, ano ito?
Mabilisang nagbihis na ako at lalabas na sana nang bigla na lang nag-fog ang malaking salamin sa aking harapan. Nagtatakang nakatitig ako rito dahil hindi ko naman binuksan ang shower o ano.
Ilang sandali pa ay bigla na lang may nagsimulang magsulat dito. Unang gumuhit to ng isang linya na hindi tuwid, pagkatapos ay nagpatuloy ito sa susunod na guhit. Ilang sandali pa ay na tapos na rin ang kung sino mang tao ang gumawa ng kababalaghan.
"Hindi magtatagal ay mapupuno ng dugo ang inyong kaharian,"basa ko rito.
Aming kaharian? Ano ang tinutukoy nito? Wala akong kaharian at wala kaming kaharian. Pwera na lang siguro kung nasa underworld ako, iisa lamang ang aming kaharian roon pero hindi iyon sa amin. Ang bukod tanging tao na nagmamay-ari ng kastilyong iyon ay ang mga maharlika. Ang hari at reyna ng underworld at ang mga anak nito.
"Maraming sekreto ang nakatago sa iyo, darating din ang panahon na sa oras na malaman mo ang totoo. Huli na ang lahat para sa inyo,"pagpatuloy ko.
Iyon na ang huling salita na nasa salamin. Nagtatakang nakatingin pa rin ako rito, halos mapatalon ako sa gulat at bahagyang napa-atras nang unti-unti itong nabubura at napalitan ng dugo na dumadaloy dito.
Isang malakas na sigaw ang lumabas mula sa akin bibig habang napa-upo sa sahig ng banyo. Hindi ko na alam kung ano ang susunod na nangyari dahil bigla na lang sumakit ang aking ulo. Ilang memorya na hindi ko alam kung saan galing ang pumasok sa aking isipan na mistulang isang pelikula.
"Buntis ako, Mahal na Hari,"
Sino ito? Sino itong babaeng ito? Bakit hindi ko siya kilala? Hindi rin ito ang aking ina.
Mas lalong sumakit ang aking ulo at hindi ko na alam kung ano ang sunod na nangyari sapagkat halos ilang memorya ang pumasok sa aking isipan. Mahigpit akong napahawak sa aking buhok at hinila ito.
"Stop!" Sigaw ko habang dinadaing ang sakit sa aking ulo.
Halos mapatalon ako sa gulat nang bigla na lang may humawak sa aking kamay. Nang tignan ko ito ay nakita ko ang aking ina na nag-aalalang nakatingin sa akin. Ilang luha ang tumulo mula sa aking mga mata nang makita ito.
"Mommy,"naiiyak kong tawag dito bago ako tuluyang nawalan ng malay.
Bigla na lamang akong naalimpungatan kung kaya ay unti-unti kong minulat ang aking mga mata. Sumalubong sa akin ang kisame ng aking silid na inuupahan at ang ilang desinyo na mula rito.
"This is not good,"rinig kong sabi ni Mommy. Mabilis kong ipinikit ang aking mga mata nang maramdaman ko itong papalapit sa akin.
Kung totoo nga ang na basa ko kanina sa salamin. Maaring may tinatago nga sina Ina at Ama sa akin, maaring isa rin ito sa dahilan kung bakit ayaw nila akong dalhin sa sarili kong mundo. Kung pag-uusapan man nila ang tungkol doon dito sa harapan ko, mas maigi na sigurong alam ko ang totoo. Kailangan kong makinig, kahit kailangan ko pa magpanggap na tulog pa rin ako.
"Bakit may mga kagaya natin ang nakahanap sa atin? Bakit kailangan pa na maranasan ng ating anak ang bagay na iyon?" Dugtong ng aking ina, "Sabi mo ay ligtas na ang ating anak ngunit bakit? Bakit may demonyo pa rin na nagtatangkang patayin si Attira? Walang sino man ang nakakakilala sa kaniya, kung kaya ay paano nila nalaman kung sino ang aatakihin dito?"
"Mahal, kumalma ka muna,"saad ni Ama, "Wala akong alam kung bakit may nakalusot pa. Ngunit, hindi natin malalaman ang buong detalye hanggang sa hindi pa nagigising ang anak natin. Kailangan natin siyang tanungin kung may nakita ba siyang tao."
Hindi umimik ang aking ina sa sinabi nito. Isang mainit na kamay ang naramdaman kong humaplos sa aking mukha, bago ko naramdaman ang paghalik nito sa aking noo.
"Hindi ko man alam sa ngayon kung sino ang nagtangkang magbanta sa anak natin, sisiguraduhin kong malalagot ang buhay niya sa oras na makabalik na tayo sa underworld,"seryosong sabi ni Mommy.
Nakakatakot talaga si Mommy kapag na gagalit ng ganito. Para bang sobrang taas ng kaniyang antas sa mundo ng mga demonyo o underworld.
"Naiintindihan ko, Mahal. Huwag kang mag-alala, agad kong ipapahanap kung sino man ito,"pagsa-sang-ayon naman ng aking ama.
Akala ko ay may malalaman akong impormasyon patungkol sa sarili ko habang nagpapanggap na tulog ako, iyon pala ay wala pa rin. Wala pa rin.
Dahan-dahan kong binuksan ang aking mga mata at nagpanggap na kakagising ko pa lang. Bumungad naman sa akin ang mukha ng aking ina at ama na labis ang ngiti sa kanilang mga labi, ngunit, kahit ganoon ay kitang-kita ko pa rin ang pag-aalala sa mga mata ng mga ito.
"Mommy, Dad,"tawag ko sa kanila.
"Anak! Mabuti naman at gising ka na,"nag-aalalang sabi ni Mommy, "Halos tatlong araw ka ng tulog dito."
Hindi makapaniwalang napatingin ako sa kaniya at kay Daddy.
No way.
Tatlong araw? Paano naging tatlong araw ang pagtulog ko? Hindi ba iyon kanina lang? Bakit parang pakiramdam ko ay ilang oras lang?
"Ano po ang ibig niyong sabihin? Kanina lang naman po iyon, hindi ba?" Nagtatakang tanong ko at pinilit na umupo.
Mas lalong sumakit naman ang aking ulo na naging dahilan ng paghawak ko sa aking noo.
"Hindi, anak. Tatlong araw kang tulog sa higaan na ito at kahit na anong gawin namin, ayaw mong magising,"malungkot na paliwanag ni Mommy at hinaplos ang aking mukha, "Hindi ko na nga alam ang kung anong gagawin ko sa oras na bumabalik ako sa silid na ito ay hindi ko pa nakikita ang iyong magagandang mga mata."