“Ano po ang sasabihin niyo sa akin ama, ina?” tanong ni Amelia sa kanyang magulang.
“Ang totoo niyan ay may nakakatanda pa akong kapatid, siya ang iyong Tiya Carmen,” bahagyang nagulat si Amelia sa sinabi ng kanyang amang si Tom. Ngayon pa lang kasi ito sinabi sa kanya ng aman niya ngunit may parte naman kay Amelia na natutuwa dahil may kamag-anak pa pala sila.
“Talaga po? May tiya pala ako?” nakangiti na sabi ni Amelia habang nakatingin siya sa mga magulang niya. “P-pero alam niya po ba ang tungkol sa aking wangis?”
“Huwag kang mag-alala dahil noong ipinanganak ka ng iyong ina ay nasaksihan niya iyon,” nakangiti na sabi ni Tom sa kanyang anak na si Amelia habang si Susana ay pinipigilan ang kanyang pag-iyak.
“Hindi po ba siya natakot sa aking itsura?” may bahid ng kalungkutan sa kanyang boses na nahalata naman agad ng kanyang magulang.
“Pamangkin ka niya kaya naman mahal ka ng iyong Tiya Carmen, nasisigurado ko sa iyo iyon aming prinsesa,” sagot naman ng ina ni Amelia.
“Sumulat ako sa kanya dahil nagpaalam ako kung maaari sana ay doon ka muna sa kanya. At kapag maayos na ang sitwasyon dito sa ating bayan ay susunod kami sa iyo doon. Hihintayin lang natin ang sagot niya sa aking liham,” sa sinabing iyon ng ama ni Amelia ay nagulat siya dahil hindi niya alam na nakapagdesisyon na pala agad ang kanyang magulang tungkol doon.
“Ngunit ama, ina, hindi ko po kaya na mawalay sa inyo. Maaari naman po na hindi na lang ako umalis. Pangako po hindi na talaga ako lalabas,” naiiyak na sabi ni Amelia dahil hindi niya kaya na lumayo sa kanyang magulang kahit na isang araw pa lamang.
“Huwag ka mag-alala anak, gaya nga ng sabi ng iyong ama ay susunod rin kami sa iyo kung saan nakatira ang iyong Tiya Carmen. Hindi kasi maaari na sabay-sabay tayong mawawala dahil tiyak na magtataka ang mga tao dito. Pahuhupain lang natin ang kumakalat na balita tungkol sa iyo anak,” napayapos naman agad si Amelia sa kanyang ina dahil sa sinabi nito.