Chapter 4
“Saan ka galing Tom?” bungad na tanong ni Susana sa kanyang asawa na ama ni Amelia. Napansin kasi ni Susana na maaga pa lang ay umalis na agad ng kanilang bahay ang kanyang asawa. Nakapagluto na rin siya ng kanilang agahan at gigisingin na rin niya si Amelia na natutulog pa rin sa kanilang kwarto.
“Galing lamang ako ng tanggapan ng koreo, nagpadala ako ng liham para kay Ate Carmen,” sagot naman ni Tom habang nagpupunas siya ng kanyang pawis. Lumapit naman sa kanya si Susana na may pagtataka sa kanyang mukha.
“Bakit ka nagsulat kay Ate Carmen? Hindi ba may alitan kayo ng iyong nakakatandang kapatid dahil sa sapilitan mong pagpapakasal sa akin?” sa pagkakasabi ng gano’n ni Susana ay muling bumalik sa kanyang alaala ang nakaraan.
“Tom, hindi ka na ba talaga nakikinig sa akin? Hindi mo siya maaaring pakasalan dahil may napili na ako na dapat mong makaisang dibdib at hindi lamang ang isang hamak na Susana na iyan na anak lamang ng ating katulong!” galit na sabi ng ate ni Tom na si Carmen ng isinama niya si Susana upang hingiin ang basbas ng kanyang nakakatandang kapatid.
“Ate, si Susana ang itinatangi ng aking puso. Kahit kailan ay hindi mo ako mapipigilan na pakasalan siya. Palibhasa kaya ka ganyan sa akin ay dahil guso mo rin ako magdusa kagaya mo dahil sa pang-iiwan sa ‘yo ng dati mong nobyo na mas pinili na sumama sa iba!” pagkasabi pa lang ni Tom ng gano’n ay hindi na napigilan ng kanyang Ate Carmen na mapagbuhatan siya ng kamay ng mga panahon na iyon.
Nadala lamang si Tom ng kanyang emosyon dahil tutol na tutol ito sa pagpapakasal niya kay Susana. Simula noon ay hindi na sila nagpansinan ng kanyang nakakatandang kapatid at itinuloy naman nina Tom at Susana ang kanilang kasal kahit na walang basbas ng nakakatandang kapatid ni Tom. Hanggang sa nanganak nga si Susana kay Amelia at nagulat sila na dumalaw sa kanilang tahanan ang Ate Carmen nila at gano’n na lang ang takot niya ng makita niya ang wangis ni Amelia.
“Tignan mo na Tom, dahil sa sapilitan mong pagpapakasal kay Susana ay pinarusahan kayo ng Diyos at binigyan kayo ng ganyang klase ng anak!” ang akala pa naman ni Tom ay magkakaayos na sila ng kanyang ate ngunit nagkakamali lang naman pala.
“Kahit ano pa ang maging itsura ng anak namin ay mananatili pa rin ang katotohanan na anak namin siya ni Susana at pamangkin mo siya, Ate Carmen. Kaya naman alang-alang sa pagiging magkadugo natin at kung itinuturing mo pa ako na nakababatang kapatid ay nakikiusap ako na sana huwag mong sabihin sa iba ang tungkol sa aming anak,” pakiusap ni Tom sa Ate Carmen niya saka naman napatingin si Carmen sa mahimbing na natutulog na sanggol na si Amelia.