Chapter 5
“Bakit pa natin pag-aaksayahan ang isang bagay na alam natin na hindi naman totoo? Piesta pa sa ating bayan kaya naman nararapat lang na magsaya tayo hindi ba?” tanong ni Kapitan John, siya ang kapitan sa kanilang barangay kung saan nakatira sina Amelia at ang magulang nito.
“Kap John, hindi ba kayo nababahala? Ang sabi ay dito daw sa ating barangay huling nakita ang nilalang na tinatawag nilang albinos. Dapat nga ngayon ay hinahanap na natin siya,” sabi naman ng isa sa barangay tanod nila na naroon din kagabi sa bayan upang manuod ng pailaw.
“Lasing ka pa rin ba hanggang ngayon Abel? Hindi totoo ang haka-haka na iyon,” napapailing na sabi ni Aaron na isang konsehal sa kanilang barangay.
“Konse at Kap naman, alam niyo naman na matagal ko na iniwanan ang pag-iinom na iyan eh. Ayaw ko na nga maiwanan ng asawa no,” natawa naman sila sa sinabi ni Abel pagkatapos no’n ay nagpatuloy pa rin ang kanilang pagkukwentuhan patungkol sa nakita ‘di umanong albinos kagabi sa bayan.
“Ah basta ako, naniniwala ako na totoo ang sinabi ng mismong nakakita sa albinos na iyon. Natatandaan niyo pa ba ang kinukwento ni Nana Iska noon? Natatandaan ko gano’n na gano’n ang sinasabi sa akin ni Nana Iska na itsura nila,” sagot naman ni Gerardo na isa ring konsehal sa kanilang barangay. Nagpatawag kasi ng pagpupulong si Kapitan John dahil pupunta sa kanilang barangay bukas ang Mayora ng bayan ng Molvania, nakagawian na umikot ng kanilang Mayora tuwing piesta taon-taon noong siya ang umupo sa munisipyo sa nasasakupan na barangay ng Molvania upang magbigay personal na tulong at kamustahin ang mga nasasakupan niya kaya naman marami ang may gusto at bumuboto sa kanya. Ngunit hindi inaasahan ni Kapitan John na iba pala ang mapag-uusapan nila at tungkol iyon sa albino nga.
Ang tinutukoy ni Konse Gerardo na Nana Iska ay ang kanyang lola na ilang taon na pumanaw. Siya ang nagpalaki kay Gerardo dahil maagang nawala ang magulang niya. Kaya naman lumaki si Gerardo na pinapaniwalaan ang mga kwento ng kanyang Nana Iska. Isa rin si Nana Iska sa pinakamatandang nabuhay dito at unang tumira sa barangay Magiba. Sa edad na 124 taong gulang ay pumanaw na siya.