Kabanata 5

1051 Words
Marahan na hinaplos ni Tori ang nasaktan niyang braso saka malungkot na pinagmasdan ang papalayong bulto ni Nik. Hindi niya maiwasang mapabuntong hininga pero pinilit niya parin ang sarili na mapangiti. Tiis-tiis lang. Abot kamay na niya si Nik. Balang araw ay makukuha din niya ang loob ng lalaki. Huminga siya ng malalim bago naglakad na palabas ng mansion. Isinakay siya ni Nestor sa isa sa mga sasakyan ng mga Ardiente na siyang maghahatid sa kanya pauwi sa bahay nila. "Maraming salamat po Kuya Nestor," aniya nang makarating na sila sa lugar kung saan siya nakatira. Kung tutuusin, kapitbahay lang naman sila ni Nik. Sadyang napakalawak lang ng lupang pagmamay-ari ng pamilya nito kaya nagmumukhang malayo ang bahay nila. Tinanguan lang siya ni Nestor at agad ding umalis. Nagsimula na siyang maglakad papunta sa bahay nang mapansin niya ang kakaibang titig ng mga kapitbahay nila sa kanya. Siguro ay nakarating narin sa mga ito ang balita. "Saan ka ba nanggaling?!" Halos mapatalon sa gulat si Tori nang bigla nalang lumitaw si Jessa sa harapan niya. "Ano ka ba naman! Ginulat mo ako!" "Aba, ako ang ginulat mo! Nasa balita ka sa TV kanina tapos nakapànty kalang, gaga!" Napakamot siya ng ulo bago nagsalita. "Hayaan mo na. Ang importante ay ikakasal na kami ni Nik!" Excited niyang wika. Halos lumuwa ang mga mata ni Jessa sa narinig niya mula sa kaibigan. "Hala! Sabog ka ba, Tori?" "Seryoso ako Jessa. Galing ako sa mansion nila. Nakausap ko ang mga magulang ni Nik at sila ang nagdesisyon na ipakasal ako sa anak nila." "Totoo? Walang halong kahanginan?" Mabilis siyang umiling. "Seryoso talaga 'to!" "Eh paano si Governor Nik? Pumayag ba?" Doon siya natahimik. Muli na namang sumagi sa isipan niya ang galit nitong titig. Pero pilit niya iyong iwinaksi sa kanyang isipan at ngumiti. "Wala siyang choice. Yun ang utos ng nanay at tatay niya." Hindi naman makapaniwala si Jessa sa kanyang narinig. Sinong mag-aakalang ang inosente niyang kaibigan na hindi pa nga nagkaboyfriend kahit isa ay mamimikot ng isang gobernador? Wow? Grabe talaga! "Uwi na muna ako ha? Kakausapin ko pa si Nanay," paalam niya. Wala sa sarili namang tumango si Jessa. Hindi nag-aksaya pa ng oras si Tori at tumakbo na papunta sa munti nilang bahay para balitaan ang kanyang ina sa desisyon ng mag-asawang Ardiente. Subalit pagkapasok palang niya sa may pinto, isang malakas na sampal na ang dumapo sa kanyang pisngi. Napasinghap siya at bumagsak pa sa sahig. Nang mag-angat siya ng tingin ay galit na galit nakatitig sa kanya ang Nanay Vicky niya. "Napakalandi mo! Talagang ibinalandra mo pa sa buong mundo yang katawan mo? Hindi ka na nahiya!" Puno ng galit niyang asik. "N—nay... Magpapaliwanag po ako—" "Anong paliwanag? Ang paalam mo sakin bago umalis kahapon ay papasok ka sa resort. Bakit bigla ka nalang napunta sa balita at nakahubad pa?!" "Naiintindihan ko po na galit kayo pero huminahon muna kayo. Papakasalan naman po ako ni Governor Niklaus. Nakausap ko na po ang mga magulang niya. Kaya po ako umuwi ngayon para ipaalam sa inyo ang desisyon nila," umiiyak niyang paliwanag. Sandali namang natigilan si Vicky. Ilang segundo pa ang lumipas bago naproseso ng kanyang utak ang sinabi ni Tori. "Anong kabaliwan ang pinagsasabi mo, Victoria?" "Totoo po. Katunayan, ang driver ng mga Ardiente ang naghatid sakin. Pananagutan po ako ni Nik—" "Hindi! Hindi ka magpapakasal sa lalaking yun!" Singhal nito sa kanya. Sa pagkakataong iyon ay siya naman ang natigilan. "P—pero Nay..." "Hindi ka magpapakasal, Victoria! Naririnig mo ba ako? Hindi!" Tuluyan ng napatid ang kinikimkim niyang sama ng loob sa kanyang ina. Agad siyang tumayo at matapang na hinarap ang ginang. "At bakit hindi? Mabibigyan ako ng mga Ardiente ng magandang buhay! Doon may masarap na ulam! Magandang bahay! Hindi butas yung bubong! Hindi ako mahihirapan sa paghahanap ng bigas! Hindi ko ka kailangan na magtiis sa kung anong meron tayo!" Humahagulhol niyang sambit. Namulat siya sa kahirapan. Halos wala nga silang makain madalas dahil wala namang matinong trabaho ang kanyang ina. Umaasa lang ito sa paglalaba. Pero hindi naman lagi may nagpapalabada. Lagi siyang sinisigawan ng kapitbahay nilang may tindahan at tinataboy kasi ang laki na ng utang nila na hanggang ngayon ay binabayaran niya parin. Ni hindi nga siya nakapagkolehiyo dahil wala silang pera. Hindi rin naman makakapaghanap buhay ng maayos ang kanyang ina dahil sa pangit nitong mukha. Noon paman, tampuhan na siya ng tukso. Walang nais na kumaibigan sa kanya dahil aswang daw ang nanay Vicky niya. Nilalayuan naman siya ng iba dahil nakakatakot daw ang itsura ng kanyang ina. Mula ng magkaroon siya ng malay, ganun na ang mukha nito. Hindi niya rin alam kung inborn ba o nasunog lang ang balat nito. Wala rin siyang kinalakihang tatay. Kahit nga kamag-anak wala. Mag-isa siya nitong itinataguyod sa kahirapan. "Sinusumbatan mo na ako?!" "Hindi Nay! Gusto ko lang sabihin sayo ang nararamdaman ko! Ayoko na sa buhay natin. Sawa na po akong maging mahirap!" Isang mahinang tawa ang kumawala sa bibig ng kanyang Nanay Vicky na kalaunan ay nauwi sa isang walang buhay na halakhak. Dahan-dahan itong lumapit sa kanya at hinawakan ang kanyang mukha. "Sa tingin mo ba magiging masaya at maginhawa ang buhay mo doon sa mansion nila? Hindi Victoria! Hindi mo alam kung ano ang hirap na pagdadaanan mo sa mga kamay ng mga taong yan!" Agad niyang tinabig ang kamay nito. "Ang sabihin mo, ayaw mo akong maging masaya dahil nais mo akong manatili dito at maging miserable kagaya mo!" Noon paman nais na niyang lumuwas ng Maynila at doon magtrabaho pero ayaw ng kanyang ina. Kahit nga sa bayan ay ayaw siya nitong papuntahin. Nataon lang na nakapasok siya sa paaralan dati dahil malapit lang iyon sa kanila. At maging ang resort kung saan siya pumapasok sa kasalukuyan. Subalit dahil sa sinabi niya ay muli siya nitong sinampal. "Hindi mo alam kung ano ang dahilan at nandito ka! Magpasalamat ka nalang at binuhay pa kita! Oras na susuwayin mo ako, itatakwil kita at hindi na kita kikilalanin pang anak kahit kailan!" Kung dati ay natatakot siya sa tuwing maririnig ang mga katagang yun, ngayon ay parang normal na salita nalang yun sa kanya. "Wala na po akong pakialam. Magpapakasal ako kay Nik sa ayaw at sa gusto ninyo!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD