Sabado ngayon at napakaganda ng panahon, lampas na ng tanghalian pero may natitira paring tahong sa mga itinitinda ko. Kailangan ko pa namang umuwi ng maaga dahil luluwas kami ngayong araw ni Cor papunta sa Manila.
“Ate, pabili po ng tahong. Tatlong kilo daw po.” Sinagot agad ang kahilingan kong maubos na ang paninda ng isang teenager na ito.
Agad akong nagkilo at nagsupot ng tahong na bibilhin nito. “Sakto! Tatlong kilo na lang to.” Natutuwang sabi ko pa rito habang nagkikilo. “190 pesos tong tatlong kilo.” Paniningil ko.
Dumukot naman agad ito sa wallet at nagbilang, pero alanganin itong nagkamot ng ulo saka tumingin sa akin. “Ahh…Ate? Wala po bang tawad? 150 na lang po kasi yung meron ako.” Nag-aalinlangang tawad nito sakin.
Ako naman ngayon ang napakamot sa ulo. “Yun lang.” Nasabi ko na lang. “Baka maubusan ka niyan ng pamasahe?” Concern na tanong ko dahil baka ang tinda ko pang tahong ang maging dahilan kapag nadisgrasya to sa daan pauwi habang naglalakad.
“Hi, Babe!” Biglang sulpot ng gwapong-gwapong boyfriend ko.
Napangiti ako ng makita ito. “Akala ko ba mamayang alas cinco pa ang lakad natin? Napaaga ka ata?” Takang tanong ko rito.
Lumapit naman ito saka humalik sa mamantika kong noo kaya heto at namula yung buong mukha ko. “Mmm. Tutulungan na lang kitang magtinda at mukhang stress na stress ka.” Kapagkuwan ay pinisil nito ang ilong ko. “Magkaka-puting buhok ka nyan.” Nakangiting biro pa nito kaya napahinga na lang ako ng malalim.
Akmang magsasalita na sana ako ng may biglang nanukso sa harap namin. “Sana all! May jowang sweet!” Malakas na tudyo ng teenager sa harap namin na binuntutan pa ng hagikhik. Iyong teenager na humihingi ng bawas presyo. Nandito pa nga pala ito.
“Ayy! Sorry! Nakalimutan kong nandyan ka pa pala.” Agad na hingi ko ng paumanhin rito. “Nako! Sorry talaga! Ano nga ulit iyong binibili mo?” Tanong ko rito dahil nabaling ang buong atensiyon ko kay Corro.
“Tatlong kilo ng tahong po, Ate.” Tila kinikilig pa nitong sabi. “Naisupot niyo na po yun. Share ko lang, in case na nakalimutan niyo.” Malisyosong dagdag pa nito.
Inilibot ko naman ang paningin ko sa puwesto at nakita ko nga ang tatlong kilong tahong sa plastic bag. Napatingin rin ako sa gawi ni Corro, ngiting-ngiti ang loko na para bang nakagawa ako ng kasiya-siya, alam siguro na nalimutan ko ang bumibili dahil sakanya.
“190 lahat.” Napapakamot sa ulong sabi ko rito.
“Ate, baka naman pwedeng tumawad, tutal bagay na bagay naman kayo ng jowa mo.” Pambobola nito sa amin.
Bumuntong hininga ako saka tumang-tango rito. "Sige na nga! Gusto ko naring makauwi." Napipilitang pagsang-ayon ko sa gusto nito. "Ngayon lang to, bigay ko na yan sayo ng 120."
"Yes! may sukli pa ako! Salamat, Ate!" Anito habang nagbilang ng pera bago kinuha ang naka-supot na tahong. "Sana kayo na ni kuyang pogi ang magkatuluyan!" Madaldal na sabi pa nito habang naglalakad paatras, palayo sa puwesto ko.
"Kami na talaga hanggang sa huli ng ate mo!" Sigaw ni Cor na may pakindat-kindat pang nalalaman. "Ligpit na tayo, babe?" Ngiting-ngiti nitong sabi at nagsimula ng magligpit.
"Babe, punta muna tayo sa bahay bago bumyahe, ang baho ko na." Sabi ko rito. Ayokong makipag date ng mabaho at mukhang dugyot. nakakahiya sa date kong saksakan na nga ng gwapo, napakabango pa.
Pagkatapos naming magligpit sa puwesto ko sa palengke, dumaan muna kami sa bahay nila Itay para makapag-ayos at makapag-paalam muli sa kanila. Wala namang tutol sa lakad namin, sa katunayan nga ay pinapaalis na nila kami sa bahay. Ang inaalala ko lang ay si Lola dahil sa ngayon ay hirap huminga. Ayoko na sanang umalis pa ng bahay pero maging si Lola ay pinapaalis rin ako. Maging si Corro ay nag alinlangan narin ng makitang hirap huminga si lola pero sa huli ay ang pamilya ko parin ang nasunod.
Mabilis ang naging byahe namin. Iyong walong oras ay parang ang ikli lang, pano ba naman kasi puro tawanan at harutan ang naging laman ng byahe. Buhay na buhay pa ako ng makarating kami sa Maynila.
Dumeretso kami sa Luneta o ang dating Bagumbayan na sinasabi ni Lola na siyang ipinagtaka ko. Akala ko kasi ay hindi kami rito dederetso.
Hello! Alas quatro y media palang ng madaling araw tapos andito kami sa Luneta? Sinong may saltik sa ulo ang gagawa nito? Iyong pagluwas palang nga galing Bicol para lang sa Luneta ay nakakasira na ng ulo, eto pa kaya?
"Woi, Babe!" Tawag ko sa nangungunang boyfriend ko. Naglalakad kami papunta sa may harap ng monumento ni Dr. Rizal.
Lumingon ito ng may malaking ngiti na nakapinta sa mukha. "Hmm?" Iyon lang ang sagot nito pero bakas ang kasiyahan sa mukha.
"Ang wierd mo." Pansin ko rito. "Kanina pa kita napapansin, Babe. Bakit ang saya-saya mo ata?" Kuryosong tanong ko rito.
Imbes na sumagot, ngumiti at nagkibit-balikat lang ito saka lumapit at umakbay sa akin papunta sa harap ng monumento.
"Babe, alam mo bang kinasal si Dr. Jose Rizal kay Josephine Bracken?" Tanong nito na hindi ko alam kung saan galing.
"Huh? Tinuro ba yan sa Aralin Panglipunan na subject? Absent siguro ako ng na discuss yan." Saad ko na walang kahit anong idea sa kasal ng pambansang bayani. Hello! Ang alam ko lang ay naging magkasintahan sila.
"Nabasa ko lang." Sagot nito saka mas humigpit ang pagkaka-akbay sa akin. "Ang lungkot nga ng kwento nila, babe." May panghihinayang sa boses nito.
Napatingin ako sa monumento ni Dr. Rizal. "Oo, pinatay kasi siya." Malungkot ko ring pagsang-ayon.
"Hindi yun, babe." Napatingin ako kay Cor na nakatutok sa monumento. Nasa gitna na kami ng Luneta at mag-uumaga palang. "Kinasal sila umaga bago patayin ang Doctor, pero walang kahit anong record na nakita kaya parang walang bisa na rin." Pagke-kuwento nito sakin.
"Ngayon ko lang yan nalaman. Dapat pala nagpakwento ako kay Lola." Napupukaw ang interes ko kina Dr. Rizal at Josephine. "Sayang, hindi man lang sila nagka-anak."
"Nagka-anak sila, babe. Francísco yung pangalan pero namatay rin lang pagkatapos maisilang."
"Ano? Totoo? Ang lungkot naman ng love story nila tapos kinasal pa si Josephine sa iba ng mamatay na si Dr. Rizal. Buti na lang hindi ikaw si Rizal, babe." Biro ko kaya napailing na lang ito. "Bakit nga ba tayo nandito ng ganitong oras, babe?" Tanong ko bigla.
Ngumiti ito ng malawak saka hinalikan ang noo ko. "Kasi sabi ni Lola Sacorro, dito raw tayo mamasyal, di ba?" Pagpapaalala nito sa sagot ni Lola noong nakaraan.
"Pero hindi sinabi ni lola na sa madaling araw tayo rito mamasyal." Angil ko. Alam kong pagod pa ito galing sa pagmamaneho kaya pwede namang mamayang hapon na kami pumunta.
"Kasi sabi sakin ni Lolo noon, mas maganda raw mag propose kapag madaling araw." Tutok ang matang sabi nito sakin.
Napanganga ako sa sinabi nito. Tanging, "Ha?" na lang ang nasabi ko. Hindi ma-process ng utak ko ang sinabi nito. Naghalo-halo rin ang emosyon na namumuo sa dibdib ko. Hindi ko alam kung tama ang narinig ko.
Kapagkuwan ay biglang may lumapit na dalawang batang magkasama sa amin at may iniabot kay Corro na isang malaking bugkos ng namumulang mga rosas. Pinagmasdan ko ang dalawang bata na nag-bow at ngumiti pa na tila kinikilig bago umalis.
Kumalas sa pagkaka-akbay sa akin si Corro kaya naman ibinalik ko ang paningin ko rito. May distansyang nakatayo na ito sa harap ko. Malaki ang ngiti pero halatang kinakabahan. Maging ako ay labis-labis rin ang kaba sa iniaakto nito.
"B-babe." Nauutal at kinakabahang pagtawag nito, saka iniabot ang malaking bugkos ng mga rosas sa tila nanginginig na kamay.
Napakurap-kurap ako at napako n lamang ang paningin sa boyfriend ko. "Na... Nanaginip ba ako?" Tanong kong may hindi maintindihang emosyon.
Bahagyang napatawa si Cor sa tanong kong iyon. Umiiling ito saka ininguso ang bulaklak na hawak.
Kinuha ko ito saka inamoy-amoy. Napakabango ng mga rose pero mas mabango si Cor. Napangiti ako sa sarili kong naisip.
Huminga ito ng malalim saka may dinukot sa likurang bulsa ng pantalon nito. Nang iniluhod nito ang isang tuhod ay kusang tumulo na ang luha ko. Tumingala si Corro sa akin ng may malaki at kinakabahang ngiti, ang mga mata ay kumikislap sa magkahalo-halong emosyon.
Nang ipakita nito ang silver na napaka-simple pero magandang tingnan na singsing ay napagtanto kong tama ako ng rinig kanina. Ang mga emosyon sa dibdib ko ay hindi ko na maintindihan. Tila anumang oras ay sasabog na ito.
Kinuha nito ang kamay kong malaya. "Neya Magtangis Padua." Sambit nito sa buong pangalan ko. Lumulunok-lunok pa ito na parang hindi alam kung ano ang sasabihin. "Please marry me." Napatawa pa ito sa nasabi.
Iyak-tawa naman ang naging eksena ko. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. Mabilis na tumango-tango ako rito habang ang luha ay walang tigil na dumadaloy sa pisngi ko. "Oo naman! Syempre!" Malakas at napapatili pang naibulalas ko sa wakas.
Isinilid nito ang singsing sa daliri ko saka walang sabi-sabing yumakap sa akin ng napaka-higpit. "Thank you! Thank you!" Umiiyak at humihikbi nitong sabi. Paulit-ulit rin nitong hinalikan ang gilid ng sentido ko.
Kapagkuwan ay kumalas ito sa pagkakayakap at ikinulong sa mga palad ang mukha kong basang-basa ng luha. "I love you, Neya. Sobra pa sa sobra." Bakas ang sobra-sobrang kasiyahan sa boses at ngiti nito.
"Mahal na mahal rin kita, Cor. Sobra." Umiiyak sa kasiyahan kong tugon. Muling hinagkan nito ang noo ko bago paglapatin ang aming mga labi. Kapwa tumutulo ang luha at punong-puno ng pagmamahal ang halik sa bawat isa.
Napaka-perpekto ng lahat. Ang lugar na suhestiyon ni Lola, ang papa-angat palang na araw, tulad ng papa-angat ring bagong kabanata sa mga buhay namin.