“Hindi ko po ito matatanggap,” natigilan ang punong barangay sa sinabi ko. “Hangga’t hindi ko nalalaman ang pangalan niya.” Dagdag ko at inilapag sa lamesa ang sobre.
Hindi naman sa nag-iinarte ako o ano pero sobrang laki ng halaga no’n para ibigay tulong lang. Gusto kong malaman kung sino ang nagpaabot para alam ko kung kanino babayaran. Hindi man isahan, babayaran ko buwan-buwan.
Naiiling na napatayo si Carolina, ang punong barangay ng barangay na ‘to. “Akala ko ba nangangailangan ka ng pera para sa pampa-opera ng nanay mo? Bakit nag-iinarte ka pa? Gusto mong malaman kung sino? Sa tingin mo sasabihin ko sa’yo?” mukhang mapapasubo pa ata ako rito. “Kunin mo na ‘yan at umalis.”
Marahas akong umiling. “Hindi ko ho matatanggap ‘yan, salamat na lang po.” Tinalikuran ko siya at dali-daling lumabas ng kanyang opisina.
“Ashley! Talaga bang sinusubukan mo ang pasensya ko?!” napaigtad ako sa lakas ng boses niya. Bago pa man niya ako bugahan ng apoy, tumakbo na ako palabas ng barangay hall.
May nakasalubong pa akong mga kagawad na takang-takang nakatingin sa akin. “Pinatawag ka ba ng punong barangay?” tanong ni Gab. “Sinigawan ka ‘no? Wala pa naman ‘yon sa mood.”
Napakamot ako ng buhok bago tumango. “Oo, eh. Tinanggihan ko kasi.”
“Ah, ‘yon ba ‘yong nagpaabot ng tulong sa’yo? Bakit mo naman tinanggihan kung makakatulong sa pagpapa-opera ng nanay mo? Hindi ba’t nangangailangan ka ng malaking halaga?” sunod-sunod niyang tanong.
“Ayaw niyang ipaalam sa’kin kung sino eh,” sagot ko at nag-iwas ng tingin. Nakakailang naman makipagtitigan sa lalaking ‘to. “Hala sige, uuwi na ako ah? May ginagawa pa kasi ako. Punta pa akong palengke!” hindi ko na siya hinintay pang sumagot at tumalikod saka kumay. “Ingat!”
Pagkarating ko sa bahay, pinagpatuloy ko ang pagwawalis at ilan pang gawaing bahay. No’ng nasa palikuran ako, nadatnan ko si Aleng Hera na katatapos lang maligo.
“Nandyan ka pala, hija. Nag-almusal ka na ba?” tanong nito na inilingan ko. “Nakita ko kanina si Jarren, tumulak na ata papuntang school. Hinanap ka pero sabi ko pinatawag ka sa barangay.”
“Salamat po,” nakangiti tugon ko rito at ibinalin ang atensyon sa hinihugasang pitsel. Hindi ko maiwasang isipin ang kapatid ko, wala pang almusal ‘yon at baon, baka gutumin ‘yon sa school. “Si Knoxx po? Nakaalis na po ba siya?”
“Oo, madaling araw pa lang ay umalis na. Dumaan pa kasi siya sa punong barangay at may mahalagang pag-uusapan pa raw sa isang proyekto sa Russia,” anito na tinanguan ko naman. “Kung tapos ka na dyan, halika na at mag-almusal na tayo. Kung gusto niyo, pwede kayong matulog sa bahay ko. Wala naman akong kasama."
Ngiti-ngiti ako nag-angat ng tingin sa kanya. “Sige po, sabihan ko na lang po ang kapatid ko.” Paniguradong matutuwa ‘yon dahil makakapanood ng tv.
Pagkatapos kong maghugas, dali-dali akong pumunta sa kanila. Tinulungan ko siya sa paghahanda ngunit nagtaka ako no’ng may ibalot siya sa isang tupperware. “Bago ka pumunta ng palengke mamaya, dumaan ka muna sa school at ibigay ‘to sa kapatid mo. Siguradong gugutumin ‘yon.”
Sandali akong natigilan sa sinabi niya. Natauhan lang ako nang tapikin niya ang balikat ko. “Kumain na tayo.” Anito na ikinakurap ko.
“Ah, opo. Salamat po ng marami.” Natutuwang saad ko.
Ang sarap sa pakiramdam na parang hinahaplos ang dibdib ko na naalala pa niya ang kapatid ko. Sana lahat ng tao ay kagaya niya, may busilak na puso.
Napuno ng kwentuhan ang hapagkainan habang kumakain ng almusal. Ang daming kong nalaman tungkol kay Knoxx mula kabataan niya hanggang sa paglaki niya.
Gano’n pala talaga siya kahit no’ng bata, strikto, tahimik na minsan pilyo saka suplado kaya walang lumalapit. Ako lang daw ang bukod tanging pinakitaan niya no’n na syempre ikinagulat ko.
“Magkakasundo kayo no’n at kung sakali man na magkamabutihan kayo, walang problema sa akin.” Nag-init bigla ang mukha sa sinabi niya. Bakit naman napunta ro’n? Muntik na tuloy akong maubo buti nakainom agad ako ng tubig.
“Naku malabo pong mangyari ‘yan. Iba po ata ang mga tipo ni kagawad,” depensa ko at nagpatuloy sa pagkain. “At saka po mukhang wala rin po siyang interes magkaroon ng kasintahan sa sobrang abala niyang tao.”
Tumango-tango siya. “Huwag kang magsalita ng patapos hija, maganda ka, mabait, ma-asikaso, may katangkaran at ‘yong sabi nilang ma-s€x appeal,” aniya saka uminom ng tubig. Iyong huli talaga niyang sinabi ang hindi ko kinaya. Hindi ko alam na meron pala ako no’n. “Iyan talaga ang problema sa anak ko, palaging abala pero sabi nga niya kusang darating naman ‘yon, hihintayin na lang daw.” Nagtawanan kami sa sinabi nito.
Natapos ang umagang ‘yon na punong-puno ng katatawanan at kwentuhan. No’ng alas-onse ng umaga dumaan ako ng school para ibigay kay Jarren ang baon niya at isang daan na pera galing kay Aleng Hera saka ako dumiretso sa palengke.
Lumipas ang mga araw, medyo marami-rami na akong naraket at nalikom na pera pero hindi pa rin sapat ‘yon para sa pagpapa-opera kay nanay.
Halos tumambay na ako sa palengke para magkiskis ng mga isda, magbenta ng gulay at kung anu-ano pa. Wala na akong pakialam sa itsura ko basta kailangan kong maka-ipon.
“Ang ganda mo pa rin hija kahit mukha ka ng sabog,” natawa ako sa sinabi ni Aleng Parita. “Tingnan mo at halos lahat ng mga kalalakihan ay pumila na sa’yo kahit ang totoo ay hindi naman bibili.” Nagtawanan ang mga nakarinig sa kanya.
“Hindi naman po, baka talaga pong bibili lang sila.” Nahihiyang sabi ko at pinagpatuloy ang pagkiskis ng isda.
Nang matapos ko ‘yon, binigay ko sa isang binata na kasing edad ko lang ata. “Thank you.” Hindi inaalis ang tingin nitong sabi sa’kin na sinuklian ko ng maliit na ngiti.
“Salamat din!” masiglang saad ko at isinunod ang isa.
"Naku hija, may gustong hingiin 'yon kaya gano'n na lang makatitig sa'yo," parinig ng ale na tinawanan ko. "Alam mo bang pumunta 'yon sa akin kanina para hingiin ang number mo?"
"May lahi atang Russian ang dalagang 'to kaya gano'n na lang ang mga pumipilang mga lalake, ang swerte mo naman sa kanya Parita." Sabi pa ng katabi naming isdaan din.
"Ang daming niyong nabenta. Hija, sa sunod sa akin ka naman." Nagtawanan sila sa sinabi ng isa pang ale.
Naiiling na lang ako at hindi pinansin ang iba pang nanghihingi ng number ko dahil kasi ang totoo wala akong selpon at kung meron man, hindi ko rin ibibigay.
Gabi na no’ng matapos kami at medyo pawala na rin ang mga tao kaya nagsimula na kaming maglinis at magligpit ng mga gamit.
“Ashley, itapon mo ‘tong tubig. Hindi naman nagamit.” Sigaw ni Vivoree mula sa likod ng pwesto namin, anak siya ni Aleng Parita.
Dali-dali kong itinapon ang basura saka siya pinuntahan. Dinala ko ang hindi kalakihang balde at lumabas.
“Ashley!” nawala ang atensyon ko sa pagtapon ng tubig sa tabi ng kalsada dahil tinawag na naman niya ako.
Naiinis na ako sa kanya ha! Wala na nga siyang ginagawa tapos utos pa ng utos, nakakabwesit!
“Bakit, Vivoree?” kalmadong tanong ko ngunit nagtaka ako dahil nakatulala siya ngayon sa ibang direksyon kaya sinundan ko ng tingin. “Kagawad?!” nanlaki ang mata ko nang makilala ko si Knoxx. Naibaba ko agad ang balde at naitago sa likod.
“Is this how you welcome me, Ashley?” tanong nito sa magkasalubong na kilay.
Lumaglag ang panga ko nang walang pakandungan niyang hubarin ang pang-itaas. Sa kanya ko pala naitapon 'yong tubig, tuloy ay basang-basa siya.
Bumaba ang tingin ko sa tyan niya at sunod-sunod na napalunok nang tumama ang ilaw sa katawan niya.
Ito ba ‘yong sinasabi nilang sparkling abs?