Napangiwi ako habang nilalagyan niya ng alcohol ang sugat ko sa paa.
"Sorry," bulong niya nang napansin niyang napadiin ang paglapat niya ng bulak. Kinagat ko na lang ang labi ko at tumango sa kan'ya.
Ganito lang kami ng ilang minuto. Tahimik niya lang akong ginagamot at tahimik lang akong nagtitiis sa hapdi.
Maya-maya lang ay biglang lumabo ang paningin ko. "K-kiss? Why are you crying?" gulat nitong tanong sa akin. Napatawa ako ng pilit at pinunasan ang mga luhang sunod-sunod na tumutulo.
"Wala. I just realized something," tumingin ako sa kan'ya at nakita kong nakatitig siya sa akin, "Mukha akong tanga." Suminghot ako.
"Awang-awa na ako sa sarili ko. Gabi-gabi, it's either uuwi akong luhaan o uuwi akong sugatan. Bakit? Bakit gano'n Charles?" Napatingin muli ako sa kan'ya pero nakayuko na siya ngayon.
"I know what I said earlier. Na choice ko 'to. Kasalanan ko kung bakit ganito ang nangyayari sa akin ngayon. Pero, nakakasawang masaktan ng paulit-ulit eh. Ang sakit na. Pero tinitiis ko pa rin ang hapdi."
Ambilis magbago ng mood ko. Parang kanina lang, ako na ang nagsabing hindi ko siya titigilan. Pero eto ako ngayon, nilalabas ko na ang sakit na. Na nahihirapan na ako. Na gusto ko ng tumigil.
"Sabihin mo nga ang totoo, Charles. Kahit konti lang ba, nagustuhan mo 'ko?" humihikbing tanong ko. Hindi ko mapigilan ang sarili ko. Kating-kati na akong malaman ang totoo kahit na alam kong masasaktan lang rin naman ako sa isasagot niya.
Nakayuko siya, para bang nag-aalinlangang sumagot sa tanong ko. "Do you really want to know?" Sa isang iglap, biglang nagbago ang ekspresyon niya.
Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Parang kanina lang, desidido na akong malaman ang katotohanan, pero ngayon, parang ayoko na munang marinig siyang magsalita.
Nang hindi ako sumagot, siya na ang sumagot para sa'kin. "I don't get you. One minute you want me to tell you how I feel, and next, it's like you're begging me not to speak another word," malamig niyang sinabi. Sa bawat pagbigkas niya, parang pinupunit ang puso ko.
"How many times have I told you to stop? Every now and then, I would tell you to stop doing these efforts to win me, because in the end, you would always hurt yourself. Aren't you tired of chasing me, Kiss? Because I'm sure I'm pretty tired of being followed around everyday by you."
Napapikit ako ng mariin habang pumapasok sa isang tainga ang mga sinasabi niya at tumatagos sa puso ko. Eto na ang pinakatinatatakutan ko. Ang sabihin niyang ayaw niya na.
Hindi na siya nagsalita kaya dahan-dahan kong binuksan ang mata ko para tignan siya. Naaawa siyang nakatingin sa akin pero malamig pa rin ang mga mata niya.
"I'm sorry, Kiss." Here it goes. "I tried loving you, tried giving you the love you deserve, because frankly speaking, I didn't deserve anything from you. But I can't." Ouch.
Hindi niya ako kayang mahalin. Bakit? Mahirap ba akong mahalin? Sinubukan ko naman ang lahat ng makakaya ko. I tried being the perfect girl for him, but in the end, wala pa rin.
Mas lumakas ang hikbi ko kaysa kanina. Ayan na. Narinig ko na. Hindi ka niya kayang mahalin, Kiss. Lahat ng efforts mo, nasayang. Lahat ng sugat mo sa katawan, lahat ng sakit na binigay niya sa'yo, physically and mentally, lahat ng tiniis mo, wala na.
Sana pala hindi ko na lang siya tinanong. 'Yung sugat ko, kayang-kaya ko pang tiisin 'yun. Pero ngayong narinig ko na mula sa kan'ya na ayaw niya na, mas malala pa doon ang nararamdaman ko ngayon. Pakiramdam ko, gusto ko na munang umiyak ng umiyak hanggang sa makatulog ako. At matulog ng matulog nang hindi na magigising pang muli.
Napatigil lang ako nang makarinig ako ng mga yapak na pababa ng hagdanan. Lumingon ako sa likuran at nakita ko doon ang nakangangang si Ruby, nakapantulog na siya at halatang gulat na makita akong umiiyak.
"Ate, anong nangyari? Bakit umiiyak ka na naman?" nag-aalalang tanong niya sa'kin. Bumaba siya ng hagdanan at nilapitan kaming dalawa ni Charles. Bigla siyang tumingin kay Charles at tinignan ito ng masama.
"Kuya.. ano 'to? Iniwan ko lang kayong saglit ni ate pero umiiyak na naman siya," napansin naman niya ang naka-bendang paa ko, "At may panibago na namang sugat!" Tumawa siya ng pilit.
"Grabe Charles. Ganito na lang ba lagi? Gabi-gabi kong naririnig umiiyak si ate dahil sa'yo. Minsan, umuuwi rin siyang may sugat na kailangang gamutin. At huhulaan ko, ikaw rin ang dahilan. Kuya naman, andali lang ng pakiusap ko sa'yo diba? Gusto ko lang namang alagaan mo ang ate ko." Tumigas ang ekspresyon niya sa mukha.
"Pero mukhang hindi mo kaya 'yun. Napapagod na ako sa relasyon niyong dalawa. Tingin ko, hindi kayo ang para sa isa't isa. Ate please, tama na."
Tahimik lang akong umiiyak roon. Hindi ko alam, pati pala ang kapatid ko ay namemerwisyo na rin sa'kin. Naiipit rin pala siya sa relasyon namin ni Charles.
"Oo, Ruby," pumiyok ako at 'di ko napigilan ang luha na namang tumulo.
Narinig kong pinalabas na ni Ruby si Charles at sinabi pa nitong ayaw niya munang makipagkita si Charles sa akin.
Eto na ba? Katapusan na ba talaga ito? Kung pwede lang sanang turuan ang puso kung paano magmahal.
8 years of chasing. 8 years of efforts. 8 years of slowly falling in love with him. And after 8 years, one broken heart.
***
"Ate, sure ka bang gusto mong pumunta ng school ngayon? Hindi ka pa nakakalakad ng maayos. Kung magpahinga ka kaya muna?" concerned na sabi ni Ruby habang inaalalayan niya 'ko sa pagbaba ng hagdanan.
Kagabi, napag-isipan ko na ang lahat. Maybe, hindi nga kami ni Charles ang para sa isa't isa. Maybe, kahit anong effort ang gawin ko, hindi pwedeng ipilit ang puso na mahalin ang isang tao. Maybe, kailangan ko na nga siyang tigilan. Dahil baka balang araw, ma-obsessed na 'ko sa kan'ya at ayokong dumating ang araw na hindi ko kayang mabuhay ng wala siya.
Ayoko na muna siyang makita sa ngayon. Dahil isasagawa ko na ang matagal ng plano ni Ruby simula pa lang ng lahat, ang mag-move on ako.
Pinlano ko ng kalimutan si Charles. Not him, literally. Pero gusto kong kalimutan na naging kaibigan ko siya. Na nagustuhan ko siya. Na minahal ko siya.
"Oo nga sabi. Hindi pwedeng makasagabal ang gantong galos lang sa pag-aaral ko. Malapit na 'kong gumraduate, Ruby. Lilipat na rin tayo sa ibang bansa tulad ng plano nating pamilya. Doon na ako magco-college, doon ka na magpapatuloy sa pag-aaral mo."
"Pero ate! 'Di ba ayaw mo ngang lumipat tayo sa ibang bansa? Gusto mo, dito lang tayo. Dito na lang tayo manirahan. Kasi gusto mong.. makasama si Charles," mahinang binanggit niya ang pangalan na 'yun. Napasinghap ako.
"Tara na," seryosong sabi ko at kinuha ang backpack ko sa couch. At naalala ko na naman ang senaryo kagabi.
Kinagat ko ang labi ko at ayan na naman ang luhang nagbabadyang tumulo. Tinalikuran ko na ito at sabay kaming lumabas ng pintuan ni Ruby. Nagulat na lang ako nang makitang nasa harapan ng bahay namin si Luke. Bakit siya nandito?
"Kiss," banggit niya sa pangalan ko. Napatitig si Ruby sa kan'ya.
"Sino ka?" pabalang na tanong ni Ruby.
Tinignan ni Luke si Ruby. "Schoolmates niyo 'ko. Nagkakilala kami ng ate mo noon. Ako nga pala si Lucas," pagpapakilala niya at ngumiti.
Nanlaki ang mata ko. A-ano. "Lucas ang pangalan mo?" tanong ko sa kan'ya na para bang hindi makapaniwala. Ngumiti siya sa akin at tumango.
"Ako si Ruby," sagot naman ni Ruby, "Tara na ate, malelate na tayo." Kinuha ni Ruby ang kamay ko at inalalayan ako.
"Teka! May sugat ka, diba? Tulungan na kita," sabi ni Lucas. Nagtatakang tumingin ako sa kan'ya. Tumigil siya sa harapan ko at lumingon sa akin. "Angkas na."
***
Gustong-gusto ko ng tanungin si Lucas tungkol doon sa hinala ko, kaso lagi siyang umiiwas sa topic kapag eto na ang pag-uusapan.
"Nagkakilala na ba tayo noon?" tanong ko sa kan'ya nang sumabay siya sa amin sa pagkain ng lunch ni Ruby.
"Teka, bibili lang ako ng pagkain. May gusto ba kayo? Libre ko," sabi niya at nagmamadaling tumayo. Ngumuso ako at pinanood lang siyang umalis.
Automatic na naglibot ang paningin ko sa loob ng canteen at naabutan ko siyang tumatawa kasama ang mga barkada niya. Agad na kumirot ang puso ko. Paano niya nagagawa 'yun? Paano niya nagagawang kumilos na para bang wala lang 'yung nangyari kahapon? Nakalimutan niya na ba 'yun?
Siguro nga hindi ako importante sa buhay niya. Isa lang naman ako sa taong sinusundan siya kahit saan siya magpunta. At ngayong wala na ako, wala ng sagabal.
"Ate, 'wag mo na nga siyang titigan. 'Di ba nagpromise kang kakalimutan mo na siya?" sabi ni Ruby nang napansin niyang napatagal ang titig ko sa kan'ya. Umiwas ako ng tingin at ngumiti na lamang.
Dumating na rin si Luke dala ang mga pagkaing binili niya. Ngumiti ako bilang pasasalamat. Habang nag-uusap kami, may nag-uudyok sa'king tumingin sa kan'ya. At pagtingin ko, nagtama ang paningin namin.
Ayan na naman at naghuhuramentado ang puso ko. Hindi ko 'to napapansin nung mga araw na siya lagi ang nasa isip ko. At ngayo'y hindi ko na siya madalas isipin, mas napapansin ko na ang mga bagay na nangyayari sa akin t'wing nariyan siya.
Tuluyan na nga akong nahulog sa kan'ya ng 'di ko namamalayan.
Mahirap 'to. Mahirap pero susubukan kong kalimutan siya.
***
Nauna na namang umuwi si Ruby kaysa sa'kin. Buong araw kong kasama si Luke dahil siya ang umaalalay sa'kin kapag wala si Ruby.
Hihintayin ko sana siya sa waiting shed, ngunit dumating ang taong ayaw kong makita.
"I'll drive you home," mariing sabi niya. Narinig ko lang ang boses niya, parang nalusaw na lahat ng galit ko sa kan'ya.
Tinikom na lang ang bibig ko dahil baka may masabi pa akong hindi karapat-dapat na sabihin. Katulad na lamang ng, 'Miss na miss na kita, alam mo ba 'yun?'.
"Don't be stubborn. You have an injury, let me drive you home," pamimilit niya. Ngunit nanatili pa rin akong tahimik at nakatingin sa malayo.
"Don't hate me because I told you what I felt, Kiss. It's not my damn fault," galit na sabi niya. Doon ko naramdaman na nag-iinit na naman ang mga mata ko. Oo, alam kong kasalanan ko. Pero hindi niya naman kailangang ipamukha sa'kin 'yun. Kasalanan ko kung bakit ako nagkakaganito ngayon. Kasalanan ko kasi umasa ako.
Nakakainis lang na sa aming dalawa, ako lang ang apektado. Napaka-unfair. Ako na lang ba lagi ang masasaktan?
"Kiss—" Naputol ang sasabihin niya nang may tumawag ng pangalan ko sa malayo.
"Kiss, sorry kung late ako. Tara na, ihahatid na kita." Napatingin kaming dalawa kay Luke na kararating pa lang. Napansin ko ang pagtalas ng paningin ni Charles sa kan'ya ngunit parang walang napapansin si Luke.
"No, I already offered. I'm going to drive her home," mariing sabi ni Charles. Tsaka lang napatingin si Luke sa kan'ya.
"Oh. Nandito ka pala dude. Sorry, pero ako ang inutusan ng kapatid niya. Tara na, Kiss. Parating na ang jeep," aya ni Luke at inalalayan na ako. Isinabit ko ang isang braso ko sa leeg niya at hinawakan niya naman ako sa beywang habang hawak niya sa kabaling kamay niya ang bag ko.
"You're going to take a jeepney? That's dangerous. She has an injury," pahabol ni Charles.
"Kaysa naman na maiwan ulit siya sa'yo. Baka masaktan na naman siya. Don't worry, dude. I can manage. Mas kaya ko siyang alagaan kaysa sa'yo," inis na sagot ni Luke.
Natahimik si Charles at naramdaman ko na lamang ang titig niya sa'ming dalawa hanggang sa umandar na ang jeep.