Matapos akong maidlip kanina, nagising ako pasado 6pm na ng gabi. Ang bigat ng buong katawan ko at pakiramdam ko, nahihilo na naman ako. Umupo ako sa gilid ng kama at ininom ang mineral water na nakapatong sa side table. Hindi maganda ang pakiramdam ko kaya kinuha ko ang aking cellphone para i-text sila Luna, na hindi muna ako makakababa para samahan sila magdinner. Itinabi ko na iyon at nahiga na ulit.
Masyado kasi akong nag-iisip ng kung anu-ano kaya eto ang napala ko. Masyadong mabigat ang pakiramdam ko ngayon kaya ayoko munang isipin pa ang mga gumugulo sa isip ko. Isasantabi ko muna lahat 'yon ngayong gabi dahil sa kondisyon ko. Pakiramdam ko ay magkakasakit ako. Ugh.
Ilang oras pa ang lumipas at nakahiga lang ako sa aking kama. Hindi ako makatulog at pakiramdam ko ang init ng singaw na lumalabas sa katawan ko. 9pm na at sobrang nilalamig na ang buong katawan ko. Mahina naman ang aircon pero nangangatal pa rin ako sa lamig. Nagtalukbong nalang ako ng kumot at ibinalot iyon sa buong katawan ko.
Hindi maganda ang pakiramdam ko ngayon, nilalagnat yata ako. Sumasakit din ang ulo ko at buong katawan ko. Ipinikit ko nalang ang mga mata ko at sinubukang matulog. Ilang oras pa ang lumipas bago ako tuluyang nakatulog.
KINABUKASAN...
Nagising ako 7am na ng umaga at hindi pa rin nagbago yung pakiramdam ko. Gano'n pa rin ang lamig at init na nararamdaman ko, mas lumala pa yata ngayon. Hindi ko kayang bumangon dahil masyado akong nahihilo para tumayo.
Maya-maya pa ay may biglang kumatok sa labas ng kwarto ko.
"Pare, si Enzo 'to. Pwede bang pumasok?" tanong niya mula sa labas.
Ako nama'y hindi na umimik pa dahil wala ako sa kondisyon para buksan yung pinto para sa kanya. Binuksan nya yung pinto at nakangiting lumapit sa'kin.
"Pasensya na, pumasok na 'ko. Kamusta? Hindi kita nakita kagabi, ah? May problema ba?" tanong niya at naupo sa upuang nasa tabi ng kama ko.
"Wala, hindi lang maganda ang pakiramdam ko." sagot ko na sinundan ng pag-ubo.
"May sakit ka ba?" tanong niya at hinipo ang leeg ko. "Ang taas ng lagnat mo, pare!" sambit niya na nagulat matapos sabihin iyon.
"Oo nga, eh. Lagnat lang 'to, mawawala din 'to mamaya." tugon ko sa kanya na sinundan muli ng mga pag-ubo.
"Bakit hindi mo sa'min sinabi na nilalagnat ka pala? Kagabi pa ba 'to?" tanong niya pa na tila nag-aalala.
"Oo, kagabi ko pa 'to nararamdaman. Wala 'to, kaya ko pa naman kaya hindi ko na sinabi sa inyo." paliwanag ko.
"Sandali lang, kukuha ako ng bimpo at gamot para dyan sa lagnat mo." sambit niya at lumabas na ng kwarto ko.
Hindi na ako nagsalita pa matapos iyon. Wala ako sa kondisyon para magsalita pa. Hindi ko lang maintindihan kung bakit gano'n nalang magreact si Enzo. Ayoko naman sanang abalahin pa siya kaya lang wala ako sa mood makipagtalo sa kanya. Pumikit nalang muna ako dahil sumasakit na naman ang aking ulo.
Ilang sandali pa ay bumukas ulit ang pinto ng kwarto ko at nakita ko si Enzo na may dalang maliit na palanggana at bimpo. Nang makapasok siya ay nakita ko rin ang mga kaibigan ko kasunod niya.
"Pare, kasama ko nga pala sila. Sinabi ko rin na may sakit ka at mataas ang lagnat mo." paliwanag ni Enzo habang nilalapag ang dala niyang palanggana.
"Rylan, okay ka lang ba? Bakit hindi mo sa'min sinabi kagabi na may sakit ka pala? Edi sana, naasikaso ka namin." sambit ni Luna habang umuupo sa tabi ng kama ko.
"Oo nga, Ryliee! Ang taas ng lagnat mo, oh?! May dala kaming pagkain, kainin mo 'to ha?" dagdag ni Kate habang hinihipo ang noo ko at nilalapag ang mga pagkaing dala nila.
"Okay lang ako, huwag na kayong mag-alala sa'kin. Para naman kayong si mama eh." reklamo ko.
"Alam na ba 'to ni Tita Alice? Gusto mo tawagan natin siya?" alok ni Vin.
"Tatawagan ko na, para malaman niya." sambit ni Renz habang nilalabas ang cellphone niya.
"Huwag na, mag-aalala lang 'yon eh. Ayoko namang mag-alala pa siya sa'kin, ayos lang ako. Mawawala rin naman 'tong lagnat ko." pagpigil ko sa kanya.
"Sige pero magpa-galing ka agad, pare ah? Para naman makapag-bonding na ulit tayong magkakaibigan." sambit ni Renz.
"Oo na, gagaling din ako. Kailangan ko lang ng pahinga tapos magiging okay na rin ako." tugon ko.
Si Enzo nama'y busyng-busy sa pagpiga ng bimpo sa tubig na nasa palanggana. Tinupi niya iyon at ipinatong sa noo ko.
"Salamat, pare." sambit ko nalang sa kanya.
"Kumain ka muna, Rylan. Eto oh," alok sa'kin nila Kate at Luna.
"Sige na, mamaya nalang. Iwan niyo na ako dito. Ayos lang ako. Salamat." nakangiting sabi ko sa kanila.
"Sigurado ka, pare? Baka kasi mamaya may kailangan ka pa, eh." nag-aalalang sabi ni Vin.
"Oo nga naman, Rylan. Dito nalang muna kami. Babantayan ka namin." dagdag pa ni Kate.
"Hindi na, okay lang ako. Kaya ko na 'to." pag-uulit ko.
"Sige na guys, ako na ang bahala sa kanya. Ako nalang yung magbabantay dito kay Rylan." suhestyon naman nitong si Enzo kung kaya't napatingin ako sa kanya.
"Sigurado ka, ha? Ikaw na bahala dyan kay Rylan." bilin pa ni Luna.
"Basta kapag may kailangan ka Rylan, tawagan mo lang kami pare ha?" sabi ni Renz at ginulo pa ang buhok ko.
"Salamat sa inyo. Magiging okay din ako." nakangiting sagot ko sa kanila at lumabas na nga sila ng kwarto.
Nagpaiwan si Enzo kasama ako para raw bantayan ako. Although, hindi naman kailangan dahil kaya ko naman ang sarili ko. Pinaaalis ko na nga siya, eh. Kaso ayaw niya, mapilit eh.
"Kumain ka muna, pare. Para makainom ka na ng gamot mo." sabi niya habang hawak ang pagkain at kutsara.
"Ano 'yan?" tanong ko sa kanya habang aaktong susubuan ako.
"Sopas?" sagot niya na hindi yata maintindihan yung tanong ko.
"Alam ko pero bakit mo 'ko susubuan?" tanong ko pa ulit.
"Ano ka ba naman, pare. Syempre, kaya nga ako nagpaiwan dito eh, para alagaan ka." sagot niya at inilapit sa akin ang kutsara.
"Ako na. Kaya ko, I can manage." tugon ko.
"Nope, you can't. Ako na ang magpapakain sa'yo. Mahina ka pa, eh. Say 'ah'." utos niya.
"Sabi ko naman sa'yo, ako nalang. Kayo ko nga kasi, eh." pamimilit ko pa.
"Ang kulit mo rin talaga, pare. Ako na nga, eh. Ako yung naiwan dito para asikasuhin ka, kaya hayaan mong gawin ko 'to sa'yo." sabi pa niya.
"You don't have to do this. Hindi mo naman kailangang subuan pa ako." sagot ko.
"Kailangan at gusto ko. Kaya sige na, kainin mo nalang 'to." paliwanag niya at inilapit muli sakin yung kutsara.
Wala naman akong nagawa pa kung di kainin nalang yung bawat sinusubo niya sa'kin. Ewan ko nga ba sa taong 'to, sobrang kulit. Sabi ko ako na ang magpapakain sa sarili ko, eh. Ayaw naman papigil. Lalo lang niyang pinapabilis ang t***k ng puso ko, eh. Asar.
"Bakit mo 'to ginagawa sa'kin, Enzo?" tanong ko sa kanya nang matapos akong kumain.
"Ang alin?" tanong niya habang inililigpit sa tabi yung mga pinagkainan ko.
"Inaalagaan mo ako kahit hindi mo naman ako responsibilidad. Why bother to care for me?" seryosong tanong ko sa kanya.
"Ikaw na rin naman ang nagsabi diba? Magkaibigan na tayo ngayon at mahalaga ka na sa'kin." nakangiting tugon niya.
Mahalaga ako sa kanya? Para na naman nagwawala yung puso ko ng marinig iyon mula sa kanya. Bakit ba ganito nalang yung epekto sa'kin ng bawat sasabihin niya? Nakakainis na.
"Mahalaga ako sa'yo? Isang linggo pa nga lang tayong magkakilala at magkaibigan, eh." litanya ko kaya natigilan siya sa ginagawa niya.
"Ano ka ba, pare? Wala 'yan sa tagal. Mahalaga ka na sa'kin ngayon dahil kaibigan kita. Bakit? Hindi ba ako mahalaga sa'yo?" seryosong sabi niya na nakapagpabilis na naman nitong puso ko.
Sa tuwing may sasabihin siyang kakaiba, lagi nalang nagre-react 'tong puso ko. May sira na yata 'to, eh. Baka may heart function abnormality na ako at kailangan ko nang magpatingin sa doktor. Tss.
Ano ba yung sinasabi niya? Tinatanong niya kung mahalaga ba siya sa'kin kahit 1 week palang kaming magkakilala? Syempre, mahalaga rin siya sa'kin. Mahalaga as a friend. As a brother? Tropa? Barkada? Ewan. Basta mahala siya sa'kin. Ugh.
"Ano ba namang klaseng tanong 'yan, pare. Oo na, mahalaga ka na rin sa'kin." sambit ko.
"Weh? Bakit parang napipilitan ka lang?" tanong niya.
"Hindi, ah. Totoo 'yon, mahalaga ka sa'kin bilang kaibigan." pag-uulit ko.
"Napipilitan ka lang, eh. Huwag nalang." lungkot-lungkutan niyang tugon sa'kin.
"Ang arte mo naman, eh. Seryoso, lahat naman ng nagiging kaibigan ko ay pinapahalagahan ko at importante sa'kin. Kaya mahalaga ka sa'kin." sinserong sabi ko na ikinapula ng mukha niya.
Ngumiti nalang rin siya at tumalikod para uminom ng tubig.
"Oh, inumin mo na 'tong gamot para gumaling ka na agad." utos niya sabay abot nung tableta at tubig na hawak niya.
"Salamat." sambit ko at nahiga na ulit.
"Magpahinga ka muna para mas mapadali yung paggaling mo. Aalis lang muna ako para magpalit ng damit." bilin niya bago siya lumabas ng kwarto ko.
Lumabas na siya ng kwarto at ako nama'y nakangiting tinitingnan ang kisame ng kwarto. Ewan ko kung bakit ang saya ko ngayon. Parang unti-unti nang nawawala yung lagnat ko dahil sa pag-aalaga sa'kin ni Enzo. Naisip ko lang, ang sarap pala sa pakiramdam kapag may nag-aalaga sa'yo? Kinapa ko ang dibdib kong patuloy pa rin sa pagtibok ng mabilis at dinama ang tunog nito. Ilang sandali pa ay nakatulog na rin ako.