Helena POV Nagpasya kaming magkita-kita nina Amara at Talia sa isang mall. Medyo naiilang pa rin ako dahil sosyal sila, pero ramdam ko namang mababait talaga. Nasa loob na sila ng restaurant nang dumating ako. “Hello,” bati ni Amara sabay beso sa akin. Ganun din si Talia. Ngumiti lang ako, medyo nahihiya pa. “Kain muna tayo,” sabi ni Talia na may ngiti. “Sigurado magugutom tayo mamaya sa tagal pumili ni Amara ng mga damit.” Napangiti lang ako sa kantiyawan nila. “Uy, huwag kang mailang sa amin,” sabi ni Amara. “Ituring mo na kaming isa sa mga best friend mo.” Nagtaas ng kilay si Talia. “Claiming yarn?” Sabay-sabay silang nagtawanan. Mas madaldal si Amara, mas makulit. Si Talia naman ay mas mature at kalmado. Habang tumatagal ang usapan, hindi ko na namalayang kumportable na ako.

