Duguan at sugatan ang mga taong nakalupasay sa sahig. Marami sila at nagkalat sa paligid. Hindi ko kilala ang mga taong ito kaya... bakit? Hindi ko alam kung bakit ako naririto at kung ano ang ginagawa ko rito. Ang pagkakatanda ko ay kasama ko lang ang aking anak. Walang pagbabago sa suot ko. Wala rin akong kahit anong daplis ng sugat sa aking katawan. Nakapagtataka.
Ilang segundo matapos magmasid ay nagulat ako nang gumalaw ang mga bangkay sa sahig. Nakakatakot ang paraan nila ng pagtitig sa akin. Nais kong umatras ngunit ayaw gumalaw ng aking mga paa. Walang ekspresiyon ang aking mukha ngunit sa loob loob ko ay gusto kong umiyak at sumigaw. Ano ba talaga ang nangyayari?
Hindi maipaliwanag kung bakit ang mga bangkay ay bigla na lamang naging kamukha ng aking anak. Nawala lahat ng dugo at mga sugat sa katawan. Doon na ako tuluyang nakahakbang paatras. Patuloy at walang tigil. Umiikot ang paligid at unti-unting lumalabo ang imahe na aking nakikita. Napasigaw ako nang bigla akong mahulog sa kawalan. Hindi ko alam kung bakit at kung saan.
Kadiliman. Wala akong nakikita kun’di ang kadiliman. Subalit may naririnig akong mga boses. Marami at sabay sabay na nagsasalita. Nakaramdam ako ng sakit. Sakit sa aking ulo, kalamnan, at buong katawan. Sobrang sakit kaya hindi ko mapigilan ang pagluha. Mayamaya ay may nararamdaman akong dalawang mabibigat at malalaking kamay. Hinahaplos niyon ang akin tiyan. Masakit. Maka-ilang beses niya itong ginawa. Nararamdaman ko na may kung anong mayroon sa loob ko ang unti-unting nawawala… namamatay.
Bumigat ang talukap ng aking mga mata. Bumagal ang aking paghinga. Punong puno ng pawis ang aking mukha. Pagkuwa’y muli na naman nitong nilapat ang kamay sa aking tiyan. Napahiyaw ako sa sakit. Sobrang sakit na parang dinudurog at kinukuha ang mga laman-loob na naroroon. Hindi ko kilala ang taong nasa likod ng mga kamay na ito, ngunit isa lang ang nasisiguro ko, kinasusuklaman ko siya. Bakit niya ba ito ginagawa? Hindi niya ba nakikitang nasasaktan ako? Ayoko. Ayoko nito! Subalit wala akong magawa. Hindi ko maikilos ang aking katawan. Isa pa’y wala akong makitang liwanag. Kahit kakarampot na liwanag bilang pag-asa… wala.
Patuloy sa pag-agos ang aking luha. Hanggang sa unti-unti, hindi na lang boses ko ang aking naririnig. Isang pag-iyak ng matinis na boses, boses na nagmumula sa sanggol. Malakas at masakit sa tenga. Sanggol? Bakit may sanggol? At ang mas nakakagulat ay hindi ko alam kung bakit natahimik ako ng marinig iyon? Nararamdaman ko ang pagkasabik at pagtambol ng puso ko. Pero bakit gano’n? Unti-unti… Humihina ang paghikbi. Hanggang sa wala na akong marinig. Muli, nakaramdam na naman ako na tila ba’y nahuhulog akong muli sa kawalan.
“Hindi! Ayoko na! Tama naaaaaaaaa!”
Napabalikwas ako ng bangon. Kinusot ko ang aking mata at nalilitong nagpalinga-linga sa paligid. Nakahiga ako sa aking kama at nasa loob ng kwarto. Ibig sabihin lang nito ay hindi talaga totoo ang nangyari. Patuloy sa panginginig ang aking katawan, parang totoong totoo talaga. Niyakap ko ang aking sarili at nagsimulang mapaiyak. Panaginip? Hindi pa rin ako makapaniwala.
Dali dali akong nagtungo sa kwarto ng aking anak, natagpuan ko siya doon na gising at pinipigtas ang mga talulot ng mga bulaklak. Niyakap ko siya ng mahigpit. Hanggang ngayon ay hindi pa rin mawala sa isip ko ang mga imaheng iyon. Ano kaya ang ibig sabihin ng panaginip ko? Tumayo ako at nakaisip ng ideya. Napagdesisyunan kong lumabas kahit gabi pa, ito na ang pagkakataon ko.
Malalim na ang gabi. Kasalukuyan akong naglalakad mag-isa sa tubugan upang marating ang bayan. Nang makalampas ako ay puro naglalakihang puno naman ang humaharang sa daan. Maliwanag naman ang buwan kung kaya’t kita ko ang aking dinaraanan. Isa pa ay kabisado ko na ang buong lugar. Nakakagulat lamang sapagkat bigla bigla na lang kumikidlat, dahilan para makita ko nang malinaw ang mga matatayog na puno. May kakaibang tunog ang nililikha ng mga nilalang at hindi ko matukoy kung ano iyon. Ngunit hindi ko ‘yon alintana. Kung sa normal na mga tao’y nakakatakot na ito, sa akin ay hindi dahil sanay na ako sa ganitong sitwasyon.
Patuloy lang ako sa paglakad hanggang sa makatanaw na ako ng mga kabahayan. Ibig sabihin lang nito ay nasa bayan na ako, kung saan narito namumuhay ng normal ang mga tao. Buti na lamang at sarado na ang mga pinto ng mga bahay at wala ng tao ang pagala-gala sa labas. May ilang bahay na nakasindi pa ang ilaw at maiingay. Nakagawian na ito ng mga naninirahan dito. Takot at kamangmangan. Ito ang kahinaan ng mga tao sa aming lugar. Mabuti na rin ito, sa isip isip ko. Hindi na namin kailangang sabayan ang pag-ikot ng mundo.
Wala akong ideya kung saan mahahanap ang batang iyon. Pero nagpatuloy lang ako. Nakarating na ako sa kalsada. Walang tanod na naglilibot rito dahil naniniwala ang lahat sa kapayapaan. Walang naglalakas ng loob na gumawa ng krimen. At pumapabor sa akin iyon. Hindi naman naging mahirap ang paghahanap dahil nakita ko na siyang naglalakad mag-isa habang may kausap sa telepono. Pinagmasdan ko ang paligid, walang katao-tao.
“Psst!” pagtawag ko rito upang lumingon sa kinaroroonan ko. Ngunit mukhang hindi ako narinig dahil patuloy lamang ito sa paglalakad.
“Psst, psst!” Matapos kong ulitin iyon ay sa wakas, huminto siya sa paglalakad at nagtatakang luminga sa paligid niya.
“Damn, what’s that?”
Nagpalinga-linga ito sa paligid. Nagtago akong mabuti sa isang poste. Medyo may kadiliman sa parteng ito kaya sigurado akong hindi niya ako nakikita.
“May tao ba r’yan?”
Nauutal nitong bigkas. Nakikita ko ang panginginig ng kamay niya habang hawak ang aparato.
“Hey?” Hindi nito natuloy ang susunod na sasabihin dahil mukhang nagsalitang muli ang kausap nito sa telepono.
“Ah, hello? Ah, oo, sorry, bro. Parang may narinig lang kasi ako na kung ano. Konti lang naman ang nainom ko! Fine, ibababa ko na ang tawag. Kailangan ko nang umuwi dahil siguradong lagot ako kay mama niyan. Ulol, huwag mo nga akong takutin! Okay, sure. ‘Ge, bye!”
Nakita ko naman itong umiiling habang natatawa ito, matapos itinago ang telepono sa kaniyang bulsa.
“Tsk, parang tanga talaga. As if naman may r****t dito, ‘no,” natatawa pa itong kinakausap ang sarili niya. Sa tingin ko ay medyo lasing na rin ito, siguro ay nagkayayaan sila no’ng kausap niya sa telepono.
Napagpasiyahan ko namang lumitaw sa pinagtataguan ko, wala dapat sinasayang na oras. Hindi na nakapagtataka na nagulat ito nang makita ako. Pero ngumiti naman at biglang kumaway.
“Hi Miss, ako si Carlo.”
Walang duda nga na ito ang hinahanap ko. Mas lumapit pa ako dahilan para tumutok sa akin ang ilaw na nakalagay sa itaas ng poste. Kinusot-kusot niya pa ang kaniyang mata. Nang makita niya naman ng malinaw ang kabuuan ko ay labis ang takot sa kaniyang mukha. Nanginginig ang tuhod nito habang umaatras papalayo.
“Tangna, mas g-gusto ko pa ang r-r****t kaysa m-multo…” naririnig kong sambit niya.
Tumalim ang titig ko sa kaniya. Iniinsulto ba ako ng batang ito?
Natataranta itong nagpalinga-linga sa paligid at nagsisisigaw. Handa na siyang tumakas ngunit inilabas ko ang palakol na kanina ko pa ikinukubli sa aking likuran. Inigahis ko iyon sa kaniya at tumama naman ang talim nito sa kaniyang likod. Hindi pa naman ganoong malayo ang naitakbo niya. Daplis lang ang naidulot niyon ngunit tama lang upang mapaluhod siya sa sakit. Nagsimula nang magdugo ang sugat niya. Lumapit ako at hinugot pabalik ang palakol ko. Sabagay, kung hindi ko siya sasaktan ay hindi ko makukuha ang mata niya.
“Aaargh! M-Maawa ka…”
Sumisilay ang matinding takot at sakit sa kaniyang mga mata. Lumapit ako at humarap sa kaniya upang mas makita ito ng mabuti. Matagal kong pinakatitigan iyon, napakaganda nga ng mga mata niya. Tila malinaw kong nakikita doon ang kulay ng mapayapang kalangitan o di kaya’y ang kulay ng tubig sa dagat. Ang hula ko ay may lahi ang batang ito kaya ganoon ang kulay nito. Nagsimula tuloy akong makaramdam ng inggit dahil parang gusto ko ring magkaroon ng ganoong klaseng mata.
“Wala ka sa isang makalumang pelikula,” komento ko.
Pero ang tumatakbo lang sa isip ko ngayon ay ang aking anak, mas ninanais niya ang mga matang ito. Kaya ibibigay ko kung ano ang gusto niya at kung ano ang makakapagpasaya sa kaniya.
“Pasensya ka na, ngunit kailangan mong mamatay.”