Chapter 8
“Sayah, maging alerto ka.”
Saglit lamang na tiningnan ni Sayah si Fernis nang magsalita ito. Muli niyang ibinalik sa kalaban ang kaniyang mga mata. Nakalutang pa rin ito sa ere at nakangiting nakatingin sa kaniya.
May sungay ang babae at may malaking ahas na pumapaligid dito. Anong klase itong nilalang?
“Huwag mong hahayaan na malanghap mo ang itim na usok na pinapakawalan niya. Lason ang usok at sa oras na malanghap mo ay aatakihin nito ang maseselang bahagi ng katawan mo.”
Mahigpit ang naging paghawak niya sa kaniyang katana. Hindi niya inaasahan na may makakaharap siyang kakaibang klase ng kalaban ngayong araw. Sana lang ay huwag pumunta si Pika sa plaza upang hindi ito madamay.
“Bata, balita ko ay muntik mo nang mapaslang ang isa pinakamalakas na pureblooded x vampire? At ilang taon na ang nakalipas nang mangyari ‘yon. Ibig sabihin kapag napaslang kita ngayon ay isang napakagandang pangyayari iyon para sa akin. Si Revis, napaslang ang batang vampire hunter na muntik nang makapatay kay Astar! Tiyak na kapag nagkita kami ni Astar ay luluhod iyon sa aking harapan!”
Tumaas ang kaniyang tingin at tumuwid siya ng tayo. Kung ganoon ay kasabwat ng nilalang na nasa kaniyang harapan ang mga masasamang bampira na kanilang nakalaban. At maaaring ang pinuno rin nito ay ang pureblooded x vampire na may marka ng bungo sa leeg.
Ang bampirang pumaslang sa kinilala niyang pamilya.
“Sayah. Sayah, ano ang naiisip mo?” tanong ni Fenris sa kaniya.
Ipinikit niya ang kaniyang mga mata at pumorma upang umatake. Mas malakas ang kaniyang pakiramdam sa nilalang na nasa kaniyang harapan kapag nakapikit ang kaniyang mga mata. Nakikita niya ang sinulid na pula sa isipan, ang sinulid na pula na iyon ang tanda ng masamang nilalang sa kaniyang harapan.
“Kailangan kitang mapaslang ngayon din!” sigaw ni Revis sa kaniya at naramdaman niyang nagpakawala ito ng atake.
Tumalon si Sayah at tumakbo paikot sa plaza habang iniiwasan ang mga atake ni Revis.
“Sayah! Sa likod at harap mo!” sigaw ni Fenris.
Nakapikit pa rin ang kaniyang mga mata at tama nga si Fenris dahil may mga itim na mahika na papatama sa kaniya sa kaniyang likod at harapan. Mabilis na tumalon si Sayah at nagtama ang mga atake ni Revis at naglaho ito. Siya naman ay iniiwasan pa rin ang mga atake ni Revis habang papalapit dito.
“Magaling! Napakagaling mo nga!” sigaw ni Revis at narinig niyang sinundan pa nito iyon ng pagtawa.
Nang buksan ni Sayah ang kaniyang mga mata ay napansin niyang nasa isang gilid si Fenris at mukhang nagpapataw ito ng malawak na mahika sa buong plaza. Magkadikit ang mga palad nito at mayroong gintong liwanag sa katawan nito.
“Huwag kung saan-saan ang tingin, bata!” sigaw ni Revis sa kaniya at tumalon ito upang bumaba at bigla siyang inatake gamit ang cane nito..
Nagpakawala ang cane nito ng itim na mahika at mabilis na pumunta sa direksyon niya. Tumalon siya paatras at pagkatapos ay sinalag gamit ng kaniyang katana ang itim na mahika. Ngunit nasugatan siya sa kaniyang pisngi nang may surpresang pag-atake pa itong ginawa.
“Sa una ka lang ba magaling bata?! Baka hindi manlang ako pagpawisan sa ‘yo.” Sabi nito.
Nakaramdam siya ng galit sa sinabi ni Revis, hindi siya nageensayo para lang makatanggap ng insulto sa kahit na kanino. Hindi siya naging vampire hunter dahil lang sa wala, matinding pageensayo ang kaniyang pinagdaanan at marami na siyang nakalaban na mga bampira.
Sayah...
Nanlaki ang kaniyang mga mata nang marinig ang boses na ‘yon. Hindi siya maaaring magkamali kung sino ang nagmamay-ari ng boses na ‘yon!
Naibaba niya ang kaniyang katana at lumingon sa paligid.
“Xandro...” sabi niya at hinanap ito sa buong paligid.
“Sayah! Huwag kang papalinlang sa naririnig mo! Isa sa kapangyarihan ni Revis na ilagay ka sa isang ilusyon! Kung sino ang taong iniisip mo ay siyang maririnig mo sa iyong isipan!”
Naging alerto si Sayah nang marinig ang sinabi ni Fenris. Kung ganoon ay si Revis ang may kagagawan non. Nakita ni Sayah na masamang tumingin si Revis kay Fenris, mukhang hindi pa ito tapos sa pagpapatawa ng mahika sa buong plaza kaya’t nang tumakbo si Revis papunta kay Fenris ay hinabol niya ito.
“Manahimik kang—
Ngunit bago pa nito maatake si Fenris ay mabilis ang ginawa niyang pag atake dito.
“Ahh!”
Putok ang isang kamay ni Revis dahil sa kaniyang ginawa. Napaatras dito at nakita niyang tumutulo ang kulay itim nitong dugo sa kamay na naputol niya. Masama ang pagtingin na ginawa ni Revis sa kaiya, ang kaninang pulang mga mata nito ay naging itim at ang sungay ay mas lumaki. Nanginig din ang lupa at nabalutan si Revis na kulay itim na aura.
“Sayah, malapit na, maikukulong ko na siya dito sa plaza, konti na lang ilang segundo na lang ang kailangan ko. Pakiusap, gawin mo ang lahat para makuha mo ang atensyon niya.” Sabi ni Fenris.
Kung ganoon ay ang ginagawa pala nito ay gumagawa ng kulungan para kay Revis. Kaya’t buong plaza kanina ay napaiikutan ng gintong liwanag.
Nanginig ang buong paligid at nakatingin sa kaniya si Revis na puno ng galit. Ang kamay nitong naputol ay muling nanumbalik sa dati. Ang ahas nito sa itaas ay naglaho at pagkatapos ay sumanib dito. Nag-iba ang anyo ni Revis at nakita niya kung paano ito magbago ng anyo.
“Tapos na!” sabi ni Fenris kasabay ng pag-atake ni Revis sa kanila.
“Magbabayad ka sa ginawa mo! Wala pang kahit na sino ang nakakasugat sa akin!” galit na galit na sigaw ni Revis habang nakatingin sa kaniya.
Hinanda ni Sayah ang sarili, sinalag niya ang atake ni Revis ngunit sa lakas ng pwersa ay napaatras siya at bumaon ang kaniyang paa sa lupa.
“Bwisit.” Bulong niya.
Tumakbo si Sayah nang magpakawala ng mga itim na matutulis na bagay si Revis sa kaniya upang atakihin siya. Nadaplisan siya ng isang matulis na bagay sa braso at kaagad na tumulo ang kaniyang dugo mula roon.
“Sayah!” sigaw ni Fenris sa kaniya.
“Ayos lang ako!” sabi niya dito at nakita niyang inatake ni Fenris si Revis.
Malakas ang kalaban nila ngayon, alam niya kung gaano kalakas ang mahika ni Fenris pero nakita niyang nahihirapan ito sa pakikipaglaban kay Revis. Mabilis ang huli sa pag-atake at kahit na siya ay hindi na niya mabasa kung saan ito susunod na aatake. Nahihirapan na siyang basahin ang bawat galaw nito.
Mahigpit na hinawakan ni Sayah ang kaniyang katana. Hindi niya palalampasin ang ginawa ni Revis kanina nang gumawa ito ng ilusyon at iparinig sa kaniya ang boses ni Xandro. Sabik na siyang makita ang lalake at akala niya ay totoo na itong naroon kanina.
Huminga siya ng malalim at umatras upang bumwelo. Ginamit niya ang kaniyang kaliwanag kamay sa paghawak ng katana at mabilis siyang tumakbo sa pwesto ni Revis. Inatake niya ito at nasasalag naman ito ng huli.
“Hindi mo ako kaya kung ang gamit mo lang ay ang katana na ito, bata!” sabi ni Revis sa kaniya habang sinasalag nito ang pag-atake niya.
“Wala kang kapangyarihan! Wala kang mahika! At ito lang na—
Mabilis ang ginawa niyang pagkilos nang hinawakan nito ang kaniyang katana, sinipa niya sa tiyan si Revis at napasuka ito ng itim na dugo. Tumama ang katawan nito sa puno dahil sa lakas ng kaniyang pagkakasipa.
“Wala akong kapangyarihan tulad ng mga wizard dito sa lost world...” sabi niya at matalim na tumingin kay Revis.
“Pero hindi iyon sapat na dahilan para titigan mo ako na parang isa akong mahinang nilalang.”
Naglakad siya palapit kay Revis at pagkatapos ay itinutok niya ang kaniyang katana dito.
“Wala man akong mahika ngunit sisiguruhin ko na ang katanang ito, ang tatapos sa buhay mo.”