Chapter 9

2201 Words
Chapter 9   Malakas na tumawa ang nilalang sa harapan ni Sayah. Naibaba niya ang kaniyang katana sa nakita niyang reaksyon nito sa kaniyang sinabi. Unti-unti ay bumangon si Revis at pagkatapos ay pinunasan nito ang itim na dugo sa gilid ng labi. Sa kaniyang nakikita sa nilalang ay mukhang hindi naman ito napuruhan sa kaniyang pag-atake. Tuwid ang tayo nito at hinawakan lamang ang tagliran. Nang maglakad ito papunta sa kaniya ay hindi siya natinag sa kinatatayuan. “Sayah!” rinig niyang sigaw ni Fenris ngunit hindi pa rin siya kumilos. Masama ang tingin na ibinigay niya kay Revis habang ang huli naman ay nakangiti sa kaniya. Alam niya kung gaano ito kalakas pero hindi siya basta-basta susuko dito. “Hanga ako sa tapang mo, bata. Hindi na ako nagtataka kung bakit nais kang paslangin ni Astar, at sa nakikita ko ay hindi naman siya uubra sa ‘yo dahil mahinang nilalang ang isang ‘yon!” sabi ni Revis. Napakunot ang kaniyang noo sa mga sinasabi nito sa kaniya. “Sa ngayon ay palalampasin ko ang ginawa mo sa akin. Ikaw pa lang ang unang nilalang na nakatama ng atake sa akin.” Sabi nito at pagkatapos ay muling lumabas ang malaking ahas at lumutang si Revis paitaas at muling naupo sa malaking ahas. “Sa susunod natin na pagkikita ay tatapusin na kita.” Nang umangat ito ay napatingin si Sayah sa ginawa ni Fenris na barrier, ngunit laking gulat nilang dalawa nang walang kahirap-hirap na nabasag ang barrier at nakatakas si Revis. Nang makaalis ito ay hinarap niya si Fenris, ibinalik niya sa lagayan ang kaniyang katana at naglakad palapit rito. “Hindi ko inaasahan na ganoon siya kalakas. Masyado kong minaliit ang kakayahan niya. Sa tingin ko ay ito ang dapat paghandaan ng lahat ng nasa lost world. Hindi nababawasan ang mga nilalang na nagpapalaganap ng kasamaan at mas lumalakas pa sila.” Sabi ni Fenris. Nilingon ni  Sayah ang huling pwesto kung saan naglaho si Revis. Napakuyom siya ng mga kamay. Kung ganoon ito kalakas ay tiyak na malalakas din ang mga kasama nito. Naalala niya si Astar, ang pureblooded x vampire na kaniyang nakalaban noon, hindi biro ang lakas ni Astar at maski sina Zico ay alam iyon. Kailangan nilang paghandaan ang labanan na mangyayari, ito na ang kaniyang sinasabi noon pa. Hindi basta-basta mawawala ang mga masasamang bampira, may pinaplano ang mga ito at hindi niya alam na hindi na lang bampira ang kanilang makakalaban, nagsabwatan na ito at ang mga itim na wizard. Sino-sino pa ang mga lalabas sa mga susunod na araw? Sino pa ang magpapakita ng kasamaan sa kanila? “Sayah! A-ayos lang ba kayo?” Napalingon si Sayah nang marinig niya ang boses ni Pika, puno na ng laman ang dalawang basket na hawak nito kaya’t mabilis niya itong nilapitan. Nakikita rin niyang nahihirapan na ito sa pagbubuhat sa dala-dala nito. “Ayos lang, uwi na tayo?” tanong niya kay Pika at kinuha ang isang basket dito. “Uhm! Uwi na tayo, tiyak na naghihintay na rin sila sa atin at saka magluluto pa ako ng pagkain.” Sabi ni Pika. Maglalakad na sana ito nang mapatingin ito kay Fenris. “Sasama ba siya sa atin, Sayah? Hindi ba siya kalaban? Mabait ba siya? Nakakatakot siyang tumingin.” Sabi ni Pika ng sunod-sunod. Napakamot siya sa kaniyang batok dahil sa reaksyon ni Pika. Madalas talagang dire-diretso ang bibig nito kahit pa kaharap lang nila ang nilalang na tinutukoy nito. Nang tumingin si Sayah kay Fenris ay nakita niyang napalayo ang tingin nito at muling isinuot ang balabal. Lumapit siya kay Pika at kinuha pa ang isang basket na hawak nito at pagkatapos at naglakad siya palapit kay Fenris at iniabot dito ang basket na kaagad naman na kinuha nito. “Kailangan mo na makausap si Master Kizo, hindi ba? Sumama ka na sa amin. Sa vantress ang tungo namin ng kasama ko. Siya si Achipika, isang goblin at nakatira din siya sa lupain na pagmamay-ari ng vantress.” Sabi niya. Tumango si Fenris, “Oo, kailangan kong makausap si Kizo, kailangan kong iparating ang masamang balita na ito upang makagawa ng plano at makapagpadala ng mga magbabantay sa bawat nayon.” Nagsimula na silang maglakad at si Pika naman ay nahuhuli niyang patingin-tingin kay Fenris. “Mukha siyang masungit Sayah, kanina ay sinungitan ka, ‘di ba? Naku, hindi kaya kalaban talaga siya at nagpapanggap lang na may kailangan na sabihin kay Lolo Kizo?” tanong ni Pika. Ngumiti siya at umiling sa kaibigan, “Hindi, mabuti siyang nilalang, Pika. Isa siyang wizard at iniligtas niya ako kanina sa isang kalaban. Nang nasa plaza kami ay may isang kakaibang nilalang ang biglang nagpakita at tinulungan ako ni Fenris na kalabanin ‘yon.” Napatingin si Sayah kay Fenris na nauunang maglakad sa kanila, medyo malayo ito sa kanila kaya’t nakakapag-usap sila ni Pika ng malaya. “Naku naku naku! Ganoon ba? Hindi ka ba napaano? Hindi ka ba nasaktan? Anong klaseng nilalang iyon, Sayah at bakit kakaiba?” tanong ni Pika. “Isang nilalang na kakaiba ang anyo, may sungay ito, mahaba ang buhok, at may malaking ahas na alaga. Gumagamit ito ng itim na mahika at sa tingin ko ay isa itong wizard. Mayroon itong wand at malakas ang kapangyarihan nito.” Sabi niya. “Nakakatakot! Kung ganoon ay hindi na lang talaga mga bampira ang dapat na bantayan ngayon dito sa buong lost world. Nakakatakot nakakatakot nakakatakot talaga. Ang nilalang ba na ‘yon ang dahilan kung bakit napaslang ang isang babae kanina?” tanong ni Pika. Iyon ang hindi niya nakumpirma pero sigurado siyang iyon ang dahilan ng pagkamatay ng babae kanina sa palengke. Gumagamit ng itim na mahika si Revis at ang nakapaslang sa babae sa palengke ay isang itim na mahika. “Calixia.” Napatingin si Sayah kay Fenris nang tawagin siya nito. “Bakit?” tanong niya at lumapit sila ni Pika dito. “Saan liliko? Sa kaliwa o sa kanan? Dalawa ang lilikuan at hindi ko alam kung saan.” Napahawak siya sa kaniyang batok, oo nga pala at ito ang nauunang maglakad, hindi nito alam ang daan papunta sa vantress. Ngayon kasi ay papasok na sila sa gubat at kung hindi mo talaga kabisado ang papuntang vantress ay maliligaw ka. “Kaliwa.” Sabi niya at nauna na sila ni Pika na maglakad upang sumunod na lang si Fenris Pagkatapos ng mahigit kalahating oras na paglalakad ay narating na nila ang vantress. Sa harapan pa lang ng headquarters ay nakaagaw na kaagad sila ng pansin ng mga nagsasanay na mga bagong estudyante ng vantress. Napahinto ang ilan sa pagsasanay at nakatingin sa kanila. “Narito na tayo, Fenris. Ito ang headquarter ng vantress, dito naninirahan ang mga estudyante na nagsasanay upang maging vampire hunters.” Sabi niya. Pumasok sila sa loob ng headquarters at dumiretso sa kusina upang ibaba ang mga pinamili ni Pika. Nang pumasok sila sa kitchen ay napahinto ang mga nagluluot at nagaasikaso ng mga pagkain. Nakatingi nang mga ito kay Fenris. “Sayah...” Nilingon ni Sayah ang tumawag sa kaniya. Nakita niya si Xen na may hawak na itim na katana. Itim ang kulay ng katana pati na ang talim nito. “Bagong estudyante?” tanong ni Xen at pinakatitigan si Fenris. Umiling siya sa tanong ni Xen, “Hindi, hinahanap niya si Maaster Kizo dahil kailangan niya itong kausapin, nasaan ba ang master, Xen? Ihahatid ko si Fenris sa— Napahinto si Sayah sa pagsasalita nang biglang itutok ni Xen ang katana niya kay Fenris. Nagulat siya sa ginawa nito kaya’t kaagad siyang pumunta sa pwesto ni Xen at hinawakan ang kamay nitong may hawak na katana. Ibinaba niya iyon ng dahan-dahan. “Xen, hindi siya kalaban.” Sabi niya. “Paano ko malalaman kung hindi siya kalaban, Sayah? He’s looking for lolo, lahat ng naghahanap kay lolo na hindi ko kilala ay alam kong may masamang binabalak. Saan mo nakita ang isang ‘to? Hindi maganda ang pakiramdam ko sa kaniya.” sabi ni Xen. “Hindi rin naman maganda ang pakiramdam ko sa ‘yo.” Sagot naman ni Fenris. Masama ang tingin ng dalawa sa isa’t-isa na ikinailing na lang ni Sayah. Hindi niya alam kung paano sasawayin ang dalawa at malapit nang magkadikit ang mga ito. “Tumigil na, Xennon, hindi kalaban si Fenris. Nakita ko siya sa palengke kanina, mayroong pagpaslang na naganap at siya ang tumulong sa akin sa isang di kilalang nilalang. Narito siya sa vantress para makausap si Master Kizo at may hatid siyang importanteng balita. Nasaan ba si master, Xen?” tanong niya. Mukhang kumalma na ang itsura ni Xen, ibinalik ni Xen asa lalagyan ang katana at tumingin sa kaniya. “Kasama si Zico, nagsasanay sa ibaba, ihahatid ko ba kayo o hindi na?” tanong nito. “Huwag na, baka rin may gagawin ka. Kaya ko na na ihatid si Fenris kay master.” Sabi niya at tumingin kay Pika, “aalis na muna kami, Pika, kita na lang tayo mamaya.” “Oo, Sayah! Sabay tayong maghapunan, ha? Namimiss ka na rin ng anak ko!” sabi ni Pika sa kaniya. Ngumiti lang siya at pagkatapos ay naglakad na sila ni Fenris. “Nasa ibaba pala ang master at si Zico. Hindi naman malayo dito iyon.” Sabi niya at tumingin siya kay Fenris. Ang huli naman ay umiikot ang paningin sa kanilang mga nadadaanan. “Kailan ka pa narito sa vantress, Calixia?” tanong nito sa kaniya. Napangiti siya, napakatagal na rin kung kaniyang aalalahanin. “Mahigit sa sampung taon na, Fenris. Dito na ako lumaki, siyam na taong gulang ako nang mapunta ako dito sa vantress.” Sabi niya. “Siyam? Napakabata mo pa. Narito din ba ang pamilya mo?” tanong ni Fenris sa kaniya. “Hmm, paano ko ba ipapaliwanag. Medyo magulo kasi pero kaya ako napunta dito noong siyam na taong gulang ako ay dahil pinaslang ng isang pureblooded x vampire ang aking mga magulang at mga kapatid. Ako lang ang nakaligtas at si Zico ang nakakita sa akin, nagpumilit ako na sumama sa kaniya sa vantress at sinabi ko na nais kong maging isang vampire hunter upang maipaghiganti ang aking pamilya.” Sabi niya. Nang maramdaman niyang napahinto si Fenris ay nilingon niya ito. Nakita niya ang awa sa mga mata nito. “Kung ganoon ay sa murang edad ay nakaranas ka ng paghihirap.” Sabi nito. Huminga siya ng malalim at humalukipkip. Sumandal siya sa pader at pagkatapos ay tumingin dito. “Kung iisipin ay ganoon na nga. Pero ang nangyari sa aking pamilya ay ginawa kong motibasyon para mas pagbutihan sa pagsasanay bilang isang vampire hunter. Hindi naging madali, halos ilang taon akong nagsanay, maraming mga pagsubok pero hindi ako sumuko. Ang galit sa puso ko para sa mga masasamang bampira ang nagtutulak sa akin para magpatuloy, ang dahilan na nais kong maipaghiganti ang aking kinilalang pamilya ang nagbigay sa akin ng lakas para magtapos at maging isang vampire hunter.” Sabi niya. Nakakalungkot balikan ang nakaraan. Nawala ang kaniyang pamilya dahil sa bampirang iyon na may marka ng bungo sa leeg. Pinaslang ang kaniyang mga kinilalang kapatid at sa harap niya nakita niya kung paano maghingalo ang kaniyang mga magulang at walang awa pinatay ng bampirang ‘yon. Naipikit niya sandali ang kaniyang mga mata dahil sa mga ala-ala. “Kung ganoon ay may pagkakatulad tayo. Pinaslang din ng isang bampira ang aking mga magulang kaya’t napunta ako sa lugar ng mga wizard. May kinikilala akong ina at ang pangalan niya ay Attina, ito ang nag-alaga sa akin simula nang mapaslang ng bampira ang aking tunay na mga magulang. Nagpapatuloy ako ngayon dahil nais kong pasalamatan ang lugar na kumupkop sa akin at ipinakita na mayroon pang dahilan kung bakit ako nabubuhay.” Sabi nito. Parang ganoon din ang vantress sa kaniya. Binigyan siya ng bagong pag-asa, nakakilala siya ng mga bagong pamilya hanggang sa mailapit siya ng mga ito sa tunay niyang mga magulang. “Pero, dito ko rin nakilala ang tunay kong mga magulang.” Sabi niya na ikinagulat ni Fenris. “Kung ganoon pala ay hindi ka tunay na anak ng unang kinilala mong mga magulang?” tanong ni Fenris. Tumango siya dito. “Oo, ako rin ay hindi makapaniwala noon pero masyadong mapaglaro ang tadhana. Hindi ko alam na mga dating vampire hunter ang aking tunay na mga magulang.” Sabi niya at napahawak siya sa kaniyang kwintas, “Nagpapasalamat ako dahil nakakasama ko na sila pero kahit na nakilala ko ang aking tunay na mga magulang ay hindi pa rin ako tumitigil na magsanay upang ihanda ang aking sarili sa paghaharap namin ng bampirang pumaslang sa aking kinilalang pamilya.” Tandang-tanda pa rin ni Sayah ang gabing iyon, umuulan ng niyebe, malamig ang panahon. Nagtatago siya sa loob ng cabinet at dinig na dinig niya ang pagmamakaawa ng kaniyang mga kapatid na huwag itong paslangin. “Halika na, tiyak na tapos na ang pagsasanay ni Master Kizo at ni Zico ng mga oras na ito.” sabi niya. Tumango si Fenris at nagsimula na silang maglakad muli.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD