Chapter 10
“Zico!”
Sigaw ni Sayah nang makita niya si Zico. Kasama niya si Fenris na lumapit dito at kay Kizo. Katatapos lang magsanay ng mga ito at namamahinga na si Zico. Kahit na may katandaan na si Kizo ay napakagaling pa rin nito sa pakikipaglaban.
Isa sa dahilan kung bakit namamangha siya dito, napapanatili nito ang galing sa pakikipaglaban kahit na may katandaan na ito.
“Sayah, ano ang ginagawa mo dito? Ang akala ko ay magsasanay ka sa bundok?” tanong ni Zico sa kaniya.
Hindi siya kaagad nagsalita, tinitigan niya si Fenris na nasa likod niya at muling ibinalik niya ang kaniyang tingin kay Zico at kay Kizo.
“May importante kayong dapat na malaman, Zico. Narito si Fenris para ipaliwanag sa inyo ang nangyari sa palengke kanina. Mayroong siyang mahalagang sasabihin sa iyo, Kizo.” Sabi niya sa seryosong boses.
Buong akala niya ay si Fenris ang kalaban ngunit ito pala ang makakaalam kung sino ang kanilang bagong kalaban. Tiyak na magugulat si Zico sa balita na ito. Sa ilang taon niya sa vantress ay ngayon lamang niya nabalitaan ang tungkol sa pagsasabwatan ng mga itim na wizard at mga bampira, lalong-lalo na ang nilalang na nakalaban nila kanina.
Hindi niya makalimutan si Revis, ang kapangyarihang taglay nito at kung paano ito makipaglaban. Napakalakas, mas kailangan niyang magsanay dahil tiyak na magkikita sila nitong muli upang maglaban.
“Sino ang nilalang na ito?” tanong ni Kizo
Humakbang palapit si Fenris at yumuko ito bilang paggalang. Naglakad si Kizo at sinabi nito kay Fenris na sumunod sila naman ni Zico ay naiwan.
“Ano ang nangyari, Sayah? May pag-atake ba?” tanong ni Zico sa kaniya.
Tumango siya dito at kinwento ang nangyari sa bayan.
“Sayah!” rinig niyang sigaw ni Fenris ngunit hindi pa rin siya kumilos.
Masama ang tingin na ibinigay niya kay Revis habang ang huli naman ay nakangiti sa kaniya. Alam niya kung gaano ito kalakas pero hindi siya basta-basta susuko dito.
“Hanga ako sa tapang mo, bata. Hindi na ako nagtataka kung bakit nais kang paslangin ni Astar, at sa nakikita ko ay hindi naman siya uubra sa ‘yo dahil mahinang nilalang ang isang ‘yon!” sabi ni Revis.
Napakunot ang kaniyang noo sa mga sinasabi nito sa kaniya.
“Sa ngayon ay palalampasin ko ang ginawa mo sa akin. Ikaw pa lang ang unang nilalang na nakatama ng atake sa akin.” Sabi nito at pagkatapos ay muling lumabas ang malaking ahas at lumutang si Revis paitaas at muling naupo sa malaking ahas.
“Sa susunod natin na pagkikita ay tatapusin na kita.”
Nang umangat ito ay napatingin si Sayah sa ginawa ni Fenris na barrier, ngunit laking gulat nilang dalawa nang walang kahirap-hirap na nabasag ang barrier at nakatakas si Revis. Nang makaalis ito ay hinarap niya si Fenris, ibinalik niya sa lagayan ang kaniyang katana at naglakad palapit rito.
“Hindi ko inaasahan na ganoon siya kalakas. Masyado kong minaliit ang kakayahan niya. Sa tingin ko ay ito ang dapat paghandaan ng lahat ng nasa lost world. Hindi nababawasan ang mga nilalang na nagpapalaganap ng kasamaan at mas lumalakas pa sila.” Sabi ni Fenris.
Nilingon ni Sayah ang huling pwesto kung saan naglaho si Revis. Napakuyom siya ng mga kamay. Kung ganoon ito kalakas ay tiyak na malalakas din ang mga kasama nito. Naalala niya si Astar, ang pureblooded x vampire na kaniyang nakalaban noon, hindi biro ang lakas ni Astar at maski sina Zico ay alam iyon.
Kailangan nilang paghandaan ang labanan na mangyayari, ito na ang kaniyang sinasabi noon pa. Hindi basta-basta mawawala ang mga masasamang bampira, may pinaplano ang mga ito at hindi niya alam na hindi na lang bampira ang kanilang makakalaban, nagsabwatan na ito at ang mga itim na wizard.
Sino-sino pa ang mga lalabas sa mga susunod na araw? Sino pa ang magpapakita ng kasamaan sa kanila?
“Sayah! A-ayos lang ba kayo?”
Napalingon si Sayah nang marinig niya ang boses ni Pika, puno na ng laman ang dalawang basket na hawak nito kaya’t mabilis niya itong nilapitan. Nakikita rin niyang nahihirapan na ito sa pagbubuhat sa dala-dala nito.
“Ayos lang, uwi na tayo?” tanong niya kay Pika at kinuha ang isang basket dito.
“Ano? May bagong nilalang na pumapaslang at ang gamit nito ay itim na mahika?” tanong ni Zico.
Mukhang hindi nito inaasahan ang balita na dala niya. Nahulaan na niya na magugulat si Zico.
“Oo, at tiyak kong kasabwat ito ng mga masasamang bampira. Narinig ko na binanggit ni Revis si Astar at alam ko na hindi mo nakakalimutan si Astar, Zico. Siya ang nakalaban natin noon sa bayan ng derata.” Sabi niya.
Tumango si Zico sa kaniya at naupo ito sa upuan. Tumingin ito sa kaniya, nakikita niya ang seryosong mukha nito.
“Hindi ako makapaniwala na ganitong klaseng paghahanda ang ginawa nila. Kaya pala sobrang tahimik nila.” Sabi ni Zico.
Hindi rin niya inaasahan, pero hindi biro ang nangyari kanina. Sa ilang segundo ay kaagad na napaslang ang babae sa palengke.
“Hindi basta-basta ang mga bagong kalaban, Zico. Kaya nilang pumaslang ng inosenteng tao ng segundo lamang at maski ako ay hindi makapaniwala sa aking nasaksihan. Brutal ang pagkamatay at sa tingin ko ay nakakadagdag ng lakas sa kanila ang bawat taong napapaslang nila.” Sabi niya.
“Kailangan din natin na maghanda, dapat ay maipaalam na ito sa buong lost world.” Sabi ni Zico.
Tiyak na marami ang maghahanda dahil hindi basta-basta ang kanilang makakalaban. Naikuyom niya ang kama nang maalala ang sinapit ng babae kanina. Wala ang mukha nito at naliligo ito sa sariling dugo. Walang awa ang ginawang pagpaslang dito.
“Kailangan din itong malaman nila Jika, mamaya lang ay magkakaroon kami ng pag-uusap lahat at sasabihin ko ang tungkol dito. Tiyak na kikilos din ang tiyo pagkatapos nilang mag-usap ng nilalang na kasama mo.” Sabi ni Zico sa kaniya.
Tumango siya sa sinabi nito at hindi na muling nagsalita pa. Ang kaniyang isip ay puno ng mga katanungan tungkol kay Revis at sa mga sinabi nito kanina nang makalaban niya.