Chapter 11

1020 Words
Chapter 11 Nang makita ni Sayah na palapit na sa kanila si Kizo at si Fenris ay humarap siya sa mga ito. Seryoso ang mukha ni Kizo habang nakatingin sa kanilang gawi, alam ni Sayah na kapag ganoon ang itsura ni Kizo ay mayroon itong matinding pinaplano. Ang Kizo na kaniyang nakilala ay kahit mayroong panganib hindi ganoon ang ekpresyon ng mukha. Tiyak na pati ito ay hindi inaasahan ang bagong balita na hatid ni Fenris. Nang tingnan naman niya si Fenris ay wala na ang balabal nito. “Dito mananatili si Fenris sa mga susunod na linggo. Zico, ipatawag mo ang lahat ng lider ng vampire hunters at magkakaroon tayo ng pag-uusap mamaya.” Sabi ni Kizo. “Opo, tiyo.” Sagot naman ni Zico sa tiyo nito. Nang mapatingin siya kay Fenris ay nakita niyang nakatingin din ito sa kaniya. “Fenris, kung mayroon kang kailangan ay sabihan mo lang si Calixia. Ako ay aalis na upang gumawa ng pahayag tungkol dito sa balita na dala mo. Kailangan na malaman agad ito ng council upang makagawa sila ng hakbang. Hindi basta-basta ang inyong nakalaban at alam ko na mahihirapan tayo kapag mas dumami pa sila at kumalat sa buong lost world.” Tumango lamang si Fenris sa sinabi ni Kizo at nang maglakad na paalis si Kizo at nagpaalam na sa kanila si Zico at sinabi nito sa kaniya na kung mayroong problema ay kaagad niyang sabihin dito. Habang naglalakad sila pabalik ay napapansin niya ang patingin-tingin sa kaniya ni Fenris. Hindi naman ito nagsasalita, napansin niya lang na panay ang tingin nito sa kaniya na parang may gusto itong sabihin. Ang sumunod na ginawa nito ay isinuot nitong muli ang balabal. “May gusto ka bang itanong o sabihin?” tanong niya dito nang hindi na siya nakatiis pa. Huminto siya at humarap kay Fenris. Napahinto din naman ang huli. “Nang makausap ko si Kizo, hindi siya nagduda kung sino ako, tama nga ang sinabi ni pinuno na basta banggitin ko ang pangalan niya ay pagkakatiwalaan na ako ni Kizo at hindi pagdududahan na isang kalaban.” Sabi nito. Kung ganoon ang iyon pala ang iniisip ni Fenris. “Hindi nagpapadalos-dalos ng desisyon ang Master Kizo, pinag-aaralan niya palagi ang mga nilalang na nakakaharap niya at kung isa ka sa kalaban, kahit na malayo pa lang kanina ay tiyak na mararamdaman na niya iyon. Ganoon din si Zico.” Sabi niya. Sa tagal na pamumuno ni Kizo sa vantress at sa mga nakalaban na nito at nakaharap napakarami na nitong karanasan. Madali na lang para dito ang alamin kung isa bang kalaban ang nasa teritory nito. Isa iyon sa hinahangaan ni Sayah, akala niya noon ay mahihirapan na si Kizo sa pakikipaglaban, lalo na nang lusubin ng mga bampira ang vantress noon ngunit isa si Kizo sa napakalakas sa buong lost world, kahit na matanda na ay hindi pa rin nawawala ang galing at lakas nito sa pakikipaglaban. “Ang nakita kong itsura kanina ni Master Kizo ay hindi basta-basta. Madalas ko siyang makitang nakangiti, minsan kahit na nakakatanggap siya ng balita tungkol sa paglusob ng mga bampira sa bawat nayon ay kalmado lamang ang kaniyang itsura, ngunit ang kanina ay nakakita ako ng kaseryosohan at... panganib.” Sabi niya. “Alam kong hindi biro ang nakalaban natin kanina sa bayan, sa itsura pa lang ng nilalang at sa galing at bilis nitong makipaglaban ay alam ko na na mahihirapan kami. Hindi kami gumagamit ng mahika katulad ninyo, Fenris, lakas, bilis at talas ng pag-iisip ang aming panlaban. Nang iparamdam sa akin ni Revis na isa akong mahinang nilalang dahil sa hindi ko paggamit ng mahika ay nakaramdam ako ng galit.” Naikuyom niya ang kaniyang mga kamay. Hindi niya nais maalala ang pangyayaring iyon ngunit hindi mawala sa kaniyang isipan. Ang klase ng tingin na ibinigay sa kaniya ng nilalang na iyon ay para siyang isang mahinang nilalang. Isang mahinang nilalang dahil hindi siya marunong gumamit ng mahika. “Alam kong hindi sa paggamit ng mahika lang nasusukat ang lakas ng isang nilalang. Ipapakita ko iyon kay Revis sa oras na muli kaming magkita.” Sabi niya. Hindi siya nagensayo ng ilang taon para lamang hamakin ng isang nilalang. Kahit na hindi siya gumagamit ng mahika ay mayroon naman siyang lakas ng katawan, bilis ng pag-iisip at diskarte na ginagamit niya para makapaslang ng mga kalaban. “Kung... nais mong magkaroon ng mahika ay maaari naman.” Napatingin siya kay Fenris dahil sa sinabi nito. Hindi niya alam ang tungkol doon. “Pero hindi ganoon kadali. Ang mga normal na tao na hindi ipinanganak na nakakagamit ng mahika ay hindi kaagad nagkakaroon ng kakayahan na gumamit nito. Mahirap ang proseso, mayroon akong kilala na isang normal lamang na nilalang ngunit isa na sa pinakamalakas na wizard ngayon.” Sabi ni Fenris. Hindi niya inaasahan na posibleng mangyari iyon. Alam niyang maraming malalakas na wizard sa buong lost world pero si Zico na ang nagsabi sa kaniya na ang mga ito ay nakakagamit ng mahika dahil sa dugong nananalaytay sa mga ito. Mayroong dugong wizard. Hindi basta-basta makakagamit ng mahika ang mga katulad nila kung hindi sila nanggaling sa linya ng mga wizard sa lost world. “Maaari kang bigyan ng kapangyarihan ng isang matandang wizard pero delikado, Calixia. Maaaring ang magiging kapalit ay...” Hindi na narinig ni Sayah ang sinabi ni Fenris dahil sa nilalang na nagtakip sa kaniyang mga tainga. Nang makita niya ang reaksyon ni Fneris habang nakatingin sa nilalang sa kaniyang likod ay kaagad itong dumistansya sa kaniya at inilabas ang isang katana nito. Ngunit si Sayah naman ay napakabilis ng t***k ng dibdib. Hinawakan niya ang mga kamay na nakatakip sa kaniyang mga tainga at pagkatapos ay umikot siya paharap sa nilalang na may gawa noon. “Naniniwala akong hindi na niya dapat pang malaman ang tungkol dito, wizard.” Napaawang ang kaniyang mga labi habang nakatingin sa nilalang na bigla na lang dumating. Hindi manlang niya naramdaman ang presensya nito kanina! Pagkatapos ng ilang taon! Ilang taon ang lumipas! Sa ganitong sitwasyon ito nagpakita sa kaniya. “X-Xandro...”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD