Chapter 12 Hindi makapaniwala si Sayah habang nakatingin siya sa lalakeng may takip sa kaniyang mga tainga. Napalunok siya at muling napaharap kay Fenris na nakatingin lamang kay Xandro. Hindi ni Sayah inaasahan na sa ganoong pagkakataon niya si Xandro makikita. Pagkatapos ng ilang taon! Pagkatapos ng ilang taon ay sa ganitong sitwasyon ito lalabas. Noon ay nagpakita ito nang muntik na siyang mapaslang ng isang batang bampira, at noong nakalaban niya sila Astar ay nakita niya itong nakatanaw sa kaniyang bintana. Ito na ang araw na hindi niya inaasahang makita ito. Sa loob ng ilang taon na nais niyang makita si Xandro ay hindi ito nagpakita, ngayong araw pa na normal lamang at walang panganib, kung kanina ay mas maiintindihan niya pa. “Xandro, ano ang ginagawa mo dito?” tanong niya.

