Chapter 7
“Oo nga, ako rin, wala naman na pinapaslang na babae. Andyan pa ako sa pwesto na iyan kanina.”
Nang makita ni Sayah ang babaeng nagsalita kanina tungkol sa kung sino ang pinaslang ay nilapitan niya ito.
“Ale, nakita ho ba ninyo ang pinaslang na babae kanina rito?” tanong niya.
“Ha? Wala naman pinapaslang dito, hija, edi kung mayroong pinaslang ay sana nagstitakbuhan na ang mga tao pero tingnan mo naman at dagsa pa rin ang mga ito at namimili.” Sabi sa kaniya.
Nang lingunin niya ang lalakeng may sunog sa mukha ay ngumiti lamang ito. Naglakad ito palapit sa kaniya at pagkatapos ay tumingin ito sa paligid.
“Walang nakakaalala ng nangyari kanina, hindi ba? Burado na sa kanilang mga ala-ala. Ang babae na pinaslang kanina ay hindi na nila muli pang maaalala kahit na ang tunay na pamilya nito. Burado na ang buhay ng babae sa mundong ito.”
Kung ganoon ay bukod sa mga masasamang bampira mayroon pa silang dapat na paghandaan na mga kalaban.
Mahigpit na napahawak siya sa hawakan ng kaniyang katana. Bigo siya ngayong araw na mailigtas ang isang inosenteng buhay dahil sa isang kalaban na napakabilis pumaslang.
“Ang mga kalaban... ang itim na mahika na iyon, anong mga klaseng nilalang sila?” tanong niya.
“Sa tingin ko ay hindi ito ang tamang lugar para pag-usapan ang tungkol dito.” Sabi sa kaniya ng lalake.
“Sayah! Konti na lang ang ipapamili ko, sandali lang ito, maaari kayong mag-usap sa plaza. Pupunta ako doon pagtapos kong mabili ang lahat ng mga kailangan.” Sabi ni Pika sa kaniya.
“Oh, sige. Mag-iingat ka.” Sabi niya.
Naglakad sila ng lalake papunta sa plaza, nang marating nila ang plaza ay walang mga tao ang naroon at tanging sila lang.
“Ako si Fenris at isa akong wizard ngunit marunong din na gumamit ng katana katulad mo.” Pagpapakilala nito sa kaniya.
“Sa mga tanong mo sa akin mukhang ngayon mo pa lang nalaman na bukod sa mga masasamang bampira ay mayroon pang mga nilalang na pumapaslang ng mga inosenteng tao.” Sabi nito sa kaniya.
Totoo iyon. Simula nang hangarin niya na maging isang vampire hunter ay ang nasa isip lang niya na kailangan niyang maipaghiganti ang kaniyang pamilya sa bampira na pumaslang sa mga ito. Hindi niya alam na bukod sa mga masasamang bampira ay mayroon pang ibang mga masasamang nilalang na pumapaslang ng mga inosenteng tao.
“Tama ka, ngayon ko lang ito nalaman. Simula nang maging mag-aaral ako ng vantress at hanggang maging isa akong ganap na vampire hunter, ang alam kong dapat kong gawin ay paslangin ang mga masasamang bampira na kumikitil ng buhay ng mga inosenteng tao.” Sabi niya.
Naupo si Sayah sa bangko at tumingin sa lalake na nasa kaniyang harapan. Tumango ito sa kaniyang sinabi.
“Maraming sikreto ang mundong ito, Calixia. Maraming mga nagtatagong kalaban sa dilim at kumikilos ng walang nakakaalam. Hindi lamang mga bampira ang matinding kalaban natinG mga nagpapanatili ng kaayusan dito sa lost world. Maraming mga masasamang nilalang ang nagpapalaganap ng kasamaan at kahit na ako ay hindi ko pa natutukoy ang iba.”
“Isang buwan pagkatapos ng pista sa aming lugar, isang balita ang nagpatigil sa buong Clovus. Mayroong mga nilalang ang gumagamit ng itim na mahika upang pumaslang at kumuha ng lakas sa mga inosenteng tao. Ang aming lugar ay tahanan ng mga wizards, Calixia. Mayroon kaming mga kasamahan na gumagamit ng itim na mahika ngunit sa malinis na paraan, maaaring maging masama ang imahe ng aming mga kasama dahil sa balitang ito.”
“Ipinadala ako ng aming pinuno sa vantress upang makipagtulungan na mahanap ang nagpapalaganap ng kasamaan na ito. Naniniwala ang aming pinuno na may kinalaman ang mga pure blooded x vampire sa nangyayaring ito kaya’t ipinadala niya ako upang ipaalam ito kay Kizo.”
Naiintindihan na niya ngayon. Kung ganoon na kasabwat ang pureblooded x vampire na iyon ay mas dapat silang maghanda. Hindi basta-basta ang mga kalaban ngayon lalo pa at mabilis ang mga ito na kumilos.
“Ang sabi mo ay nakakaramdam ka ng itim na mahika, sinundan mo ang iyong pakiramdam at dinala ka nito dito sa aming bayan, kung ganoon hindi ka lang basta-basta na isang wizard.” Sabi niya.
Ngumiti sa kaniya si Fenris at pagkatapos ay itinuro nito ang sunog sa kalahati ng mukha nito.
“Kung iyong titingnan, maaaring ang mga bagay na pumapasok sa isip mo ay muntik na akong mapaslang ng isang kalaban, hindi ba?” tanong ni Fenris sa kaniya.
Tumango siya. Iyon naman talaga ang kaniyang naisip. Ang sunog sa kalahati ng mukha nito ay hindi basta-basta.
“Ngunit ang may kagagawan nito ay ako...”
Hindi niya inaasahan ang sinabi nito. Ito mismo ang dahilan kung bakit nasunog ang kalahati ng mukha nito?
“B-Bakit? Paanong ikaw ang may kagagawan?” tanong niya.
Tumalikod sa kaniya si Fenris at tumingala ito, ang liwanag ng kalangitan ay napapalitan ng kadiliman dahil mukhang magkakaroon ng pag-ulan.
Nang muling humarap sa kaniya si Fenris ay itinaas nito ang kanang kamay at may lumabas na maliit na apoy sa dulo ng hintuturo nito.
“Ang sabi ng pinuno sa akin noong bata ako ay isa ako sa biniyayaan ng pinakamalakas na kapangyarihan ngunit napaka mapanganib.”
Lumakas ang apoy sa dulo ng hintuturo nito.
“Hinangad kong maging isa sa pinakamalakas na wizard, hindi lamang tungkol sa mga mahika ang aking pinag-aaralan, nagbabasa rin ako ng libro tungkol sa mga medisina, nagensayo akong gumamit ng iba’t-ibang klase ng mga sandata, nais kong maging isa sa malalakas na mga nilalang sa lost world pero sa sobrang paghahangad ay kamuntikan ko na itong ikamatay.”
“Muntik na akong kainin ng aking kapangyarihang apoy. Binalaan ako ng pinuno sa paggamit ng aking kapangayarihang apoy ngunit hindi ako nakinig. Sa sobrang lakas ng pwersa ay hindi ko na ito napigilan.”
Narinig ni Sayah ang galit ng kalangitan at tingin niya ay anumang oras bubuhos na ang ulan.
“Hindi ko na-kontrol ang paggamit ko sa aking kapangyarihang apoy kaya’t nakuha ko ang sunog sa aking mukha. Masyado akong naghangad kaya’t hindi—
Biglang napatigil si Fenris sa pagsasalita at hinugot nito ang dalawang katana sa magkabilang gilid. Siya naman ay napatayo dahil sa nakitang reaksyon nito.
“Ano ang nangyayari?” tanong niya.
Matalim ang mga mata ni Fenris at umiikot iyon sa paligid. Animong may hinahanap ito. Malakas ang naririnig niyang hangin, naririnig din niya ang mga sanga ng puno na.
“Nakakaramdam ako ng itim na mahika, maghanda ka Calixia, narito ang kalaban.” Sabi nito sa kaniya.
Hinugot niya ang kaniyang katana at katulad nito ay pinakiramdaman din ang paligid. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata at naramdaman niya ang kakaibang pakiramdam mula sa ibaba. Nang tumapat iyon sa mismong kinatatayuan niya ay sumigaw siya.
“Sa baba!” sabi niya at tumalon siya.
Nang makatalon si Sayah ay kitang-kita niya ang itim na anino sa kaninang kinatatayuan, mabilis ng pumunta iyon sa kaniyang pwesto.
“Flames!” sigaw ni Fenris habang pinapatamaan nito ang itim na mahika na hinahabol siya.
Sa bilis ng pagkilos ng itim na mahika na nasa lupa ay hindi nagtatago si Sayah sa kaniyang pwesto kahit pa ilang segundo.
Ipinikit niya ang kaniyang mga mata at bumwelo siya upang balikan ang itim na mahika at nang makita niyang tumigil ito sandali sa lupa ay tumakbo siya ng mabilis at itinusok niya ang kaniyang katana dito.
Kaagad siyang umatras nang lumabas sa lupa ang itim na mahika at nagkatawang babae ito.
“Hmm, tama nga si Lixe, magaling ka ngang bata.”
Lumulutang sa ere ang babae, mahaba ang buhok nito at may marka ito ng bituin sa noo may malaking ahas na nakapaligid dito.
Anong klase itong nilalang?