Chapter 6
Mabilis na tumakbo si Sayah sa pinanggagalingan ng kaguluhan, nakasunod naman sa kaniya si Pika habang hawak nito ang ilang pinamili. Malakas pa rin ang hiyawan at mas dumarami pa ang mga tao na nakikitingin sa pinangyarihan.
“Alis! Umalis na kayo!”
Sigaw ni Sayah, kung mayroong pinatay ay hindi malabo na may isunod pa itong muli. Baka iyon na rin ang tinutukoy ng dalawang babae na nag-uusap kanina. Nang marinig ng mga tao ang sigaw niya ay nagsialisan at takbuhan na ang iba.
“Umalis na tayo rito! Baka mamaya ay nandyan na ang mga lalakeng pumapaslang!”
Nang makita ni Sayah ang katawan ng pinaslang ay nagtagis ang kaniyang bagang. Kaagad niya pinaalis ang mga taong nakapaligid at pagkatapos ay lumuhod siya sa katawan. Ang biktima ay babae at naliligo ito sa sarili nitong dugo. Tinanggal ang mukha nito at sa tiyan ay may nakasulat na ‘Uubusin ko ang lahat ng tao’.
“Karumal-dumal ang krimen na ito, jusko po, walang awa ang gumawa nito sa babae. Balita ko ay ang babaeng ito ang taga taguyod sa kanilang pamilya, madalas pa itong sumali sa mga patimpalak tungkol sa kagandahan at palaging nananalo, nakakaawa ang sinapit.”
Napatingin si Sayah sa matandang nagsalita hindi malayo sa kaniya. Kaunti na ang mga tao at iilan na lang ang mga natira upang makiusyoso.
“Naku naku naku! Dapat ay sabihin mo na ito kay Zico, Sayah! Hindi ko inaasahan na bukod sa bampira ay mayroon pang ibang mga kalaban! Nakakatakot!” sabi ni Pika.
Tumayo si Sayah at umikot ng dahan-dahan para tingnan ng mabuti ang bangkay upang makahanap siya ng maaaring bagay o bakas sa kung sino ang gumawa ng pagpaslang sa babae.
“Pero ang isa sa ikinapagtataka ko, kanina lang ay narito ang babaeng iyan at namimili rin, nakakagulat na sa ilang segundo biglang ganito na ang nangyari. Hindi kaya halimaw ang may gawa? O isang may mahika?”
Segundo? Kung ganoon ay hindi isang tao lamang ang may gawa ng krimen na ‘yon. Hindi maaaring isang normal na tao ang may kagagawan ng ganitong klaseng pagpaslang. Sa kaniyang nakikita ay hindi basta segundo lamang para isagawa ang ganitong krimen.
Inisip ni Sayah kung mayroon siyang napansin na kahina-hinala ang kilos kanina. Sa dami ng tao ay tiyak na isa sa kanila kanina ang may gawa ng krimen na ‘yon. Hindi malabo na nakihalo ito sa dami ng mga tao upang maisagawa ang pagpaslang.
Sino? Sino ang may gawa? Wala naman akong napansin kaninang kahina-hinalang—
Nanlaki ang kaniyang mga mata nang maalala ang lalakeng may sunog sa mukha.
Tumingin siya kay Pika at magsasalita pa lang sana nang may makabunggo sa kaniya.
"Pasensiya na po--
Napahinto siya sa pagsasalita nang makita ang itsura ng nakabunggo sa kaniya. Isa itong lalake at sunog ang kalahati ng mukha nito. Sinamaan lang siya ng tingin ng lalake at umalis na ito kaagad.
Hindi biro ang sugat na iyon sa kaniyang mukha.
Nang maglalakad nang muli si Sayah ay nakarinig siya ng hiyawan.
Pagkabunggo sa kaniya ng lalake na iyon ay kaagad niyang narinig ang mga hiyawan! Kaagad siyang lumingon sa paligid. Hinahanap ng kaniyang mga mata ang lalake na may sunog sa mukha.
“Pika, maging alerto ka, may kalaban sa paligid at hindi basta-basta ang kalaban na ito.” sabi niya kay Pika.
“Oo, Sayah—“
“Tabi!”
“Tabi sabi!”
Napalingon siya sa sumigaw, nang makita niya na yon ang lalakeng may sunog sa mukha ay kaagad niyang hinugot ang kaniyang katana at bago pa ito makalapit sa katawan ng babae na pinaslang ay itinutuok niya ang kaniyang katana sa lalake.
Narinig niya ang pagsinghap ng mga tao doon at kaagad na nagsitakbuhan sa takot ang mga ito sa kaalaman na baka sila na ang isunod ng pumaslang sa babae.
“Ano ang ginagawa mo, babae? Bakit mo itinutok sa akin ang katana mo?” tanong ng lalakeng may sunog sa mukha. Masama ang tingin na ibinibigay nito sa kaniya.
May suot pa rin itong balabal ngunit kaniyang nakikita pa rin ang sunog sa kalahati ng mukha nito. Humigpit ang hawak ni Sayah sa kaniyang katana, kung ito ang may kagagawan ng pagpaslang ay kailangan niyang mag-ingat.
Naglakad siya palapit at nang ilang pulgada na lang ang layo ng kaniyang katana sa mukha ng lalake ay huminto siya.
“Sino ka?” tanong niya sa mapanganib na tono.
“Bakit kailangan kong sabihin kung sino ako? Ikaw, sino ka ba?” sagot nito at nang maglalakad palapit sa babaeng pinaslang ay hinarangan niya ito.
“Isang hakbang pa at tatama ang katana ko sa leeg mo.” Sabi niya.
Tumawa ang lalakeng may sunog sa mukha pagkatapos ay tinanggal nito ang suot nitong balabal. Napaawang ang kaniyang mga labi nang makita niya ang tag tatlong espada sa gilid nito. Dahan-dahan na naibaba ni Sayah ang kaniyang katana nang makita ang initals sa mga espada.
Ngunit kahit alam niyang tanda iyon ng isang vampire hunter ay hindi pamilyar sa kaniya ang unang letra na nasa mga katana. Ang unang letra sa katana ang umpisa ng letra ng pangalan ng paaralan para sa mga nagsasanay upang maging isang vampire hunter.
“Vampire hunter?” tanong niya.
Hindi siya sinagot ng lalake at naglakad ito palapit sa bangkay ng babae na pinaslang. Lumuhod ito at biglang idinapa ang katawan ng babae na ikinagulat niya.
“Hoy!” sigaw niya nang gawin ng lalake iyon.
“Huwag mo akong sigawan, alam ko kung ano ang ginagawa ko.” Sabi lang ng lalake sa kaniya.
Nang punitin nito ang damit ng babae sa likod ay nakita ni Sayah ang malaking marka sa likod ng babae. Marka ng malaking bituin ang nasa likod ng babae. Nakapaloob sa isang malaking bilog ang bituin at sakop ng markang iyon ang buong likod ng babae.
Ibinalik ni Sayah ang kaniyang katana sa lalagyanan nito at pagkatapos ay tinitigan niya ang ginagawa ng lalake.
“Sino siya, Sayah?” tanong ni Pika sa kaniya, nilingon niya ito at nakita niya ang takot sa mukha ni Pika habang nakatingin sa lalake.
“Hindi ko kilala, pero nakabunggo ko kanina. Ang akala ko ay siya ang may kagagawan ng pagpaslang sa babae.” Sabi niya.
Muli niyang ibinalik ang tingin sa lalake at nagulat siya nang itutok nito ang dalawang kamay na magkapatong sa gitna ng marka at pagkatapos ay may lumabas ng gintong liwanag sa mga kamay nito.
Isang wizard? Pero isa rin siyang vampire hunter?
Naglaho ang katawan ng babae na ikinagulat pa ni Sayah pagkatapos maglaho ng katawan ng babae ay tumayo na ang lalakeng may sunog sa mukha at humarap sa kaniya.
“Kung isa kang vampire hunter, tingin ko ay alam mo kung saan ang vantress. Doon ang punta ko, pero habang naglalakbay ako papunta sa vantress, nakaramdam ako ng itim na mahika, at dinala ako ng pakiramdam ko dito sa bayan, ngunit huli na ako na mahuli ang may kagagawan dahil nakakain na naman ito ng kaluluwa.”
Nagsalubong ang mga kilay ni Sayah.
“Bakit mo kailangang pumunta sa vantress? At ano ang sinasabi mong kumakain ng kaluluwa?” tanong niya.
Lumingon ang lalake at tumingin ito sa pwesto kung nasaan ang babaeng pinaslang kanina, itinuro nito iyon at pagkatapos ay ibinalik ang tingin sa kaniya.
“Ang babaeng iyan ay kinuha ang kaluluwa at pati na ang mukha. Isang halimaw ang may kagagawan at narito ako sa lugar ninyo upang iparating ang balitang ito. Kailangan kong makausap ang lider ng mga vampire hunters ng vantress, iyon ang iniutos sa akin ng aming pinuno. Kailangan kong magbigay ng babala sa kaniya at iparating na hindi ligtas ang nayon na ito simula ngayong araw na ito.”
“Sayah...”
Bumaba ang tingin niya kay Pika na nakahawak sa kaniyang damit. Nakikita niya ang takot sa mukha nito.
“Isa akong vampire hunter ng vantress, ako si Calixia.” Sabi niya.
Tumaas ang mukha ng lalake at pagkatapos ay muli nitong isinuot ang balabal nito.
“Kung ganoon ay ikaw pala ang vampire hunter na naririnig ko sa aking pinuno. Hindi ko inaasahan na ikaw pa ang makikita ko dito sa bayan upang dalhin ako kay Kizo.” Sabi nito.
Nagdadalawang isip pa si Sayah kung dapat niyang pagkatiwalaan ang lalake na nasa kaniyang harapan. Maaarin na nagpapanggap lamang at ang totoo pala ay isa itong kalaban.
“Ano ang maaari kong makita para maniwala ako na hindi ka isang kalaban? Marami na ang nagtangka sa buhay ng mga kasama ko sa vantress, marami na ang nagpanggap na kakampi ngunit ang totoo ay mga kalaban.” Sabi niya.
Ngumiti ang lalake at pagkatapos ay itinaas nito ang palad, muling lumabas ang gintong liwanag sa kamay nito at pagkatapos ay may lumabas bigla na mga larawan.
“Ito ang Clovus. Ito ang lugar na pinanggalingan ko, nasa dulo ito ng lost world. Mga piling nilalang lamang ang naririto at iyon ay ang mga pinakamalalakas na mga nilalang sa buong mundo. Kung hindi ka naniniwala sa akin ay maaari kang umuwi at ipaalam sa inyong pinuno ang tungkol sa Clovus, banggitin mo sa kaniya ang pangalang Zarem at tiyak kong makikilala niya kami.”
Hindi siya kaagad nagsalita, may parte niya ang nagsasabing mapagkakatiwalaan ang lalake sa kaniyang harapan at may parte rin niya ang nagsasabing huwag masyadong magtitiwala.
“Paano ang katawan ng babae? Paano kung hanapin ito ng mga tao na nakakita dito kanina? At paano kung hanapin ito ng kaniyang pamilya?” tanong niya at tumingin sa pwesto kanina ng babaeng pinaslang.
Nawala ang liwanag sa kamay ng lalake at nilingon nitong muli ang pwesto ng babae kanina.
“Huwag kang mag-alala tungkol diyan. Ang mga napaslang ay kaagad namin na binubura sa ala-ala ng mga nakakakilala dito. Ang mga napaslang ay muling aakyat sa itaas ngunit wala nang sinuman ang makakakilala sa kanila sa mundong ito, kahit pa ang kanilang pamilya.”
Nang muling dumami ang mga tao sa palengke ay sinubukan ni Sayah na itanong sa mga ito kung ano ang nangyari kanina at kung nakita ng mga ito ang pinaslang na babae.
“Pinaslang na babae? Wala, walang pinaslang na babae dito kanina, kanina pa ako namimili sa lugar na ito.”