Chapter 2 Concerned

4400 Words
“What the hell was that, Ayanna?” singhal niya agad sa akin pagkasara ko ng pintuan ng office niya. Tumaas naman ang kilay ko. Tinawag niya ako sa pangalan ko? Sinong nagbigay ng karapatan sa kaniya? “Nag-explain na ako, Sir. Ano pa ba ang gusto mong malaman?” malamig kong tugon. Naningkit naman ang mga mata niya nang tumitig sa akin. “Is that your attitude when you are talking to your teacher?” usig niya sa akin. Muntik ko na siyang taasan ng kilay. Bakit gano’n? Hindi talaga siya mukhang 28 or 29. Sabagay, may mga gano’n talaga siguro. Parang iyong Daddy ko, kahit nasa 50s na ay poging-pogi pa rin at young looking. “Ayanna? Are you listening to me?” Iyong love story talaga nila ni Mommy ang pinapangarap kong magkaroon din ako. At akala ko talaga kay Charlie ko iyon makukuha. Iyon pala ay mali ako, kasi si Lily pala ang gusto niya. “Ayanna?” Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala. At sa tuwing sasagi sa isip ko ay talagang ang sakit-sakit pa rin. Super close kami ni Lily, tapos hindi man lang niya sinabi sa aking may gusto pala sa kaniya si Charlie. Sa kaniya ko pa naman sinasabi ang lahat-lahat ng feelings ko at– “Miss Aguilar!” Napasinghap ako dahil sa malakas na boses ni Sir Hendrick. Muntik ko pa ngang mabitiwan ang cellphone ko sa matinding pagkagulat. “Bakit ka ba naninigaw? Ay, bakit po kayo sumisigaw?” biglang bawi ko sa tono ko. Bigla kong nakalimutan na professor ko pala siya. s**t! “Kanina pa kita kinakausap pero nakatulala ka lang. Ang sinasabi ko lang, hindi mo ba puwedeng bawas-bawasan ang katarayan mo para hindi ka napapaaway?” sermon niya sa akin. Mabilis namang uminit ang ulo ko. “Hello, Sir, sinabi ko na po sa inyo, hindi ba? Prinank nga ako ng mga malditang iyon. Tapos bigla nila akong niyayabangan kung sino sila rito sa campus. Ano ngayon? Kahit anak pa sila ng presidente ng Amerika, wala akong pakialam. Basta huwag nila akong pinagti-trip-an!” depensa ko naman agad sa sarili ko. Hindi naman siya agad sumagot at napabuntong-hininga pa. “What I am saying is, it is not bad to get away from chaos. Puwede mo namang pinalampas na lang sana iyon at kapag inulit pa nila, doon ka na lumaban. Ang sabi mo galing ka sa isang liblib na probinsya. Pero kung umarte ka, para ka namang galing sa isang mayamang pamilya na hindi sanay na hindi tinatrato ng espesyal kaya ayaw din magpakumbaba,” giit niya. Ako naman ang biglang natulala sa mga sinabi niya. Gano’n ba iyon? Kapag hindi nagpapatalo at nagpaapi, eh, anak mayaman agad? Hindi ba puwedeng ayaw lang na natatapakan ng ibang tao? Pero may point siya. I was born in a very wealthy family where I was treated like a princess. Ngunit kahit ganoon ay pinalaki pa rin kaming mga mapagpakumbaba at huwag mang-aapi ng ibang tao. Huminga ako nang malalim at muling tumingin sa mukha ni Sir Hendrick. “Maraming salamat po, Sir. Mag-iingat na lang po ako sa susunod. Kung wala na po kayong sasabihin ay baka puwede na po akong mauna?” pasasalamat ko sa kaniya saka magalang na nagpaalam. “Ayanna, wait! Nagmiryenda ka na ba? Baka gusto mo akong sabayan kasi mag-isa lang naman ako rito, isa pa–” “Ah, Sir, salamat na lang po. Saka please lang po, Aya na lang ang itawag ni’yo sa akin,” tanggi ko sa kaniya. Mabilis namang nagsalubong ang kilay niya at tila hindi nagustuhan ang pagtanggi ko. Saka hello? Ang awkward naman. Sabay kaming magmimiryenda, eh, hindi naman kami close. Isa pa, naasiwa pa rin ako kasi hindi ako makapaniwalang professor ko siya. Kung puwede nga lang ay ayaw ko siyang makausap. “Why not? Ang ganda-ganda ng pangalan mo. Bagay na bagay sa ganda mo,” diretsahan niyang papuri sa akin. Hindi ko alam kung bakit pero bigla na lang may kung anong pumitik sa puso ko. Lalo na at sinundan pa nga niya iyon ng ngiti kaya lumabas iyong dimples niya. Si Charlie ay may maliliit na dimples sa gilid ng bibig niya kapag ngumingiti. Pero sina Tito Charles at Tito Stan talaga ang may pinakamagagandang dimples. Kaya nga siguro hanggang ngayon ay marami pa rin ang nagpapansin na mga babae sa kanila. Pero super loyal ang mga iyon. Kaya siguro ang taas ng standards ko sa mga lalaki dahil mga tulad nila ang gusto ko o kaya ay parang gaya ni Daddy. “Basta po. Salamat po ulit, Sir. Pero kailangan ko na po talagang mauna kasi may gagawin pa po ako,” paalam ko nang muli sa kaniya. Saglit pa siyang tumitig sa akin bago unti-unting tumango. “Wala kang ibang kakilala rito kaya huwag kang basta-basta nagtitiwala sa kahit na sinong lalaki, understood?” utos niya. Yes, utos iyon at hindi nagpapayo. Problema nito? “Noted, Sir,” sagot ko na lang kahit gusto ko sanang sabihing wala na siyang pakialam doon. Pero baka nga concern lang siya kasi siyempre estudyante niya ako tapos magkapitbahay din kami. “Good. See you later,” sambit niya. Muntik na akong masamid kasi parang masiyado naman yatang malambing nag pagkakasabi niya. Ewan! Gutom na yata ako kaya kung ano-ano na lang ang pumapasok sa isip ko. “Oh, kumusta? Tinalakan ka ba ng bongga ni Prof Hot?” tanong agad sa akin ni Jonalyn. “Tumigil ka na nga sa katatawag mo sa kaniyang hot. Hindi naman siya hot, ano! Naku, kapag makita mo ang mga uncle ko, doon mo tunay o totoong made-define ang hot!” kontra ko sa sinabi niya. Naalibadbaran kasi ako na kilig na kilig siya kay Sir Hendrick. “Aysus! Kunwari ka pa! Eh, hot naman talaga si Sir! Sobrang pogi pa. Kapag iyang ganiyan ang jowa ko, ibibigay ko ang lahat-lahat sa kaniya,” maharot na saad ni Jonalyn kaya umikot naman ang mga mata ko. Inirapan ko siya at napapailing na lang saka itinuloy ang paglalakad papunta sa dean’s office. “Ewan ko sa iyo! Bahala ka na nga diyan. Para sa akin hindi siya guwapo, feeling guwapo puwede. At take note, ha? Napakayabang din niya at nakakairita. Ako pa naman itong pinagalitan at sinabihang mataray, eh, kasalanan naman talaga no’ng Krissalyn at ng mga kaibigan niya ang lahat,” paghihimutok ko pa. Umikot naman ang mga mata niya. “Hindi siya mayabang. Saka feeling ko concern lang siya sa iyo kasi kilala niya ang ugali ng magbabarkadang iyon. Naku, Aya, sagad sa buto ang kamalditahan ng mga iyon kaya iwasan mo sila,” babala niya sa akin. Napahinto naman ako sa paglalakad. “Huwag na huwag nila akong pagmamalditahan dahil hindi ko sila uurungan,” sagot ko naman agad. Pero umiling siya sa akin. “Alam mo, Aya, kung gusto mong maging payapa at tahimik ang buhay mo hanggang maka-grduate ka rito, umiwas ka na lang sa gulo. Hindi naman ako nakaimik kaagad. Sabagay, may point naman siya. “Tara na nga. Huwag na nating pag-usapan iyan,” pagpapahinuhod ko na lang. Tumuloy na kami sa pupuntahan. “Sa ngayon ay assistant sa library ang alam kong bakante kasi nga nag-graduate na iyong dating estudyanteng naroroon. Gusto mo ba iyon? Pero dapat masiguro mong kaya mong i-balance at i-maintain ang maayos mong grades. Dahil kung hindi, tatanggalin ka rin nila roon,” payo naman sa akin ng Dean namin. Nagkatinginan kami ni Jonalyn at parehong masaya ang mga ngiti. “Naku, maraming-maraming salamat po, Ma’am!” masayang-masayang bulalas ko. Ito ang unang pagkakataon na magtatrabaho ako at kikita ng sarili kong pera. Ang saya sa pakiramdam. Paglabas namin ng Dean’s office ay nagulat kami nang makitang nag-aabang doon si Ranz. “Ranz, ano’ng ginagawa mo rito?” tawag-pansin ko sa kaniya. Doon naman siya nag-angat ng paningin at ngumiti sa amin. “Hi! Kukumustahin lang sana kita, eh,” sagot naman niya. “Good news! Natanggap na ako bilang student assistant! Tapos doon ako sa library kapag mga vacant period ko. Ang saya-saya!” pagbabalita ko sa kaniya. Maging siya ay lumiwanag ang mukha. “Gano’n ba? Aba dapat mag-celebrate tayo! Let’s go! My treat,” excited niyang yaya sa amin. “Ay, wow! Gusto ko iyan!” pagpayag naman agad ni Jonalyn. Sa palagay ko ay wala rin namang masama kaya tumango na rin ako. “Sige. Uy, salamat, ha? Di bale kapag sumahod ako, ililibre ko rin kayo,” sabi ko naman. Nagtungo kami sa coffee shop na tinutukoy ni Jonalyn kanina. Medyo marami ngang mga studyante roon at halos puno na iyong buong lugar. “Doon tayo sa gilid, may bakanteng lamesa doon!” turo naman ni Jonalyn sa nakita niyang lamesang walang umuokupa. “Sige mauna na kayo roon at ako na lang ang o-order,” sabi naman ni Ranz. “Ranz, iced coffee sa akin, ha? Milk tea raw dito kay Aya,” pahabol pa ni Jonalyn. “Okay.” Tinungo na namin ni Jonalyn ang lamesa. Iginala ko ang paningin sa paligid. Maganda rin naman pala talaga ang ambiance nitong lugar. Parang inspired sa style ng Coffee Project. “Alam mo, Aya, bilib na talaga ako sa iyo,” maya-maya ay saad ni Jonalyn kaya napalingon ako sa kaniya. “Bakit naman?” nagtatakang tanong ko. “Eh, kasi tingnan mo, ha? Kabago-bago mo pa lang, puro mga bigatin na agad sa school ang nakilala mo. Una si Krissalyn at ang gang niya, ngayon naman si Ranz. Alam mo bang anak ng isang mayaman na businessman iyang si Ranz? Pero imbes na sa ibang bansa mag-aral, mas pinili niya rito. Super humble na, napakatalino pa. Iyan ang pinakamatalino sa campus at crush din ng bayan,” paliwanag niya. Napalingon naman ako kay Ranz na ngayon ay nasa counter na at nag-o-order. “Tinulungan niya kasi ako noong i-prank ako nina Krissalyn. Tapos nagkita ulit kami kanina. Natutuwa ako kasi mabait naman siya. Parang ikaw, mabait ka rin sa akin. Kaya kahit baguhan pa lang ako rito, hindi na ako masiyadong asiwa,” sagot ko naman. “Mabait ka rin naman kasi, tapos ang ganda-ganda mo pa. Alam mo, puwede kang sumali sa beauty pageant ng school sa foundation week,” suhestyon niya. Natawa naman agad ako sa sinabi niya. “Bigla ko tuloy naalala ang pinsan kong si Ate Avez sa iyo. Sa aming magpipinsan, dalawa sila ni Charlotte na sobrang hilig monood at makisali sa mga pageant sa school. Sayang nga lang kasi mas ginusto ni Ate Avez mag-concentrate sa studies niya abroad kaysa maging beauty queen,” dire-diretsong pagkukuwento ko. Saka ko biglang na-realize na hindi pala ako dapat nagkukuwento ng gano’n. “May pinsan kang nag-aaral sa ibang bansa?” gulat at hindi makapaniwalang tanong niya. Napalunok tuloy ako. Actually, hindi naman kami magpinsan by blood ni Ate Avez. Pero iyon na ang turing naming sa isa’t isa kasi magkakaibigan ang mga magulang namin. “Daming tao, grabe!” komento ni Ranz. Mabuti na lang at dumating siya kaya hindi ko na kailangang magpaliwanag kay Jonalyn. “Breaktime, eh. Lalo na ngayon at magla-lunch time na,” sabi naman ni Jonalyn. “So, ano bang problema ninyo ni Krissalyn kanina?” tanong agad sa akin ni Ranz. Tinanguan niya lang ang sinabi ni Jonalyn. “Sila iyong mga nang-prank sa akin kaninang hinahanap ko iyong registrar’s office. Hindi tuloy ako nakapasok sa first subject ko,” medyo nayayamot kong sagot. “Naku, iwasan mo na lang ang mga babaeng iyon dahil talagang mga maa-attitude,” napapailing na sagot ni Ranz. Pagkatapos ay ibinaba muna niya ang suot niyang salamin. “Ay, anebe! Ang pogi mo pala lalo, Ranz kapag wala kang salamin,” papuri ni Jonalyn dito. Napangiti naman ako at tumango. “Sabagay, tama si Jonalyn,” sang-ayon ko naman. Kumibot ang isang kilay ni Ranz at napangiti na rin. Medyo nahiya pa yata sa papuri namin. “Thanks, girls! Kaya lang medyo malabo na ang mata ko kaya hindi ako nakakapagbasa kapag walang suot na salamin,” sabi naman niya. Kasunod niyon ay biglang tumunog ang beeper na ang ibig sabihin ay ready na iyong mga orders naming. “Aya, si Sir Hendrick, oh! Papasok din dito sa coffee shop,” inginuso ni Jonalyn ang pintuan. Parang bahagyang huminto sa pagtibok ang puso ko nang agad dumako sa akin ang paningin niya. “You should try their pasta here, Aya. Super sarap,” inilapag na ni Ranz ang mga pagkain namin. Binawi ko na ang paningin ko at hindi na ulit tumingin sa gawi ni Sir Hendrick. Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit bigla akong kinabahan lalo na at matiim ang tingin niya sa akin kanina. “Hindi ako mahilig sa pasta. Mas gusto ko iyong mga sandwich nila rito,” sabi naman ni Jonalyn. “Ikaw, Aya, mahilig ka ba sa pasta?” baling sa akin ni Ranz. Umiling naman ako. “Spaghetti lang ang alam kong pasta, eh,” pagkukunwari ko. Baka, madulas na naman ang dila ko at siguradong mabubuking na talaga ako. “May I join your table? Puno na kasi at wala na akong mapuwestuhan?” biglang tanong ng isang pamilyar na boses. Nang tingnan namin ay kumalabog na naman ang dibdib ko – si Sir Hendrick! Continuation of Chapter 2... “Hi, Sir!” bati naman agad sa kaniya ni Jonalyn. “Sure naman po, Sir!” sagot naman ni Ranz. Ngunit nagulat ako ng senyasan ni Sir Hendrick na lumipat ng upuan si Jonalyn. Sumunod naman agad ito at magkatabi na sila ni Ranz. Si Sir Hendrick naman ay tumabi sa akin kaya napalunok ako. Bigla tuloy akong parang kinabahan na ewan. “So, kumusta naman ang pag-aaral mo, Ranz? Ang dinig ko bibisita daw ang Mommy at Daddy mo bukas,” tanong ni Sir Hendrick kay Ranz. Pati ako tuloy ay napatingin sa kaniya. “What? Oh, sorry, Sir. Nagulat lang ako. Pero wala naman po silang nasabi sa akin,” tila nahihiyang sambit ni Ranz. Halata ring nagulat talaga siya. “Kilala ni’yo po ang family niya, Sir?” magalang na tanong naman ni Jonalyn kay Sir Hendrick. “Yep. Classmate ko ang kuya niya noong mag-aral ako ng law sa UP,” sagot din naman agad ni Sir. Lihim akong napa-wow. Kaya ko rin naman iyang mga ganiyang kurso kaya lang hindi ko talaga hilig. “Eh, Sir, mawalang galang na ho, ah? Puwede po bang malaman kong ilang taon na kayo?” kinikilig na tanong ni Jonalyn. Umikot na lang ang mga mata ko kasi mukhang sinasamantala niyang makausap ng ganito si Sir. Siyempre iba nga naman kasi ang ambiance kapag nasa klase. “Why do you want to know?” nakangising balik-tanong naman sa kaniya nito. “Sir, naman, eh! Sige na po, please?” malambing na pilit ni Jonalyn at pinagsalikop pa ang dalawang kamay niya. “Hoy, Jonalyn, kumain ka na nga lang,” mahinang saway ko sa kaniya pero hindi ako pinansin nito. “I’m 28 and single,” simpleng tugon ni Sir Hendrick. Napasinghap ako at naalarma nang biglang matinis na tumili si Jonalyn. Literal na nagtinginan iyong mga ibang customer dahil sa ginawa niya. Nahihiya naman akong napayuko habang si Sir Hendrick at Ranz ay pigil na pigil ang matawa. “Jonalyn, nakakahiya ka talaga!” gigil kong sermon sa kaniya. Pero namumula na siya sa kilig niya at hindi man lang nahihiyang magpakita ng pagkagusto sa professor namin. Ito namang si Sir Hendrick, game na game din, nakakainis! “Parang hindi naman kapani-paniwalang wala ka pang GF, Sir. Sa pogi at hot mong iyan?” pagpapatuloy pa rin ni Jonalyn kaya naaburido na ako sa kaniya. Nagkatinginan pa kami ni Ranz pero sumenyas lang ito na hayaan na lang daw. “It’s true. I am very busy, so I don’t have time yet to court a lady,” sabi naman ni Sir at kumagat ng malaki sa burger niya. As in iyong extra large burger na ang kapal ng patties at pickles. Pati iyong drinks niya ay extra large din. Sabagay, malaki naman iyong katawan niya. “Naku, Sir, ano ba iyong mga tipo mo sa babae?” tanong na naman ni Jonalyn. “Well, siyempre gusto ko iyong matalino at matapang,” sabi niya. Bahagya namang napalabi si Jonalyn. “Matapang lang ako pero hindi matalino, sayang at–” Ngunit napahinto siya sa pagsasalita at maging ako ay nagulat nang biglang mailuwa ni Ranz ang iniinom niya. Mabuti na lang at hindi tumalsik sa amin. “Sorry, sorry, Sir, girls!” hinging paumanhin niya agad at kumuha ng maraming tissue para punasan ang kalat niya. “Ano ba iyan, Ranz, ang pogi-pogi mo may pagka-dugyot ka!” inis na paninita ni Jonalyn sa kaniya. Ako naman ay nagtataka sa kung bakit at ano ang nangyari sa kaniya. “Sorry, grabe ka naman kasi. Feeling mo naman talaga magugustuhan ka ni Sir?” pang-aasar ni Ranz sa kaniya. Inirapan naman siya agad ni Jonalyn. “Tse! Wala kang pake!” asik naman sa kaniya nito. “Alam mo, Sir, itong si Aya matalino na matapang pa. Tapos super ganda at sexy! Nakakainggit, kasi talagang lahat ng mga boys na madadaanan niya ay napapalingon at napapatitig sa kaniya. Tapos iyon–” “Hoy, Jonalyn!” saway kong putol sa kaniya. Bigla kasing nag-init ang mga pisngi ko sa mga pinagsasasabi niya. “Really? Sabagay totoo iyan. Masiyado lang siyang mataray,” komento ni Sir saka muling kumagat ng malaki sa burger niya. Nanlaki naman ang mga mata ko. Gustuhin ko man siyang kontrahin ay hindi ko magawa. “Ikaw, Aya, ano naman ang mga tipo mong lalaki?” tanong naman sa akin ni Ranz. Muntik na akong nasamid kasi iisang lalaki lang ang pumasok sa isip ko. Mahina akong tumikhim. “Intelligent, handsome and of course brave enough to talk to my dad – father to ask me for a date,” wala sa sariling naisagot ko. Doon ko lang na-realize na normal lang akong nagsalita gamit ang natural accent ko. s**t! Sumipa ng mabilis ang t***k ng puso ko at napalunok ako ng dalawang beses. “Wow! Ang galing mo palang mag-English ng may accent, Aya!” papuri sa akin ni Jonalyn. Lalong nanikip ang dibdib ko sa kaba dahil doon. “Mahilig lang talaga akong manggaya ng mga accent mula pa noong bata ako,” kaila ko. Minsan nakokonsensiya na talaga ako dahil hindi ako sanay magsinungaling. At ang natanim talaga sa puso at isip ko mula pa sa pagkabata ay kung gaano kasama ang pagsisinungaling. “Ang cool ng standards mo, pero mukhang madali lang naman,” tila makahulugang pahayag ni Ranz habang nakatingin sa akin. Alanganin naman akong ngumiti sa kaniya. “Yeah. Halatang napalaki ka ng maayos ng mga magulang mo, Miss Aguilar,” komento naman ni Sir Hendrick. “Thanks, Sir,” kiming sagot ko at bahagya lang siyang tiningnan. Pagkatapos naming magmiryenda ay nagtungo kami ni Jonalyn sa may library. May assignment daw kasing ibinigay para sa klase namin na pang-ala-una. Bandang hapon naman ay dumaan ako sa mini grocery store para bumili ng iba pang kailangan ko. Kailangan ko kasing matutong magluto. Kung puro binibili lang ang kinakain ko, siguradong walang matitira sa pera ko kahit magtrabaho pa ako. Habang inaabot ko iyong karton ng oatmeal ay gumalaw iyong mga katabi nito at nanlaki ang mga mata ko dahil mahuhulog na ang mga iyon. “Oh, f**k!” naibulalas ko nang tuluyan na ngang mahulog ang mga iyon. “What a bad mouth!” Napasinghap ako at mabilis na nilingon ang pinanggalingan ng boses. Kumunot ang noo ko nang mapagtantong si Sir Hendrick ito. “S-Sir, ano pong ginawa ni’yo rito?” natanong ko. “Obvious ba? Eh, di bibili,” pabalang niyang sagot pero nakangisi naman. Lumapit siya sa mga nahulog na karton ng pagkain at pinulot isa-isa iyon. Mabilis ko naman siyang tinulungan at sabay naming ibinalik sa pagkakaayos ng mga iyon kanina. “Thank you, Sir,” sambit ko at tumalikod na para pumunta sa counter at bayaran ang mga pinamili ko. “Ang dami niyan, ah?” komento niya. Nagulat ako kasi nakasunod na pala siya agad sa likuran ko. “Pang-stock po, Sir,” tipid kong sagot. Eksakto namang patapos na iyong sinusundan ko sa counter. “Sir, may available po na counter sa kabila,” sabi ng saleslady kay Sir Hendrick, pero inilingan niya ito. “It’s okay, magkasama kami,” itinuro niya ako kaya tumaas ang kilay ko. “Ho?” gulat kong tanong. “Huwag ka nang kumontra. Bilis, ikaw na,” utos niya sa akin at isinenyas iyong counter. Mabilis ko namang ipinatong doon ang lahat ng pinamili ko. May sapak kaya sa utak itong professor namin? May available na ngang ibang counter pero dito pa rin sa akin pumila. Tapos nagsinungaling pa na magkasama kami. Ewan! “Ayanna, may sasakyan ka ba pauwi?” Muntik na namang umikot ang mga mata ko. Binilisan ko na nga ang paglabas ng grocery store pero nahabol pa rin niya ako. “Sir, Aya na lang po. Saka, magco-commute lang po ako, Sir,” dire-diretso lang ako sa paglalakad habang sumasagot. “I like your name very much, so Ayanna lang ang gusto kong itawag sa iyo. No need for you to commute. Sumabay ka na sa akin,” mabilis niyang kinuha ang lahat ng mga bitbit ko at lumakad na palayo. “Teka, Sir! Huwag na po, okay lang po ako,” sabi ko naman. Binilisan ko ang lakad dahil ang bibilis din ng mga hakbang niya. “I insist. Maggagabi na at delikado sa panahon ngayon ang mag-isang bumiyahe pauwi ang isang babae,” giit niya. Nagtagis ang mga ngipin ko. Ayaw na ayaw ko pa naman sa lahat ay iyong pinapangunahan ako sa mga gagawin ko. “Sir, okay lang po talaga ako, isa pa–ay!” Huminto siya sa paglalakad at lumingon sa akin kaya nabangga ako sa katawan niya. Nasubsob ang mukha ko sa matigas at matipuno niyang dibdib. Sa matinding pagkagulat ay mabilis din akong lumayo sa kaniya at inayos ang sairli ko. “Huwag nang matigas ang ulo mo, Ayanna. Pareho lang din tayo ng uuwian kaya sumabay ka na lang sa akin,” mariing pahayag niya. Sa pagkakataong ito ay maawtoridad na ang tono niya. “Pero kasi…” nahihiyang usal ko. “No buts, let’s go!” ipinagpatuloy na niya ang paglalakad hanggang marating na namin ang parking lot. Ikinarga niya lahat ng pinamili namin sa bandang likod ng sasakyan niya. Pagkatapos ay ipinagbukas niya ako ng pintuan sa may tabi ng driver’s seat. Wala na akong nagawa pa kung hindi ang sumunod na lang sa nais niya. Mukhang mas matigas pa sa bakal ang ulo nitong professor namin, eh. Habang nasa biyahe ay tahimik lang ako. In fairness, kahit hindi sports car itong sasakyan niya, mukhang latest model naman. Malaki rin siguro ang kinikinita niya bilang professor para makabili ng ganitong sasakyan. Saan kaya niya ito ipinaparada? Kasi hindi ko naman ito nakikita doon sa apartment. Sabagay, hindi naman ako nagagawi sa may parking area kaya siguro hindi ko napapansin. “Ano’ng iniisip mo, Ayanna?” biglang tanong niya sa akin. Nakakainis kasi ang kulit niya. Talagang sa buong pangalan niya ako tinatawag. “Wala ho, Sir. Iniisip ko po kung ano’ng lulutuin kong ulam,” magalang ko pa ring sagot kahit naiinis ako sa kaniya dahil sa pagpilit niyang makisabay ako sa kaniya. Mamaya may makakita pa sa amin tapos kung ano pa ang isipin. Baka matsismis pa ako na jinojowa ko ang professor ko. No way! “Bakit, ano bang balak mong lutuin?” tanong naman niya. “Hindi ko pa nga po alam, Sir. May maisa-suggest po ba kayo?” medyo humarap ako sa kaniya. Baka kasi isipin niyang bastos ako kapag hindi ko siya tingnan habang nagsasalita ako. “Why don’t you just join me for dinner? Nakakabagot na rin kasing kumain mag-isa,” alok naman niya sa akin. Pero mabilis akong umiling. “Naku, huwag na po, salamat na lang,” tanggi ko agad. “Ang hirap mo namang yayain. Lahat ng iniaalok ko sa iyo tinatanggihan mo. Galit ka pa rin ba sa akin?” biglang tanong niya. Bakas pa ang tila pagtatampo sa boses niya. “Hindi naman po sa gano’n, Sir. Kaya lang nahihiya po ako. Isa pa, teacher ko po kasi kayo kaya–” “So, kapag hindi mo ako teacher ay papayag kang sumabay mag-dinner sa akin?” putol niyang tanong. Umawang naman ang mga labi ko. Ang pumasok kasi sa isip ko, kung hindi ko siya teacher, baka kanina ko pa siya nagulpi sa pamimilit niya sa akin na sumabay sa kaniya. Medyo nayayabangan pa naman ako sa kaniya. “Ayaw ko lang pong may masabi ang mga tao sa atin kapag may ibang nakakita. Bago lang po ako dito at wala pang kakilala maliban sa inyo at sa mga bago kong kaibigan sa school. Kaya nag-iingat lang po ako,” marahan kong paliwanag. Medyo nagtataka na rin talaga ako sa sarili ko kung paano ko napipigil ang inis ko kapag kasama ko siya. Usually, ang pinakaayaw ko sa lahat ay ang pagiging makulit ng kaharap ko. Pero dahil nga siguro professor ko siya kaya nakakapagpasensiya ako. “If you will always mind what other people will tell you, then you will never be happy and contented for who you are. Gawin mo lang ang gusto mong gawin at huwag mong isipin ang sasabihin ng ibang tao. Ang mahalaga ay wala kang inaapi o inaapakan,” payo naman niya. Biglang gumuhit ang kirot sa puso ko. “Ginawa ko na dati iyan. Ginawa ko kung ano iyong makapagpapasaya sa akin. Pero ang ending, umuwi akong sawi at luhaan,” mahinang usal ko. napatda naman siyang lumingon sa akin bago muling ibinalik ang paningin sa daan. I followed my heart and confessed my love to Charlie. But what happened was horrible because he rejected me right away. Wala man lang second thought kung hindi direct rejection talaga. Kasi nga naman, may gusto pala siyang iba. **** A/N: Thank you po sa mabilis na pagdami ng reads ng story na ito. Halatang marami talagang nag-aabang. Thank you so much po talaga sa inyo!!! God bless po...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD