Chapter 9- ALAB

2509 Words
PAGPUTOK ng liwanag kinabukasan ay ipinagpatuloy na ng grupo nina Donovan ang kanilang paglalakbay sa pangunguna ni Kirin. Kanilang tutunguhin ang tahanan ng Babylonian na kaibigan ng mga magulang ng dalaga. Dumating sila sa isang pamayanan na binubuo ng magkakahalong lahi mula sa apat na pangunahing Kaharian sa Babylon. Marami pa ang katulad nilang pamayanan na pilit na tinitiis ang kalupitang nararanasan sa ilalim ng pamumuno ng kanilang reyna. Payak lamang ang pamumuhay ng mga maliit na pamayanang ito. Karamihan sa kanila ay mga kababaihan sapagkat ang lahat ng lalaki na nasa hustong gulang na ay sapilitang pinagtatrabaho bilang mga minero ng ginto na napupunta lamang sa Puting Reyna at mga kapanalig nito. Sa kanilang pagdating sa pamayanan na tinatawag na Eseporsale ay kaagad nilang napansin ang mabilis na pagtatago sa kaniya-kaniyang tahanan ng mga Babylonian nang sila’y mamataan. “Bakit sila nagtatago?” nagugulumihang tanong ni Donovan. “Sapagkat bago lamang kayo sa kanilang paningin lalo pa’t kakaiba ang inyong mga kasuotan,” tugon naman ni Kirin. Nagpalinga-linga pa ang dalaga na animo’y may hinahanap sa paligid. “May hinahanap ka ba?” tanong ni Gantrick nang mapansin ang ikinikilos ng dalaga. “Hinahanap ko lamang ang namumuno sa pamayanang ito,” sagot ni Kirin. Maya-maya pa ay napansin ng tatlo na may papalapit sa kanila. Mayroon itong kulay puti at mahabang bigote at balbas, kulay puti na rin ang buhok nitong may kahabaan na rin. May kasama itong dalawang ginang na nakaantabay lamang sag awing likuran ng matandang lalaki. “Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo?” bungad ng matanda nang magtama ang kanilang paningin ni Donovan. “Ah—eh,” Hindi na naituloy ni Donovan ang paghahanap nang sasabihin sa matanda dahil mabilis na nag salita si Kirin. “Amang Alab! Ako ito si Kirin!” Dahil dito ay dumako naman sa dalaga ang paningin ng matandang lalaki. “Siyang tunay? Tingnan mo nga naman, napakabilis na ng panahon, parang kailan lamang ay isa ka pang paslit.” Nagtataka naman si Donovan dahil sa halip na kay Kirin nito itutok ang kaniyang tingin habang nagsasalita ay sa kaniya ito nakatingin. Tila naman hindi ito napansin ng iba pa niyang mga kasama lalo na si Kirin na patuloy lamang sa pakikipag kumustahan sa matandang nakatayo sa kanilang mga harapan. “Siya nga pala Amang, sila ang aking mga kaibigan. Si Donovan, Gantrick at Irene,” pagpapakilala sa kanila ng dalaga. “Magandang araw po sa inyo, Amang,” bati ni Donovan kasabay ng paglalahad nito ng kamay. Natauhan lamang siya nang sikuhin siya ni Gantrick sa tagiliran. Doon niya naalalang wala siya sa kaniyang kinagisnang mundo kung kaya naman ay hindi na nakabibigla para sa kanila nang tingnan lamang ni Alab ang nakalahad niyang kamay. Agad niya itong binawi at nahihiyang yumuko na lamang. “Saan mo sila nakilala Kirin at tila yata kakaiba ang kanilang mga kasuotan?” tanong ni Alab. Napatingin naman sa kanilang kasuotan si Kirin. Sa kabila kasi ng makapal na panlamig na nakabalot sa kanila ay mababanaag pa rin ang kakaiba nilang mga kasuotan sa ilalim nito. At dahil nga batid na ng dalaga ang katotohanan patungkol sa kanilang tatlo ay mabilis itong nag isip upang makahabi ng kuwento. “Nagmula po sila sa Hilagang-Silangan. Sa aking pagkakaalam ay mayroong kakaibang pananamit ang kanilang pamayanan bago sila lusubin ng mga taga-sunod ng Puting Reyna.” “Gayun ba?” pag kumpirma ni Alab kay Donovan. Agad namang tumango ang binata. Pinanalangin na maniwala sa habing kuwento ni Kirin ang matanda. Nang pakiwari ni Kirin na naniniwala ito sa kaniya ay muli niyang kinuha ang atensyon nito. “Amang, sa katunayan ay mayroon sana akong nais na hilingin sa inyo,” wika ni Kirin. “Mag wika ka,” tugon naman nito. “Nais ‘ho sana namin na makipanuluyan muna sa inyong pamayanan nang pansamantala hanggang sa makahanap kami ng aming maaaring pagkublihan, sapagkat kasalukuyan kaming hinahanap ng mga taga-sunod ng reyna,” pakiusap ng dalaga. “Kung kayo ay hinahanap ng reyna, hindi ba’t lubos na magiging mapanganib para sa aming pamayanan ang pagkanlong sa inyo? Ano ba ang kasalanan ninyo sa reyna?” muling tanong ni Alab. “Wala po kaming ginawang kasalanan sa reyna, Amang. Hindi rin po namin batid kung bakit niya kami ipinadadakip,” matapat na tugon ni Donovan. Mataman siyang tinitigan ni Alab sa mga mata na tila ba kinikilala ang kaniyang buong pagkatao at inaalam mula sa bintana ng kaniyang kaluluwa kung nararapat nga ba silang pagkatiwalaan ng mga ito. “Ipinangangako po namin na hindi kami gagawa ng kahit na anong suliranin na ikapapahamak ninyo. Pakiusap po Amang, tulungan ninyo kami,” dagdag naman ni Gantrick. Hindi sumagot sa kanilang pakiusap si Alab. Tinalikuran lang niya ang mga ito at naglakad palayo. Laglag ang balikat na napayuko sina Donovan. Hindi na nila alam kung saan pa maghahanap ng maaaring matuluyan. Subalit laking gulat nilang apat nang muling mag salita si Alab habang naglalakad at utusan ang mga ginang na nasa gawing likuran nito. “Bigyan ninyo sila nang makakain at silid na maaaring tuluyan,” Huminto ang matanda sa paglalakad at pumihit paharap sa kanila. “Bigyan din ninyo sila ng mga bagong kasuotan upang hindi sila maging agaw-pansin sa ating pamayanan.” Ngiti na lamang ang naibigay nina Donovan sa matanda bilang pasasalamat sa pagtanggap nito sa kanila. Iginiya na silang dalawa ni Gantrick ng isa sa dalawang ginang upang magtungo sa kanilang magiging silid at bigyan na rin ng bagong mga kasuotan na kanilang magagamit. Sina Irene at Kirin naman ay kapwa sumunod na lamang sa isa pang ginang patungo sa kanilang magiging silid. KINAUMAGAHAN ay maagang gumising sina Donovan at Gantrick upang magmasid sa kanilang paligid. Nang makalabas sila sa kanilang silid ay siya naman ding pag labas nina Kirin at Irene mula sa kabilang silid. “Oh, you look great!” bungad ni Irene sa kanilang dalawa. Nakasuot kasi sila mga damit katulad ng sa mga Babylonian na sinamahan pa ng makapal na panlamig na hango sa balat ng mga hayop sa Babylon. Mukha itong isang kapa ng mga hari dahil sa kulay pulang mga balahibo na siyang nag silbing adorno ng kanilang mga kasuotan. Mayroon din itong panaklob sa ulo kung sakaling muling bumuhos ang nyebe. “Y-you look…wonderful too,” nahihiyang bati naman ni Donovan sa dalaga. Hapit na hapit kasi ang kasuotan ng dalaga para sa kaniyang balingkinitang katawan. Kaya naman ay makikita ang magandang hugis nito at ang malusog nitong dibdib. Mayroon din itong damit panlamig na katulad ng sa kanila. Napansin naman ni Irene ang pamumula ng mukha ni Donovan. “What’s wrong with you? May sakit ka ba?” “W-what? W-wala noh, malamig lang talaga rito,” pagdadahilan naman ng binata. “He’s blushing because of your body,” prangkang wika ni Gantrick kasabay ng palalakad patungo sa labas ng tahanan na kanilang inookupa na hindi man lamang tinapunan ng tingin ang dalawa. Mabilis na ibinalot ni Irene ang suot na panlamig sa kaniyang kabuuhan at agad na sumunod kay Gantrick. “Pervert!” Bagama’t nakakapanindig balahibo ang kalamigan sa labas ay makikita pa rin ang ganda ng kapaligiran. Ang nagtatayugang puno na nababalutan ng makapal na yelo, ang mga bulaklak na nangingintab dahil sa sinag ng araw at ang mga palakad-lakad na mamamayan sa kanilang mga harapan. “Magandang umaga po sa inyo, Amang!” bati ni Donovan kay Alab nang mapadaan ito upang maglakad-lakad sa paligid. “Magandang umaga rin sa inyo! Mahimbing ba ang inyong pagtulog kagabi?” tanong ng matanda sa kanila. “Opo. Maraming Salamat po sa kabutihang loob ninyo, Amang.” Sagot ni Gantrick. “Oh siya, maya-maya ay saluhan ninyo kami sa pagkain. Maaaring hindi iyon sapat ngunit sana ay pagtiyagaan na lamang ninyo ang aming maihahanda para sa inyo,” “Huwag po ninyo kaming alalahanin, Amang. Marami pong salamat sa inyong paanyaya,” singit ni Kirin. Nagpatuloy na sa paglalakad si Alab. Sina Donovan ay ipinagpatuloy na rin ang kanilang pagmamasid sa buong paligid. Kinakailangan din nilang siguruhin na hindi sila madaling matutunton ng mga taga-sunod ng reyna. Masayang nagkakasiyahan ang lahat sa harap ng hapag. Puno nang tawanan at samu’t-saring kuwentuhan lamang ang maririnig sa kapaligiran. Naging mainit ang pagtanggap ng pamayanan sa grupo ni Donovan. Maligaya sila na makakila ng bagong mga mukha sa kabila ng panganib na dulot nang pagkanlong nila sa apat sa estranghero. “Hindi po namin inaasahan na magiging ganito kainit ang inyong pagtanggap sa aming apat, Amang.” Wika ni Gantrick. “Sa kabila ng mga pagsubok na amin nang naranasan mag mula pa sa sa panahon ng magiting na Haring Kimor ay naniniwala pa rin kaming mga Babylonian na ang pagpapakita ng kabutihan sa kapwa ay isa sa aming mga obligasyon bilang mamamayan ng Babylon,” sagot ni Alab. “Haring Kimor?” tanong ni Irene. Sinipa naman ni Kirin mula sa ilalim ng mesa ang paa ni Irene upang patigilin ito sa pagtatanong. Nahahalata kasi na hindi talaga sila taga Babylon. “Aray!” bulyaw ni Irene sa dalaga. Mabilis naman nitong tinakpan ang kaniyang bibig ng mapagtanto ang dahilan nang pag sipa sa kaniya ni Kirin. Napangiti naman ng aktong iyon si Alab. “Si Kimor ang anak ng mataas na Haring Yusuf. Nang mamaalam sa Babylon ang Haring Yusuf ay si Haring Kimor ang nagmana sa Kaharian ng Sanyar. Nang mapaslang naman sa ikalawang digmaan ang Haring Kimor ay ang kaniya namang anak na si Prinsipe Jibreel ang namuno sa nagkakaisang Babylon. Si Kimor ay isa sa mga bayaning nag buwis ng buhay para sa kapayapaan ng Babylon.” “Naku, Amang! Tigilan na ninyo ang pagkukuwento tungkol sa kapayaan na iyan. Isa lamang ‘yang alamat mag mula pa noong unang panahon. Kailan man ay hindi pa ‘yan nararanasan ng Babylon,” pagputol ni Kirin sa kwento ni Alab. Sa kalagitnaan nang kasiyahan at magiliw na pakikipag-usap nina Donovan kina Alab ay sumulpot ang isang pulutong ng mga taga-sunod ng reyna na siyang nagsisilbing kawal ng hukbo nito. Dahil sa presensya ng mga ito ay mabilis na nagbago ang atmospera sa paligid. Ang kaninang mga Babylonian na nagkakatuwaan ngayon ay tahimik lamang at nakayuko na wari ba’y hindi maaaring pagmasdang ang wangis ng mga bagong dating. Bahagya rin na yumuko sina Donovan upang mapagtakpan ang kanilang presensya sa lugar. Hindi nila ninanais na ilagay sa kapahamakan ang bawat isa sa pamayanan. Tumayo si Alab at binati ang mga bagong dating. “Komandante, kayo pala. Halina’t saluhan ninyo kami sa aming munting salu-salo.” Hindi naman natinag mula sa pagkakatayo ang tinatawag na komandante. Sa gulat nang lahat ay biglaang na lamang napaupo sa lupa si Alab nang malakas siyang sampalin ng komandante. “Sinasabi mo ba na saluhan namin sa pagkain ang mababang uri na katulad ninyo?” Agad naman na tinungo nina Gantrick at Donovan ang matanda upang alalayan sa pagtayo. Tangka sanang aatakihin ni Gantrick ang mga ito nang hawakan siya ni Alab sa braso upang pigilin. “Ipagpaumanhin po ninyo ang aking kalapastanganan, Komandante,” hinging paumanhin ni Alab. Agad niyang inutusan ang mga Babylonian na lisanin ang mga hapag at ihain sa mga kawal ng reyna ang mga pagkain na sana’y pagsasaluhan nila kinabukasan. Ang mga kawal naman ay nag kaniya-kaniya sa mga nabakanteng upuan at maganang nilantakan ang mga pagkain na nakahain sa hapag-kainan. Hindi pa nakuntento ang mga ito at pilit pang ipinauupo sa kanilang mga kandungan ang mga babae na kanilang maibigan. Wala naming magawa ang mga kababaihan kung hindi ang sundin na lang ang kagustuhan ng mga kawal. Kapwa naikuyom naman nina Gantrick at Donovan ang kanilang mga palad dahil sa kanilang mga nasasaksihan. “Pipe down, Donovan, Gantrick. We can’t afford to put everyone here in danger.” Pagpapaalala ni Irene sa dalawa. Batid niya na anumang oras ay sasabog na ang kinikimkim na galit ng mga ito. At sa sandaling iyon ay tiyak na kapahamakan ang sasapitin ng bawat isa sa pamayanan. Tinikis at sinarili na lamang ng mga binata ang galit na kanilang nadarama. Tama si Irene hindi nila maaaring ilagay sa kapahamakan ang mga nag magandang loob na tulungan sila. “Siya nga pala, Alab. Mayroon ba kayong napansin na kahina-hinalang mga nilalang dito sa inyong paligid?” tanong ng Komandante kay Alab. “Ano po ang ibig ninyong sabihin, Komandante?” “Mayroong ipinahahanap na mga nilalang sa aming mga kawal ngayon,” “Ipinahahanap ng reyna?” “Hindi ang mahal na reyna. Isa sa apat na apostol ang nagbigay ng kautusan.” “Ano po ba ang kasalanan ng mga nilalang na ito?” “Huwag ka nang magtanong! Sagutin mo na lamang ang aking itinatanong sa iyo!” “Paumanhin, Komandante. Wala pa kaming napapansin na mga kahina-hinalang mga nilalang sa paligid. Hayaan po ninyo at agad kong ipagbibigay alam sa inyo kung mayroon man kaming mamataan dito.” “Mabuti. Alam mo naman kung ano ang magiging kaparusahan ng mga magkakanlong sa mga nagkasala sa mga apostol, hindi ba?” Tumango lamang si Alab bilang tugon sa Komandante. Hindi rin nag tagal ay kusa na ring umalis ang mga kawal ng reyna matapos nilang ubusin ang lahat ng pagkain na kanilang makikita. Maging ang mga nakaimbak sa imbakan ng pagkain ay kanila ring binitbit sa pag alis. Tahimik lamang na bumalik sa kaniya-kaniya nilang mga tahanan ang kanina’y masasayang mga Babylonian. Bakas sa kanilang mga mukha ang kinikimkim na pagkamuhi sa mga hindi inaasahang bisita. Mababanaag din ang lungkot sa kanilang mga mata na batid nina Donovan na mula sa matagal na pagtitiis ng mga ito sa laganap na kasamaang dulot ng pamumuno ng Puting Reyna. “Sana ay narito pa ang mga Gabay.” Napakunot noo naman si Donovan sa narinig. Hindi niya alam kung sino ang tinutukoy nito ngunit tila ba ang mga ito na lamang ang siyang tanging makakapitan ng mga Babylonian sa oras nang kagipitan. “Ano ang mga Gabay na tinutukoy niya?” tanong ng binata kay Kirin nang lumapit ito sa kanila. Nagtataka naman itong tumingin sa kaniya at sa tinutumbok ng mga mata ni Donovan. Tumango pa ang dalaga nang maunawaan ang lalaki. “Sila ang mga sinaunang tagapagtanggol ng Babylon,” tugon ni Kirin. “Eh nasaan na sila ngayon? Bakit hindi nila kayo tinutulungan?” tanong naman ni Irene. Malungkot na umiling naman si Kirin. “Matagal na silang wala sa Babylon. Lahat sila ay kasama sa mga nasawi noong ikalawang digmaan.” Natahimik naman sina Donovan at Irene dahil dito. Ang pag-asa na pinanghahawakan ng mga ito pala ay matagal nang nilisan ang Babylon. Hindi man nila batid kung sino at ano ang mga naganap noong ikalawang digmaan ay alam nila na ang mga Gabay ang bayani sa mundong ito. Dahil sa isiping minsan na rin pa lang nagkaroon nang tagapagtanggol ang Babylon ay napukaw ng mga ito ang natutulog na kuryusidad ni Donovan. Nais pa niyang mas makilala ang mga Gabay at malaman ang mga kabayanihang ginawa ng mga ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD