Chapter 16- SORROW

2274 Words
NANLAKI ang ulo ni Ahura sa narinig. Nanlambot din ang kaniyang mga tuhod at nawalan ng lakas ang buo niyang katawan. Mabuti na lamang at maagap siyang nasalo ni Gantrick kung hindi ay pihadong nakasalampak na siya ngayon sa lupa. “Anong ibig mong sabihin?” nagugulumihang tanong ng dalaga. Batid na niya ang kahulugan nang mga sinambit ni Gantrick ngunit hindi ito magawang tanggapin ng kaniyang isipan. Simula pagkabata kasi niya ay si Reymel lamang ang umagapay at tumulong sa kaniya na maipagpatuloy ang kaniyang buhay. Si Reymel ang tumayong ama at ina niya sa mapanganib na mundong kinaroroonan niya. Ito ang nagturo sa kaniya kung paano tumayo sa sarili niyang mga paa. Ito rin ang nagturo sa kaniya kung paano gumamit ng pana. Si Reymel ang tumulong na humulma sa nasira niyang pagkatao simula nang mawalay siya sa kaniyang ina. “Hindi! Hindi natin siya pwedeng iwan!” sigaw ni Ahura. Nagtagumpay ang dalaga sa pagpupumilit niyang makawala mula kay Gantrick. “Reymel!” Napahinto siya sa pagtakbo patungo sa lalaki nang sumigaw ito habang pilit na ginagapi ang mga kaaway. “Huwag kang lalapit! Umalis ka na Ahura! Sumama ka na sa kanila!” Pigil ang pag hikbi na tumugon naman si Ahura. “Ayoko! Hindi kita maaaring iwan mag-isa rito! Hindi ko kakayanin ang mabuhay kung hindi dahil sa’yo. Nangako kang tutulungan mo ako na matupad ang misyon ko sa buhay!” Nang mapabagsak ni Reymel ang ilan pang mga kalaban ay muli siyang nagsalita. “Patawad, Ahura. Hindi ko na matutupad pa ang mga ipinangako ko sa iyo. Simula ngayon, ang mga nilalang na nasa tabi mo ngayon na ang makakasama mo sa hamon ng buhay. Mabubuti silang nilalang kaya naman nasisiguro ko na nasa mabuting mga kamay ka.” Hindi na napigilan pa ni Ahura ang pagpatak ng kaniyang mga luha. Batid niya na hindi na niya mababago pa ang isipan ni Reymel. “Pero—” “Pakiusap, Ahura. Umalis ka na. Mamuhay ka sana nang maligaya,” nakangiting pakiusap ni Reymel sa dalaga. “Ginoo! Ikaw na ang bahala kay Ahura. Umalis na kayo habang mayroon pa akong natitirang lakas upang labanan ang mga bandidong ito!” Hindi na nagdalawang salita pa si Reymel. Ilang segundo lamang ay ang pares nang malalakas na braso ni Donovan na lamang ang huling naramdaman ni Ahura. Hindi lamang ang kaniyang katawan ang walang pakiramdam ng mga sandaling iyon kung hindi ay pati na rin ang buo niyang pagkatao. Gusto niyang saktan si Gantrick dahil sa ginagawa nitong pag abandona kay Reymel. Subalit batid din ng dalaga na si Reymel mismo ang may kagustuhan niyon at sinusunod lamang ni Gantrick ang pakiusap ng kaniyang ama-amahan. Habang pilit na inilalayo ni Gantrick si Ahura ay muli siyang nilingon ni Reymel. Sa pagkakataong iyon ay batid niya sa kaniyang sarili na ito na ang huling pagkakataon na muli niyang masisilayan ang dalaga. “Paalam, Ahura.” TULUYAN na ngang nakalabas sa kuta ng mga bandido sina Donovan dahil na rin sa tulong at sakripisyo ni Reymel. Hindi pa rin maampat ang luha ni Ahura dahil sa pagkawala ng ama-amahan. Si Donovan naman ay namimiliit pa rin sa sakit dahil sa palasong nakabaon sa kaniyang binti. Nakaagapay naman sa kaniya si Irene na bagama’t nahahapo na ay patuloy pa rin ang pag alalay sa binata. Nang makasiguro na si Gantrick na wala nang nakasunod sa kanila ay binitiwan na niya nag braso ni Ahura at tinungo ang kapatid. Naupo sila sa ilalim ng isang malaking puno upang panandaliang makapahinga ang sugatang binata. Palinga-linga naman sa kanilang paligid si Gantrick upang siguruhin na hindi sila nasundan ng mga bandido. “Everything will be fine, Don. We’ll find a doctor for you.” Pagpapakalma ni Gantrick sa kapatid na halos panawan na ng ulirat dahil sa sakit na nadarama. “We need to quickly find a doctor or else, Donovan will lose too much blood,” natatarantang saad pa ni Irene kay Gantrick. “Damn it!” pagmumura ni Gantrick. Hindi siya sigurado kung makakakita nga ba sila ng doktor sa mundong ito. Tila natauhan naman na si Ahura sa mga nagaganap. Mabilis niyang nilapitan si Donovan at sinipat ang sugat nito. Binali niya ang unahan at hulihang bahagi ng palaso. Tanging ang mismong katawan na lamang nito ang natira na nakatusok sa binti ng binata. “Kailangan nating hugutin nang tuluyan ang palasong ito at takpan ang sugat. Kung hindi ay mauubusan ka ng dugo dahil sa pinsalang natamo mo,” wika ni Ahura. Tumango naman sa kaniya ang binata. Kinuha ni Donovan mula sa kaniyang tagiliran ang upak o ang lagayan ng kaniyang espada at kinagat iyon upang hindi siya makagawa ng malakas na pagsigaw na magiging dahilan ng kanilang pagkakatunton. “Masasaktan ka rito pero kinakailangan nating gawin ito. Bibilang ako ng tatlo bago ko hugutin ang palaso,” imporma ni Ahura sa binata. Nang sandaling hawakan ni Ahura ang palaso ay mabilis niya itong hinugot. “Tatlo!” Napaigik sa sakit si Donovan. “A-akala ko ba…bibilang ka ng tatlo?” “Akala ko rin eh,” tugon ni Ahura habang ipinupulupot ang kaniyang balabal sa sugatang binti ni Donovan. Naalerto ang dalaga maging si Gantrick nang makarinig ng mga pagkaluskos sa kanilang paligid. Agad na itinutok ni Ahura ang kaniyang pana sa halamanan habang si Gantrick naman ay kagyat na binunot ang kaniyang espada upang mag handa sa pakikipaglaban. Makalipas ang ilang segundo ay ibinaba na rin ni Gantrick ang kaniyang espada nang mapagtanto na si Kirin lamang ang may gawa ng mga pagkaluskos. Kung hindi lamang dahil sa kirot na nadarama ni Donovan ay malamang na napahagpak na siya ng tawa dahil sa hitsura ni Kirin ng mga sandaling iyon. Nakataas kasi ang magkabilang kamay nito nang makita na nakatutok sa kaniya ang palaso ni Ahura pati na rin ang espada ni Gantrick. Subalit nang makita ang kaniyang kalagayan ay agad itong nagtungo sa kaniyang kinaroroonan. “Anong nangyari? Ayos ka lamang ba?” nag aalalang tanong ni Kirin kay Donovan. “Oo. Ayos lamang ako. Salamat sa pag aalala.” “Ano ba ang nangyari sa inyo sa loob?” “Napalaban kasi kami sa loob. Sa kasamaang palad eh tinamaan itong si Donovan ng palaso sa binti,” tugon ni Irene sa dalaga. “Kailangan na nating makalayo rito. Sigurado akong hinahanap na tayo ng mga bandido!” saad ni Ahura sa mga kasama. “Teka, sino ka naman?” naguguluhang tanong ni Kirin. “Ahura.” “Ako si Kirin,” tinanguan lamang siya ni Ahura bilang tugon. Upang mas mapabilis ang kanilang paglayo ay inalalayan na rin ni Kirin si Donovan sa isang bahagi habang sa kabila naman ay nakaalalay din si Irene. Si Ahura naman ang nangunguna sa kanilang pagtakas ng mga sandaling iyon. Habang si Gantrick naman ang nagbabantay sa kanilang likuran. At dahil nga teritoryo ng mga bandido ang buong kabundukan ay kabisado ng mga ito ang bawat pasikot-sikot sa lugar. Kaya naman mas minabuti na nina Gantrick na muling bumalik sa pamayanan nina Vector, hindi kalayuan mula sa paanan ng bundok upang makahingi rin ng tulong para kay Donovan. Sinalubong sila Donovan nina Vector at ilan pang mga kalalakihan na kapwa may mga hawak na sandata. Agad silang pinapasok ng mga ito at inalalayan si Donovan ngunit pinagbawalan nila si Ahura at tinutukan pa ng sandata. Hindi naman na nanlaban pa si Ahura at tinalikuran na lamang sila upang umalis sa lugar. “Sandali!” sigaw ni Gantrick habang palapit sa kaniya. Pilit nitong ibinababa ang mga sandatang nakatutok sa kaniya. Nang tuluyang makalapit ang lalaki sa kaniya ay agad siya nitong hinawakan sa braso at giniya papasok ng pamayanan. “Hindi siya kaaaway, Vector. Kasama namin siyang tumakas mula sa kuta. Kung hindi dahil sa kaniya ay malamang napahamak na kami.” Mababanaag sa mukha ni Gantrick ang kagustuhan na tanggapin ni Vector ang dalaga. Kung kaya naman ay wala na ring nagawa ang lalaki kundi ang hayaang makapasok si Ahura. “Tahimik mong matyagan ang bandidong iyon,” utos ni Vector kay Arvit nang makalayo na ang dalawa sa kaniya. Dinala ng mga kalalakihan si Donovan sa isang kubol at doon inihiga. Ipinatawag ni Vector si Apo lakay. Ang nag iisang babaylan o manggagamot sa kanilang pamayanan upang bigyang lunas ang binata. Tumagal ng halos isang oras bago muling nakalabas sa kubol si Apo lakay. “Nasa maayos nang kalagayan ang binata. Ipagpatuloy na lamang ninyo ang pagpapalit ng halamang gamot sa kaniyang sugat sa tuwing lilipas ang anim na oras.” “Marami pong salamat sa inyong tulong Apo,” wika ni Gantrick. Tumango naman sa kaniya ang matandang babae. “Kailangan nating mag-usap Vector,” anunsiyo nito. Mabilis naman na nawala sa paningin nina Gantrick ang dalawa. Sa isang madilim na bahagi ng pamayanan huminto sa paglalakad ang dalawa. Ang bawat pag ihip ng malamig na hangin ang siyang nagbibigay nang kapanatagan sa kanilang mga katauhan at pumapayapa sa kanilang mga isipan. “Nakita ko ang simbolo ng Gabay sa sugatang binata, Vector. Lubhang mapanganib para sa ating pamayanan ang magkanlong ng kalaban ng Reyna! Ano ba ang naiisip mo at pinatuloy mo sila rito?” wika ng matandang babae. “Paumanhin, Apo lakay. Ngunit pakiwari ko ay sila na ang magpapalaya sa atin mula sa Puting Reyna. Sila ang magiging susi upang mag tagumpay ang hukbo,” tugon naman ni Vector. “Naririnig mo ba ang sarili mo, Vector? Wala na ang hukbo dalawang-daan taon na ang nakaraan!” pagtataas ng boses ni Apo lakay. “Mapapahamak lamang ang ating mga mamamayan pati na rin ang mga dayo na iyon kung ipagpipilitan mo ang iyong kagustuhan. Hindi pa ba sapat ang pagkawala ng maraming buhay sa bawat araw dahil sa kalupitan ng mga tuta ng Reyna?” dagdag pa nito. Saglit namang natahimik si Vector. “Kung hindi tayo kikilos upang labanan ang Reyna at kaniyang mga taga-sunod ay mas marami pa sa ating mga kalahi ang mamamatay nang walang kalaban-laban. Maaaring ang mga dayo na iyon na ang katuparan ng propesiya.” “Vector—” “Patawarin mo ako, Apo lakay. Ngunit hindi mo na mababago pa ang aking pasya.” Tinalikuran na ni Vector ang matanda at umuwi sa kaniyang tahanan. Naiwan naman na nakatayo si Apo lakay. Nababahala siya sa mga maaaring sunod na mangyayari. Sa likod ng isang puno ‘di kalayuan kay Apo lakay ay nagkukubli sa kadiliman ng gabi ang isang nilalang na tahimik lamang na pinakinggan ang naging pag-uusap ng dalawa. DALAWANG araw na ang lumilipas ngunit hindi pa rin tuluyang nagigising si Donovan. Ngunit siniguro naman ni Apo lakay kina Gantrick na nasa maayos na itong kalagayan. Kinakailangan lamang nito ng mas mahabang pahinga. Hindi pa lubusang sumisikat ang haring araw ay napagpasyahan na ni Gantrick na maglakad-lakad sa paligid. Sa kaniyang paglalakad ay nakarating siya sa isang bangin. Subalit hindi iyon ang pumukaw sa kaniyang atensyon kundi ang babaeng nakaupo sa isang malaking bato na nasa may hangganan ng bangin. Tahimik niya itong pinagmasdan. Ramdam niya ang bigat sa loob ng dalaga habang nakamasid sa unti-unting pag sikat ng araw. Napabuntong-hininga ang binata at lumapit sa dalaga. “Anong ginagawa mo rito? Hindi ka ba natatakot na mahulog sa ibaba?” pagbibiro ni Gantrick. Kasabay nang pag-iling ay ang matipid na ngiti ni Ahura. “Naganap na ang pinakakinatatakutan ko sa lahat.” Napakunot-noo naman si Gantrick sa narinig. “At ano naman iyon?” “Ang muling mag isa.” Walang lingon-lingon na sagot ni Ahura. Nagdulot ng bigat sa dibdib ni Gantrick ang kasagutang ito ng dalaga sapagkat alam niya na hindi lamang si Ahura ang nakadarama nito. Walang nilalang sa mundo ang gustong mag isa. Bagama’t ang lahat ay may pagkakaiba ay hindi pa rin maitatanggi ang kasiyahan at ang pakiramdam na maging ligtas sa tuwing tayo ay nasa piling ng ating pamilya, kaibigan, o mga katipan. Batid ni Gantrick na ito ang kasalukuyang nadarama ng dalaga. Tinalikuran nito ang pagiging bandido pati na rin ang mga kaibigan nito para lamang tulungan sila. Nawala rin sa kaniya ang pinakamalapit na Babylonian sa kaniyang buhay. Ang tumayong ama at ina niya, ang tumulong sa kaniya na mamuhay sa mundong puno ng kasamaan at kalupitan. Ang nag iisang Babylonian na nagbigay ng pagpapahalaga sa kaniya. “Bakit mo ako tinulungan na matanggap ng pamayanang ito?” tanong ni Ahura sa binata. “Bakit mo kami tinulungang makatakas sa mga bandido?” balik na tanong naman ni Gantrick. Ilang segundo nang katahimikan ang namutawi sa pagitan nilang dalawa. Malalim na nag isip si Ahura at inapuhap sa kaniyang isipan ang kasagutan sa kaniyang sariling katanungan. “Dahil iyon ang tamang gawin,” basag ni Ahura sa katahimikan. Napangiti naman si Gantrick sa narinig. “Iyan din ang rason kung bakit kita tinulungang matanggap ng pamayanang ito. Dahil iyon ang tamang gawin.” Napalingon si Ahura sa nakatayong binata sa kaniyang tabi. Kasabay nang pag sikat ng araw at ang pagtama ng liwanag nito sa kabuuhan ni Gantrick ay ang matamis na ngiti ng binata ang pumawi sa kabigatang nadarama ni Ahura. Hindi na niya napigilan ang pag alpas ng masasaganang luha mula sa kaniyang mga mata. Nabalot ng init ang kaniyang katauhan. Hindi dahil sa init na nagmumula sa haring araw kung hindi ay dahil sa init ng pagtanggap at pag unawa na ipinadama sa kaniya ni Gantrick. Magkasabay nilang pinagmasdan ang kagandahan ng kapaligiran. Ang unti-unting pag-akyat ng araw patungo sa kaniyang dapat na kalagyan at ang malamyos na ihip ng hangin pati na rin ang mga ibon na masayang lumilipad sa asul na kalangitan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD