NANG muling makabalik si Gantrick sa kubol na kinaroroonan ni Donovan ay inabutan niya roon sina Irene at Kirin.
Kapwa nakaupo ang mga ito sa isang sulok ng kubol habang hinihintay na magising ang binata.
“Hindi pa rin ba siya nagigising?” bungad na tanong niya kay Irene.
Umiling lamang ang dalaga bilang tugon.
Si Kirin naman ay ngumiti lamang sa kaniya at muling nilingon ang mahimbing na natutulog na si Donovan. Saglit pa niyang inayos ang kumot nito.
“Hindi kaya nagkamali ng diagnosis si Apo lakay kay Don? I mean, baka hindi talaga niya tuluyang nagamot ang sugat niya?” tanong ni Irene.
“I don’t think so. People here had a huge respect to that Babaylan. I don’t think she’s just bluffing,” tugon naman ni Gantrick sa dalaga.
Lumapit naman sa kanila si Kirin. “Kumain na ba kayo? Namitas ako ng mga prutas kanina, halina’t lumabas upang mapagsaluhan natin iyon.”
Sumang-ayon naman ang dalawa kay Kirin at nilisan ang kubol ni Donovan.
Nagpunta sila sa ilalim ng isang mayabong na puno at naupo sa paanan niyon.
Inihain sa kanila ni Kirin ang iba’t-ibang uri ng prutas na kaniyang pinitas kani-kanina lamang upang kanilang mapagsaluhan.
“Kirin, hindi ka ba natatakot na mapahamak dahil sa pagtulong mo sa amin?” biglaang tanong ni Gantrick sa dalaga.
“Hindi. Wala na rin naman akong babalikan. Mas mainam para sa akin ang mamatay nang nakakatulong sa iba kaysa naman ang mamatay na wala man lamang kabuluhan,” sagot ni Kirin habang nilalantakan ang nakahain na prutas.
Napangiti naman si Irene dahil sa narinig. Hindi niya inaasahan na makakatagpo sila ng isang mabuti at tapat na kaibigan sa mundong hindi nila pinagmulan. Maligaya siya na makilala si Kirin at maging kaibigan nito.
“Ahura! Maupo ka rito at saluhan mo kami!” tawag ni Kirin sa dalaga nang mapadaan ito sa kanilang kinaroroonan.
Nag dadalawang-isip pa ito ngunit naupo rin sa kanilang tabi kalaunan.
Inabutan ito ni Kirin ng prutas na nahihiya naman nitong tinanggap.
“Huwag kang mahiya. Tinulungan mong makalabas nang buhay ang mga kaibigan ko kaya naman ay kaibigan na rin ang tingin ko sa iyo.”
Nag-aalangan namang ngumiti si Ahura sa kaniya. “Salamat.”
“Siya nga pala, Gantrick. Ano na ang susunod na hakbang natin?” tanong ni Kirin sa binata.
“Hindi ko pa alam. Pero kung gising na si Donovan ngayon ay nakatitiyak akong ang ipagpapatuloy ang paghahanap sa aming ina ang sasabihin niya. Sa ngayon ay hintayin na lamang muna natin si Donovan na magising bago natin muling pag-usapan ang ating mga susunod na hakbangin. Gawin na lamang muna nating kapaki-pakinabang ang ating mga sarili sa pamayanang nagkakanlong sa atin.”
Tumango naman sa kaniya ang mga kasama bilang tugon. Ipinagpatuloy na nila ang kanilang pagkain habang masayang nagkukwentuhan sa lilim ng mayabong na puno.
SAMANTALA, nagmulat muli si Donovan sa nagliliwanag na kapaligiran. Ito ang lugar kung saan niya unang nakausap ang babaeng may kulay pulang buhok.
“Astora? Naririto ka ba?” tawag niya sa pangalan ng babae.
Hindi nagtagal ay lumabas mula sa kung saan si Astora. “Naririto lamang ako, Donovan.”
“Bakit naririto akong muli?” tanong niya kay Astora.
“Kasama sa iyong kakayahan ang makipag-usap sa akin sa lugar na ito,” paliwanag ni Astora.
Napailing naman si Donovan dahil dito. “Hindi kita maunawaan. Anong kakayahan? At bakit ako may ganitong kakayahan?”
Tinawid ni Astora ang munting pagitan nila ng binata at inaya itong maupo sa tabi niya. Hindi katulad noong ikalawa nilang pagtatagpo ay hindi ang mapayapang kagubatan ng Babylon ang bumungad sa kaniyang mga mata.
Nasusunog na mga tahanan. Mga walang buhay na katawan ng mga Babylonian at ang nagkakagulong paligid ang ipinakikita ngayon sa kaniya ni Astora.
‘Di nagtagal ay ang oras naman nang kamatayan ni Alab ang ipinakikita ni Astora sa kaniya. Nakikita niya kung gaano siya kahina ng mga sandaling iyon.
Kung paano niya hinayaang mamatay si Alab kapalit ng kanilang kaligtasan. Kung paanong ang masasayang mga mamamayan na taos puso silang kinanlong ay isa-isang nagbabagsakan sa lupa.
“Tama na! Pakiusap,” sigaw ng binata.
Awtomatiko namang nawala sa kanilang harapan ang masasalimuot na imahe ng nakaraan. Tumayo si Astora mula sa pagkakatayo at dalawang beses na humakbang palayo sa binata.
“Pinili kita, Donovan.”
Naguguluhan namang napatayo ang binata. “Pinili?”
“Pinili kita upang maging bagong tagapagtanggol ng Babylon. Pamumunuan mo ang mga bagong gagabay sa mundong ito.”
“
G-gagabay? Ano ba ang sinasabi mo? Hindi ako malakas, hindi rin ako nagmula sa mundong ito bakit ako ang pinili mo?” nagugulumihan pa rin na tanong ng binata. Mababakas sa kaniyang pananalita ang kalituhang nadarama.
“Magtiwala ka lamang sa’yong sarili.”
Nakangiting tugon ni Astora. “Magkikita tayong muli, Donovan.”
Unti-unting naglaho sa kaniyang harapan si Astora. Kasabay nang pagkawala nito ay ang pagbabalik nang nakabubulag na liwanag ng kapaligiran.
Pawis na pawis ang mukha ni Donovan nang bumangon siya mula sa kaniyang mahimbing na pagkakahimlay. Nanlalabo pa ang kaniyang mga mata ng mga sandaling iyon.
“Donovan? Are you okay?”
“Mabuti naman at nagising ka na Donovan,”
Naririnig niya ang boses nina Irene at Kirin sa paligid ngunit ilang saglit pang tumagal ang panlalabo ng kaniyang mga mata.
“Sandali lamang at tatawagin ko si Gantrick sa labas,” dinig pa niyang wika ni Kirin.
Habang lumilipas ang mga segundo ay siya namang pagbalik sa normal ng kaniyang paningin. Ang maamong mukha ni Irene ang sumalubong sa kaniya.
“Hey, are you okay? Do you know who am I?” nag aalalang tanong ng dalaga sa kaniya.
“W-who are you?”
Natigilan naman si Irene dahil sa kaniyang sinabi. Bakas sa mukha nito ang magkahalong pagkagulat at pag alala. “s**t! Wait here! Gantrick!”
Parang ipo-ipo ang dalaga na lumabas sa kaniyang kubol habang isinisigaw ang pangalan ng kaniyang kapatid.
Napahagalpak naman ng tawa si Donovan dahil rito.
Nakaramdam ng kirot si Donovan nang sinubukan niyang tumayo. Doon niya naalala na tinamaan nga pala siya ng palaso habang tumatakas sila sa mga bandido.
Ilang sandali lamang ay malakas na bumukas ang pinto. Iniluwa niyon ang humahangos na si Gantrick. Pawisan ito at may kaunti pang mga dumi sa mukha. Nakasunod naman dito sina Irene, Kirin, Ahura, at Vector.
Mabilis na lumapit sa kaniya ang kapatid. “Nakikilala mo ba ako?”
Pilit na sinusupil ni Donovan ang mga ngiti sa kaniyang labi ngunit bigo siyang gawin iyon. “Of course, you idiot. You’re my brother!”
“What? How come you remember him but not me?” gulat na tanong ni Irene habang lumalapit sa kaniya.
Tinapik niya ito sa noo nang tuluyan na itong nakalapit sa kaniya. “Silly girl! Of course, I know you. Eh almost every day mo akong inaaway sa hotel noon.”
Napabuntong hininga naman si Irene at ‘di kalaunan ay napatawa na rin. Hindi naman makasunod sa mga kaganapan ang tatlong Babylonian na nasa kanilang harapan.
“Mabuti na ang aking pakiramdam. Iyon lamang ang sinabi ko sa kanila,” sabay-sabay na tumango naman ang mga ito na animo’y napakahalaga ng mga salitang sinambit niya.
At dahil nga sa binti ang naging sugat ni Donovan ay hirap pa siyang makalakad kaya naman ay personal pa siyang iginawa ni Vector ng saklay na maaari niyang magamit.
Tiniyak naman sa kaniya ni Apo lakay na hindi magtatagal ay gagaling din ang kaniyang sugat. Kasalukuyan niyang pinanonood si Gantrick na mag sibak ng mga kahoy sa harapan ng kanilang kubol.
Ang kanila kasing mga kubol ay magkakalapit lamang kaya naman ay hindi na rin nakapagtataka nang marinig niya ang ginagawang pagsisibak ng kaniyang kapatid.
Sa bawat paghataw ng binata ng palakol sa nakatayong kahoy ay siya ring paglabas ng usok mula sa kaniyang bibig dahil sa sobrang baba ng temperatura dahilan upang doblehin nila ang kanilang mga suot na panlamig.
“I didn’t expect that I would live in a cold place like this,” wika ni Donovan.
“Yeah, and it sucks,” tugon naman ni Gantrick habang isinasalansan ang mga kahoy sa isang gilid.
“By the way, what’s the plan, Don?”
“Nothing’s changed. We’ll find mom and get back to our real world.”
Tumango naman si Gantrick sa kaniyang naging tugon at ipinagpatuloy na lamang ang ginagawang pagsisibak ng kahoy.
“Hey! Come inside! Let’s eat!” sigaw ni Irene mula sa kubol na katapat lamang ng mga kubol ng magkapatid.
Tumayo si Donovan mula sa pagkakaupo at inangkla sa kaniyang kaliwang braso ang saklay na ibinigay sa kaniya ni Vector upang hindi siya mahirapan sa paglalakad.
Si Gantrick naman ay maayos munang isinalansan ang mga bagong palakol na kahoy atsaka tinakpan ng mga malalaking dahon upang hindi tuluyang mabasa dahil sa paunti-unting pag bagsak ng nyebe.
Iniwan naman ni Irene na nakabukas ang pinto at tinungo na ang hapag upang tulungan sina Ahura at Kirin na ihanda ang kanilang makakain. Malayo pa lamang ay malalanghap na ang mabangong amoy ng inihahanda nilang pagkain.
“Wow! That smells great!” papuri ni Donovan nang tuluyang makapasok sa kubol.
Ilang minuto lamang ay si Gantrick naman ang sumunod na pumasok. “My god! It’s freezing outside.”
Pinagpag muna ng lalaki ang mga nyebeng kumapit sa kaniyang kasuotan.
Saglit din siyang lumapit sa pugon upang painitin ang nanlalamig na niyang pakiramdam.
Masagana nilang nilantakan ang pagkain lalo na ang mainit na sabaw na nilahukan pa ng karne ng kuneho at mga sangkap na ‘di maipagkakailang nagpapasarap dito.
Matapos kumain ay masaya naman silang nag kuwentuhan. Dahil nga interesado si Kirin sa mundong kinamulatan nina Donovan ay ito ang naging paksa ng kanilang mga usapin.
Ikinuwento naman nina Donovan ang kanilang naging pamumuhay sa mundong iyon. Pati na rin ang kanilang mga trabaho at ang buong sibilisasyon ng tao.
Bilang kapalit naman nito ay sina Donovan naman ang nagtanong patungkol sa Babylon na malugod namang pinaunlakan ni Kirin.
Si Ahura ay tahimik lamang na nakikinig sa kanila at nag sasalita lamang sa tuwing siya ang direktang tinatanong ng mga ito.
“Bilang huling katanungan ay may nais sana akong malaman patungkol sa Puting Reyna,” wika ni Donovan.
Nang tumango ang mga kaharap ay muli siyang nag salita. “Saan tunay na nag mula ang Puting Reyna?”
Bakas naman sa mukha ni Kirin ang pagkabigla sa katanungang ito ng binata. “H-hindi ko rin alam eh, bigla na lamang kasi siyang lumitaw dito at sinakop ang Babylon.”
Hindi naman nakaligtas kay Ahura ang naging reaksyon ng dalaga. Ngunit ipinagsawalang bahala na lamang niya ito dahil baka hindi lamang nito gustong pag-usapan ang Reyna na sumakop sa buong Babylon na siyang nagpapahirap dito.
Naputol lamang ang kanilang masayang pagkukwentuhan nang makarinig sila ng malalakas na pagkalampag at nakakikilabot na alulong ng kung ano mang uri ng nilalang sa labas.
“What’s that?”
Kahit hindi nauunawaan nina Kirin at Ahura ang wikang sinambit ni Irene ay alam nilang itinatanong nito kung ano iyong ingay na naririnig nila.
Nang muli pa nilang marinig ang alulong ay agad na pinatay ni Ahura ang lampara. Mabilis na nilamon ng dilim ang kanilang buong paligid. Tanging ang sinag ng buwan lamang ang siyang tumatanglaw sa buong kapaligiran.
Mula sa nakabukas na bintana na natatakpan ng puting tela bilang kurtina nito ay ang anino ng isang uri ng nilalang ang nagpatindig sa balahibo ng lahat.
Lalo pa silang kinilabutan nang muli nilang marinig ang garalgal na pag alulong nito.
“What the f—”
Hindi na natapos pa ni Donovan ang nais niyang sabihin nang mabilis na takpan ni Ahura ang kaniyang bibig gamit ang mga kamay nito.
Nang makasiguro ang dalaga na hindi na siya muli pang gagawa ng ingay ay inalis na nito ang kamay sa kaniyang bibig.
“Ano ang nilalang na iyan?” bulong ni Gantrick sa mga kasama.
“Yetti,” pabulong na tugon ni Ahura sa binata.
Ang mga nilalang na tinatawag na Yetti ay kilalang taga-sunod ng Reyna. Sila ay dalawampung talampakan sa taas, nababalot ng makakapal na balahibo, may mapupulang mga mata at may hindi matatawarang pisikal na lakas.
Nabubuhay sila sa nag yeyelong kabundukan ni Saphira na sakop sa Kaharian ng Sanyar.
Mababangis na nilalang ang mga Yetti, walang Babylonian ang nanaisin na makasalubong man lamang sa daan ang mga ito. Bagama’t hindi kasama sa kanilang natural na pagkain ang lahi ng mga Babylonian ay laruan naman ang tingin ng mga ito sa kanila.
Kaya naman ang bawat Babylonian na kanilang makikita ay agad nilang dinadakip at walang awa na pinapaslang.
“Huwag kayong gagawa ng kahit na anong ingay kung ayaw ninyong pag putol-putulin tayo ng halimaw na ‘yan sa sampu,” babala ni Kirin.
Napalunok naman si Irene dahil sa narinig. Nanigas siya na para bang isang istatwa dahil sa takot na maputol na parang isang patpat. Nanatili siyang walang imik at pigil ang hininga lalo na noong humarap sa gawi ng kanilang kubol ang isa sa mga halimaw.
Nakahinga nang maluwag hindi lamang si Irene kung hindi ay pati na rin ang iba pa nang tuluyan nang mawala sa harapan ng bintana ang anino ng mga Yetti.
Ngunit hindi pala rito nagtatapos ang panganib. Mula sa kung saan ay ang nahihintakutang sigaw ng isang babae at isang bata ang bumalot sa kapaligiran.
Nagkatinginan ang lahat at sabay-sabay na dumungaw sa nakabukas nilang bintana. Napatiim-bagang sina Donovan at Gantrick sa nakita.
“Oh s**t!”