Chapter 7

2603 Words
HONEY POV Pagdating ko sa mansyon, hindi ko na alintana ang itsura ko. Pagod ako, wala akong lakas makipagtalo, at gusto ko lang sana makapagpahinga. Pero siyempre, hindi ako pinalampas ni Desmon. Nang makita niya ako sa sala, agad siyang lumapit—nakakunot ang noo at halatang inis. "Ano ‘yang itsura mo?" tanong niya, puno ng pagsusuri ang tingin niya sa akin. "Saan ka ba talaga galing at bakit parang hinabol ka ng kung ano?" Humugot ako ng malalim na hininga. "Wala ka nang dapat alamin, Desmon," sagot ko nang hindi siya tinitingnan. Nakita kong lalo siyang nainis. "Assistant kita, Honey. Dapat alam ko kung anong nangyayari sa’yo." "Assistant lang, Desmon. Hindi alipin," sagot ko, pilit na nilulunok ang inis. Nagtagis ang bagang niya, pero hindi na siya sumagot. Kinuha niya lang ang coat na nakasampay sa gilid at inihagis sa akin. "Linisin mo ‘yan at plantsahin. Bukas ng umaga, gusto ko na itong suot." Napangiwi ako, pero wala akong choice. Kailangan ko ng pera, at para makuha ‘yon, kailangan kong tiisin ang pagiging assistant niya. Habang papunta ako sa laundry area, narinig kong bumuntong-hininga si Desmon. "Next time, kung pagod ka, sabihin mo sa’kin. Ayoko ng mukhang haggard ang assistant ko." Napahinto ako saglit. Ano bang paki niya kung pagod ako? Pero hindi ko na lang sinagot. Mas mabuti pang magpahinga na lang ako at kalimutan ang inis ko kay Desmon. Kahit anong mangyari, hindi ko siya dapat hayaang malaman ang totoong dahilan ng pagod ko. Habang inaayos ko ang coat na pinapaplantsa ni Desmon, hindi ko akalaing tatabihan niya ako. Hindi naman niya ako madalas kinakausap nang ganito—madalas utos lang o pang-aasar. Kaya nang marinig kong magsalita siya, napahinto ako saglit. "Nasaan ang tatay mo?" diretsong tanong niya. Napatingin ako sa kanya, bahagyang nagulat. "Bakit mo naman tinatanong?" sagot ko, pilit na hindi nagpapahalata ng kaba. Bahagya siyang sumandal sa counter, nakahalukipkip. "Gusto ko lang malaman. Wala akong masyadong alam tungkol sa’yo, eh." Napairap ako. "Bakit mo naman kailangang malaman? Assistant mo lang naman ako, ‘di ba?" Huminga siya nang malalim, parang naiirita sa sagot ko. "Hindi ba pwedeng curious lang ako? Masyado mong iniisip na wala akong ibang pakialam kundi utusan ka." Tumahimik ako saglit. Totoo naman ‘yon, ‘di ba? Si Desmon, wala namang ibang ginawa kundi asarin ako at gawing alila. Pero ngayon, heto siya at nagtatanong tungkol sa buhay ko? Bumalik ako sa pamamalantsa at hindi siya tinapunan ng tingin. "Matagal nang wala ang tatay ko. Iniwan niya kami ni Mama noong bata pa ako." Saglit siyang natahimik. "Kaya ba… nahihirapan kayo ngayon?" Bahagyang tumigas ang panga ko. Ayokong pag-usapan ang hirap namin sa buhay, lalo na sa isang tulad niyang hindi kailanman nakaranas ng gutom o pangamba. "Kaya namin ‘yon," maikli kong sagot. "Pero kung nandito siya, hindi ka na sana naghihirap," bulong niya, na parang hindi para sa akin. Napahinto ako. Hindi ko alam kung inaasar niya ako o sadyang may pakialam siya. Lumingon ako sa kanya, pero hindi siya nakatingin sa akin. May kakaibang lungkot sa mata niya na hindi ko maintindihan. "Bakit ka ba nagtatanong ng ganito, Desmon?" Bumalik ang iritasyon sa mukha niya at tumingin siya sa akin na parang napikon. "Sabi mo assistant lang kita, ‘di ba? Wala ka nang pakialam." Napakagat ako sa labi. Siya na nga itong nagtatanong, tapos siya pa ang may ganang mainis? Pero bago pa ako makapagsalita, bigla siyang lumapit at itinukod ang kamay sa counter, malapit sa akin. Lalo akong naguluhan sa ikinikilos niya. "Wala kang tatay, wala kang pera, pero mayabang ka. Paano mo nagagawang mabuhay nang ganyan, Honey?" Naningkit ang mga mata ko. Hindi ko alam kung insulto ba iyon o simpleng obserbasyon. Pero isa lang ang sigurado ko—hindi ako matitinag. "Simple lang, Desmon," sagot ko, matapang na tumingin sa kanya. "Dahil hindi ako tulad mo na nabubuhay lang sa yaman ng pamilya niya." Napangisi siya. "Matapang ka, pero tingnan natin kung hanggang kailan ka tatagal." At sa mga salitang ‘yon, bigla akong nakaramdam ng kaba. Dahil pakiramdam ko, hindi lang basta assistant ang tingin niya sa akin ngayon. At hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa o matakot sa ideyang iyon. Napaatras ako nang bahagya habang nakatukod pa rin ang kamay ni Desmon sa counter, malapit sa akin. Hindi ko gusto ang paraan ng pagtitig niya—parang may binabalak. "Ano naman ang gagawin mo sa akin?" tanong ko, nakataas ang isang kilay. Napangisi siya, halatang naaaliw sa inis na nasa mukha ko. "Marami." Napasinghap ako. "Ano nga? Magsalita ka nang diretsuhan, Desmon." Bahagya siyang yumuko, sapat lang para lalo akong kabahan. "Sa ngayon? Isa kang assistant. Kaya ang gagawin ko, uutusan pa rin kita." Napairap ako. "Wala namang bago ro’n." "At sisiguraduhin kong hindi ka makakatakas sa akin," dagdag niya, sabay ngisi. "Kung iniisip mong isang araw ay mawawala ka na lang sa harap ko, nagkakamali ka, Honey." Kumunot ang noo ko. "Ano bang problema mo? Bakit parang ang laki ng issue mo sa akin?" "Wala naman," sabay kibit-balikat niya. "Nakakaaliw ka lang. Para kang pusang galit nang galit pero bumabalik pa rin sa may-ari niya." Naningkit ang mga mata ko. "Hindi kita amo, Desmon." "Pero ako ang boss mo," sagot niya kaagad. "At ako ang magpapasweldo sa’yo, tandaan mo ‘yan." Napalunok ako. Totoo naman. Kaya hindi ako puwedeng sumagot nang pabalang. Kailangan ko ng pera. Pero hindi ibig sabihin no’n ay magpapatalo ako sa mga banat niya. "Kahit boss kita, hindi ibig sabihin na pag-aari mo ako," matapang kong sagot. Napangisi siya, pero sa pagkakataong ito, parang may iba sa ekspresyon niya. Parang may alam siya na hindi ko pa alam. "Tingnan na lang natin, Honey," bulong niya bago tumalikod at iniwan akong naguguluhan sa kung ano ba talaga ang gusto niyang palabasin. "Ano ba, Desmon! Ang kulit mo!" inis kong sabi habang pilit niyang hinahatak ang scrunchie sa buhok ko. "Bakit ba ang hilig mong itali nang sobrang higpit ‘yang buhok mo? Baka naman may tinatago kang sungay diyan?" natatawang tukso niya. Pinandilatan ko siya. "Wala kang magawa sa buhay, ano?" "Marami, pero mas masaya kitang asarin." Bago pa ako makasagot, biglang nag-vibrate ang cellphone ko. Nang makita ko ang pangalan sa screen, agad akong kinabahan. Kaibigan ni Nanay. Mabilis kong binuksan ang mensahe. "Honey, may gulo rito sa bar! Kailangan mo nang pumunta!" Nanlaki ang mga mata ko. Ano na namang nangyari?! Pakiramdam ko’y nanlamig ang buong katawan ko. Hindi pa nga ako nakakabayad sa utang, tapos ngayon, may panibago na namang problema? Mabilis akong nag-ayos ng gamit. Hindi ko na inintindi ang panunukso ni Desmon. "Hoy, saan ka pupunta?" tanong niya, halatang nagtataka sa biglaan kong kilos. "May kailangan lang akong gawin." "Anong kailangan mong gawin?" bumakas ang pagsusuri sa mukha niya. "Magsabi ka nga nang maayos." "Hindi mo na kailangang malaman, okay?!" inis kong sagot bago mabilis na tumalikod. "Hoy, Honey! Bumalik ka rito!" Hindi ko na siya pinansin. Kailangan kong makarating sa bar bago maging mas malala ang problema. Hindi pwedeng madamay si Nanay. Habang nagmamadali akong umalis, isang bagay ang hindi ko napansin—ang paraan ng pagtitig ni Desmon habang pinagmamasdan akong lumalayo. Pagkarating ko sa bar, agad kong hinanap si Nanay. Naramdaman ko ang paninikip ng dibdib ko nang makita ko siyang nasa isang sulok—nakikipagtalo sa isang lalaking mukhang lango na sa alak. Matalas ang tingin ng lalaki habang nakangisi, tila walang pakialam kahit na umiiyak na si Nanay. "Wala akong pakialam kung nagtatrabaho ka lang!" sigaw ng lalaki. "Kapag nagseserve ka ng alak, dapat marunong ka ring mag-entertain!" "Wala akong ginagawang masama! Trabaho ko lang ang ginagawa ko!" matapang na sagot ni Nanay, pero bakas sa mukha niya ang takot. Nanlaki ang mga mata ko sa narinig. Hinipuan siya ng lalaking ‘to habang nagtatrabaho?! Parang sasabog ang ulo ko sa galit. Hindi ko na napigilan ang sarili ko at mabilis akong lumapit. "Walanghiya ka! Bitawan mo si Nanay!" sigaw ko sabay tulak sa lalaki. Napaatras ito pero agad na bumawi, pinanlisikan ako ng tingin. "Sino ka naman, ha?!" "Anak niya! At kung ayaw mong magkagulo rito, lumayo ka sa kanya!" matapang kong sagot kahit ramdam ko ang kaba sa dibdib ko. Tumawa ang lalaki, lasing na lasing. "Anak pala? Aba, mukhang maganda rin ang lahi ninyo, ah." Sinipat niya ako mula ulo hanggang paa, dahilan para mas lalo akong manginig sa galit. "Baka gusto mong ikaw na lang ang kumausap sa akin, hmmm?" Nanginig ang mga kamao ko. "Kapag hindi ka lumayo sa harap namin ngayon din, ipapatawag ko ang may-ari ng bar na ‘to! Tingnan natin kung hindi ka sipain palabas!" Saglit na natigilan ang lalaki bago nagbuga ng hangin. "Tsk! Swerte kayo ngayon." Sinamaan ko siya ng tingin habang nakikita ko siyang umalis, pero hindi ko inalis ang kamay ko sa pagkakahawak kay Nanay. "Anak, bakit ka nandito?" mahina niyang tanong, nanginginig pa ang katawan niya. Huminga ako nang malalim bago hinigpitan ang hawak sa kanya. "Hindi pwedeng basta ka na lang nila bastusin, Nay. Hindi mo kailangang tiisin ‘to." Niyakap ko siya nang mahigpit. Ramdam ko ang pagtulo ng luha niya sa balikat ko. At sa sandaling iyon, mas lalong lumalim ang pangako ko sa sarili ko—hinding-hindi ko hahayaang may mangyaring masama kay Nanay. Kahit ano pa ang mangyari, ipagtatanggol ko siya. Kahit pa ang kapalit nito… ay ang sarili kong dangal. Hindi pa man tuluyang humuhupa ang kaba sa dibdib ko, biglang may lumapit na isa pang lalaki. Matangkad siya, may suot na itim na polo at mukhang isa sa mga supervisor ng bar. Matigas ang tingin niya, halatang hindi natuwa sa presensya ko rito. “Anong ginagawa mo rito, iha?” matigas ang boses niya. “Bawal ang minor de edad sa bar! Hindi mo ba alam ang patakaran?” Napakagat-labi ako, pero hindi ako umatras. “Pasensya na po, pero may nangyari kasi kay Nanay—” "Kahit na! Hindi mo pa rin dapat tinatawid ang threshold ng bar na ‘to, lalo na sa ganitong oras! Alam mo bang puwedeng ipasara ang lugar na ‘to kung malaman ng pulis na may batang lumalabas-masok dito?!” Napayuko ako, hindi ko alam kung paano ipapaliwanag ang sarili ko. Hindi ko naman ginusto ‘tong mangyari, pero hindi ko rin kayang hayaan si Nanay na makaranas ng pambabastos nang wala akong ginagawa. "Boss, anak ko siya." Mahinang sabi ni Nanay, halatang pagod at balisa pa rin. "May emergency lang po kaya siya napunta rito." Tiningnan ng supervisor si Nanay, halatang nagpipigil ng inis. "Alam mong bawal 'to, Agnes. Alam mong delikado ang trabaho mo, tapos pinapapunta mo pa ang anak mo rito?!" Napailing siya at tinitigan ako nang seryoso. "At ikaw, bata ka pa. Kung ayaw mong masangkot sa gulo, huwag ka nang bumalik dito." Nagpantig ang tenga ko sa sinabi niya. “Hindi ko ginusto ‘to! Hindi ko naman ipagpapalit ang oras ko rito kung hindi lang dahil sa sitwasyon! May lalaki kasing nananakit kay Nanay kanina, ano'ng gusto mong gawin ko—manood na lang habang binabastos siya?!" Saglit siyang natigilan sa sinabi ko, pero agad din niyang ibinaling ang tingin sa ibang direksyon. “Hindi mo problema ‘yon, bata. Dapat sa pulis mo inireklamo. Umalis ka na bago pa kita ipa-escort palabas.” Nag-init ang mga mata ko sa frustration, pero wala akong magawa. Alam kong mali ang nandito ako, pero wala rin akong mapagkukunan ng ibang paraan para protektahan si Nanay. Huminga ako nang malalim bago tumingin kay Nanay. "Nay, uuwi na ako. Pero kung may mangyari pang ganito ulit, magre-resign ka na. Hindi na kita hahayaang magtiis dito." Mabilis siyang umiling. "Anak, hindi gano’n kadali—" "Wala akong pakialam kung mahirap! May iba pang paraan! Huwag mong hayaan na ganito ka na lang palagi, Nay." Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Nanay bago tumango. "Sige, anak. Uuwi na ako mamaya. Mag-ingat ka sa pag-uwi, ha?" Tumingin ako sa supervisor na halatang naiinis pa rin. Hindi ko na lang siya pinansin. Wala na akong lakas para makipagtalo pa. Paglabas ko ng bar, napahinto ako saglit. Napayakap ako sa sarili ko dahil sa lamig ng gabi. Mali ang nandito ako… pero mas mali na hindi ko protektahan si Nanay. At sa sandaling iyon, isang ideya ang pumasok sa isip ko—isang paraan para makabayad ng utang at mailayo si Nanay sa trabahong ito. Pero… handa ba akong gawin ang kapalit? Madilim na ang paligid habang naglalakad ako pauwi. Tahimik ang kalsada, at tanging tunog ng aking mga yabag ang maririnig. Hindi ko maiwasang mapakapit sa bag ko nang mas mahigpit. May kung anong bumabagabag sa akin, para bang may matang nakatitig sa bawat galaw ko. Biglang may humarang sa harapan ko. Nanlaki ang mata ko nang makilala ko ang lalaki—ang hayop na nambastos kay Nanay sa bar kanina. Nakangisi siya, halatang may masamang binabalak. "Akala mo makakaligtas ka, bata?" Hinimas niya ang panga niya na parang natatawa. "Palaban ka pala ha? Nakakagigil ka tuloy." Mabilis akong umatras, pero bago pa ako makatakbo, may malakas siyang hatak sa braso ko. Napasigaw ako sa sakit at takot. "Bitawan mo ako!" "Ang tapang mo kanina, pero ngayon nanginginig ka na? Ang lambot mo pala, bagay ka pang laruan," aniya, at mas hinigpitan ang hawak sa akin. Napalunok ako. Nagpumiglas ako nang husto, pero mas malakas siya. Sinubukan kong sipain siya, pero mabilis niyang naiwasan. "Sayang, ang ganda mo pa naman. Pero mas gusto kong makita kang umiiyak." Sinubukan kong sumigaw ulit, pero tinakpan niya ang bibig ko. Nanginginig na ako sa takot. Diyos ko, tulungan Niyo po ako! Biglang— “PUTANGINA MO, BITAWAN MO SIYA!” Isang malakas na suntok ang lumipad sa mukha ng lalaki. Napahandusay siya sa lupa, habang ako naman ay napabitaw sa pagkakatakip niya sa akin. Doon ko lang napansin kung sino ang dumating—si Desmon. Galit na galit siya. Ang mga mata niya ay tila nagliliyab sa tindi ng emosyon. Bago pa makabangon ang lalaki, mabilis na hinila ni Desmon ang kwelyo nito at muling pinakawalan ang isa pang suntok. "T*ngina mo! Gusto mong makatikim ha?!" Sigaw niya habang paulit-ulit na binibigwasan ang lalaki. Hindi ito nakalaban. Pilit niyang tinatakpan ang mukha niya habang si Desmon ay walang habas na pinaghahampas siya. Natulala ako. Hindi ko pa kailanman nakita si Desmon nang ganito—ang dati niyang mapanuksong ngiti ay napalitan ng matinding galit at poot. "HINDI KA NA NAKUNTENTO SA NANAY NIYA, HA? NGAYON, ANAK NAMAN NIYA?!" Isa pang malakas na suntok ang tumama sa panga ng lalaki. Duguan na ito at hindi na makagalaw. Mabilis na umatras ito, gumapang palayo habang namumutla sa takot. “Sige, subukan mong lumapit ulit sa kanila. Tignan natin kung anong buto ang mababali sa ‘yo sa susunod.” Matalim ang boses ni Desmon, puno ng pananakot. Takot na takot na tumakbo palayo ang lalaki. Nanatili akong nakatayo, hinahabol ang hininga ko. Nanginginig pa rin ako, pero naramdaman kong may nagpatong ng blazer sa balikat ko. Pagtingin ko, si Desmon. Hindi pa rin nawawala ang tindi ng galit sa mga mata niya, pero ngayon ay halatang inaalala niya ako. “T*ngina ka, Honey.” Napalunok ako sa tinig niya—hindi siya sumisigaw, pero ramdam ko ang inis niya. “Ano bang ginagawa mo dito nang mag-isa sa ganitong oras?! Bakit hindi mo sinabi sa akin?! Ano ba talagang pinasok mo?” Hindi ko alam ang isasagot. Ngayon lang ako nakitang ganito si Desmon—galit, pero may halong matinding pag-aalala. At hindi ko alam kung bakit… pero parang gusto kong umiyak.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD