Lumipas ang ilang buwan, sa palengke pa rin ako nagtatrabaho. Malaki na ang tiyan ko pero heto ako ngayon. . . “Gulay po kayo, Ate?” Alok ko. Oo. Nagbebenta ako ng gulay tuwing lunes. Napagsasabay ko naman kahit may labada kung minsan. Kinakaya naman. Kailangan kasing magdoble kayod dahil may binigay sa aking request ang doctor sa center na kailangan ko na raw magpa-ultrasound. Mag-aanim na buwan na kasi ‘to kaya hinihingan na ‘ko ng ultrasound. Sa mga clinic lang daw meron at wala rito sa barangay. Kaya hindi rin libre. Ang sabi pa ay baka sa pitong buwan daw ay ultrasound na naman. Isa hanggang tatlo raw kasi ang kailangan. Lalo na kapag nasa third trimester na. “Magkano ang isang tali nitong sitaw?” tanong niya. “Sampung piso lang po,” nakangiting sagot ko. Galing ang mga gulay na

