Araw ng lunes at naghahanda na si Mikaela upang pumasok sa trabaho.
“Good morning! Kumain ka na, nakahanda na ang agahan natin,” nakangiti na aya ni Mikaela sa asawa.
“Wow! Ang bango ah at mukhang masarap pa,”
“Pasensya na at pinakialaman ko na ang kusina mo-”
“Mikaela, ilang beses ko bang sasabihin sa ’yo na ang lahat ng pagmamay-ari ko ay pagmamay-ari mo na rin.”
“Nahihiya naman kasi ako sa ’yo eh. Pero hayaan mo at kapag sumahod ako, mag-aambag ako pang-groceries natin,”
“No need, Mikaela. Asawa kita at kaya kitang buhayin.”
“Sige na nga, mukhang ayaw mong papatalo eh,”
“Hindi talaga ako papatalo, lalo pa at kaya kong ibigay ang lahat ng gusto mo.”
“Ahm, Kenzo? Ano nga pala ang trabaho mo? Naalala ko lang kasi ngayong itanong sa ’yo,”
Bumuntonghininga si Kenzo at mariing tumingin kay Mikaela.
“I’m sorry kung naglihim ako sa ’yo. I hope na hindi ka magalit sa akin,”
“Bakit ano bang trabaho mo? Masama ba? Illegal?”
Umiling si Kenzo.
“Hindi. Isa akong CEO sa pinagta-trabuhan mong kompanya.” Sagot ni Kenzo.
Nakaawang ang labi ni Mikaela habang nakatitig kay Kenzo. Pinoproseso pa ng utak nito ang sinabi ng asawa.
“Ano? Boss kita? Paano ’yan ngayon? Ayaw ko pa namang pinag-uusapan sa opisina.”
“Hey, don’t worry, hindi muna natin ipapaalam sa kanila ang tungkol sa ating dalawa. Relax ka lang,”
“Mabuti naman kung ganoon. Kinabahan tuloy ako.”
“Bakit ka kakabahan? Wala ka bang tiwala sa akin? Kaya naman kitang ipagtanggol sa kanila.”
“Hindi naman ’yon sa ganoon. Kaya lang, hindi tayo bagay sa isa’t-isa. Kita mo nga ang hitsura ko. Isa akong manang kung manamit, at may makapal pa akong salamin, tapos isa lang akong assistant secretary sa kompanya mo, eh, ikaw? Gwapo, magaling magdala ng damit, mayaman pa. Ako taghirap lang. Ano na lang ang sasabihin ng mga tao kapag nalaman nilang ako ang asawa mo? Gagawin ka nilang katatawanan at ayaw kong mangyari ’yon sa ’yo,” mahabang paliwanag ni Mikaela kay Kenzo.
Tumayo si Kenzo at niyakap si Mikaela.
“Huwag mong isipin ang sasabihin ng iba. Ang isipin mo ay ang relasyon nating dalawa. Pero kung hindi ka pa handa na malaman nila ang tungkol sa ating dalawa ay okay lang naman sa akin. Hindi kita pipilitin.”
“Salamat.” Nakangiti na pasasalamat ni Mikaela sa kanyang asawa. Isanga mabilis lang na halik ang isinagot ni Kenzo rito.
*
Malapit na sila sa kompanya ni Kenzo nang magsalita si Mikaela.
“Dito mo na lang ako ibaba. Maglalakad na lang ako papunta sa kompanya mo.” Sabi ni Mikaela. Maglalakad na lang ito, ilang metro lang naman ang layo sa bababaan niya papunta sa kompanya ng asawa.
“What? No. Ibababa kita sa mismong harap ng building,”
“Pero Kenzo, napag-usapan na natin ang tungkol sa bagay na ’yan. Please, ayaw kong maging pulutan ng tsismis sa kompanya mo. At isa pa nakakahiya sa ’yo kapag nalaman nilang ako ang asawa mo.”
Marahas na bumuga ng hangin si Kenzo. Tiningnan nito ng seryoso sa mga mata si Mikaela.
“Ilang beses ko bang sasabihin sa ’yo na kahit kailan hindi kita ikinakahiya. Kung sino man ang mang-aaway sa ’yo sa loob mismo ng kompanya ko, ay kayang-kaya kong sisantihin.”
“Hoy! Ano ka ba! Alam mong may mga pamilyang tao rin ang mga ’yan. At saka, hindi pa ako handang ipagsigawan na mag-asawa na tayo. Gusto ko lang kasi maging tahimik ang buhay ko, sana maintindihan mo ako.”
“Sige, ibababa kita rito pero susundan pa rin kita. Baka mamaya d’yan may gwapo kang makilala at magkagusto sa ’yo, magkaroon pa ako ng kaagaw.”
Malakas namang tumawa si Mikaela sa sinabi ng asawa. Napatitig tuloy si Kenzo kay Mikaela habang tumatawa ang asawa.
“Baliw ka talaga. Sa hitsura kong ito? May papansin at magkakagusto pa? Naku, Kenzo, huwag ka ngang magbiro ng ganyan. Nakakatawa ka. Ikaw lang yata ang nagagandahan sa akin eh,”
“Totoo naman ah. Palibhasa kasi, ang baba ng tingin mo sa sarili mo. Kung alam mo lang, may mga lihim na nagkakagusto sa ’yo at nababaliw ng dahil sa ’yo.” Makahulugang pahayag ni Kenzo.
“Malabo ’yan. Kasing labo ng putikan. Sige na, bababa na ako. Bye.” Paalam ni Mikaela sa asawa. Akmang bababa na ito nang hawakan ni Kenzo ang kamay nito.
“May nakalimutan ka yata, asawa ko.”
“Ha? Anong nakalimutan ko?”
“Ito,” sabi ni Kenzo sabay baba ng kanyang ulo upang maabot ang nakaawang na labi ni Mikaela. Nagulat man si Mikaela sa ginawa ng asawa, kalaunan ay nagpaubaya na rin siya sa halik ni Kenzo.
“Ayan, wala ka ng nakalimutan. Bye.” Nakangiti na wika ni Kenzo. Namumula naman ang mukha ni Mikaela nang bumaba sa sasakyan ng asawa.
Habang naglalakad si Mikaela ay sinusundan ito ng kotse ng asawa, hanggang masigurong nakapasok na si Mikaela sa loob ng building niya.
*
Mabilis na lumipas ang mga araw. Masaya si Mikaela dahil tinupad ni Kenzo na wala munang makakaalam sa relasyon nilang dalawa.
Si Kenzo naman ay masaya na rin sa wakas dahil napasakanya na ang babaeng pinakamamahal at pinakatatangi.
“Pare, ang galing naman ng mga pa da moves mo, hindi na dumaan sa ligaw at girlfriend, asawa agad. Iba ka talaga!” Pabirong wika ni Richard sa kaibigan.
“Kailangan kong masiguro na akin siya, kahit gumawa ako ng pagkakamali ay hindi ko pinagsisihan ’yon. Ganoon ko siya kamahal,”
“Ha? Anong pagkakamali? Pwenersa mo ba? Eh, mukhang masaya naman kayo no’ng kasal niyo ah,”
Umiling si Kenzo sa kaibigan.
“Mas malala pa ang ginawa ko sa kanya. Sana lang mapatawad niya ako,”
“Mukhang seryoso nga ’yang problema mo. Pero payo lang pare, upang mapasayo siya ng buong-buo, paibigin mo siya sa ’yo. Make her fall in love with you, nang sa ganoon ay hindi ka niya iiwan kahit na anong pagkakamali ang nagawa mo. Date her, know everything about her, make her yours, pare. At sabihin mo sa kanya ang naging kasalanan mo. Walang sekreto, less gulo.” Payo ni Richard sa kaibigan sabay tapik sa balikat ng kaibigan.
“Sana nga umepekto ’yang mga payo mo. Natatakot akong iwanan niya kapag nalaman niya ang totoo. Gusto ko lang namang pasaakin siya. Masama ba ako sa ginawa ko?”
“Ano ba kasing ginawa mo sa kanya, Kenzo?”
“Binayaran ko ang boyfriend niya para hiwalayan siya nito,”
“What? Binayaran mo? Mukhang malala nga ‘yang problemang kinakaharap mo,”
“Pinapanalangin ko na nga lang na sana, patawarin niya ako. Baka mabaliw ako kapag iniwan niya ako,” sabi ni Kenzo.
“Good luck na lang sa ’yo, pare. Sige na alis na muna ako. Balitaan mo na lang ako kung kailangan mo ng kainuman kapag iniwan ka ni Mikaela,” biro ni Richard.
“Baliw!” Sigaw ni Kenzo.
Napaisip ng malalim si Kenzo nang mapag-isa na lang siya. Naisip niyang tama ang payo ni Richard. Kailangan niyang masiguro na hindi siya iiwanan ng asawa kapag nalaman niya ang kanyang ginawa.