Kabanata 9 : Nyx Brothers
Ahren POV
Ramdam na ramdam ko ang pagyanig ng lupa habang naglalakad ang higanteng putik na kanina lang ay ang tatlong magkapatid. Hindi ko inaasahan ang pagbabago ng kanilang wangis. At napapatanong ako sa aking isipan na sa dinami-dami ng pwedeng gamitin ay bakit putik pa ang napili nila. Ramdam ko din ang kaba ko dahil papalapit na siya sa nayon. Hindi ko inaakala na magiging ganito kahirap ang sitwasyon ko dito. Malayong-malayo kapag napapaaway ako sa ibang tao sa mundo ng mga tao. Doon kasi ay pisikal na lakas lang namin at walang ganitong kakaibang ganap na nangyayari at wala ding kapangyarihan na taglay. Kaya bahagya ay naninibago ako sa pakikipaglaban ko dito.
"Dapat ituon ko lang ang atensyon ko sa nangyayari ngayon," sabi ko sa aking isipan habang nag-iisip ng maaari kong gawin upang mapigilan ang higanteng ito. Saka ko natanaw ang spear ng magkakapatid.
"Valkyrie, maaari bang bumaba tayo doon? Kukunin ko lang ang spear upang gawin kong sandata," tanong at sabi ko kay Valkyrie na agad naman niyang sinunod ang aking kahilingan.
Dahil wala pa akong armas na pwedeng gamitin ay ang spear na lang muna nila ang gagamitin ko sa kanilang magkakapatid upang mapigilan ko ang balak nila. Ang nais ko lang naman ay mailigtas ang pegasus. Pero hindi ko alam na magiging ganito ang lahat. Siguro marami pa ako na dapat matutunan lalo na sa pakikipaglaban lalo na kung dito na ang pangalawa kong buhay. Sa tingin ko din naman ay wala na ding paraan para makabalik ako sa mundo ko dati. Nang maisip ko ang bagay na iyon ay biglang tumibok ng malakas ang puso ko at dahil doon ay kumirot ang dibdib ko kaya naman napahawak ako sa aking bandang dibdib.
"Ayos ka lang?" tanong sa akin ni Valkyrie. Marahil ay naramdaman niya din ang naramdaman ko.
"Oo huwag kang mag-alala. Kumirot lang ang aking puso," sabi ko saka ko mabilis na dinampot ang spear habang nakasakay pa din ako sa pegasus. Pagkatapos kong madampot iyon ay muling lumipad paitaas si Valkyrie.
"Hahanapin ko lang naman ang kahinaan niya hindi ba?" tanong ko kay Valkyrie.
"Oo, sa gayon ay madali mo siyang magapi. Ang kaso ay mahihirapan akong makalapit sa kanya dahil iba-iba ng direksyon ang atake niya," sagot sa akin ni Valkyrie sa aking isipan.
Nakakausap ako ni Valkyrie sa pamamagitan ng pagsagot niya sa aking isipan. Marahil ay ako lang ang nakakaintindi sa kanya dahil na rin sa sinabi ni Nana Vera na may koneksyon kaming dalawa.
"Tayo na Valkyrie!" sabi ko at lumipad na nga ng mabilis si Valkyrie.
Hindi ko alam pero ang katawan kong ito ang kusang gumagalaw kapag inaatake kami ng higante. Siguro kasi sanay sa pakikipaglaban ang dating nagmamay-ari ng katawan na ito na si Prinsipe Tyrant. Ikinatutuwa ko naman iyon dahil nagagamay ko na din naman ang lumaban sa higanteng ito. Iyon nga lang ay may pagkakataon na minsan ay muntik na kaming matamaan ng atake niya dahil nga sa paiba-iba ang direksyon ng kanilang atake. Pero lamang pa din na nasasaktan namin siya ni Valkyrie. Mas lalo ko pang tinatalasan ang aking mata upang makita ko kung nasaan ang kanyang kahinaan. Kailangan ko na iyong makita kung hindi ay mahuhuli na kami sa oras.
Maya-maya ay napakunot ang aking noo ng makita ko na may kumikinang sa may bandang tuktok ng ulo ng higante. Upang makasigurado ay sinabihan ko si Valkyrie na lumipad paibabaw na siyang ginawa niya.
"Valkyrie, mukhang nakita ko na ang kailangan upang matalo ang higanteng putik na ito," nakangiti kong sabi kay Valkyrie na abala sa pag-iwas sa atake ng higante. Sana nga lang ay tama ako ng hinala. Konting oras na lang ang natitira sa amin.
"Bilisan mo na," sabi ni Valkyrie sa akin.
Lalapit na sana kami kaso mukhang natunugan kami ng higante at bigla niyang hinarangan ng madaming kamay na gawa sa putik kung saan ko nakita ang kumikinang na bagay sa tuktok ng kanyang ulo.
"Mukhang natunugan niya ang gagawin ko," naiinis na sabi ko atsaka ako may naalala. At napatingin ako sa hawak kong spear.
"May tiwala ako sa 'yo Valkyrie," sabi ko at bigla kong sinubukan na tumayo sa likuran ng pegasus kahit na alam kong malalaglag ako. Pero kailangan kong sumugal at magtiwala sa aking pegasus.
"A-anong ginagawa mo? Mahuhulog ka!" sigaw ni Valkyrie sa aking isipan ngunit hindi ko na siya sinagot bagkus ay itinuon ko na lang ang aking atensyon sa aking binabalak.
"Tumama ka!" malakas kong sigaw bago ko ihagis ang spear na nilagyan ko ng pwersa upang makatagos siya sa mga putik na kamay na pinangharang ng higante sa kumikinang sa kanyang tuktok ng ulo.
Inihagis ko iyon na parang isang baseball ball. Naalala ko kasi na manlalaro nga din pala ako ng baseball. Iyon ang ginawa kong inspirasyon para sa binabalak ko. Bago ako mahulog sa ere dala na rin ng pwersang pinakawalan ko ay nakita ko na lumiyab ng apoy ang paligid ng spear kaya naman tumagos iyon sa mga kamay na yari sa putik. Habang nahuhulog ako ng mabilis sa ere ay nananalangin ako na sana ay tumama ang spear kung saan ang may kumikinang. Papikit na sana ako ng makita ko bumubulusok ng lipad paibaba si Valkyrie upang mahabol niya ako. Malapit na akong mahulog ng maabutan niya ako at nailigtas ako ni Valkyrie. Kasabay no'n ay ang pagsabog ng higanteng putik kaya naman parang umulan ng putik sa kagubatan. May mangilan-ngilan pang tumama sa nayon dahil naging malakas ang pagsabog no'n. Ibig sabihin ay nagtagumpay ako. Nailapag na ako ni Valkyrie sa lupa nang makaramdam ako ng panghihina ng aking katawan at tila nanghihina ako.
"Sa susunod ay sabihin mo muna sa akin kung ano ang binabalak mo," naiinis na wika ni Valkyrie sa akin pero ramdam ko ang pag-aalala niya.
"Nagtagumpay naman tayo Valkyrie," sagot ko at napapikit na ako habang nakangiti ako. Ramdam ko na nawawala ang enerhiya sa aking katawan. Marahil ay napasobra ako ng gamit doon kaya ngayon ay nanghihina na ako. Pero bago ako makatulog ay nagawa ko pang magsalita.
"Mukhang nagugustuhan ko na ang manatili sa mundong ito."
---