Kabanata 3: Mundo ng Arcadia

1540 Words
Kabanata 3: Mundo ng Arcadia Ahren POV "Pinagloloko niyo lang po yata ako eh," natatawa kong sabi sa kanya at bigla na lang umiba ang timpla ng mukha niya kaya napatigil ako sa pagtawa ko. Hindi ko man lang siya madaan sa pagbibiro. "Makinig ka sa akin ng mabuti," sabi ng matandang kaharap ko na mayroong seryosong mukha kaya naman itinuon ko ng maigi ang aking atensyon sa kanya. "Muli kang nabuhay bilang si Prinsipe Tyrant, ang ikapitong prinsipe ng Labyrinth dito sa Arcadia. Pagmasdan mo ang iyong kapaligiran," sabi niya at itinaas niya ang kanyang kaliwang kamay upang ituro sa akin ang dapat kong tignan. Unti-unti ay tinignan ko ang itinuturo niya saka ako napasinghap dahil sa pagkagulat. "I-ibig sabihin hindi ito ang langit?" bulong ko nang makita ko ang mga nagsisilakihang mga ibon na malayang nagsisiliparan sa himpapawid. Bahagya akong nalula nang umihip ang malakas na hangin. Pagtingin ko sa baba ay gano'n na lang ang gulat ko ng makita kung gaano kataas ang kinaroroonan namin ngayon. Siguro isang maling tapak ko lamang ay mahuhulog agad ako sa ibaba. Sa gawing unahan naman sa hindi kalayuan ay natatanaw ko ang mga medieval na bahay. Pagtingin ko naman sa kalangitan ay napaatras ako ng bahagya dahil sa nakita ko na may mga isla ang lumulutang sa ere. Hindi lang isa kundi maraming isla. Napamaang ako ng bibig nang lumapag sa likuran ng matandang kumakausap sa akin ang isang kabayong kulay itim na may pakpak. "A-ano iyan? P-Pegasus? Totoo ang pegasus?" nauutal na turo ko sa kabayo kaya naman napalingon siya sa kanyang likuran. "Oo mahal na prinsipe, totoo ang pegasus at sa 'yo ang pegasus na iyan." "Sa a-akin? Imposible po," pagkasabi ko no'n ay biglang lumapit sa akin ang kabayo saka niya inilagay ang ulo niya sa aking balikat. At dahil naninibago pa ako ay bahagya ko iyong naitulak. Nahalata ko sa kabayo na nagulat siya dahil sa aking naging asta. Nakikita ko iyon sa kanyang mata at sa hindi ko malamang dahilan ay parang nararamdaman ko din ang emosyon niya. Hindi ko alam kung namamalikmata lang ako o talagang nakita ko na may isang patak ng luha ang bumagsak mula sa kanyang mata. Pagkatapos ay bigla na lang siyang lumipad papalayo. Namangha pa ako dahil nakita ko na lumiyab ang pakpak nito at ang apat na paa nito habang lumilipad. Pero sa paglayo niyang iyon ay nakaramdam ako ng lungkot kaya naman sinubukan ko na habulin siya. "T-teka!" ngunit tuluyan nang nakalayo ang kabayong pegasus. "Hayaan mo na siya, mamaya ay babalik naman siya saka ka na lamang humingi ng paumanhin sa iyong tinuran," maawtoridad na wika ng matanda sa akin kaya naman napayuko ako. "Natutuwa lang siya dahil muli niyang nakita ang kanyang master. At ikaw iyon." Muli kong naalala ang ang sinabi niya na ako ay muling nabuhay dito sa ibang mundo. Ngunit ang ipinagtataka ko lang ay paano nangyari iyon? Talaga bang posible na mabuhay ka ulit at sa ibang katawan pa? Nahagip ng paningin ko ang tubig na nagmumula sa talon ng bundok na ito kaya naman lumapit ako doon upang tignan ang sariling repleksyon sa tubig. Nais ko lang malaman kung gano'n pa rin ang itsura ko. Kinakabahan ngunit ginawa ko pa rin ang aking balak. Tumapat ako sa tubig at gano'n na lang ulit ang gulat ko nang makita na iba na ang itsura ko. Naghilamos ako at naramdaman ko ang malamig na dulot ng tubig saka ako muling dumilat, gano'n pa din. Pati na ang kulay itim kong buhok ay naging kulay pula na. "Totoo nga?" hindi makapaniwalang tanong ko sa aking sarili at pabagsak akong naupo sa lupa habang nakatingin sa kawalan. "Kahit paulit-ulit mo pang itanong iyan sa iyong sarili. Hindi na magbabago ang katotohanan na muli kang nabuhay dito sa bago mong mundo, ang Arcadia," sabi ng matanda sa akin saka siya lumapit ng dahan-dahan. "May paraan pa kaya na makabalik ako sa mundo ko?" naitanong ko iyon sa kanya dahil naalala ko si Miyaka. Tiyak akong matutuwa siya na malaman niya na buhay ako. Kailangan ko mabalik doon. Tiyak akong umiiyak si Miyaka sa mga oras na ito. Pero ang pag-asa ko na makakabalik ako sa mundo ko ay naglaho na lang dahil sa naging sagot niya sa akin. "Ito na ang pangalawa mong buhay at wala ng paraan upang makabalik ka sa nauna mong mundo dahil patay ka na doon," bigla ay nakaramdam ako ng ibayong kalungkutan dahil sa kanyang sinabi. Napakuyom ako ng aking kamao dahil hindi ko matanggap ang sinabi niya sa akin. "Gano'n rin ang kaluluwa ng totoong Prinsipe Tyrant. Dahil sa ritwal na ginawa ko ay muling nagkaroon ng buhay ang katawan niya at ang kaluluwa mo ang napili ng mga Diyos at Diyosa dahil nakikita nilang espesyal ka. Ibig sabihin, ito ang iyong kapalaran sa ikalawa mong buhay." Hindi na ako tumutol pa ng sabihin niya na sumama ako sa kanya upang doon muna mamalagi. Isa pa, wala naman akong alam sa mundong ito mabuti pa na sumunod ako sa kanya. Habang naglalakad kaming dalawa ay napansin ko sa mga braso at kamay ko ang mga galos sa aking katawan. Kanina naman habang nakaharap ako sa tubig ay napansin ko ang malaking paso sa may balikat ko. Hindi naman siya makirot. Iyon pala ay nilapatan na ng halamang gamot ni Nana Vera, iyon daw ang itawag ko sa kanya Ang kwento pa ni Nana Vera ay siya ang kasalukuyang namumuno sa kanilang maliit na baryo. Isa siyang oracle na dating naninilbihan sa palasyo ng Labyrinth pero pinatalksik siya ng kasalukuyang reyna ng kaharian. Marami daw siyang kaalaman tungkol sa paggagamot.F Ang ibang detalye ay hindi na niya binanggit sa akin at sa paglalakad namin ay naging tahimik ang kapaligiran. Kaya naman pinagmasdan ko ang kapaligiran at masasabi ko na nasa ibang mundo nga ako. Sa hinagap ay hindi ko inaasahan na mangyayari sa akin ang ganito. "Nandito na tayo, tuloy ka," sabi ni Nana Vera at tumigil siya sa pintuan ng bahay saka niya iyon binuksan. "Pansin ko na malayo ito sa ibang mga bahay," puna ko. "Mas gusto ko ng tahimik na lugar at isa pa kung kailangan nila ay mabilis lang naman sila makakapunta dito," sagot niya sa akin kaya naman napatango ako sa kanya habang tinitignan ko ang kabuan ng bahay niya ng makapasok ako. Sa isang pitik lamang ng daliri ni Nana Vera ay bumukas na ang mga ilaw sa buong bahay. "Nakakamangha!" naibulalas ko agad saka dumako ang mga paningin ko sa mga bagay na kakaiba para sa akin dahil ngayon ko pa lang sila nakita. "Masasanay ka rin Prinsipe Tyrant---" pinutol ko ang sinasabi ni Nana Vera dahil kanina pa niya ako tinatawag na Prinsipe Tyrant. "Nana Vera? Maaari po ba na huwag niyo na ako tawaging Prinsipe Tyrant? Nakakailang po kasi, Ahren na lang po," pagsusumamo sa kanya at saglit siyang natigilan saka tumango sa akin. "Sige, pagbibigyan ko ang kahilingan mo. Para na din walang makakilala sa 'yo habang nandito ka. Hindi mo pa nababawi ang iyong lakas at kapangyarihan. Ngunit kinakailangan mo sundin ang bawat sasabihin ko upang mabilis kang makabawi ng lakas para makabalik ka agad ng palasyo," mahabang sabi sa akin ni Nana Vera. Sumasakit ang ulo ko sa mga sinasabi niya dahil hindi ko naman maintindihan ang iba doon pero tumango na rin ako sa kanya. "Kapangyarihan? Ano ba ang kapangyarihan ko at mayroon ba talaga ako no'n?" tanong ko kay Nana Vera habang nakatingin sa mga kamay ko ngunit iba ang sinagot niya sa akin. "Malalaman mo din Ahren," sabi niya at tinapik niya ang likuran ko at halos mabuwal ako sa kinatatayuan ko ng biglang yumanig ang lupa pero agad din namang tumigil. "Ano iyon? Lindol?" "Nana Veraaaa! Nandito na po akong muli," narinig ko ang boses na tumawag kay Nana Vera. "Nakabalik na pala si Farrah," sabi ni Nana Vera saka siya lumabas ng bahay. "Farrah?" bulong ko at dahil sa kuryosidad ko ay sinundan ko si Nana Vera palabas ng bahay. At gano'n na lang ang pagkagulat ko ng makita ko ang isang dambuhalang isda na mas malaki pa sa bahay ni Nana Vera. "Nana, tignan mo ang mas malaki ang nahuli ko sa araw na ito," sabi ng isang boses babae. Ang mas nakakagulat pa ay buhat-buhat niya ito na walang kahirap-hirap habang papalapit sa amin ni Nana Vera. Hindi ko nga lang masyadong makita ang buo niyang mukha. Tanging nakita ko lang ay ang kanyang mahabang kulay kayumanggi na buhok at natitiyak akong babae siya dahil sa kanyang kasuotan at sa ngalan niya. "Aba Farrah, mapapakain mo na ang buong baryo sa laki ng nahuli mo," papuri sa kanya ni Nana Vera. Babae ba talaga siya? Muling yumanig ang lupa ng ibagsak niya ang isda sa lupa. Alam ko na buhay pa ang isda dahil humihinga pa ito at bumubuka pa ang kanyang bibig. Napatigil naman ako nang makita ko ang kabuuang mukha ng tinatawag na Farrah ni Nana Vera. Parang nag-slowmo ang paligid ko pati na ang pagtakbo ni Farrah sa direksyon namin ni Nana Vera. Kitang-kita ko ang masayang ngiti niya habang nakatingin kay Nana Vera ngunit pakiramdam ko ay sa akin siya nakatingin. Imposible! Pero kamukhang-kamukha niya. "M-Miyaka?" ---
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD