Kabanata 4: Ang kamukha ni Miyaka
Ahren POV
"M-Miyaka?" wala sa sarili kong usal nang makita ko ang mukha ng tinatawag ni Nana Vera na Farrah.
"May sinasabi ka ba Ahren?" tanong ni Nana Vera, narinig ko naman iyon pero hindi ako kaagad nakasagot dahil hindi ko maalis ang tingin ko sa papalapit na babae sa amin. Marahil napansin iyon ni Nana Vera kaya naman narinig ko siyang umubo na siyang nagpabalik sa aking wisyo.
"Bakit ganyan ang itsura mo ng makita mo si Farrah?" natigan naman ako sa itanong ni Nana Vera sa akin. Pakiramdam ko ay umurong ang dila ko dahil sa hindi ako agad nakasagot sa kanyang tanong.
"May problema ba Ahren?" tanong muli ni Nana Vera at tila sinusuri niya ako sa pamamaraan ng kanyang pagtitig sa akin.
"W-wala naman po. N-nagulat lang po ako dahil ang laki ng isdang buhat-buhat ng isang babaeng katulad niya," sagot ko pero mukhang hindi siya nakuntento sa aking sinagot kaya naman ngumiti ako sa kanya ng pilit.
"Kahit babae si Farrah ay lumaki siyang malakas. Madami siyang natutulungan dito sa aming lugar. Ako na rin ang nagpalaki sa kanya," kwento naman sa akin ni Nana Vera kaya naman napatango-tango na lang ako. Hanggang sa nakalapit na sa amin ang babaeng Farrah ang pangalan. Nahihiya ko naman siyang tinignan marahil ay napansin niya ako dahil tinignan niya ako ng may pagkagulat.
"Nana Vera, s-sino po siya?" pakiramdam ko ay nahihiya din siya sa akin dahil bumulong naman siya kay Nana Vera pero naririnig ko naman ang kanyang sinabi.
"Siya si Ahren. At dito muna siya titira sa atin pansamantala," sagot naman sa kanya ni Nana Vera kaya naman napatitig sa akin si Farrah na siyang ikinailang ko. Grabe! Kamukhang-kamukha niya talaga si Miyaka.
"Ihanda mo na ang nahuli mong isda upang mailuto ko na, Ahren sumunod ka sa akin," sabi ni Nana Vera at napatango sa kanya si Farrah habang ako ay sumunod agad kay Nana Vera. Ayoko lang talaga na maiwanan kasama si Farrah.
Muli ay pumasok kaming dalawa ni Nana Vera sa loob ng bahay. Umakyat siya sa hagdanan patungo sa ikalawang palapag ng bahay at tahimik lang akong sumunod sa kanya. Iniisip ko pa din kasi na paanong kamuha ni Farrah si Miyaka. Nagkataon nga lang ba talaga?
"Ito ang kwarto mo Ahren. Bukas ay pasasamahan kita kay Farrah sa bayan upang mamili ng damit mo," sabi ni Nana Vera habang nasa tapat kami ng isang pintuan at siya na rin mismo ang nagbukas no'n.
Hindi ko maiwasan na suruiin ang kwartong ito. Katamtaman lang ang laki nito para sa akin. Sa tingin ko ay magiging kumportable ang pagtulog ko mamaya dahil mukhang malambot din ang kama dito. Malinis at wala akong nakikitang alikabok. Para ngang dinesenyuhan ito na para sa akin dahil pang lalake ang disenyo ng kwarto.
"Nagustuhan ko ang kwartong ito Nana Vera salamat po," nakangiti kong sabi sa kanya at nginitian naman ako ni Nana Vera pabalik pero nahahalata ko sa kanyang mga mata ang labis na kalungkutan. "May problema po ba Nana Vera?"
"Naalala ko lang ang anak ko dahil sa kanya ang kwartong ito," sagot sa akin ni Nana Vera kaya naman nagulat ako.
"Kung sa anak niyo pala ang kwartong ito ay ayos lang ba sa kanya na gamitin ko ito? Baka dito siya matutulog."
"Wala na siya kaya naman ayos lang na gamitin mo ito," napatahimik naman ako dahil sa sinabi ni Nana Vera.
"Pasensya na po," nakayuko kong sabi sa kanya.
"Matagal ng panahon ang nakakalipas. Maiba ang usapan, Ahren. Huwag mo pala sabihin kay Farrah na ikaw si Prinsipe Tyrant maliwanag?"
"Hindi naman po talaga ako ang tinatawag niyong Prinsipe Tyrant eh. Ako po si Ahren," paggigiit ko kay Nana Vera.
"Hindi mo ako naiintindihan Ahren, nasa katawan ka ni Prinsipe Tyrant. Ikaw na ang bagong nagmamay-ari sa katawang iyan. Kahit ano pa ang sabihin mo ay muli kang nabuhay sa katauhan ni Prinsipe Tyrant," pagpapaliwanag sa akin ni Nana Vera kaya muli kong naalala na namatay na nga pala ako sa mundo namin. Pero ang malaking palaisipan sa akin ay bakit ako namuhay na muli at sa katawan pa ng isang prinsipe.
"Kahit na anong mangyari ay hindi pwede na malagay sa kapahamakan ang katawan mong iyan o maging ikaw Ahren. Naiintindihan mo ba?" napatango na lang ako kay Nana Vera kahit na madaming gumugulo sa aking isipan.
"Alam ko na naguguluhan ka pa. Sa tamang panahon ay kusa mo itong malalaman. Sa ngayon ay makinig ka na lang muna sa akin at magpagaling," ramdam ko naman kay Nana Vera na nag-aalala ito sa akin kaya naman susundin ko na lang siya dahil siya naman ang mas may alam sa ganitong bagay at sa mundong ito.
Bumaba na nga si Nana Vera upang magluto ng aming magiging hapunan. Tatawagin na lang daw niya ako kung kakain na kami. Kaya naman naiwanan na lang akong mag-isa sa kwarto. Dahil wala akong magawa ay pinili ko na lang na humiga sa kama. Muli ay hindi ako makapaniwala na muli akong nabuhay. Napapatanong ako sa aking isipan kung bakit dito pa sa mundong ito ako muling nabuhay. Kung alam lang siguro ni Miyaka na buhay ako sa mga oras na ito ay siguradong matutuwa iyon. Dahil sa aking naiisip ay naramdaman ko na sumakit ang aking dibdib kaya napatagilid ako ng higa at sinapo ang dibdib ko. Maya-maya lang ay nawala na rin ang pagsakit nito saka sumagi sa aking isipan ang aking mga magulang.
"Alam na kaya nilang patay na ako?" tanong ko sa aking isipan at napailing na lang ako dahil sa mga iniisip ko.
"Wala naman silang pakialam sa akin paano nila malalaman?" ngumiti na lang ako ng mapait dahil sa huli kong sinabi.
Totoo naman na walang pakialam sa akin ang mama at papa ko dahil puro pagtratrabaho lang naman ang nasa isip nila. Mas gusto pa nilang madagdagan ang yaman ng pamilya namin kesa makasama ako lalo na sa mahahalagang okasyon lagi silang wala. Kaya naman hanggang sa lumaki ako ay nasanay akong wala silang lagi. At sa mga barkada ko nahanap ang pamilyang hindi ko naranasan sa magulang ko. Iginigiit ko sa kanila lagi na hindi ko kailangan ng pera o kahit na anong materyal na bagay pero hindi nila ako maintindihan kaya naman hindi ko na muli sinabi iyon sa kanila. Business management ang kinuha kong kurso dahil ako daw ang papalit sa kanila sa kumpanya namin. Akala ko nga kapag sinunod ko sila ay magkakaroon na sila ng oras sa akin pero wala pa din. Kaya naman mas lumaki ang tampo ko sa magulang ko hanggang sa nangyari na nga yung aksidente kung saan namatay ako na hindi man lang sila nakikita kahit sa huling pagkakataon.
"Mukhang hindi na talaga ako makakabalik sa mundo ko," huling sabi ko at hindi ko na namalayan na hinila na pala ako ng antok.
"Ahren!"
Sino yung tumatawag sa akin? Bakit kaboses ko siya? Ako ba 'yun? Boses lalake eh.
"Ahren!"
Pinipilit ko na dumilat upang makita kung sino ang tumatawag sa akin pero hindi ko naman magawang dumilat. Kaya puro kadiliman lang ang nakikita ko. Ni hindi ko nga rin maigalaw ang buo kong katawan na para akong naparalisa.
"Ahren, makinig ka sa akin. Kailangan mo na bumalik sa palasyo bago mahuli ang lahat," napapakunot naman ako ng aking noo dahil sa aking narinig.
Sino ba talaga yung nagsasalita? Bakit niya ba ako pinapabalik sa palasyo? At saang palasyo ang kanyang tinutukoy?
"Gawin mo ang dapat mong gagawin bagay na hindi ko nagawa. Itama mo ang mga mali. Pigilan mo ang dapat na pigilan upang maiwasan ang pagkasira."
---