Kabanata 6: Farrah
"Anong ginagawa mo dito?" tanong ko kay Farrah na nakatayo sa pintuan ng kwarto na tinutuluyan ko dito sa bahay ni Nana Vera.
Nakaalis na kasi si Nana Vera upang kumuha ng mga halamang gamot. Nagtataka nga ako dahil gabi na pero umalis pa din si Nana Vera. Gusto ko nga din sana na itanong sa kanya kung sino ang tinawag niyang Master Yue pero mukhang nagmamadali na siyang umalis. Kaya naman bukas ko na lang siya tatanungin sa bagay na iyon.
"Ang sungit mo naman," napakunot ako ng aking noo dahil sa kanyang sinabi.
"Teka? Masungit na ba iyong tinatanong ko kung anong ginagawa mo dito?" seryosong tanong ko sa kanya dahil hindi ko naman siya sinusungitan. Nagtatanong lang ako.
"Oo, para sa akin ay masungit ang dating mo. Akala mo ba ay hindi ko napapansin na naiilang ka sa akin," diretsang sabi ni Farrah na siyang ikinabigla ko. "Malakas ang aking pakiramdam Ahren. Mas naramdaman ko iyon nang mahawalan kita kanina."
Oo nga pala, nakaligtaan ko na nasa ibang mundo nga pala ako. At hindi ko alam kung ano ang tinataglay na kakayahan ni Farrah. Baka nga mamaya ay nababasa niya ang aking isipan. Lagot na!
"Ipagpaumanhin mo na kung iyon ang dating sa 'yo. Ngunit nagtatanong lang talaga ako," sabi ko sa kanya para naman masiguro ko sa kanya na hindi ko siya sinusungitan.
"Kung gano'n ay maaari ba akong pumasok sa kwarto mo?" napalunok naman ako sa kanyang tinuran.
"B-bakit? Hindi ba nakakailang iyon? Tayong dalawa lang ang nandi--- Farrah!" hindi ko na naituloy ang dapat kong sasabihin dahil tuluyan na nga siyang nakapasok sa kwarto na aking tinutuluyan dito sa bahay ni Nana Vera.
"Bakit naman ako maiilang kung ang intensyon ko ay hindi masama? Halika na Ahren, humiga ka na dito sa kama," nanlaki ang mata ko dahil sa muli niyang sinabi.
"Kung gano'n ay bakit mo ako pinapahiga?" nakita ko na inirapan niya ako na para bang naiinis na siya sa mga tinatanong ko.
"Inutusan ako ni Nana Vera na ako muna ang maglapat sa mga sugat mo ng pang-unang panghilom habang wala pa siya. Ayos na ba? Nasagot ko na ba ang tanong mo?" napakamot na lang ako sa batok ko dahil iyon lang naman pala ang gagawin niya.
Humiga na nga ako dahil mas malalagyan niya daw ng maigi ang sugat ko sa bandang tiyan at tagiliran kung nakahiga ako. Saka niya ako pinaupo ng patalikod sa kanya dahil may sugat din ako sa doon. Naramdaman ko naman na parang binabakat ni Farrah ang sugat ko sa kanyang daliri.
"Tila nahiwa ka ng espada sa iyong likura. Mabuti buhay ka pa sa kabila ng mga tinamo mong sugat," mahinahon nitong sabi sa akin habang nilalagyan niya ng langis ang mga sugat ko sa katawan na hindi pa nahilom.
Hindi ko naman alam kung ano ang isasagot sa kanya kaya nananatili akong tahimik. Mabuti na lang dahil hindi na rin naman siya nagtanong pang muli.
Napaisip tuloy ako sa sinabi ni Farrah. Marahil ay sa gano'ng paraan namatay ang totoong Tyrant. Ibig sabihin namatay din siya dahil sa saksak, parehas kami. Ang malaking palaisipan sa akin ay sino ang pumatay kay Tyrant? At bakit siya pinatay gayong prinsipe siya sa mundong ito? Marahil kalaban niya? At bakit ako ang nasa katawan niya? Talaga bang tadhana ko ang muling mabuhay dito sa mundong ito?
Alam ko na dapat akong magpasalamat dahil binigyan ako ng pangalawang pagkakataon na mabuhay. Pero ang hindi ko lang talaga mapaniwalaan ay nabuhay ako sa ibang mundo. At sa mundo pa ng may mahika. Sa hinagap talaga ay hindi ko alam na may ganitong mundo pala. Minsan nga inaakala ko na panaginip ko lang ito. Pero kung titignan ko talaga ay totoong-totoo ang mga ito.
"Tila kay lalim ng iyong iniisip Ahren," napabalik ako sa wisyo ko ng marinig ko ang boses ni Farrah na sinabi iyon.
"Matagal ka na ba sa mundong ito?" napakunot ng kanyang noo si Farrah dahil sa aking katanungan. Hindi ko rin mawari kung bakit gano'n ang namutawi sa aking bibig.
"Ang tinutukoy mo ba ay kung matagal na ba akong nakatira kay Nana Vera?" napatango na lang ako kay Farrah. Mabuti na lang dahil nakaisip agad siya ng ibig sabihin ko. Kahit na hindi naman talaga iyon ang gusto kong itanong sa kanya, ipinagpasalamat ko na lang na gano'n ang kanyang akala.
"Oo, iyon nga."
"Si Nana Vera na ang nagpalaki sa akin. Kapag tinatanong ko si Nana Vera kung may magulang pa ba ako. Ang sagot niya sa akin ay namatay sila sa isang labanan," kita ko sa mga mata niya ang labis na kalungkutan.
"Patawad, hindi ko alam. Sana ay hindi ko na lang tinanong," umiling naman sa akin si Farrah saka siya ngumiti.
"Huwag kang humingi ng tawad sa akin. Sa kabilang banda ay taas noo kong ipagmamalaki na namatay ang aking mga magulang sa gitna ng labanan. Namatay sila ng lumalaban at ng may dignidad. Kaya nga ninanais ko na maging isang mandirigma din ako upang maprotektahan ko din ang mga nilalang na hindi kayang lumaban," humahanga ako sa kanya dahil sa magandang pag-iisip niya. "Pero sa kabilang banda ay nais kong mahanap ang taong nakapatay sa kanila."
"Para makapaghiganti ka?" tanong ko sa kanya.
"Parang gano'n na nga. Pero hindi ko siya lalabanan ng patalikod. Bagkus ay hahamunin ko siya sa isang dwelo," kita ko sa kanya ang kakaibang katapangan para sa isang babae na katulad niya.
"Humahanga ako sa katapangan mo," sa unang pagkakataon ay nginitian ko siya kaya nakita ko na napatitig siya sa akin kaya naman napaubo ako ng kunwari.
"I-ikaw? Ang sabi sa akin ni Nana Vera ay natagpuan ka niya ns naliligo sa sariling dugo mo at walang malay. Mabuti na lang dahil nakita ka ni Nana Vera ano?" wika ni Farrah ng makabawi siya sa kanyang pagtitig sa akin.
"Kaya malaki ang pasasalamat ko dahil iniligtas ako ni Nana Vera," sagot ko sa kanya.
"Kahit matapang ang itsura ni Nana Vera ay busilak naman ang kanyang puso. Kaya nga madaming mamamayan dito sa aming nayon ang laging hinahanap si Nana Vera. Kaya nga siya ang naging pinuno ng nayon na ito," kwento sa akin ni Farrah kaya napatango-tango ako sa kanyang sinabi.
"Nabanggit nga sa akin ni Nana Vera na siya ang namumuno sa nayong ito," nabanggit din ni Nana Vera na hindi naman kalakihan ang nayon nila ngunit madami ang nakatira dito.
Ilang minuto pa kami nagkwentuhan ni Farrah. At nalaman ko na madaldal pala siya kaya hindi kami nauubusan ng pag-uusapan. Karamihan sa mga kinukwento niya ay ang tungkol sa mga karanasan niya kasama si Nana Vera. Parang sa pagkwekwento pa lang ni Farrah ay mas nakilala ko pa si Nana Vera at maging siya. Hanggang sa parehas na kaming nakaramdam ng antok dahil malalim na din ang gabi. Kaya nagpaalam na si Farrah na pupunta na siya sa kanyang silid upang matulog na. Muli ay naiwanan ako sa kwarto ko na mag-isa. Muli ay naisip ko si Farrah. Merong parte sa akin na sumaya dahil sa nakakwentuhan ko siya.
"Mukhang masasanay na ako sa bago kong mundo," sabi ko sa aking sarili at nakangiti akong pumikit upang matulog na.
---