Kabanata 13: Nasaktan ni Ahren si Farrah

1196 Words
Kabanata 13: Nasaktan ni Ahren si Farrah Ahren POV "Tara na Ahren, tiyak akong hinahanap na tayo ni Nana Vera sa bahay," natatarantang sabi ni Farrah sa akin sabay hinila niya ako paalis sa pamilihan. "Natitiyak ko din na hindi magugustuhan ni Nana Vera na nakipag-away ka ulit." "Tinulungan ko yung matanda Farrah. Para sa akin ay hindi masama ang aking ginawa," sagot ko sa kanya habang naglalakad na kami parehas pabalik sa bahay ni Nana Vera. Hindi ko na tuloy nalaman kung nagising na ba o hindi pa ang dalawa kong nakalaban. 'Yun ang mahirap sa kanila eh, ang tatapang lang nila kapag matanda at walang laban lang ang kanilang kahaharapin. Sana sa ginawa ko ay matuto sila sa kanilang leksyon. "Nakalimutan ko tuloy bumili ng higaan ni Valkyrie," sabi ko at napailing na lang ako dahil sa aking naalala. "Sa susunod na lang. Tiyak dahil sa ginawa mo ay nasa listahan ka na ng mga swan. Kilala ko sila babalikan ka ng mga kasamahan nila," napatingin naman ako kay Farrah saka ko nakita ang pag-aalala sa kanyang mukha. "E 'di haharapin ko sila," matapang na sagot ko at napailing naman siya sa aking sagot. "Hindi gano'n kasimple iyon. Gaya nga ng sinabi ng mamamayan kanina ay yung iba sa miyembro ng swan ay may taglay na kapangyarihan. At sa kondisyon ng katawan mo ngayon ay malabong manalo ka lalo na sa kanilang pinuno na si Blake," sabi ni Farrah saka siya napatigil sa kanyang paglalakad kaya naman napatigil na rin ako. "Ipangako mo sa akin na hindi ka na ulit makikipag-away Ahren." Napatigil ako sa kanyang tinuran at napaatras ako ng kaonti dahil nagulat ako sa aking nakita. Nakikita ko sa kanya si Miyaka kapag nakikiusap din siya sa akin na tumigil na rin ako sa pakikipag-away. Muling bumalik yung pagkailang ko kay Farrah dahil ngayon sa kanyang kinikilos. "H-hindi ko maipapangako," sagot ko at nagsimula na akong maglakad. "Bakit? Ugali mo na ba lagi ang pakipag-away? Ano ba ang nakukuha mo sa pakikipag-away na iyan?" napatigil ako sa kanyang tanong at tila nainis naman ako sa kanya. Kaya naman humarap ako sa kanya upang sagutin ko ang kanyang sinasabi. "Akala ko ba ay gusto mo maging isang mandirigma balang araw?" panimula ko at napakunot ang kanyang noo dahil sa aking katanungan. "Anong kinalaman no'n sa pakikipag-away mo?" "Hindi ba gusto mo maging isang mandirigma dahil may gusto kang protektahan? Gano'n ang ginawa ko kanina sa matanda at sa batang babae na kanyang niyayakap kanina. Kahit saglit pa lang ako dito sa nayon ay pakiramdam ko dito ako isinilang. Kaya naman gusto kong protektahan ang mga mamamayan dito. Hindi ako nakikipag-away ng walang dahilan. Lahat ng away na pinapasukan ko ay may pinaglalaban ako," mahabang sagot ko sa kanya ngunit hindi ko na siya hinintay na sumagot at may sinabi pa ako dala na rin sa emosyon ko ngayon. "O baka gusto mo lang maging mandirigma upang malaman mo din kung bakit mas pinili ng mga magulang mo ang ibuwis ang buhay nila para sa ibang tao kesa mabuhay sila na kasama ka," nakita ko na nasaktan siya sa aking sinabi kaya napaiwas ako ng tingin. Ito ang problema sa akin kapag nagagalit ako ay hindi ko nakokontrol ang sinasabi ko. "Farrah," tawag ko sa kanyang pangalan dahil nakayuko lang siya. Saka siya tumakbo at nilagpasan niya ako. Napansin ko naman na umiiyak siya pagdaan niya sa akin kaya naman nasapok ko ang ulo ko. "Bakit ko ba kasi sinabi iyon?!" pagalit na sabi ko sa aking sarili. Ngunit hindi ko rin naman masisisi ang sarili ko dahil iniisip din naman ni Farrah kanina na nakikipag-away lang ako dahil sa gusto ko. Hindi ako ang naghahanap ng away sadyang lapitin lang ako ng away lalo na kapag may nakikita ako na inaapi ng iba kaya naman pinagtatanggol ko sila dahil alam ko na hindi naman nila maipagtanggol ang sarili nila. Kahit na alam kong hindi ako dapat makialam sa buhay nila pero hindi ko maatim na masaktan lang sila ng wala silang laban. Maski sa sarili ko kapag sumusobra na ang ginagawa nila sa akin talagang lalaban na ako. Ayun ang hindi maintindihan ng mga nakapaligid sa akin. Kesyo takaw gulo lang daw ako, kesyo wala lang daw ako magawa, kesyo papansinin lang daw ako. Pero ang pakikipag-away ko ay hindi naman talaga dahil sa gusto ko lang makipagrambulan. Napabuntonghininga na lang ako at nagpatuloy ako sa aking paglalakad. Hihingi na lang siguro ako ng tawad kay Farrah mamaya dahil alam ko na mali yung sinabi ko sa kanya. Talagang nadala lang talaga ako ng emosyon dahil doon. Nakarating na ako ss bahay at si Nana Vera lang ang naabutan ko sa bahay. Hinanap ko naman si Farrah at pinagalitan ako ni Nana Vera dahil magkasama kaming dalawa ngunit nagtatanong ako kung nasaan si Farrah. May tama naman si Nana Vera kaya naman hindi na lang ako sumagot. Mabuti na lang dahil hindi na rin nagtanong si Nana Vera kung bakit ko iyon naitanong sa kanya. Minabuti ko na lang na magkulong sa aking kwarto at nakita ko na natutulog ulit si Valkyrie sa aking hinigaan kagabi sa may lapag. Antukin lang yata din ang pegasus ko at hindi ko na lang siya ginising dahil baka talagang napagod ito sa pakikipaglaban kagabi. Sumapit ang gabi at si Nana Vera ang tumawag sa akin upang maghapunan na. Pagkababa ko ay naabutan ko si Farrah na nakaupo na at namumugto ang kanyang mata. Kakausapin ko sana siya kaya lang ay umupo na din si Nana Vera at sinabi niya na kumain na kami. Kaya naman hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na makausap si Farrah. Hanggang sa natapos kaming kumain ay hindi ko nakausap si Farrah at halata sa kanya na iniiwasan niya ako kaya naman hinayaan ko na lang siya. "May nangyari ba sa inyo ni Farrah habang nasa pamilihan kayo kanina?" tanong sa akin ni Nana Vera habang nagliligpit ako sa pinagkainan namin. "May nasabi lang po ako na hindi maganda sa kanya. Ngunit hihingi po ako ng tawad sa kanya kapag handa na siyang pansinin akong muli. Iniiwasan niya po kasi ako eh," magalang na sagot ko kay Nana Vera at wala akong balak na sabihin sa kanya ang nangyari kanina na may nakalaban akong muli. "Iyon lang ba ang dapat kong malaman?" seryosong tanong sa akin ni Nana Vera at tinignan niya ako ng diretso sa aking mata. "Ano po ang ibig niyong sabihin?" tanong ko naman. "Akala mo ba ay porket wala ako sa pamilihan kanina ay hindi ko nalalaman ang mga naganap doon kanina?" medyo kumabog ang dibdib ko dahil mukhang may alam si Nana Vera. Pero wala akong dapat na ikatakot dahil hindi naman masama na ipagtanggol ko ang kanyang mamamayan. "Hindi masama ang aking ginawa Nana Vera---" hindi ko na natapos ang aking sasabihin dahil nagsalita siyang muli. "Bukas na tayo mag-usap na dalawa at bukas mo din malalaman ang kaparusahan mo dahil sa pagsaway mo sa aking sinabi kahapon," hindi naman ako makapaniwala dahil nalaman ko na may parusa ako kahit na tumulong lang naman ako sa matanda kanina. "Hindi naman po yata makatarungan iyon Nana Vera." ---
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD