Chapter 51 Isang malakas na ulan ang sumalubong sa kanila ni Floryne. Mabuti na lamang at nakakita sila ng sisilungan na kuweba. Hindi niya alam kung nasaang lugar sila ngunit sinabi sa kaniya ni Floryne kanina na alam nito ang daan papunta sa Doumentry Kingdom. Iyon nga lang ay malayo-layo ang paglalakbay at aabutin sila ng ilang araw sa paglalakad. Gumawa siya ng apoy upang hindi sila lamigin. Napatingin si Evan sa balabal na ibinigay sa kanila ni Figus. Malaking tulong iyon para maitago niya ang kaniyang mukha at kulay ng buhok. “K-Kamusta na kaya ang mga duwende... s-sana ay ayos lang sila pati na si Lolo Figus.” Nakaramdam ng konsensiya si Evan. Kung hindi sana lumalabas si Figus sa Varianus forest para makakuha ng balita sa kaharian ay hindi ito masusundan ng mga kawal ni Osvar.

