LESSON 04- Dumb Girl

2032 Words
                  “KAHIT kailan talaga, wala kang ginawa kundi ipahiya kami! Ang sabi mo ay may honor ka! Sumakit na lang ang puwitan ko sa pag-upo, hindi man lang ako umakyat ng stage para lagyan ka ng medal! Ang bobo mo talaga!” “Sorry po, mommy— Aray! Ang sakit po ng sabunot ninyo!” “Dapat lang iyan sa tulad mong bobo! Baka sakaling maalog iyang ulo mo at gumana naman iyan kahit papaano! Sinayang mo lang ang pagbili ko ng damit na ito. Ang mahal pa naman nito sa Avon. Hayop kang bobo ka!” Napahinto sa paglalakad si Candice nang may marinig siyang nag-uusap sa may tabi ng isang classroom. Galing siya sa classroom nila dahil may kinuha siyang gamit. Paglampas niya ng hallway ay narinig na niya ang isang babae na pinapagalitan ang isang babae. Wala naman sana siyang balak makiusyuso dahil nagmamadali na rin siya pauwi pero hindi niya maintindihan kung bakit kusang huminto ang mga paa niya para marinig. Kakatapos lang ng Recognition Day nila at hindi na siya nagtaka na siya ang naging first honor. Valedictorian siya noong Grade Six kaya naman ngayong first year siya pa rin ang nanguna sa klase. Ang Tito Ruben niya ang sumama sa kaniya sa stage para isabit sa kaniya ang napakaraming medalya. Bukod kasi sa pagiging first honor ay hinakot din niya ang ilang special awards at best sa ilang subjects. “Diyan ka na ngang bobo ka! Naiirita ako kapag nakikita ko `yang pagmumukha mo!” “Mommy, sasabay na ako sa iyo pag-uwi—” “Hindi! Umuwi ka mag-isa mo! Bobo!” Medyo nagulat si Candice nang mula sa gilid ng classroom ay may lumabas na babae na nakasuot ng mgandang dress. Kulay violet na may disenyo na mga bulaklak. Napatingin ito sa kaniya at umirap. Tuloy-tuloy ito sa paglalakad ng mabilis. “Anong problema no’n? Bakit ang sungit naman?” mahina niyang tanong sa sarili. Aalis na sana siya pero muli na naman siyang napahinto nang may marinig siyang umiiyak sa lugar kung saan nanggaling iyong babae. Sumilip siya sa gilid at doon ay may nakita siyang estudyanteng babae na umiiyak. Nakasandal ito sa dingding at panay ang tulo ng luha. Nang makita siya nito ay napapahiya nitong pinunasan ang luha gamit ang hawak na panyo. Pinigil din nito ang paghikbi. Akmang maglalakad sana ito paalis pero humarang siya sa daraanan nito. “Nanay mo ba `yong kanina? `Yong sinasabihan kang bobo?” diretsong tanong dito ni Candice. “Ano bang pakialam mo? Saka bakit ba nakikinig ka sa usapan ng may usapan?” Nagpanting ang tenga niya. “Umayos ka ng sagot, ha!” Ayaw niya talaga ng sinasagot siya ng pabalang. Sinamahan pa niya iyon ng panlilisik ng mata. Nakitaan niya agad ng pagkasindak ang babae. “S-sorry… Oo, mommy ko iyon. Nagalit siya sa akin kasi pinapunta ko siya dito sa school’s recognition day kahit wala naman akong honor.” Napayuko ito at kinutkot ang sariling kuko. “E, tanga ka naman pala. Wala ka naman palang honor tapos pinapunta mo pa ang nanay mo!” Napangiwi siya sa walang tigil na pagtulo ng luha ng babae. Pati uhog nito ay nag-uunahan na rin. “Ayusin mo nga iyang sarili mo. Nakakadiri kang tingnan!” May hitsura naman ang babae. Cute itong tingnan. Chubby cheeks, chinita at maputi ang balat. Makinis. Halatang anak-mayaman o maykaya. Sinunod naman nito ang sinabi niya. Pinunasan nito ng panyo ang buong mukha at suminga na rin doon. Saka ito tumingin sa kaniya. “Okay na ba?” Pilit itong ngumiti. “Better! So, bakit mo ba pinapunta dito ang mommy mo kahit wala ka naman honor?” Hindi maintindihan ni Candice kung bakit niya kinakausap ang babaeng ito. Hindi naman siya mahilig makipagkaibigan lalo na sa katulad nitong hindi naman matalinong katulad niya. May nakita siya dito na hindi niya maintindihan. “Simula kasi elementary ay hindi siya pumupunta sa Recognition Day. Noong graduation ko naman noong Grade Six, iyong kapitbahay namin ang umabay sa akin kahit wala naman siyang gagawin.” “E, ang tatay mo?” “P-patay na ang tatay ko. Matagal na…” bumakas sa mukha nito ang lungkot. Tumango-tango siya. “A-ang gusto ko lang naman ay maranasan ang may makasamang magulang sa Recognition Day kahit wala akong honor. Kaya nagsinungaling ako kay mommy na may honor ako para samahan niya ako ngayon. Kahit alam kong m-magagalit siya sa akin…” Pinagmasdan niya ang babae mula ulo hanggang paa. Kung titingnan ito sa panlabas ay maayos naman itong manamit. Malinis ang suot na uniform. Maganda ang sapatos. Hindi mukhang bobo. “Totoo bang bobo ka?” tanong ni Candice. “Siguro. Oo.” “Mukhang mayaman ka, ha. Kung gusto mo sa susunod na school year ay magkaklase tayo? Tapos papakopyahin kita. Pero may kapalit. Babayaran mo ako ng pera. Alam mo kasi, hindi ako mayaman pero matalino ako. May wala ako na meron ka. Vice versa. Ano? Deal?” Hindi makapaniwalang napanganga ang babae. “D-deal! Gusto ko iyan! Matagal na akong naghahanap ng kaibigan na magtuturo sa akin at tutulungan ako sa pag-aaral. Thank you—” Napakamot ito sa likod ng ulo. “Kanina pa tayo magkausap pero hindi ko pa alam ang pangalan mo.” “Ako si Candice Soriano. Ikaw ba?” “Jillian Ramos naman ang name ko.” Nakangiti nitong pagpapakilala sa kaniya.   “ALMOST two years na pala ang friendship ninyo kay Candice at ipinagpalit niyo lang agad ng ganoon kadali? Dahil lang sa natalo ko siya bilang Miss RNHS?” tanong ni Aliyah kay Jillian. Ito na lang ang natirang kausap niya dahil kailangan nang umalis nina Destiny at Nikki. Kapag ganitong oras daw ay kailangang nasa bahay na ang dalawa. Naroon pa rin sila sa kwarto niya. Binuksan niya ang electric fan dahil naiinitan si Jillian. Sa tatlo, nalaman niyang ito ang pinaka mayaman. May grocery ang mommy nito. Samantalang sina Destiny at Nikki ay kapwa empleyado ang mga magulang sa munisipyo. “Gaya ng sinabi namin, ayaw namin sa talunan. At ganoon ang tingin namin kay Candice. Ikaw ang nakikita naming bagong queen, Your Highness,” sagot ni Jillian. “Okay.” Nakumbinse naman siya sa mga pinagsasabi ng tatlo. Handa din ang mga ito na i-bully si Candice para patunayan ang katapatan sa kaniya. Doon pa lang ay alam na niyang walang masamang balak ang mga ito.   MAINGAT na isinalin ni Candice ang instant noodles na may dalawang itlog sa mangkok saka niya inihain sa hapag-kainan. Iyon ang ulam nila para sa hapunan. May kasama rin na tuyong isda na nabili niya kahapon sa palengke. Ngayon lang niya nagawang lutuin. Para naman hindi lang instant noodles ang ihahalo nila sa kanin. “Wow! Ang sarap ng ulam natin ngayon, a. Kain na tayo!” Pumalakpak ng isa ang Tito Ruben niya at inumpisahan na nitong lagyan ng kanin ang pinggan. Marami kung kumain ang tito niya. Pagod kasi ito palagi kapag umuuwi mula sa trabaho. Dinadamihan na lang niya ang bigas na sinasaing para hindi ito mabitin. Matapos kumain ay hinugasan na ni Candice ang pinagkainan habang nanonood ng basketball game sa TV ang kaniyang tito. “Maliligo na ako.” Napapitlag siya nang biglang magsalita si Ruben sa likuran niya habang siya ay nasa nakaharap sa lababo. “S-sige po.” Nanginig ang buong katawan ni Candice dahil sa takot na lumukob sa kaniyang buong pagkatao. Sa gilid ng mata niya ay nakita niya ang pagpasok ni Ruben sa banyo. Nagmadali siya sa paghuhugas ng mga pinggan. Naghilamos lang siya at nagsepilyo pagkatapos. Dumiretso na siya sa kaniyang maliit na silid. Bago humiga sa papag ay isinabit niya ang gilid ng kurtina sa mga pako na nasa gilid ng pintuan. Iyon lang ang nagsisilbing lock ng kaniyang kwarto. Humiga na siya at ibinalot ang sarili sa butas-butas na kumot. Mariin niyang ipinikit ang mga mata at pinilit na matulog. Gusto niyang makatulog na bago pa matapos ang Tito Ruben niya sa pagligo nito. “Candice… Candice…” Mas lalong nanginig ang katawan ni Candice nang marinig niya ang boses na iyon ng isang lalaki. Malalim at nakakatakot. Naramdaman niya na marahang nawawala ang kumot na nakabalot sa kaniyang katawan. Sa gilid ng mata niya ay nakikita niya ang isang lalaki sa kaniyang paanan. Nakangiti ito at may pagnanasa sa mga mata habang pinagmamasdan ang kaniyang kabuuan. “Tulog ka na ba, Candice? Alam kong gising ka pa. Kakahiga mo lang. Umayos ka ng higa. Huwag kang tumagilid. Tumihaya ka. `Wag mo na akong pahirapan!” Ang malambing na boses ng lalaki ay bigla na lang naging mabalasik. Ayaw nang masaktan pa ni Candice. Pagod na siyang manlaban gaya ng ginagawa niya noong una. Mas magiging madali para sa kaniya kung hahayaan na lang niya ang lalaki sa gusto nito. Takot na takot na si Candice habang siya ay tumihiya. “`Yan… Ganiyan nga. Matuto kang sumunod. Mabilis lang naman ito, e…” “T-tama na po. Tigilan niyo na ako…” Mangiyak-ngiyak niyang pakiusap pero tila bingi ang lalaki. Mas nananaig sa utak nito ang makamundong pagnanasa. “Hindi pa nga tayo nag-uumpisa, Candice. Hayaan mo na lang ako!” Sa isang iglap ay naging agresibo na ang paggalaw ng lalaki. Sinunggaban nito ang dalawa niyang balikat at pilit siya nitong hinalikan habang panay ang iwas niya. “Tama na! Ayoko na! Ayoko na!!!” “Candice, gising! Nananaginip ka!” Pagbukas ng mata ni Candice ay bumungad sa kaniya ang pawisang mukha ng kaniyang Tito Ruben. Malakas niya itong itinulak at isiniksik ang sarili sa sulok ng higaan. Yakap niya ang kaniyang sarili. Hanggang ngayon ay nanginginig pa rin siya. “Nananaginip ka na naman…” ulit ni Ruben. Halos hindi siya dito makatingin. Hindi pa rin maalis ang takot na kaniyang nararamdaman. Teka, kailan nga ba nawala ang takot sa kaniya? Parang palagi naman siyang takot. Bakit nga ba hindi pa siya nasasanay sa pakiramdam na iyon? Panaginip? Oo, isa lamang panaginip iyon pero alam niyang totoo ang pangyayaring iyon. “Mabuti na lang at nagising ako sa pagsigaw mo. Kung hindi baka binangungot ka na,” patuloy pa rin sa pagsasalita ang kaniyang tito habang siya naman ay matiim na nakatingin dito.   “HEY! Jillian!” Muntik nang mapamura si Jillian sa gulat nang may bigla na lang tumulak sa kaniyang likuran habang nakatayo siya sa tabi ng isang malaking puno ng mangga. Muntik pa nga siyang mapasubsob sa lupa. Mabuti na lang at agad siyang nakakapit sa katawan ng puno. Paglingon niya ay nakita niya sina Destiny at Nikki na humahagikhik. Alaga talaga siyang gulatin ng dalawa. Alam kasi ng mga ito na madali siyang magulat at matakot. “Kapag ako inatake sa puso, kayo rin!” irap ni Jillian sa dalawang kaibigan. “Ang OA naman. Wala ka naman sakit sa puso, e,” ani Destiny. “Nagdedevelop dahil favorite ninyo akong gulatin! Bakit ba kayo nandito?” Naging malikot ang mata niya. Mabilis siyang lumingo sa tinitingnan niya kanina. “Ikaw yata ang dapat naming tanungin niyan, Jillian. Almost a month ka na naming napapansin na palaging nakatambay dito after ng second class namin. May itinatago ka ba?” Akala mo ay isang detective na tanong ni Destiny. “Oo nga. What are you hiding, Jillian?” segunda ni Nikki. Iniiwas ni Jillian ang mata sa dalawa na kung makatitig sa kaniya ay para siyang isang kriminal na inuusig. “Ang dami niyo naman napapansin. Bakit? Masama bang tumambay dito?” katwiran niya. “Masama dahil naglilihim ka na sa amin ngayon,” sambit ni Nikki. “Wala akong inililihim sa inyo. Bakit ko naman iyon gagawin?” Muli niyang tiningnan ang dalawa. Kapwa hindi na maganda ang tingin ng mga ito sa kaniya. Parehas din nakasalikop ang mga braso. Kapag ganoon, alam niyang hindi talaga titigil sina Destiny at Nikki hangga’t hindi niya sinasabi ang gustong malaman ng mga ito. Isang malalim na paghinga ang pinakawalan niya. “Okay. Masasabi na ako ng totoo. Pero huwag ninyo akong pagtatawanan, ha!” Sandali siyang tumigil sa pagsasalita. “Ano kasi… hinihintay ko kasing… iyong… ano… iyong… `yong—” “`Yong ano?!” Malakas na tanong ni Destiny. Halatang naiinis na ito sa kaniya. “`Yong crush kong si Nash! Kitang-kita ko kasi dito iyong classroom nila!” Sa gulat niya sa pagsigaw ni Destiny ay bigla niya iyong nasabi. Bumunghalit ng tawa ang dalawa na akala mo ay iyon na ang huling araw ng mga ito na tumawa. “May gusto ka kay Nash Salvador? Iyong matalino at gwapong lalaki ng fourth year?” sabi ni Destiny sa pagitan ng pagtawa. “Uulitin ko. Iyong matalino. Matalino.” Talagang ipinagdiinan pa nito ang salitang “matalino” Alam naman niyang hindi siya magugustuhan ni Nash Salvador dahil sa hindi siya matalino. Malamang ang matalinong katulad nito ay ayaw sa bobong katulad niya. Kaya naman naiintindihan niya ang pagtawa nina Destiny at Nikki. Hindi na niya kaya ang pagtawa ng dalawa kaya nagdesisyon na lang siyang iwanan ang mga ito para mapag-isa. Pero pagharap niya sa kaniyang likuran ay isang babae na pala ang nakatayo doon. Agad na bumakas ang takot sa mukha niya. Mabilis siyang yumuko para magbigay galang dito. “Queen! I-ikaw po pala!” sabi pa niya sa bagong dating.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD