Hindi niya alam kung sasama ba kay Silver sa pagbalik sa rancho o mag-iiba ng daan para makapagtago. Sigurado siya na baka isa sa tauhan ng kanyang amang Datu ang pumunta para hanapin siya pero dahil hindi pa sanay sa pagsakay sa kabayo ay kahit na nagmamadali ay hindi pa rin siya hinahayaan ni Silver na mapalayo mula rito.
“Mauna ka na, mahal ko. Susunod na ako, ako na ang magdadala ng kabayo sa kuwadra,” alibi niya para hindi halatang gusto niyang magkubli kung sino man ang taong tinutukoy ng tauhan ng binata.
Nagdirediretso naman si Silver sa bahay nito sakay pa rin ng kabayo.
“Ano hong maipaglilingkod ko sa inyo?” may paggalang ang pagkakasabing iyon ni Silver pagkarating. May ilang dipa pa ang layo nito sa limang katao na naghihintay sa loob ng bakuran nito nang ihinto na nito ang kabayo. Pagkababa mula roon ay ipinasa nito iyon sa isang tauhan na nandoon na upang pansamantalang kausapin at pakalmahin ang tila nagtitimpi sa pag-aamok na isang lalaking sabi nga ng tauhan kanina ay nakadamit ng pang-muslim na kasuotan.
“Ikaw ba si Silver Salazar?” tanong ng may edad nang lalaki at halos magkarugtong na ang mga kilay nito sa galit na sinalubong ang binata. Nasa likuran nito ang apat pang kalalakihan na tila sunod-sunuran sa lalaki.
“Ako nga ho. Sino ho kayo at ano ang kailangan ninyo sa akin?” matapang rin naman ang pagtatanong na iyon ng binata na ipinalipat-lipat ang paningin sa mga ito.
“Ako lang naman si Ibrahim Bakir. Ngayon pa lamang ay inuutusan na kita na ilabas mo si Princess Amira, kung hindi ay mananagot ka sa pagtatago sa kanya,” walang ano-ano ay dinuro nito si Silver.
“Teka ho,” saad ni Silver na naalerto na agad sa mga inaakto ng hindi inaasahang bisita. “Wala kayong karapatan na duruin ako ng ganyan, lalo na at wala kayong karapan na pagbitangan ako sa isang bagay na hindi ko ginawa. Ni hindi ko nga kilala ang taong tinutukoy ninyo,” saad naman ng lalaki na nagsimula nang maguluhan dahil ito na ang pangalawang beses na marinig nito ang pangalang iyon.
“Huwag ka nang magmaang-maangan Silver Salazar. Alam ko may kapangyarihan ang pamilya mo dito sa lungsod ng Baguio, pero hindi mo ako kilala. Kung ako sa iyo ilalabas ko na ang babaeng hinahanap ko para wala nang gulo,” saad nito na may halong pagbabanta.
“Hindi ko nga ho siya kilala, paano ko siya ilalabas? May litrato ba kayo na pwede ninyong ipakita sa akin para man lang malaman ko kung nakita ko na ba ang Princess Amira na binabanggit ninyo?”
Nagkatinginan ang limang lalaki at tila nag-usap-usap kung may dala ba ang mga itong litrato ng babaeng tinutukoy. Ngunit nang walang maipakita sa lalaki ay agad nang inutusan ang mga dala-dalang tauhan.
“Pasukin n’yo na ang loob ng bahay ng lalaking iyan, bilis!”
“Teka lang, sandali!” pigil naman ni Silver na iniharang pa ang sarili sa daraanan ng mga ito. “Trespassing ang gagawin ninyo. Kung ipagpipilitan ninyo yan hindi ako mag-aatubiling tumawag ng pulis.”
“Pulis?” nagtatawa ang may edad nang lalaki. “Baka ikaw pa ang ipapulis namin sa pagtatago ng isa sa pinaka-importanteng tao sa Mindanao. Kilala mo ba kung sino ang babaeng hinahanap namin?”
Hindi nakapagsalita si Silver dahil ang totoo ay wala talaga itong ka-ide-idea.
“Siya lang naman ang kaisaisang Prinsesa ng isang katutubo sa isla ng Mindanao. Amira Faizan, ang nawawalang prinsesa dalawang taon na ang nakakalipas,” singhal nito sa kausap.
Naguguluhan pa rin ang binata na hindi alam kung anong isasagot sa mga kaharap na lalaki. Unang-una, sino ba ang nakapagsabi sa mga ito na nandoon sa pamamahay niya ang babaeng pinaghahanap ng mga ito? At isang prinsesa ba kamo ang babaeng iyon? Eh sa una akala niya ay iyon ang mismong pangalan ng babae. Sinong prinsesa ang mapapadpad sa kanyang lugar nang hindi niya nalalaman?
Walang sabi-sabi ay pinagtatadyakan na ng mga kalalakihan ang pintuan ng bahay ni Silver. Nataranta naman ang kasalukuyang naglilinis ng bahay kung kaya binuksan nito iyon. Pagkapasok ng mga ito ay hinablot agad ng isa ang babaeng napagkamalang si Prinsesa Amira, at agad ring patulak na binitawan nang makumpirmang hindi iyon ang babaeng hinahanap. Bawat sulok ng bahay ay pinasok ng mga ito. Pinagbabasag rin ang mga bagay na nakaharang sa daraanan. Isa-isang umakyat ang mga ito sa pangalawang palapag ng bahay at doon ay iba’t ibang klase ng kalabog na ang naulinigan nila. Sa mga oras na iyon ay nagpasya nang tumawag ng pulis si Silver. Pati ang mga tauhan nito’y naalarma na rin at nagtipon doon upang kung kinakailangan ay resbakan ang mga kalalakihang nanloob sa bahay ng binata.
Galit ang mga reaksyon ng limang kalalakihan nang bigong makita ang babaeng hinahanap sa loob ng bahay ng lalaki. Sunod-sunod rin ang mga itong lumabas mula roon.
“So, may nahanap ba kayo sa loob ng pamamahay ko?” matapang na hinarap ni Silver ang mga ito.
Hindi nakapagsalita ang limang lalaki na nagtuloy-tuloy lang sa paglalakad papunta sa nakaparadang sasakyan. Ngunit bago pa man dumiretso roon ang lider ng grupo ay bumaling muna ito sa binatang kasalukuyan nang nanggagalaiti sa galit.
“Hindi ito ang huli nating pagkikita Silver,” saad nito. “Alam kong itinatago mo si Amira. Pagbalik ko dito, siguraduhin mong handa ka nang ipakita siya sa akin dahil kung hindi ay susunugin ko ang mga ari-arian mo,” pagbabanta ulit nito kasabay ng pangduduro sa mukha ng binata.
Hindi na nakapagpigil pa si Silver at hinawakan ang bisig ng lalaki. “Ito rin ang pakatatandaan n’yo, may mga camera ang lahat ng sulok ng bahay ko maging dito sa labas ng bakuran ko. Pagbabayaran n’yo ang walang pakundangang pagpasok dito at pagsira sa mga gamit ko.” anito habang nagtatagis ang bagang. “Kung sino ka mang poncio pilato ka, hindi ako natatakot sa iyo. Sa susunod na tumapak ka sa lupain ko, magsama ka man isang batalyong tauhan mo, hindi na ako magdadalawang isip na patulan ka,” anito pagkatapos pabalibag na binitawan iyon.
Sarkastiko namang nagtatawa lang ang lalaki habang tinutungo ang sasakyang kasalukuyan nang naghihintay rito.
Ilang minuto pa ay narinig na nila ang tunog ng sasakyan ng mga pulis na paparating. Walang pakealam na nagtuloy-tuloy lang palabas ang sasakyan na kinalululanan ng limang kalalakihan. Nang makausap ni Silver ang mga pulis na rumisponde ay agad nang hinabol ng mga ito ang nasabing sasakyan at agad rin naman naabutan. Ineskortan ng mga ito ang grupo papunta sa pinakamalapit na presinto at doon ay nag-usap kasama si Silver at ang abogado nito.
Ilang oras ding naging busy ang binata nang maaalala ang kasintahang si Darling. Pagkabalik nito sa bahay ay agad nitong hinanap ang babae. Ipinagtanong-tanong nito iyon sa mga tauhan hanggang may isang trabahador ang nakapagsabi rito na nakita raw ito kanina na umiiyak sakay ng kabayo pabalik ng rancho. Agad nitong kinuha ang alagang si Thor at hinanap ang babae.
Mahigit isang oras ding nilibot ni Silver ang rancho at ipinagtanong-tanong sa iba pang nakasalubong na trabahador doon kung nakita ba ng mga ito si Darling. May isa rin itong tauhan na inutusan kung nakauwi na ba sa bahay nito ang babae ngunit ang sabi ay hindi pa raw. Bagay na pati si Rodolfo ay nakihanap na rin. Nagsimula nang mag-alala ng lubos ang binata. Kailangan nitong maunang mahanap ang babae. Naalala nito ang sinabi ng nakausap na tauhan na nakita raw itong umiiyak? Naging palaisipan tuloy iyon sa lalaki. Ano ang dahilan kung bakit ito umiiyak at ngayon ay hindi na mahagilap?
Sa matinding pag-iisip ay biglang naalala ni Silver ang paksang napag-usapan sa pagitan ng babae kanin-kanina lang. Pumasok sa isipan ng lalaki ang isang lugar na gustong pasukin ni Darling. Doon ay agad nitong pinihit paliko ang kabayo at agad na pinatakbo iyon ng mabilis papunta sa gawing dulo ng rancho, patungo sa kanyang secret garden na sa kabila ng isa lang iyong simpleng hardin ay walang nagtatangkang pumasok ni isa man sa mga tauhan.
Samantala..
Paika-ika si Darling habang nilalakad ang kahabaan ng pasilyong pinasukan. Hindi niya alam kung saang banda na siya naroroon sa loob ng hardin na iyon dahil sa walang palatandaang makikita sa kanyang dinaraanan. Feeling niya tuloy pabalik-balik lang siya sa spot na iyon dahil pare-parehas ang mga bagay na makikita roon. Literal na isang napakataas at mahabang pader lang ng malagong berdeng halaman ang matatagpuan sa lugar na iyon, iba sa pagpapaliwanag ni Silver kanina.
Magmula nang lisanin niya ang lalaki kanina sakay ng isa sa mga kabayo nito ay patuloy pa rin ang pagbagsak ng mga luha mula sa kanyang mga mata sa napag-alaman. Nakita ng kanyang mga mata kung sino ang mga taong biglaang pumunta sa bahay ng lalaki. At hindi siya maaaring magkamali, kilala niya ang isang lalaki roon. After the longest time nakita niya ang pinsang si Ibrahim, ang taong siyang nakatakdang pakasalan ayon sa kagustuhan ng kanyang amang Datu. Malupit ang pinsan niyang iyon at walang kinatatakutan. At sa kabila ng marami na itong ibinabahay ay pumayag pa rin ito sa kagustuhan ng kanyang mga magulang na magpakasal sa kanya. Ngayon ay hindi na niya alam ang gagawin. Hindi pa man siya nahahanap ng mga ito, sigurado siyang hindi rin magtatagal iyon dahil sa may nakapagbigay alam na sa kinaroroonan niya, in no time matatagpuan rin siya ng mga ito and who knows kung anong gagawin nito sa kanya. Iyon ang lubos niyang ikinatatakot.
Sa ilang minuto pang paglalakad ay nakaramdam siya ng pagod at sakit ng paa na palagay niya ay na-injured yata mula sa pagpapatakbo sa kabayo. Nawalan siya ng balanse kanina noong gusto niyang pahintuin ito ng mabilis. Nalaglag siya mula sa likuran nito at naiwan ang kanyang paa sa maliit na bakal na tinatapakan. Bahagya pa nga siyang nakalakadkad ng hayop pero hindi naman siya nasaktan. Ang lubos lang niyang iniinda ngayon ay ang buto sa kanyang bukong-bukong. Feeling niya ay namaga na iyon kung kaya hirap na niyang itapak sa lupa.
Ilang sandali pa ay napahinto siya at napalingon sa likuran. Medyo malayo na rin siguro ang nalakad niya. Gusto niya sanang magpahinga muna kahit sandali ngunit baka pinaghahanap na siya ngayon ng mga tauhan ng kanyang pinsan. Dito niya napiling pumunta dahil nabanggit nga ng binata na mahirap siyang mahanap dito. Ngunit saan ba siya makakapagtago eh hindi niya naman alam ang pasikot-sikot doon?
Muli ay bumagsak ang mga luha sa kanyang pisngi. Kailangan niyang i-motivate ang sarili na ipagpatuloy ang paglalakad. Hindi siya pwedeng abutan ng mga ito, ayaw niyang bumalik sa Mindanao, ayaw niyang matali ulit sa poder ng mga magulang, lalong-lalo na ay ayaw niyang magpakasal sa pinsan niyang halos kasing tanda na ng kanyang ama.
Meanwhile, sa parehong oras.
Napatigil sa pagpapatakbo ng kabayo si Silver nang makita ang kabayong ginamit ni Darling. Buong pagtataka ang namutawi sa mukha nito nang hindi na nakitang nakasakay doon ang babae. Nagpalingo-lingo ito sa paligid. Nang hindi makita roon ang kasintahan ay nagtuloy-tuloy na ito sa bungad ng secret garden na tanaw lang mula sa kanaroroonan.
Pagkarating roon, sa pinaka-entrance ng napakalaking hardin, sa gitna ng mahabang halamang pader ay pumasok ito. Kabisado nito ang papunta sa pinaka sentro ng hardin na iyon ngunit sa dami ng paliko-liko roon ay hindi nito alam kung saan pupunta at saan sumuot ang babae.
“Darling!” sinimulan nitong tawagin ang nobya, baka sakaling nasa bungad lang ito at hindi pa nakakalayo. “Darling, are you here?” sinimulan rin nitong tingnan kung may mga bakas ba ng mga paa sa medyo mataas nang bermudang nakalatag sa lupang dinaraanan. Medyo marami na ring tuyong dahon ang nagkalat roon. Medyo matagal na rin kasi ever since na nabisita ito. Ang totoo ay hindi na yata nito maalala ang huling punta sa lugar na ito.
“Darling, can you hear me?” tawag niya ulit sa pangalan ng babae. Bawat kanto at pagliko na ginagawa ay masusi nitong tinitingan kung may palatandaang iniwan ang babae na nagsasabing naroon lang ito. Nagpatuloy ito sakay ng kabayong si Thor. “Sweetheart, kung naririnig mo ako, stay where you are and I will be right there!” sigaw ulit nito pagkatapos ng ilang loops na ginawa.
Sa oras na iyon ay napaangat ng mukha si Darling. Narinig niya ang boses ng lalaki, pati na ang pagtawag nito sa kanya. Napatalikod siya mula sa pinanggalingan.
“Mahal ko, nandito ako,” sigaw niya kasabay ng paghagulhol ulit. Nang ilang saglit pa ay may marinig siyang malakas na takbuhan ng mga kabayo, ilang minuto lang pagkatapos nitong tawagin ang kanyang pangalan. Bigla siyang nag-alala na baka may ibang taong nakasunod dito. O baka alam na ng lalaki ang tungkol sa kanya at inutusan itong hulihin siya para isuko sa kanyang pinsan. Nilukuban ng takot ang dibdib niya. Dahil doon ay binilisan niya ang pagkilos at lakad-takbong tinungo ang papalayo pang daan.
On the other hand ay narinig naman ni Silver ang malakas na sigaw na iyon ni Darling. Napalingon ito sa kinaroroonan ng boses ng babae at mabilis na pinatakbo ang kabayo papunta roon. “I’ll be there sweetheart,” saad pa nito na tila sigurado sa kung saan matatagpuan ang babae. Hindi pa nagtatagal ay noong pagliko nito pakaliiwa ay nakita nito ang babae na iika-ika, habang tumatakbo palayo.
Binilisan pa nito ang pagpapatakbo sa kabayo at nang malapit na ito sa babae ay pumababa mula roon. Nilapitan nito si Darling ngunit hindi ito huminto sa paglakad-takbong ginagawa kaya’t hinabol ulit ito ng lalaki para pahintuin.
“Sweetheart?” magmula sa likuran ay inabot ni Silver ang braso ng babae pero nagpumiglas si Darling. Sandaling natigilan ang lalaki sa inakto nito kaya hinawakan na nito si Darling sa magkabilang balikat para paharapin. “Sweetheart, what’s wrong?” anito nang makita ang mukha ng babae. Tahimik itong umiiyak at may bahid ng takot sa mukha.
“Don’t touch me!” saad niya nang makaharap ang lalaki. “Huwag mong sabihin na inutusan ka nila para hulihin ako?” iniiwas niya ang katawan sa kaharap at pumaatras.
“What?” naguguluhang tanong ni Silver. “What are you talking about?”
Binasa ni Darling ang mga reaksyong iyon ng lalaki at nang ma-realize na mali ang akala niya ay agad nang yumakap dito.
“I’m sorry, mahal ko,” saad niya habang humahagulgol. “I really thought nandito ka para ibigay ako sa mga lalaking iyon.”
Sa sinabi ni Darling ay natigilan ulit si Silver. Marahan nitong inalis sa pagkakayakap sa katawan ang babae at tinanong. “Ikaw?” saad nito habang diretsong nakatingin sa mga mata ng babae. “Ikaw si Princess Amira?”
Ilang minutong katahimikan ang sumaklob sa kanilang dalawa.