Pinaghalo-halong tunog ng martilyo, lagare at pala ang maririnig sa loob ng bahay ng mag-asawang sina Rodolfo at Darling noong hapong iyon. Nasa huling parte na ang mga tauhan ni Silver sa paggawa ng konkretong sahig ng barong-barong ng mga ito. Iyon na lang ang natitirang proyekto ng mga tauhan ng binata maliban pa sa anik-anik na mga maliliit na bagay na kailangang kumpunihin doon. Sa dalawang araw na nakalipas ay tinapos na ng mga ito ang konkretong dingding at bagong yerong bubong ng hindi naman kalakihang bahay.
Makikitang okupado ang lahat sa tinatapos na mga gawain. Punong-abala si Silver na hindi lang siyang namamahala sa mga ito kung hindi paminsan-minsan ay tumutulong rin. Bukod dito ay may isang tao rin na walang ginawa kung hindi asikasuhin ang mga nagmamagandang loob na pagandahin ang kanilang maliit na tinitirhan. Iyon ay si Darling na sa kabila lamang ng kakarampot na pera na meron sila ay walang pagdadalawang isip na bumili ng mamimiryenda ng mga ito. Iyon lang ang naiisip niyang pangsukli sa mga tulong na ipinaaabot ng mga ito kahit pa walang patid rin naman ang pagpapadala ng mga pagkain ng mga katulong ni Silver noong mga nakalipas na araw. Sagana ang mga ito sa pang-araw-araw na pangangailangan magmula nang magsimulang magtrabaho doon ang grupo ng binata.
Katatapos lang i-refill ni Darling ang pitsel ng tubig at yelo nang walang ano-ano ay napatingin siya kay Rodolfo na kanina pa medyo masama ang timpla, na sa kabila nang hindi na nga tumutulong ay nakasimangot pa.
Pumatabi siya dito at pasimple itong siniko sa tagiliran. “Ano bang problema mo? Hindi ka ba masaya na malapit nang matapos ang bahay?” may kahinaan ang pagkakasabi niyang iyon.
Inirapan siya ng lalaki. “Paano ako magiging masaya, eh kanina ka pa palakad-lakad sa harapan ng mga tao dito. Nagpapapansin ka ba?” may pagka-tabil ang dila na saad rin nito.
Biglang nagpanting ang tenga niya sa huling sinabi ng katabi. “Anong nagpapapansin doon?” naikunot niya pa ang noong sambit. “At least nga ako inaasikaso ko sila, binibigyan ng tubig at makakain. Eh ikaw, ano ba ang naitulong mo?” sabay halukipkip ng dalawang braso sa dibdib.
“Ayoko lang na pakalat-kalat ka dito. Ikaw lang ang nag-iisang babae dito. Hindi mo ba napapansin na pinagtitinginan ka nila? Nakabistida ka pa man din ng manipis, may kaiklian pa, tapos panay pa ang tuwad mo dyan,” may diin ang pagkakasabi ng mga salita nito.
Tinapunan niya ng tingin na masama ang asawa. Para saan ba ang ipinagpuputok ng butchi ng lalaking ito eh wala naman siyang masamang intensyon sa pag-i-entertain sa mga trabahante ni Sir Silver? Hindi niya rin pansin na pinagtitinginan siya ng mga lalaki. Pagdating naman sa damit niya, kelan pa ito natutong magreklamo sa ayos niya, eh bistida lang naman talaga ang meron siya. At tsaka, nakalimutan rin ba nito na hindi talaga nito siya totoong asawa para umasta ng ganoon?
“Alam mo, minsan nga pansinin mo rin ang sarili mo kung bakit ganyan ka umasta,” banas na sambit niya dito. “Eh, kung tumulong ka na lang kaya sa kanila? Para kang may maraming pera dyan na nakapameywang pa sa isang tabi. Daig mo pa si Sir Silver na siyang gumastos ng lahat ng ito pero hindi nagdadalawang isip na madumihan ang mga kamay.” Umikot ang mga mata niya at sinupladahan ito. Walang ano-ano ay pumihit siya at balak nang iwan ang lalaki, nang biglang pigilin nito ang kanyang braso.
“Ang punto ko lang naman, marami nang tao ang nakakakilala sa atin dito. Hindi ka man lang ba nag-aalala na baka isang araw matagpuan na tayo ng mga pulis at ibalik sa Mindanao?” may paghina na ng boses na saad nito sa babae.
“And now nagwo-worry ka about diyan eh ikaw nga ang unang nagdala kay Sir Silver sa bahay? Naisip mo sana ‘yan noong una pa lang,” pagsusuplada niya. “Pero hindi sapat na dahilan ‘yan para maging ungrateful no, dahil kung tutuusin nagmamagandang loob lang sa atin si Sir Silver” dugtong pa niya. “Pero kung mangyari man iyon, bahala na. Mas mabuti pa nga siguro iyon para magkanya-kanya na tayo,” pagkatapos magsalita ay mabilis na niyang tinalikuran ang kausap at napagpasyahang puntahan na lang ang anak na naglalaro mag-isa sa ilalalim ng punong hindi naman kalayuan sa kanilang bahay. Sa isip niya ay mas mabuti pa sigurong makipaglaro sa bata kesa kasama ang lalaking hindi mo maintindihan ang gusto. Lately, pansin niya ay nagiging magaspang na ang ugali nito. Marami na itong mga demands na tila ba pag-aari siya ng lalaki.
Sa mga narinig na salita galing kay Darling ay tila nagdilim naman ang mukha ni Rodolfo na wari ba'y hindi umayon sa mga huling katagang narinig mula kay Darling. Two years na silang nagsasama sa iisang bubong, hindi nito alintana na ninanais pa rin pala ng babae na mamuhay nang mag-isa. Tiim bagang na napakuyom ang mga palad nito at napatahimik lamang sa isang tabi.
Ang pagtatalo ng mga ito ay hindi nakaligtas sa mga mata ni Silver. Hindi nito alam kung bakit sa loob ng tatlong araw na pagtatarabaho ng mga tauhan doon ay parang hindi naman nasisiyahan si Rodolfo. Madalas lang itong nagmumukmok sa isang tabi. Tahimik na nagmamatyag at madalas pang sungitan ang asawang babae. Dahil doon ay pagkatapos masabihan ang mga tauhan kung ano pa ang susunod na gagawin ng mga ito ay nagpaalam na ang binata na mauuna nang umuwi.
Sakay ng kabayo ay pinatakbo iyon ni Silver ng hindi naman kabilisan. Tinungo nito ang hindi usual na daan pabalik sa farm house upang bisitahin pa ang ilang pananim na inasikaso noong nakaraan. Malalago ang nagtataasang mga puno sa bandang iyon ng kanyang lupain kaya naman halos sakop na ng lilim ng mga ito ang hindi kalakihang bako-bakong daanan. Kasalukuyan nitong pinagmamasdan ang paligid nang walang ano-ano ay may naulinigan itong mga boses na tila masayang nagkakatuwaan. Natiligilan ang lalaki, bumaba mula sa pagkakasakay sa kabayo at hinanap ang mga ingay na iyon. Ilang sandali pa ay nakarinig rin ito ng lagaslas ng tubig at hindi pa nga nagtatagal ay narating ang liblib na bahagi ng isang ilog.
Sa kalapit na punong naroon ay napagdesisyunang itinali muna ang dala-dalang kabayo. Marahan itong lumakad at nagkubli sa mga halamanan upang silipin kung sino-sino ang nagmamay-ari ng mga boses na iyon. Mayamaya’y hindi nito inaasahang masilayan si Darling at ang anak nitong si Utoy na naghaharutan habang naliligo roon.
Panay tampisaw sa tubig ng dalawa na tila ba enjoy na enjoy sa ginagawa. Sumilay ang magandang ngiti sa mukha ng lalaki. Tila kasi ang sarap panoorin ng dalawa na malakas na nagkakatawanan habang naglalaro doon. Nakakailang minuto na rin ito mula sa panonood nang may mapansin. Naititig pa nito ang mga mata sa nakitang ayos ng naliligong babae.
Although may suot na damit si Darling habang nakalusong sa hanggang bewang na tubig ay halatang-halata ang pangloob nito sa suot nitong puting bistida. Dahil basang basa iyon ay bakat ang hubog ng katawan nito. Bahagya pang lumuwa ang mga mata ng lalaki nang umahon ito at pumwesto sa isang bato at pagdating doon ay nasinagan ng araw. Ang malulusog na dibdib nito at ang hiwa na bumabakat sa bestida tagusan sa underwear nito na tila hindi alintana nito ang pag-ipit ng mga hita sa laylayan ng damit. Maya-maya pa ay sabay na tumalon ang dalawa sa tubig na magkahawak ang mga kamay.
Nagbaba ng paningin ni Silver nang maisip na hindi kaaya-aya ang ginagawa nito noong mga oras na iyon. Mapagkakamalan mo kasing nangboboso ito dahil sa pagkukubli nito sa halamanan, bagamat hindi naman nito sinasadya na madatnan ang babae sa ganoong pagkakaayos.
Agad itong nagpasya na lisanin na ang lugar na iyon nang sa huling pagkakataon ay silipin ulit ang babae. Muli ay humanga ito sa ganda ng katawan ni Darling na kung hindi mo kilala ay aakalain mo na wala pang anak. Hindi sinasadyang napangiti ito sa magandang tanawing iyon. Inaamin ng binata na magaan ang pakiramdam nito na makita ang babae na ngumingiti at humahalakhak. May sayang dulot iyon sa kaibuturan ng puso kasalungat sa nararamdaman nitong lungkot sa tuwing nasasaksihan ang pagtatalo sa pagitan ng babae at ng asawa nitong si Rodolfo kanina at noong mga nakaraang araw. Ewan ba at tila ang mga halakhak nito ay musika sa pandinig ng lalaki. Napakasarap pakinggan.
Ilang sandali pa ay tumalikod na ito upang balikan na ang iniwang kabayo at ipagpatuloy na ang paglalakbay papunta sa taniman ng mga gulay. Ngunit saglit pa lamang nang tumalikod ito ay narinig agad nito ang pagsigaw ng babae.
“Utoy!”
It was a tremulous scream. May nginig at takot ang maririnig sa boses nito. Agad na napaharap ulit si Silver sa dako ng kinaroroonan ng dalawa nang makita nitong taranta na nagpalingo lingo si Darling sa paligid, hanap ang anak.
“Utoy! Huwag mo akong bibiruin ng ganyan, mapapalo ka ni Nanay! Labas na at uuwi na tayo!”
Kasalukuyan nitong inintindi kung ano ang nangyayari. Kanina bago nito tinalukuran ang mag-ina ay nakita nitong nakasampa ang bata sa isang may kataasang bato at nagbabalak na tumalon mag-isa sa tubig. Nasaksihan nito ang pagtalon ng bata ngunit hindi na nito hinintay na makitang umahon ito mula roon. Sa nakikitang reaksyon ni Darling, ibig sabihin ba ay nalunod na ang bata? Sumaklob ang kaba sa dibdib nito.
“Utoy!” galit na na tawag ulit ni Darling sa anak.
Mapaglaro ang bata at madalas itong sumisid sa ilalim ng tubig tuwing naliligo roon ngunit hindi naman ito nagtatagal at umaahon agad. Sa inis at pag-aalala ay binilangan na ito ni Darling.
“Utoy, isa!... Dalawa!” ngunit hindi pa rin umaahon ang bata kaya nagpasya na itong sumisid ng ilang beses sa tubig upang hanapin ito. Sa pangatlong beses na pagbalik nito sa ibabaw ng tubig ay mangiyak-ngiyak na itong malakas na sinambit ang pangalan ng anak.
“Utoy!!!”
Sa nasaksihan ay walang pagdadalawang isip na sumulpot si Silver sa harapan ng babae. Mabilis na inalis nito ang suot na sapatos at mula sa pinagtalunan ng bata ay nilusong nito ang tubig.
Tila gumaan naman ng konti ang pakiramdam ng babae nang sa mga oras na iyon ay may dumating na tulong.
Agad na hinanap ni Silver ang bata sa ilalim ng ilog. Napag-alaman nito na hindi naman kalaliman iyon ngunit dahil hindi malinaw ang tubig ay nahirapan itong hagilapin ang bata sa ilalim. Sumubok ulit ito ng isa pang beses at nang sa wakas ay makapa ang kamay ng bata ay agad itong hinablot at dali-daling pumaangat sa ibabaw ng tubig. Mabilis na kinarga nito ang walang malay na si Utoy at dinala sa pangpang at inihiga sa patag na lupa.
Samantala, mangha ang reaksyon ni Darling sa nangyari. Sa dalas nilang maligo sa ilog na iyon, ay hindi niya akalain na madidisgrasya ng ganoon ang anak.
“Oh my God, Utoy,” iyon lang ang nasambit niya nang dali daling lapitan ang bata. Matindi ang pag-aalala niya na baka wala nang pulso si Utoy. Siguradong malilintikan siya kay Rodolfo kung may mangyaring masama sa pinakamamahal nitong anak.
Wala nang patumpik-tumpik pa at sinimulan na ni Silver ang pagbibigay ng mouth to mouth resuscitation sa bata. Inilagay nito ang pinagsaklob na kamay sa dibdib nito at ilang beses na nag-pump, pagkatapos ay hiningahan nito ang nakabukas na bibig ni Utoy. Sa ginagawa nito ay halata na may alam ito sa ganoong bagay. Sigurado ang mga pagkilos nito na may halong pag-iingat. Inulit nito ng ilang beses ang ginagawa na kung minsan pa ay pinupulsuhan ang bata, hanggang sa magkamalay ito at iluwa ang nainom na tubig.
“Oh, God, thank you,” sambit agad ni Darling na agad nang binuhat ang pang itaas na bahagi ng katawan ng bata para mayakap. “Anak, okay ka lang ba?” kausap na ni Darling dito nang tingnan siya ng limang taong gulang na batang lalaki.
Hindi umimik si Utoy bagkus ay umiyak lang ito ng malakas sapo ang ulo. Doon lang nila napag-alaman na may malaki itong sugat doon. Marahil ay nabagok ang ulo nito sa bato na nasa ilalim ng tubig at doon ay nawalan ng malay. Dagling binuhat ng binata ang batang lalaki at agad na nagdesisyon.
“Kailangan siyang matingnan ng doktor,” wika nito.
“Ho? Saan? Paano--?” nauutal na sagot naman ni Darling habang mangiyak-ngiyak na nakatanghod sa may katangkarang lalaki.
“Come with me,” hindi na nito sinuot pa ang sapatos bagkus ay mabilis nang tinahak ang daan papunta sa kabayo nitong si Thor.
Samantalang nakasunod lang naman dito si Darling.
Pagkarating sa kinaroroonan ng alaga ay ipinasa ni Silver sandali ang bata sa babae upang una muna itong makasakay sa kabayo. Nang maayos nang nakaupo roon ay iniabot nito ang bata pabalik at sunod na isinakay sa bandang harapan. Pagkatapos ay inilahad nito ang kamay upang alalayan at tulungan ring makaakyat doon si Darling.
Hindi alam ni Darling kung anong gagawin noong mga oras na iyon ngunit wala pang ilang segundo ay naiangat na siya ni Silver sa lupa at mabilis na naisakay sa bandang likuran nito. Ilang sandali pa, pagkatapos niyang igapos ng mahigpit ang mga braso sa basang katawan ng binata ay agad na nitong pinatakbo ang kabayo. Rinig ang mabilis na pagpapatakbo nito kay Thor papunta sa sarili nitong bahay.
“Aling Auring, nandyan ho ba si Brenda?” habol ang hiningang sambit agad ni Silver nang makarating sa tapat ng isang bahay hindi kalayuan sa farm house nito.
“Ay oho sir. Bakit ho? Anong problema?” agad itong napatingin sa batang yakap ng lalaki na nasa harapan nito. Bagamat may malay naman ang bata, sapo pa rin nito ang ulo na hindi pa rin matigil sa pagdurugo. “Brenda, halika muna at lumabas, bilisan mo!” sigaw nito sa anak mula sa harapan ng pintuan ng bahay.
Agad namang lumabas ang tinatawag na halata sa mukha ang pagtatanong.
Muling inalalayan ni Silver si Darling upang makababa, at pagkababa ay iniabot agad nito ang bata tsaka ito sunod na bumaba mula sa pagkakasakay sa kabayo.
Tahimik na nakiusyoso si Brenda. Nang mapansin nito ang kalagayan ng bata ay agad nitong nilapitan iyon.
“Anong nangyari?” tanong agad nito na pinalipat-lipat ang paningin sa babaeng may karga pati na kay Silver.
Si Silver na ang nagpaliwanag sa totoong nangyari dito.
“Ipasok natin sa loob ng kuwarto ko,” agad nitong sambit.
Si Brenda ay tapos sa kursong medisina. Magmula pagkabata ay ang pamilya na ni Silver ang nagpa-aral dito hanggang sa makatapos ito ng kolehiyo. Noong makapagtrabaho sa isang malaking ospital sa Maynila ay nagpasya ito na kumuha ulit ng masteral para maging bihasa pa lalo sa piniling propesyon. Katulong ang mga magulang nito na ilang dekada na ring nagtatrabaho sa rancho ng mga Salazar ay natapos nito ang karagdagang apat na taon sa pag-aaral.
Habang nilalapatan ng gamot ang bata na maswerte at may nakaimbak sa bahay ng dalagang doktora ay iniabot ni Silver ang tuwalya kay Darling na nasa tabi rin ni Utoy at nakaantabay lang. Una nang inutusan ni Silver si Aling Auring na kumuha ng maitatapis sa babae lalo na at halata ang pang-ilalaim na kasuotan nito sa hindi pa rin natutuyong bestida.
Anong lakas ng iyak ng bata ng turukan ito ng pangpamanhid upang masimulang tahiin ang sugat nito. Dahil sanay na sa ginagawa ay agad rin naman iyong natapos.
“Kayo po ba ang Nanay ng bata?” tanong ni Brenda kay Darling pagkatapos lagyan ng gasa ang sugat ni Utoy.
“Opo.” agad na tumango ang babae.
“Sa tingin ko ay okay naman ang bata pero para makasigurado po tayo ay kailangan po siyang maidala agad sa Doktor para ma-x-ray. Hindi po kasi tayo sigurado kung ano pa ang pinsalang dulot ng pagkabagok ng ulo niya,” paliwanag ni Brenda sa mahinahong tono ng boses.
Nag-aalalang napatango lang ulit si Darling kasunod ng mangiyak-ngiyak niyang pagyakap ulit sa anak. Halo-halo ang nararamdaman niya ngayon, saya dahil nakaligtas ang bata mula sa pagkakalunod, lungkot at pag-aalala dahil kinailangan pang pagdaanan ito ng anak na unang beses pa lang na makakapasok sa ospital. Sigurado siyang mato-trauma ito pag nagkataon. Baka hindi na ito bumalik sa ilog na madalas nilang pagtambayan. Isa pa sa bumabagabag sa dibdib niya ngayon ay ang takot na baka kung ano ang magawa sa kanya ni Rodolfo dahil sa nangyari. Inaamin niya na naging careless siya at hinayaang tumalon ang bata sa tubig nang mag-isa. Iyon naman din ay madalas na nitong ginagawa kaya may kompiyansya na siya dito. Hindi niya lang akalain na mangyayari ang aksidenteng ito.
“Don’t worry, I will come with you,” saad na ni Silver na may halo pang paghagod sa likuran ng babae.
Hindi naman iyon nakaligtas sa mga mata ni Brenda. Sa una ay medyo hindi naging maganda ang naging reaksyon nito doon ngunit nang marinig ulit ang pangalawang pangungusap na binitawan ng lalaki ay bumalik ito sa pagiging magiliw kay Darling.
“Tatawagan ko ang tauhan ko para ipaalam sa asawa mo ang nangyari. Para makasunod na rin siya sa ospital,” dugtong pa ng binata.
May pagdadalawang isip man si Darling sa narinig ay sumang-ayon na rin siya kahit pa alam niyang isa pa iyon sa magiging dahilan ng lubos na ikakagalit ni Rodolfo. Two years silang nagpakalayo layo at nagtago sa kinauukulan. Ngayon ay mas mae-expose sila lalo na at siguradong hihingi ng impormasyon ang mga doktor sa pagkakakilanlan ng bata maging ng mga magulang nito. Ngunit magalit man ito o hindi, ang importante ay naipaalam niya ang kasalukuyang kalagayan ng anak.