Burning the Image (PART 2)

998 Words
Nang makauwi sila’y nakaluto na ang tatay nila. Sabay-sabay silang kumain at pagkatapos ay magkatulong sila ni Jill na gumawa ng mga assignment nila. Pagdating ng bukas ay magkakasabay silang mag-aamang pumasok. Sina Jack at Jill ay papasok sa school habang ang tatay nila ay sa construction site. Para sa kanilang mag-aama, normal na ang mga ganitong pangyayari. Walang ipinagkaiba ang bawat araw na dumadaan at lumilipas. Pagpasok sa umaga ay lilipas ang maghapon at darating ang hapon. “Jack, umuna ka na lang u—“ “Sasama ako,” agaw ni Jack sa mga sasabihin ng kakambal. Napanguso ito. Halata sa mukha na hindi nito gustong sumama siya. “Hindi kita hahatian sa kita mo. Maghahanap ako sa malapit ng mga kalakal,” mabilis na aniya bago pa makapagpaliwanag ito. “Okay lang naman sa’kin na hati tayo. Hindi lang naman para kay tatay ito, para din sa’yo,” anito sa mahina at tila nahihiyang tinig. Naningkit ang mga matang tiningnan niya ang kapatid. Hindi niya maunawaan kung bakit ganito ang inaasta nito. “Kaya nga sasama ako,” giit niya. “Pero ka—“ “Sasama ako,” mariin niyang saad. Hinubad niya ang polo, ipinasok iyon sa bag, at inilabas ang naka-plastic na sako. Pinaghandaan na niya ang hapong iyon para hindi na umangal ang kakambal. “Kapag naka-ipon na tayo, bili ka ng bagong T-shirt,” mahinang ani Jill dahilan para mapalingon siya. May kumurot sa puso niya nang makita ang malamlam nitong tingin sa T-shirt niyang kupas na’t manipis ay tastas pa ang ilang tahi sa laylayan. Napakalambing at maalalahanin talaga ng kakambal niya. Hindi siya nagsalita at nilapitan ito. Tumigil siya sa harap nito at ginulo ang buhok nito. “Halika na, ampanget mong magdrama,” aniya at nilagpasan na ito. Kung napaka-open ng kakambal niya at malambing, kabaligtaran naman niya. Ewan ba niya at hirap na hirap siyang magpakita ng nararamdaman. “Sungit,” dilat sa kaniya ni Jill at sinabayan siyang maglakad. “Iyakin,” pang-aasar niya. “Maganda naman.” “Saang banda?” “Tsee!” Muli siyang pinandilatan nito at nagmamadaling tumakbo pero dahil mas mahaba ang biyas niya dito ay nagawa niyang abutan ito. Naabutan niya ito sa tapat ng isang commercial building kasama ang ilang kaibigan nitong babae. Sa labas ng isang tindahan, isang babaeng marahil nasa 30’s ang lumapit kina Jill at sa mga kaibigan nito. May sinabi ito bago itinuro ang hilera ng mga kahon na nasa labas ng tindahan. Tumango ang magkakaibigan bago pumasok na ang babae. Doon lang lumapit si Jack sa kakambal. “Anong gagawin ninyo ngayon?” usisa niya. “Magde-deliver kami ng mga iyon doon sa maliliit na tindahan,” tugon nito habang pilit binubuhat ang isa sa kahon. Napangiwi ito na tila nabibigatan sa kahong ibinaba iyon. Napailing na lang siya at pinigilan ito sa balikat. “Bakit?” sulyap nito sa kaniya. “Ako na diyan,” aniya at inabot dito ang sako. “Pero, dapat ako ang magdadala niyan.” “Maliit ka na nga, hindi ka lalo lalaki kapag nagbuhat ka pa niyan.” Nagtawanan ang mga kaibigan ni Jill dahilan para mapalingon sila sa mga ito. “Hi, Jack!” bati ng isa sa mga ito. Hindi niya kilala ito. “Ang bait talaga ng kakambal mo, Jill,” komento naman ng isa pa. “Iyan mabait? Yuck!” supla ni Jill. “Halika na,” pag-aaya niya. “Ituro mo kung sa’n dadalahin ang mga ito.” Hindi niya pinansin ang mga sinasabi ng mga kaibigan nito at naglakad na palayo dala ang kahon. “Sungit pa,” bulong ni Jill. Tahimik lang siya habang naglalakad katabi ang kakambal. Ilang sandali pa’y hinila nito ang bag niya. “Oh?” lingon niya. “Ako na magdadala niyan,” kulbit nito sa kaniya sabay nguso ng bag niya na nakasakbit sa likuran niya. “Ako na.” “Sungit…” “Pangit.” “Mahal mo naman,” balik wika nito na malapad ang ngiti. Sinulyapan niya ito pero hindi nagkomento. Mahal niya ito at ang tatay nila pero hindi niya kayang sabihin. “Bilisan mo na lang.” Tumango ito at tahimik siyang nakasunod dito ng isa-isa nitong puntahan ang mga tindahan. Mga pad paper at school supplies pala ang ipinapadala sa kanila. Dahil mas nakakamura ang bayad sa mga kabataang tulad nila, mas pinipili ng ilang may-ari ng tindahan na mga tulad nila ang mag-deliver. Mabilis silang nakatapos sa unang kahon. Buong akala niya’y tapos na sila pero bumalik si Jill para kumuha ng isa pang kahon uli. Hindi na siya nagprotesta lalo na’t dinig niyang sinabi ng babae na h’wag na munang babalik bukas dahil wala pa silang ipagagawa uli. “Sayang naman,” naghihimutok na bulong ni Jill habang naglalakad sila patungo sa huling tindahan na pagdadalahan nila ng mga ide-deliver. “Hayaan mo na. Umuwi ka na lang nang maaga para ikaw na ang tutulong kay tatay,” pampalubag-loob niya pero hindi man lang ngumiti ang kakambal. “Pero…” Tumigil ito sa paglalakad, tumingin sa pader na maraming mga nakasabit na poster at tarpaulin. Humarap ito sa isa sa mga tarpaulin na naroon kung saan may larawan ng mga pulis na may iba’t ibang ranggo. “Gusto mo sumama sa’kin bukas?” tanong niya sa pag-aakalang mawawala ang lungkot nito. “Kahit anong mangyari ay gagawa ako ng paraan,” determinadong wika nito habang nakatitig sa larawan ng isang pulis. Kumunot ang noo niya at sinulyapan ang tinitingnan nito. Matanda na ang pulis at halos kaedad lang ng ama nila. Siguro nagmukha lang iyong bata dahil alaga ang sarili at hindi gaya ng tatay nilang halos wala ng oras sa sarili. “Gusto mo bang maging pulis?” wala sa loob na usisa niya sa kakambal. Nilingon siya nito pero isang ngiti lang ang naging tugon nito. Nagtataka man ay hindi na siya nag-usisa pa. Idineliver na nila ang huling gamit at umuwi na. *****
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD