Sa malawak at malaki pero punong-puno nang nagsisiksikang mga tao, mga sasakyan, at iba’t ibang gusali sa gitna ng Kamaynilaan sina Jack at Jill nakatira. To be specific, sa ilalim ng mga nagtatayugang highway at rail train. Wala atang araw, oras, segundo ang hindi lumilipas na puno ng ingay, usok at sigawan ang paligid. Sanay na sila at nasasanay na rin kung gaano kahirap ang buhay. Dito na sila, kasama ang tatay nila lumaki at nagkamalay kaya alam na alam na nila ang bawat galaw ng paligid.
“Jack! Umuna ka na uli ha,” sigaw ni Jill bago nagmamadali itong tumakbo palayo.
Napahalukipkip na pinagmamasdan ni Jack ang kakambal na tumatakbo palayo. Hapon na at kalalabas lang nila ng paaralan. Parehas silang nasa Grade 8 at pumapasok sa isang masikip at mainit na pampublikong paaralan. Ilang araw pa lang nagsisimula ang pasukan pero sa tuwinang sasapit ang hapon ay palaging nagmamadali si Jill umalis. At hindi alam ni Jack kung saan palagi ito pumupunta.
Naiiling na umunang umuwi si Jack. Gusto man niyang sundan ang kakambal, tiyak namang magagalit lang ito sa kaniya kapag sumunod siya. Tinalon niya ang maliit na hagdanan sa gilid ng tulay at sumuot sa makipot na eskinita ng squatter area. Malayo pa lang ay rinig na kaagad niya ang malakas na sigawan ng mga taong nag-uusap.
Oo, nag-uusap lang sila pero kung hiyawan nila ang isa’t isa’y parang mga nag-aaway.
Dumiretso siya nang lakad hanggang matanaw ang bahay. Gaya ng ibang bahay, ang kabilang dingding ng bahay nila ay dingding rin ng kanilang kapitbahay, kaya naman may pagkakataong dinig na dinig nilang mag-aama ang bawat ingay, sigawan, at pag-uusap sa kabilang bahay. Dinugtungan lang iyon ng tatay niya at inayos ang mga lumang table, nilagyan ng mga gulong sa itaas ang butas butas at lumang mga yero para hindi liparin ng hangin.
Napasibangot si Jack ng makita ang babaeng kapitbahay na lumabas ng bahay nito. At katulad ng dati, kapag magsisimula ng humapon at gumabi, lumalabas ito sa bahay na may kasamang lalaki. Iba’t ibang lalaki sa bawat araw na dumadaan. Naiinis siya dito lalo na kung sasapit ang gabi dahil sa malakas na halakhak nito sa gabi kasama ng mga lalaki.
Inalis niya ang tingin sa babae at pumasok sa bahay nila. Bukas na iyon kaya tiyak na naroroon na ang tatay nila. Tatlo na lang silang magkakasama sa buhay; siya, si Jill at ang kanilang tatay Jose. Namatay ang nanay nila habang ipinapanganak sila ni Jill. Ayon sa tatay nila, himala raw na naisilang sila nang maayos bago namatay ang kanilang ina.
Ngunit para sa kaniya, hindi iyon isang himala. Para sa kaniya, sila ang may kasalanan kung bakit namatay ang nanay nila.
“Andito ka na pala, Jack.”
Natigil si Jack sa pagbababa ng bag sa lumang upuang kahoy nila nang marinig ang ama. Lumabas ito mula sa pinaka-kwarto nilang tanging ang tabing lang ay isang luma at kupas na kurtina.
“Tatay,” aniya at lumapit dito para magmano.
“Kaawaan ka ng Diyos.” Lumingon ito sa pinto bago nagwikang, “Nasaan ang kakambal mo? Hindi ba kayo sabay lumabas?”
“May pupuntahan daw po siya,” tugon niya at hinubad ang polo. Kailangan na niyang magbihis para makarami bago tuluyang magdilim. Construction worker ang tatay nila pero dahil madalas ay kapos pa rin sila, tumutulong sila ni Jill dito sa pamamagitan nang pangangalakal o kaya’y naglilinis sila ng mga sasakyan ng mga mayayamang tao.
“Hindi mo dapat hinahayaan ang kakambal mong mag-isa lalo na’t kapag hapon na,” mahinahong paalala nito.
“Siguro ho’y pauwi na rin iyon,” wika niya at nang matapos magbihis ay lumabas na ng kwarto. “Hahanapin ko na lang po siya.”
Nilingon siya ng ama na kasalukuyang nakaupo sa harap ng maliit nilang mesa. May hawak itong baso ng tubig na nilalaro-laro sa kamay. “Sige, mag-iingat ka. Umuwi kayo kaagad at magluluto ako ng paborito ninyong ginisang sardinas na may itlog.”
Ngumiti siya sa ama at tumango. “Opo, babalik kami kaagad.”
Lumabas siya ng bahay, inabot ang sako na nakasuksok sa siwang ng dingding sa harap ng bahay nila. Hahanapin muna niya si Jill bago mangalakal o pwedeng habang hinahanap si Jill ay nangangalakal siya.
Bahala na. Basta makauwi sila kaagad.
Kumakalat na ang dilim at marami na ring nakalap na mga bote at lata si Jack. Pero hindi pa rin niya nakikita si Jill.
“Makita ko lang talaga iyon, lagot sa’kin iyon,” naiinis niyang bulong.
Minabuti niyang tumigil sa pangangalap ng bote at lata, at ibinuhos ang atensiyon sa paghahanap sa kakambal. Dilim na ng makasalubong niya ito sa daan pauwi sa kanila. Bitbit ang sako ay nakakunot ang noong sinalubong niya ito.
“Jill, sa—“
“Oppss, wag kang magalit,” pigil agad nito sa kaniya na sinamahan pa nang pagtaas ng dalawang palad sa harap niya. “Tingnan mo, malaki ang kinita ko,” dugtong nito at dumukot sa bulsa ng paldang suot. Mula roon, naglabas ito ng mga lilimampuing papel.
“Anong ginawa mo?” kunot pa rin ang noong tanong niya.
“Isinama ako nina Lina sa pagkakabit ng mga maliliit na poster sa mga dingding,” nakalabing tugon nito.
“Bakit ba kasi hindi ka nagsasabi kung saan ka pupunta?”
“Gusto ko ring kumita para kay tatay.”
“Kahit na.”
“Hindi mo nga ako pinigilan kanina,” nakaangat ang isang kilay na katwiran nito.
“Kung ganoon, isasama mo na ako simula bukas kung saan ka pupunta,” may pinalidad na sabi niya.
“Iisipin ko muna,” ingos nito at umuna na sa paglalakad.
Sinabayan niya ito sa paglalakad. “Ayaw ni tatay na mag-isa ka lalo na kapag gumagabi na.”
“Alam ko,” mahinang anito. Tumingala ito sa madilim ng langit. “Lagi naman kasing tayo ang iniisip niya,” dugtong nito sa mas mahina pang tinig.
Nagtatakang nilingon niya ang kakambal. Masayahin si Jill na kabaligtaran niyang seryoso sa buhay. Palagi itong nakangiti, matinis kung magsalita at hindi nauubusan ng kwento. At dahil kakambal niya ito, alam niya kung may kakaiba rito.
“Anong nangyari sa’yo at ganiyan ka?” kunot-noong tanong niya.
Umiling ito at ibinalik ang tingin sa unahan. “Naaawa lang ako kay tatay.”
Inalis niya ang tingin dito at tumingin din sa unahan. Gaya nito ay naaawa rin siya sa ama. Wala na silang ina at simula noong mga sanggol pa lang sila ay mag-isa na nitong itinaguyod silang dalawa. May pagkakataon itong mag-asawa noong bata-bata pa ito pero kailanman ay hindi ito nagkamaling mag-asawa muli, at sa halip ay natuon ang atensiyon sa kanilang dalawa ni Jill. Ngunit hindi gaya ni Jill, wala siyang lakas ng loob para ilabas at sabihin ang nararamdaman. Sa halip, idinadaan na lang niya sa pagkilos. Malambing si Jill sa ama habang siya’y mas pinipiling magtrabaho para makapag-abot ng munting pera rito.
“Sa palagay mo, Jack, ano kaya si tatay kung wala tayo?”
Napalunok siya sa tanong ni Jill pero hindi sumagot. Minsan naiitanong niya rin iyon ngunit hindi gaya ni Jill, wala siyang lakas nang loob na alamin.
“Umuwi na tayo at magluluto si tatay ng paborito nating ulam.” Iyon na lang ang nasabi niya sa kakambal.
Dagling napawi ang malungkot nitong presensiya at masiglang humarap sa kaniya. “Magluluto si tatay ng ginisang sardinas na may itlog?” halos mapunit ang labi nito sa lawak nang ngiti.
“Kasasabi ko lang di’ba?”
“Yehey! Tara! Bilisan nating umuwi,” aya nito at hinila na siya sa kamay. Hindi naman siya magkandatuto sa paglalakad dahil may hawak pa siyang sako sa kabilang kamay na nakasampay sa balikat niya.
“Wait lang, Jill, may dala ako,” protesta niya.
“Bilisan mo kasi.”
Napailing na lang siya sa kakambal at dahil mas matangkad siya dito ay nagawa niyang sabayan ang paghakbang nito. Pasimpleng sinulyapan niya ang kamay nitong nakahawak sa kamay niya. Muli, nakangiting napailing siya. Malaking bagay talaga na malambing ang kakambal niya.
*****
ShimmersErisJane