HINDI magkaintindihan ang mga empleyado nang dumating sila ni Allen sa La Belle. Kaagad humilera ang mga ito at binati ang binata. May kumustahan ding naganap at paalala na bakit kaagad itong pumasok at hindi muna nagpahinga. Isang simpleng ngiti lang ang ibinigay ni Allen.
Dumiretso sila sa conference room kung saan kasalukuyang nagme-meeting ang mga board member, mga investors, kasama ang tatlong kinakapatid ni Allen kung sino ang pansamantalang tatayong CEO habang ito ay nagpapagaling pa sa ospital at ang ina nito ay abala sa pag-aalaga dito.
Ngunit ang pagdating nila ay gumulantang sa mga nadatnan nila sa conference room.
“Allen?”
“Mr. Mason?”
Halos iisa sila ng ekspresyon at reaksyon nang makita itong taas-noong pumasok ng silid. Walang bahid na isang linggo itong walang malay sa ospital.
“I don’t know what is this meeting for, but I will use this time to greet you all,” pambungad na bati ni Allen sa lahat kahit na alam niya na ang dahilan kung para saan ang meeting.
“Kailan ka pa nakalabas ng ospital, Mr. Mason?” tanong ng isang board member.
“Just three hours ago,” tugon nito na nagpasinghap sa lahat.
“Hindi ba dapat ay nagpapahinga ka muna?” tanong ng isang babae habang palapit sa kanila.
“I’m all good, Ana. It’s good to see you.”
“Good to hear that, Allen,” sabat naman ng isa pang babae. “But where’s mom?”
“Nagpapahinga muna siya, Avril.”
Pasimpleng eniksamin ni Cupid ang dalawang babae. Kung hindi siya nagkakamali ay ito ang half-sister ni Allen. They had the same features of Allen. Lumipat ang mata niya sa isang matangkad at payat na lalaking bigla na lang niyakap si Allen. “Mabuti at maayos ka, Kuya.” Naluluha pa ito habang mahigpit ang yakap kay Allen.
‘Kuya?’
“That’s enough, Evan.” A girl named Ana frowned at him.
“Thank you, Evan.”
“Pinag-alala mo ako ng sobra.” Humiwalay ito kay Allen at kunwa’y pinunasan ang luha.
‘So that’s Evan?’
The thing was kahit isa sa mga ito ay hindi niya nakita sa ospital sa tuwing dumadalaw siya o baka naman nagkakasalisihan sila. Kung anuman ang dahilan, aalamin niya kung sino sa kanila ang sinasabi ni Allen nagbabanta sa buhay niya.
Tahimik si Cupid habang abala ang mga ito sa kumustahan at pag-uusap. Wala siyang nakikitang kahina-hinala sa mga board member, investors, at mga empleyado. Kung isa man sa mga kinakapatid nito ang suspek, hindi pa niya tiyak.
“Sino siya, Allen?” tanong ni Avril sabay sulyap sa kaniya.
Lumapad ang ngiti nito bago hinawakan siya sa bewang. “Also, I would like to introduce to you my long-time girlfriend, Ms. Ariella Cupid Vasquez.”
Napuno ang bulungan ang buong paligid. Halatang hindi inaasahan ang inianunsyo nito.
“Long-time girlfriend?” curious na tanong ni Ana. “Ni hindi nga kita nakita kahit minsan na may kasamang babae,” sarkastikong saad ni pa nito.
“I just came back from US,” taas-noo niyang tugon para labanan ang pagkatariray nito. “Nagmadali akong umuwi pagkatapos kong malaman ang nangyari sa kaniya.”
Ana scoffed but Cupid just smiled sweetly. Hindi naman halatang hindi ito gaano kalapit sa half-brother. Nilapitan naman siya nina Evan at Avril para makipagkilala.
“Masikreto ka, Allen,” biro nila. “But we’re happy for you.”
Marami pang tanong na ibinato sa kanila, but Allen dismissed it as he ushered her to go out. Dinala siya nito sa opisina nito. Isinara nito ang opisina at nang sila na lang dalawa ay nanghihinang naupo ito sa sofa na naroon. Ngayon niya lang napansin na namumutla at pinagpapawisan ito.
“Hey, you okay?” Nilapitan niya ito.
“Darn, it hurts,” he cursed as he took off his jacket.
Napaupo siya sa tabi nito nang makita niya ang maliit na kulay pulang mantsa sa bandang dibdib nito. “Dumudugo ang sugat mo.”
“Wala ito. Kumirot lang bigla.”
“Masiyado mong pwenersa ang sarili mo. Alam mo namang kalalabas mo pa lang.” May pag-aalalang bumaha sa dibdib niya.
“Mas mahirap kapag nagtagal pa akong nasa ospital at walang ginagawa.”
“Pero mas mahirap kapag mas lalong lumala iyan, baka ang ending balik-ospital ka.”
“Tutulungan mo ba akong gamutin ito o sesermunan mo lang ako?”
Humalukipkip siya. “You hired me as your girlfriend and not your nurse.”
“Bakit? Hindi ba kasama doon ang alagaan mo din ang boyfriend mo? O baka naman ang alam mo lang ay ito.” Hindi na siya nakasagot nang kabigin siya nito bigla para halikan. At gaya kanina, nawawalang-silbi lang ang pag-ayaw niya sa una dahil kapag nagtagal ay tinutugon niya rin ang halik nito.
“Napakakapal mo talaga at bigla ka na lang nanghahalik?” inis niyang pakli matapos putulin nito ang halik.
“Don’t tell me na hindi ka nag-eenjoy?” Tumayo ito at inalis ang necktie.
“Funny!” Padabog naman siyang tumayo at kinuha ang first aid kit. “Umupo ka dito at gagamutin ko iyan.”
“Hindi na. Wala naman ito. Magpapahinga na lang ako.” Naglakad ito palayo at lumapit sa tapat ng wall.
“Huwag kang matigas ang ulo.” Nilapitan niya ito habang dala ang first aid kit. Magsasalita pa sana siya nang biglang igalaw nito ang painting ay bumukas ang wall. Pumasok ito sa loob habang siya naman ay hindi nakagalaw. Nang magsasara na ang pinto ay dali-dali siyang sumunod dito.
Naabutan niyang pahiga ito sa kama na nasa sulok. Hindi kalakihan ang silid pero kumpleto ng gamit para sa isang bedroom. Sa paanan ng kama ay may mga monitor. Iba’t iba ang laki at sukat.
“Magpapahinga muna ako kapag may tumawag sabihin mong ayaw kong magpaistorbo.” Tuluyan na itong nakahiga pero nakanguso ito sa telepono na nasa side table.
Gusto man niyang mainis sa paraan nang pag-uutos nito ngunit dahil sa nakikita niyang panghihina nito ay minabuti niyang palagpasin ang pagiging bossy nito. Naupo siya sa gilid ng kama at pinagmasdan ang nakapikit na binata. Namumutla ito at gumigiti ang pawis sa noo.
“Allen…” Hinawakan niya ang kamay nito. Hindi niya inaasahan na gagagapin nito iyon.
“Thank you for coming.”
Ngumiti siya. “Tatanggapin ko lang ang thank you mo kapag hinayaan mo akong gamutin ka.”
Nagmulat ito ng mata at binalingan siya. “Then do the pleasure, dear,” malumanay na pahayag nito bago tuluyang ipinikit ang mga mata.
Nakangiting ginamot niya ang sugat nito. Nahihimbing na ito nang matapos siya. Kinumutan niya ito at iniligpit ang gamit. Naupo siya sa tabi nito at binantayan ito. Hindi man siya eksaktong pumayag sa pag-hire nito sa kaniya, hindi naman kaya ng konsensiya na hayaan na lang ito. Lalo pa at siya ang dahilan kung bakit napahamak ito.
Marahan niyang pinunasan ang noo nito. Hindi nakakagulat na pagdating sa produkto ng La Belle na panglalaki, ito ang madalas modelo. Taglay niya ang karisma na talagang magpapatili ng mga kababaihan. At aminin man o hindi ni Cupid sa sarili, nabibighani din siya nito.
Ayaw na ayaw ni Cupid na napapalapit sa lalaki ng higit pa sa kaibigan. Wala din siyang balak mag-asawa o ang magmahal. Nag-iipon lang siya ng pera para mapaghandaan ang pagtanda niyang mag-isa. Ngunit habang tinititigan niya si Allen, kung ano-anong larawan ang naglalaro sa imahe niya. Mahal na mahal ito ni Madam Elena kaya nakakatiyak siyang mabuting anak ito. Hindi niya mapigilang isipin na paano kung totoong kasintahan niya ito, paano kaya siya tatratuhin nito? Paano kaya magmahal ang isang Allen Mason?
Naiiling na hinamig niya ang sarili. She’s taking things seriously. Kailangan niyang tandaan na lahat ay pansamantala lang…
BINALINGAN ni Cupid si Chunk nang makababa siya ng kotse at binigyan ng isang ngiti. “Thank you.”
“You’re welcome, Madam. Pero kailangan ko kayong ihatid sa mansion kaagad.”
“Hindi na kailangan. Pwede naman akong magmaneho papunta doon.”
“Pero ang bilin po sa akin ay kukuha lang kayo ng gamit at—“
“No, Chunk. I’ll just call him.”
Napansin marahil nito na wala siyang balak sumama pabalik ay binigyan siya nito ng tango. “Take care, Madam.”
“You too.”
Hinintay siyang makapasok nito ng gate bago tuluyan itong umalis. Excited na siyang pumasok sa bahay at magbabad sa bathtub habang umiinom ng red wine at nakikinig ng music.
Ngunit tila hindi mangyayari iyon nang maagaw ang pansin niya ng kulay itim na likidong umaagos mula sa garahe. Papalubog pa lang ang araw kaya malinaw pa niyang nakikita ang buong paligid. Alertong tinungo niya ang garahe. Hindi pa siya tuluyang nakakalapit ay kumabog na ang dibdib niya nang makita ang hitsura ng sasakyan niya. Basag-basag ang salamin nito. Puno ng yupi ang gilid habang ang gulong ay may tarak ng kutsilyo. At ang itim na umaagos ay nagmumula sa sasakyan.
“Who the heck did this?” kuyom ang kamaong bulong niya.
Kinuha niya ang baril at pumasok sa loob ng buhay. Naka-lock pa rin iyon at walang kahit anong nawala o nagalaw. Kung sino man ang gumawa ng ganoon sa sasakyan niya ay tila para lang takutin siya.
Kung sinuman iyon, nagkakamali ito kung iniisip niyang matatakot siya sa ganoon lang.