Kinabukasan…
Gaya ng plano ni Jack kahapon, sinundan niya ang kakambal na si Jill pagka-alis nito sa school. Sa pag-aakalang ganoon pa rin ang magiging takbo ng pangyayari, sumaglit siya kay Mang Berting para maglinis ng ilang sasakyan. Pagdating ng alas-singko y media ay namaalam na siya at pinuntahan na ang kakambal sa barangay hall. Ngunit sa pagtataka niya’y wala ito doon.
Kumakabog ang dibdib na hinanap niya ang kakambal. Sinuyod niya ang mga lugar na pwede nitong puntahan, ang tindahan kung saan natanggap ito ng mga gawain, at kahit sa tambayan nito ng mga kaibigan, ngunit walang Jill siyang nakita.
Mag-aalas-sais na pero wala pa ring Jill siyang nakikita. Sa pag-aakalang umuwi na ito ay napagdesisyunan niyang umuwi muna. Binabagtas na niya ang daan patungo sa kanila nang masalubong niya ang isa sa mga kaibigan ni Jill na humahangos.
“Jack, si Jill!”
“Bakit anong nangyari?” nagtataka at nag-aalalang tanong niya.
“Nasa tambakan siya ngayon. Kailangan mo siyang puntahan bago pa siya abutan ng mga nagroronda doon. Kapag inabutan siya tiyak sa barangay hall ang bagsak niya. Ka—“
“Sige, salamat!” putol niya sa mga sasabihin nito bago tumakbo na palayo.
Tambakan ng mga plastic, bakal at papel ang tinutukoy nito. May mayamang nakabili na ng lupa kaya ipinagbabawal na roon ang magpunta. Ilang kabataan na ang binitbit sa barangay hall at police station dahil nahuhuling nangangalakal doon. Ang masama pa’y pinagbibintangan ang mga itong may ninanakaw.
“Bakit ka ba kasi nagpunta roon?” inis niyang bulong habang mabilis na tumakbo.
Humihingal na narating niya ang malawak na tambakan. Wala siyang makitang tao kaya mabibilis ang kilos na hinanap niya ang kakambal.
“Jill, asan ka na ba?”
Ginalugad na niya ang bawat bahagi at sulok ng tambakan pero walang Jill siyang nakita. Pagod na siya at halos panawan na ng ulirat dahil sa hingal, uhaw, kaba at takot pero hindi niya makita ang kakambal.
Halos kapusin nang hininga si Jack nang sapitin ang tuktok ng isa sa pinakamataas na tambak ng mga lumang papel. Mula roon ay nagpalinga-linga siya at ganoon na lang ang tuwa niya nang matanaw ang pamilyar na bulto ng kakambal na may hinahalungkat na kung ano. Dali-dali siyang bumaba at tumakbo patungo rito.
“Jill!” sigaw niya habang tumatakbo palapit dito.
Napalingon sa kaniya ang kakambal at awtomatikong nanlaki ang mga mata nito ng makita siya. “Jack!” bulalas nito at tumayo mula sa pagkakatalungko nito.
“Jill,” hinihingal na aniya nang makalapit.
“Paanong nalaman mo—“
“Ano bang ginagawa mo rito?” inis na agaw niya sa mga sasabihin sana nito.
Napipilan ito sa nakitang inis sa mukha nya.
“Totoo ba?”
Napakurap ito at nagtatakang tinitigan siya.
“Totoo ba, Jill? Kailan ka pa natutong magtago sa’kin? Sa amin ni tatay?” Hindi na niya mapigilan ang inis kaya sunod-sunod na ang pagtatanong niya.
Hindi ito nakasagot at sa halip ay nagyuko ng ulo. “Hindi ko naman gustong itago, eh. Sasabihin ko rin naman sa iyo. Humahanap lang ako ng tiyempo.”
Kung kanina’y dala nang pagtakbo kaya parang sasabog ang dibdib ni jack ngayon ay dala nang galit. Hindi man lang tumanggi o nagkaila si Jill. Totoo nga na may kasintahan na ito at itinatago sa kanila.
Hinawakan niya sa braso ang kakambal na ikinabigla nito.
“Ano ba?”
“Uuwi na tayo,” mariing aniya.
“Hindi pwede! May kailangan pa akong gawin.”
“Uuwi na tayo.”
“Ayoko nga, Jack! Hindi mo ba ako narinig? May kailangan pa akong gawin.”
“Gawin dito? Sa lugar na ito? Hindi man lang ba kayo nakaisip ng matinong lugar.”
Nagsalubong ang kilay ng kapatid niya. “Ano?”
“Pwede ba, Jill, tama na. Kahit mahirap lang tayo hindi naman kami papayag na makikipagtagpo ka lang sa isang lalaki sa tambakan. Tsaka nasaan ang lalaking iyon?”
Natilihan si Jill sa sinabi ng kakambal. Hindi niya alam kung matatawa ba o kung ano dahil sa sinabi ng kakambal.
“Sinong lalaki?” maang niyang tanong.
“Huwag ka ng magkunwari pa, Jill,” gigil nang ani Jack.
“Hindi ako nagkukunwari dahil naguguluhan ako sa sinasabi mo.”
“May kinakatagpo kang lalaki sa tapat ng barangay hall at ngayon ay dito namna,” paratang ni Jack sa kaniya.
Ilang segundo niyang tinitigan ang kakambal bago nagsimulang tumawa nang tumawa dahilan para lalong mainis si Jack.
“Hindi ako nakikipagbiruan sa’yo, Jill,” nauubusan na ng pasensiya na ani Jack.
“Hindi rin ako, Jack, pero nakakatawa ka.”
“At anong nakakatawa naman sa sinabi ko?”
“Lahat,” malapad pa rin ang ngiting tugon niya.
“Jill!” nagbabantang anito.
“Wala akong kinakatagpo, Jack. Saan ba nagmula iyang kwento na iyan?”
“Sinabi ng kaibigan mo?” mabilis nitong tugon.
Ikiniling ni Jill ang ulo niya, tinitigan ang kakambal bago tinalikuran ito. “Halika, tulungan mo ako dito at nang makauwi na tayo,” sa halip ay aniya rito.
Sinundan ni Jack ng tingin ang kakambal at nakitang may hinihila itong maliit na poster.
“Ano iyan?” tanong niya.
“Mamaya ay darating na ang mga nagroronda dito. Tulungan mo na lang ako.”
Nang maalala ang mga nagroronda ay tinulungan niya ang kapatid na kunin ang isang maliit na tarpaulin. Napamaang siya nang makitang tarpaulin iyon ng isang pulis.
“Anon—“
“Sshh…” bulong bigla ni Jill at hinila siya paupo.
Napalingon sila nang makita ang dalawang lalaking may dalang flashlight. Ang mga bantay!
“Doon tayo dumaan,” turo ni Jill habang tinutupi ang tarpaulin.
Bago pa siya makaangal ay hinila na siya nito. Payuko silang naglakad dalawa at dahil pumupunta na sila noon sa lugar bago pa iyon mabili ay saulado na nila ang daan palabas. Nang tila makalayo sa mga bantay ay tumakbo sila nang mabilis.
“Bilis, Jack! Baka mapansin nila tayo!”
Hinuli ni Jack ang kamay ni Jill at tumakbo nang mas mabilis. Halos magkandarapa ito pero kailangan nilang magmadali. Nakalabas sila ng tambakan pero tumatakbo pa rin sila hanggang makarating sila sa may tulay.
Nang sa tingin nilang malayo na sila at ligtas na ay humihingal na napaupo sila sa gilid ng tulay. Ilang segundo ang lumipas na wala silang imikan at nakatingin lang sa mga sasakyang dumaraan.
“Ang galing no’n,” bulalas ni Jill pagkaraan.
Sinamaan ito ng tingin ni Jack. “Muntik na tayo doon,” akusa niya.
Ngumiti si Jill. “Nakuha naman natin ito.” Inilabas nito ang tarpaulin.
“Ano bang gagawin mo diyan?”
Hindi tumugon si Jill at sa halip ay inilabas ang isang notebook sa bag. Napansin niyang iyon ang pares ng notebook na pinagsusulatan nito ng mga nagdaang araw na nasa harap ito ng barangay hall.
“Inalis nila ang mga tarp sa harap ng barangay hall kaya pumunta ako ng tambakan para magtingin ng kopyang natapon,” pahayag ni Jill bago ipinakita sa kaniya ang binuklat na notebook.
Inabot niya ang notebook at napalunok siya nang mapagmasdan iyon. Hindi siya makapaniwala na sa loob ng ilang linggong kinikimkim ang sama ng loob habang pinapanood ang kakambal at nag-iisip ng mga negatibong bagay, isa palang magandang obra ang ginagawa nito.
Sumandal si Jill sa rail ng tulay at tumingala sa langit. “Gusto kong maging pintor paglaki ko, Jack, pero hindi ko alam kung anong gusto mo.” Humugot ito nang malalim na buntong-hininga habang nakatingin pa rin sa langit. “Narinig ko sina tatay dati habang kausap sina Mang Berting…” Gumaragal ang tinig ni Jill.
Napapikit si Jack. Tila nauunawaan na ang nais sabihin ng kakambal. Kung minsan, iniisip niya kung hindi lang ba talaga siya magaling magpakita ng emosyon o talagang manhid siya.
“Tinatanong ni Mang Berting kung hindi ba raw nagsisisi si tatay sa naging desisyon nito,” pagpapatuloy ni Jill. “Naisip mo ba, Jack, kung ano si tatay kung wala tayo, kung hindi tayo dumating sa buhay niya.”
Iminulat ni Jack ang mga mata niya at muling tiningnan ang kwaderno ni Jill.
“Alam mo bang pwede naman nilang ipalaglag tayo noon pero dahil gusto nila ni nanay na buhayin tayo, pinili nila ang daang mahirap.” Nagsimula nang humikbi si Jill. “Namatay si nanay sa panganganak sa’tin at…” Napakagat-labi ito habang pinapalis ang luha sa pisngi.
Humigpit ang hawak ni Jack sa notebook habang nakatitig doon. “K-Kung wala tayo, baka pulis na si tatay ngayon at buhay pa sana si nanay ngayon,” mahinang anas ni Jack.
Lumuluhang tumango si Jill. “Pero mahal tayo ni tatay.”
“Mahal na mahal…” dugtong ni Jack habang pinagsasawa ang mga mata sa larawan ng amang iginuhit ni Jill. Kuhang-kuha nito ang mukha ng ama nila. At tamang-tama ang pagkakalapat ng iginuhit ni Jill na uniporme ng pulis na suot ni tatay.
“Jack…”
“Hindi ko alam ang gusto ko maliban sa bigyan kayo ng magandang buhay ni tatay,” bulong ni Jack. At sa kauna-unahang pagkakataon nasabi niyang, “Mahal na mahal ko kayo ni tatay, Jill.”
Malamlam ang mga matang nilingon ni Jill siya. “Alam naman namin ni tatay iyon.”
“Alam ni tatay…” Hindi makapaniwalang aniya.
“Dahil anak niya tayo, Jack. At tiyak, hindi siya nagsisisi na binuhay niya tayo, pinalaki at inalagaan.” Inabot ni Jill ang notebook sa kakambal. “Hindi na matutupad ni tatay ang pangarap niya… Pero gusto kong tuparin iyon kahit man lang sa munting larawang ito. Gusto kong gawing isang matapang, malakas, at mapagmahal na pulis ang tatay.”
Tumango-tango si Jack at tumingala rin sa langit. Sa mahirap na buhay na kilakhan nila, madalas kailangan nilang sumugal kahit walang katiyakan ngunit sa mga oras na iyon isa lang tinitiyak at sigurado siya. “Alam ko na ang gusto kong maging, Jill,” pagkalipas ng ilang segundo ay determinadong aniya.
“Talaga, Jack?”
Ipinikit niya ang mga mata at pinilit binuo sa isip ang imahe ng ama na nakangiti sa kanila habang suot ang uniporme ng pulis—malakas, masaya at puno ng pagmamamhal.
“Oo, Jill, gusto kong…”
Hindi niya tinapos ang salita bagkus ay isang imahe ang sunod na binuo sa isip. Imahe kung saan ang nakangiting si Jill at ang nakangiting ama ay nasa magkabilang tabi ng isang lalaking nakasuot ng kulay asul na uniporme, nakangiti habang nakaakbay sa dalawang taong mahal niya. Mga taong biyaya sa kaniya ng langit.
Walang katiyakan sa buhay ngunit habang nabubuhay siya ay mananatili ang imaheng iyon sa isip at puso niya.
*****
ShimmersErisJane