REECE
Kahit hindi pa kumakain ng tanghalian ay nagkulong kaagad ako sa silid ko. Hanggat maaari ay ayoko muna makita ang pagmumukha niya kahit ilang oras lang. Bigla akong na-stress ng dumating siya sa buhay ko.
Makalipas ang ilang minuto, simula ng dumating kami sa condo unit ko, ay may kumatok sa pinto ng silid ko. Hindi ko pinansin dahil alam kong ang kapre ko lang naman na bodyguard ang nasa labas ng silid ko. Muli kong tinuon ang atensyon sa phone ko. Bahala siyang sumakit ang kamay niya kakakatok sa pinto.
Pero hindi ako makapag-concentrate dahil sa ingay. Masakit na ang tainga ko sa walang tigil niyang katok. Wala yata sa bokabularyo ng lalaking ito ang sumuko. Nanggigigil na umalis ako sa higaan at inis na naglakad palapit sa pinto, saka marahas itong binuksan.
“What?” naiirita na sabi ko.
“Nagluto ako, Miss Reece. Kung nagugutom ka, pumunta ka na lang sa kusina,” bungad na sabi niya sa akin bago ako tinalikuran.
Nang wala na siya sa paningin ko ay napahawak ako sa tiyan ko. Bigla kasi itong kumalam.
“Masyado ka namang obvious. Sinabi lang na nagluto, automatic ang pagkalam mo rin?” kausap ko sa tiyan ko.
Nagpakawala ako ng buntong-hininga at natagpuan ang sarili na naglalakad patungo sa kusina. Nakatalikod siya, kaya tumikhim ako para agawin ang atensyon niya. Tinapunan niya ako ng tingin nang umupo ako sa bakanteng upuan—sa harapan niya.
“Bakit hindi ka pa kumakain?” nakataas ang kilay na tanong ko.
“Hinihintay kita.”
Mabilis na bumaba ang kilay ko nang marinig ang sinabi niya. Tumango-tango na lamang ako kahit parang nagulat ako na hinihintay pala niya ako.
May plato na sa harap ko, kaya nilagyan ko na ito ng kanin at ulam. Hindi ako pamilyar sa niluto niyang ulam, pero parang masarap. Tinikman ko muna ang sabaw para alamin ang lasa. Medyo maasim pero masarap. Pero mas masarap pala lalo na kapag may kanin. Sunod-sunod kasi ang subo ko. Pinapak ko na rin ang isda na kasama sa sabaw na hindi ko alam kung ano ang tawag.
“What do you call this luto?” tanong ko. Hindi ko nga inaasahan na lalabas sa bibig ko ang tanong na iyon dahil ang purpose ko lang ay kumain. Maging ako ay nagulat na nagtanong ako. Wala sana akong balak na kausapin na siya.
“You like it?”
Ayoko magsinungaling dahil halata naman sa kain ko na nagustuhan ko ang luto niya. Tumango ako nang hindi tumitingin sa kanya.
“Sinigang sa miso. Kumain ka rin ng gulay para magkaroon ka naman ng laman. Masyado kang manipis at magaan. Isang tulak lang sa ‘yo, tumba ka na kaagad,” puna niya sa katawan ko.
Nakasimangot na tinapunan ko siya ng tingin. “What do you call this? Is this not "laman"? Sinundot ko ang balat sa braso ko para ipakita sa kanya na laman ang tawag sa ilalim ng balat ko.
Pero kahit nangatwiran ako, kumuha ako ng gulay. Hinati ko muna ito dahil medyo mahaba. Pagkatapos ay tinusok ko ng tinidor. Tinitigan ko muna ito ng mabuti. Napangiwi ako nang makita na para itong naglalaway.
“What's this?” tanong ko habang titig na titig sa tumutulo.
“Hindi ka pa ba nakakain ng okra?”
“Oh, okra,” tumatango-tango na sabi ko, sabay tinabi sa gilid ng plato. Ito nga pala ang gulay na ayaw na ayaw kong kainin. “It's disgusting,” nandidiri na sabi ko at kumuha ng ibang gulay.
“Hindi nakakadiri ang okra. Natural lang na malapot ang loob niyan kapag niluto.”
“But I don't like eating okra. It looks like "laway”.” katwiran ko, sabay irap sa kanya. Nanginig pa ako na parang diring-diri sa pinag-uusapan namin.
Narinig ko ang palatak niya. “Ayaw mong kainin pero ‘yong pinandidirihan mo, nakahalo naman sa niluto na kinakain mo ngayon.”
Napahinto akong ngumuya. Sinulyapan ko siya. Nalunok ko na lang ang natitirang laman sa bibig ko nang napagtanto ko ang sinabi niya. Kaagad akong uminom ng maraming tubig. Napansin ko naman na napapailing na lang siya habang kumakain.
“Iwas na iwas siguro ang mommy mo na ihalo ang okra dahil ayaw mo?”
Bigla akong natigilan nang banggitin niya ang mommy ko. Nakaramdam ako ng lungkot sa isiping wala nang ina ang nagluluto para sa ‘kin.
Dapat umalis na ako sa harap niya dahil inis na inis ako sa kanya, pero pinili kong manatili at hintayin siyang matapos kumain.
“My parents have been gone for a long time. Kami na lang ni Kuya Ravi ang magkasama. Pero hindi ko naman maramdaman ang presensya niya dahil masyadong busy sa company na iniwan ni Daddy. Bihira nga lang niya ako dalawin dito,” malungkot na sabi ko.
Hindi ko maiwasan maglabas ng sama ng loob sa kanya. Sa lahat ng naging bodyguard ko, siya lang ang kinausap ko ng ganito. Dahil siguro siya lang ang namumukod tangi na kasama ko rito sa loob ng unit ko at nakasalo ko pang kumain.
“Intindihin mo na lang ang kuya mo. Para rin naman siguro sa ‘yo ang ginagawa niya.”
“Yeah, I know. But I need his attention too. He's the only family I have left, and I feel like he's neglecting me.” Hinaing ko sa kanya. Ngunit bigla kong naalala si Tito Ernel, ang matalik na kaibigan ng Daddy ko. “Oh, and also Tito Ernel, my father's trusted friend, who has always been there for us. Siya ang tumayong pangalawa naming ama simula ng mawala si Daddy. Busy rin siya, pero hindi niya nakakalimutan kumustahin ako,” patuloy ko. Ewan ko ba, bigla akong naging open sa kanya.
Tapos na siyang kumain. Pagkatapos niyang uminom ng tubig ay sinulyapan niya ako.
“If you don't mind me asking, what happened to your parents?”
Natigilan ako sa tanong niya, kaya hindi kaagad ako nakasagot. It's a sensitive topic to open up about. My parents died in a tragic accident, so I try to avoid talking about it.
"It's okay if you don't want to talk about it. I understand it's a difficult subject.”
Niligpit niya ang pinagkainan namin. Nakamasid lang ako sa kanya habang abala siya sa ginagawa niya. Biglang nawala ang inis ko sa pinapakita niya sa harap ko. Ang swerte ng mapapangasawa niya dahil halatang maalam siya sa gawaing bahay. Teka, may girlfriend na kaya siya?
Pinilig ko ang ulo ko. Kailan pa ako nagkaroon ng interes na alamin ang personal na buhay ng bodyguard ko?
Mayamaya lang ay huminto siya. Napatingin naman ako sa kanya. Salubong ang kilay niya at puno ng pagtataka ang mababanaag sa mukha niya. Ano kaya ang tumatakbo sa isipan niya ngayon?
“If you're looking for your brother's attention, why are you here?”
Nagbuga ako ng hangin at nangalumbaba. “Because I want to be an independent woman," I said proudly.
Awtomatikong tumaas ang kilay ko nang hindi nakaligtas mata ko ang sumilay na ngisi sa labi niya.
“Really, huh? Knowing how to cook is an essential skill for independent living, at wala ka nito, Miss Reece. Hindi ka matatawag na independent woman kung maging pagluluto ay hindi mo alam,” walang preno ang bibig na sabi nito.
Nainis ako sa sinabi niya. Ipipilit talaga niya na hindi ako marunong magluto.
“Marunong nga ako magluto!” giit ko.
“Ano namang pagkain ang niluluto mo? Itlog? Hotdog?”
“Yes,” taas noo na sagot ko. Proud ako na marunong pa rin ako magluto kahit itlog at hotdog lang ang alam kong lutuin.
“Kaya naman pala puro itlog at hotdog lang ang laman ng ref mo. I wonder kung ano ang luto na gagawin mo sa isda kung hindi ko niluto ngayon? Don't tell me, prito rin?”
“Oo. Bakit, hindi ba pwedeng prituhin?”
Natigilan ako ng malutong siyang tumawa. Nainis ako kaya hinampas ko siya sa dibdib niya, dahilan para huminto siya sa pagtawa.
“What the?”
“Stop laughing at me. Kung gusto mo, ako ang magluluto ng almusal bukas para mapatunayan ko sa ‘yo na marunong ako magluto,” panghahamon ko.
Muling sumilay ang ngisi sa labi niya. “Deal.”
“Deal,” pinal na sabi ko bago nakairap na tinalikuran siya.
Akala siguro niya ay hindi ako marunong magluto. Pwes, isasampal ko ang katotohanan sa pagmumukha niya bukas.
Maaga akong gumising kinabukasan para magluto. Paglabas ko ay naabutan kong mahimbing pa rin siyang natutulog sa sofa. Maingat akong naglakad para hindi ko siya magising. Pagdating sa kusina ay nilabas ko kaagad ang mga lulutuin ko.
Tinanggal ko ang nakabalot na plastic sa mga hotdog bago nilagay sa pan. Naglagay ako ng kaunting mantika bago sinindihan ang electric stove. Tinakpan ko ito para hindi tumalsik ang mantika.
Makalipas ang ilang minuto ay tinanggal ko ang takip ng pan. Umuusok na kasi at parang may amoy na hindi ko mawari. Nagusot pa nga ang ilong ko sa tapang ng amoy. Nagulat ako dahil makapal na usok kaagad ang bumulaga nang tanggalin ko ang takip. Ngunit nagsalubong ang kilay ko nang makita ang hotdog. Natural lang ba na may itim kapag niluto ang hotdog?
“Ah, alam ko na. Baka ganito ito kapag luto na,” kumbinsi ko sa sarili.
Pagkatapos kong tanggalin ang mga hotdog sa pan, ay itlog naman ang sunod kong niluto. Nilagyan ko ulit ito ng mantika. Pagkatapos lagyan ng mantika ay biniyak ko ang itlog sa pan bago muling tinakpan.
Hindi ko hininaan ang apoy para maluto agad. Makalipas ang ilang minuto ay tinanggal ko na ang itlog sa kawali. Katulad sa hotdog ay nangitim din ang ilalim nito, kaya baka ganito talaga ito kapag luto na. Medyo nahirapan pa akong tanggalin dahil dumikit ito sa pan. Dalawa ang niluto ko para tig-isa kaming dalawa.
Nakangiting naglagay ako ng slice bread sa plato. Hindi ko ito ginagawa pero pinaghandaan ko siya para ipakita sa kanya na nagkamali siya ng pagkakakilala sa ‘kin. Pagkatapos ay lumabas ako para gisingin siya.
Tumayo ako sa gilid ng sofa at kinalabit siya sa balikat. Makalipas ang ilang segundo ay nagising na siya. Tinanggal niya ang nakatakip sa kanyang mukha at nagmulat ng mata. Matamis akong ngumiti nang makita niya ako.
“Let's eat breakfast,” masigla na sabi ko.
Pupungas-pungas ng mata na tumayo siya at sumunod sa akin.
“Anong niluto mo?” namamaos pa ang boses na tanong niya.
Hindi ako sumagot. Nakangiting pumihit ako para humarap sa kanya. Parang bata na nilagay ko ang dalawang kamay sa likod ko.
“Fried egg and hotdog. Taraan!” Sabay excited na pinakita sa kanya ang nakahandang pagkain sa ibabaw ng mesa.
Lumapit siya sa mesa. Mula sa pagkain ay nilipat niya ang tingin sa akin. Blangko ang mukha niya, kaya hindi ko alam kung nagustuhan ba niya ang luto ko o hindi.
“You like it?” nakangiting tanong ko. I'm sure, nagulat siya dahil akala niya ay hindi ako marunong magluto.
“Mas magaling pa ako magluto sa ‘yo, Miss Reece.”
Mabilis na naglaho ang ngiti ko dahil sa sinabi niya. Paano niya nasabing mas magaling siya magluto? Iniinis na naman ako ng kapreng ito.
“Hindi mo pa nga natitikman,” nakasimangot na sabi ko.
“Paano ko titikman ang sunog?”
Napaawang ang labi ko, sabay tingin sa niluto ko. Kinuha ko ang isa at tinitigan ito ng mabuti.
“Isn't it cooked when it's black?" I asked innocently.
“Iba ang luto na, sa sunog, Miss Reece,” palatak na sabi niya.
Nadismaya ako. Gumising pa naman ako ng maaga para magluto, tapos hindi naman pala makakain dahil sunog daw.
Matamlay na kinuha ko ang itlog na para sa kanya. Kung ayaw niyang kainin, ako na lang ang kakain. Maraming tao ang nagugutom riyan, tapos ako, magsasayang lang ng pagkain?
Natigilan ako nang kinuha niya ang itlog at hotdog at binalik ito sa plato niya, sabay puwesto ng upo sa tapat ko.
“Let's eat,” blangko ang mukha niyang saad.
“A-akala ko ba ayaw mo kasi sunog?” takang tanong ko.
Tumikhim siya. “Sinabi ko ba ‘yon?” patay-malisya na sagot niya, saka kumuha ng slice bread at pinalaman ang itlog.
Hindi ko mapigilan ngumiti sa ginawa niya. Alam ko namang napipilitan lang siya kumain. Pero kahit gano'n, masaya ako dahil may nakatikim ng luto ko sa unang pagkakataon—kahit sunog.