Chapter Eight

1253 Words
"NAKAKATUWA naman na bukod sa nagkita na uli tayo ay nagkataon ding magkaibigan pala ang mga anak natin, Gracia." "I'm really glad, too. Alam mo kasi, Sandra, kalilipat lang nitong anak ko sa unibersidad ng dalaga mo. Masaya ako na itong si Snoopy pa ang unang naging kaibigan ni Garfield sa bago niyang eskuwelahan. Sayang nga lang at kahit pareho sila ng kurso ay magkaiba naman sila ng klase. Pero sana ay maimpluwensiyahan pa rin nang mabuti ng anak mo ang pasaway kong anak." "Oo naman. Si Snoppy na ang bahala kay Garfield, hindi ba, Snoopy?" nakangiting tanong ng mommy niya. Napilitang ngumiti si Snoopy at tumango dahil sa nakikita niyang pakiusap sa mga mata ng ina niya. "Of course, Mom." "Then, I'll be under your care from now on." Binalingan niya si Garfield na nakaupo sa tabi niya. Naroon kasi sila ngayon sa hardin habang hinihintay ang ipinahandang merienda ng mommy niya para sa kanilang apat. Masaya siyang nakasama uli ng mommy niya ang dati nitong kaibigan. Ayon sa pagkukuwentuhan ng dalawang ginang kanina ay nagkahiwalay ang mga ito nang magpakasal si Tita Gracia at magkaroon ng pamilya. Nagkita lang uli ang dalawa noong nakaraang linggo sa high school reunion ng mga ito. Lumipad sa ere ang lahat ng iniisip niya nang biglang ngumiti si Garfield na parang ba may nakikitang interesante sa kanya, base na rin sa pagkislap ng mga mata nito. His smile alone seemed to rock her world mercilessly. Napatayo tuloy siya nang wala sa oras. Nagtatakang tiningala siya ng ina niya. "Tutulong lang ho ako sa paghahanda ng merienda," magalang na paalam niya. Bago pa sumagot ang ina niya ay umalis na siya at pumasok sa bahay. Ramdam niyang nakasunod si Garfield sa kanya. Amoy pa lang nito ay hindi na niya ito maipagkakamali sa ibang tao. She liked his masculine scent which seemed to be the representation of his strong presence. Sa halip na sa kusina ay sa back porch niya dinala si Garfield. Noon siya pumihit paharap. Nagulat pa siya nang muntik na siyang bumunggo kay Garfield. Matangkad din siya kaya umabot siya hanggang sa tainga nito. Kaya ngayong nakatayo sila sa harap ng isa't isa ay nagkalapit na ang mga mukha nila. Hindi niya inasahan ang pagkailang na naramdaman niya kaya humakbang siya paatras dito. Tumikhim siya. "Gusto sana kitang makausap, Garfield." "I thought so," nababagot na sagot nito. Humalukipkip siya. "Gaya ng sinabi ko sa 'yo no'ng nakaraan, 'wag ka sanang magkakamaling mabanggit sa kahit sino ang nalaman mo." "I can't do that. Hindi ko kayang may magdusang inosenteng tao dahil lang sa selos mo, lalo na't babae ito." Nagulat siya. Noon pa lang ay napatunayan na agad niya ang una niyang hinala—mabuti itong tao. Nag-iwas siya ng tingin dito. "Pinatigil ko na kina Fiona ang pagkakalat ng video. Pinabura na rin niya ang mga 'yon sa mga pinagpasahan niya." "But the damage has been done. Nasaktan mo na si Gummy." Tiningnan niya ito nang masama. "Patas lang kami dahil nasaktan din niya ako." "You don't play fair, girl." "Bakit mo ba kinakampihan si Gummy gayong ang alam mo lang naman ay ang nakita mong side ng istorya? You're a bad judge of character," napu-frustrate na sabi niya. He just rolled his eyes. "Fine. I'll make a deal with you. Hindi ako makikialam sa gulong ginawa mo, pero kailangan mong mangako na aayusin mo ito at lilinisin mo ang pangalan ng kaibigan mo." "Paano ko gagawin 'yon?" gulat na tanong niya. "Problema mo na 'yon. Nagawa mo ngang mag-isip ng ganitong plano kaya dapat lang na ikaw rin ang umayos nito. Hanggang nakikita kong seryoso ka talaga sa pagresolba sa ginawa mong pagkakalat, mananahimik ako." Nakagat niya ang ibabang labi niya. This guy was smart. Sa bawat sasabihin niya ay may sagot agad ito na parang ba alam na alam nito ang ginagawa nito. He may look lazy and bored, but he knew how to play his cards well. Bumuga siya ng hangin. "Fine." Ngumiti ito pero hindi dala ng tagumpay, ngumiti ito na parang ba may panibagong kalokohang naiisip. "At habang wala ka pang naiisip na solusyon sa ginawa mo, you'll be my babysitter. 'Wag kang mag-alala. Ang kailangan mo lang gawin ay samahan ako at i-report kay Mommy na mabait na ako." "What?! You're crazy!" Lumingon ito sa direksiyon ng bahay nila. "Well, ano kaya ang magiging reaksiyon ng mommy mo kapag nalaman niya na ang anak niya ay pinuno pala ng kulto ng mga brat sa Emerald University." Gumapang ang takot sa sistema niya. Her mother had already suffered enough in the past, at hindi na niya dadagdagan ang mga pagkabigo nito. She wanted to let her mom know that she had raised her well, kahit na nag-iisa lang ito sa buhay dahil hindi naman sila pinanindigan ng ama niya. Her father only supported them financially. "Tita Sand—" Tinakpan niya ng kamay niya ang bibig ni Garfield. "Don't tell Mom anything. Pumapayag na akong maging babysitter mo," pakiusap niya rito. Garfield's eyes grew warmer. Hinawakan nito ang kamay niya at marahan iyong inalis sa bibig nito. He still held her hand. "I want to hear your explanation, Snoopy. Paano mo nagawang traidurin ang isang kaibigan para lang sa isang lalaki?" Yumuko siya para pagtakpan ang pag-iinit ng magkabilang pisngi niya. Dumako ang tingin niya sa magkahawak nilang mga kamay. Hindi niya alam kung dala ba ng init ng katawan nito o ng masuyong boses nito ang nag-udyok sa kanya para ilabas ang nararamdaman niya na hindi pa niya nagawang sabihin sa mga taong malapit sa kanya. Nagkabigik sa kanyang lalamunan kaya lumunok muna siya bago nagsalita. "I'm tired of being second best. All my life I've always lived under someone else's shadow. I want to... I want to outshine them." Totoo iyon. Mula pagkabata ay alam na niya ang pakiramdam ng maging pangalawa lang. Nakita niya iyon sa kanyang ina. Isang kilalang CEO ng isang malaking kompanya ang daddy niya pero may asawa na ito nang makilala ng mommy niya. They had an affair, at siya ang naging bunga niyon. Siyempre, hindi pinanagutan ng daddy niya ang mommy niya. Naging pangalawang pamilya sila na nakatago sa publiko. Naaalala niya noon ang galak na nakikita niya sa mukha ng mommy niya tuwing binibisita sila ng daddy niya sa binili nitong bahay para sa kanila. Pero kung gaano ito kasaya kapag nariyan ang daddy niya ay ganoon naman ito kalungkot kapag silang dalawa na lang ang nasa bahay. Awang-awa siya sa mommy niya. Noon pa lang ay naintindihan na niya kung gaano kasakit at kahirap ang maging pangalawa lang. Sampung taong gulang siya nang maputol ang sandaling kaligayahan ng mommy niya nang lumabas sa publiko ang tungkol sa kanila. Dahil doon ay hindi na muling bumisita sa kanila ang daddy niya. Nagpapadala na lang ito ng pera bilang suporta sa kanya. Lumaki siya na palaging tinutukso ng mga kaklase niya. She was the daughter of a mistress, and that made her childhood tough. Dahil kahit ano pa man ang family background niya, hindi maipagkakailang nabubuhay siya nang marangya. Ginamit din niya ang pera niya para bumili ng mga kaibigang ipagtatanggol siya. "It's not true that you're fed up with being second best," sabi ni Garfield. "Kung totoong gusto mo silang lagpasan, gagawin mo 'yon sa patas na paraan. Pero mali ang ginawa mo. Do you want to know why? It's because you're insecure." Pakiramdam ni Snoopy ay may tumarak na matulis na bagay sa puso niya. Insecure—an eight letter word that broke her heart. Nag-angat siya ng tingin saka malungkot na ngumiti kay Garfield. "I guess you're right." Binawi niya ang kanyang kamay mula rito saka iniwan ito. Kinagat niya ang ibabang labi niya at naiinis na pinahid ang mga luha niya. Walanghiyang Garfield 'yon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD