"I'VE MISSed you, baby," madamdaming sabi ni Garfield habang hinahalikan ang susi ng kotse niya. Sa wakas ay naawa na rin sa kanya ang mommy niya at ibinalik iyon sa kanya.
"Mabuti naman at may kotse ka na uli. Hindi na kita kailangang ihatid-sundo," sabi naman ni Odie na nakasalampak sa sahig habang nanonood ng movie.
"Ikaw lang naman ang nagpumilit na gawin 'yon," nababagot na sagot niya. Binato lang siya nito ng popcorn bilang tugon.
"Hey, babies. I made pasta for you!" anunsiyo ng mommy nila nang bumungad ito sa sala.
Inilapag nito sa center table ang isang plato ng pasta. Nakasunod dito ang dalawa nilang kasambahay na may dalang juice at mga plato at tinidor.
Nang umupo sa tabi niya ang mommy niya ay niyakap niya ito at hinalikan sa pisngi. "You're the best mom in the world, 'My!"
His mother chuckled. "Ako pa ang inuto mong bata ka. Nagiging malambing ka lang naman kapag may kailangan ka sa 'kin, o kaya ay kapag may nagawa akong pabor sa 'yo."
"That's not true," pagkakaila niya.
"Believe me. I'm your mother," sagot naman nito na ikinatawa nila ni Odie. "Anyway, ibinalik ko na ang kotse mo sa 'yo dahil ang gusto ko, ihatid-sundo mo si Snoopy sa eskuwelahan."
Umungol siya bilang protesta. "Bakit ko naman gagawin 'yon, Mommy? May driver naman siya."
Piningot siya nito. "Mabuting bata si Snoopy kaya makabubuti para sa 'yo kung magiging magkaibigan kayo. Baka sakaling mahawahan ka niya ng kabaitan."
Kung alam mo lang, 'My.
"And Garfield, please try to be extra nice to her," pakiusap pa nito.
Nagtatakang tiningnan niya ito. "Why, Mom? Kulang ba sa kalinga ang batang 'yon?"
Eksaheradong sumimangot ang mommy niya. "Dalawang taon lang ang tanda mo sa kanya, hijo." Naging totoo ang kalungkutan sa mukha nito. "And yes. She had a difficult childhood."
Nakuha niyon ang interes niya. "What do you mean, Mom?"
Malungkot na ngumiti ito. "Sandra had an affair with a married man. You know him, si Mr. Alberto Labradal, CEO of Finex Corporation. You can imagine what kind of life Snoopy and Sandra had. Lalo na si Snoopy dahil kilalang negosyante ang ama niya, at naging malaking eskandalo ang pagkakaroon nito ng ibang pamilya. Isipin ko pa lang ang mga maaaring pinagdaanan ng batang 'yon, nasasaktan na ako."
Pakiramdam niya ay may dumukot sa puso niya at piniga iyon. Nanlamig ang buong katawan niya. Snoopy had a tough front, it never crossed his mind that she went through so much pain in her childhood. Ang akala niya ay spoiled brat ito na nabubuhay sa karangyaan. His heart went out to her.
"It's not true that you're fed up with being a second best. Kung totoong gusto mo silang lagpasan, gagawin mo 'yon sa patas na paraan. Pero mali ang ginawa mo. Do you want to know why? It's because you're insecure."
Gusto niyang iumpog ang ulo niya sa pader nang maalala niya ang mga sinabi niyang iyon kay Snoopy.
Fuck you, self!
"Well, Mom, don't worry. Garfield will take care of our poor, little Snoopy," nakangising sabi ni Odie na pumutol sa pag-iisip niya.
"What do you mean, hija?"
"Mommy, crush ni Garfield si Snoopy."
Binato niya ng unan si Odie.
***
NAGULAT si Snoopy nang paglabas niya ng bahay ay isang silver Porsche ang bumungad sa kanya at isang guwapong-guwapong Garfield. Nakasandal ito sa kotse nito, nakapamulsa, at nakasuot pa ng shades. Simpleng asul na V-neck shirt, maong na pantalon, at sneakers lang ang suot nito pero para pa ring modelo ang tindig nito dahil sa maganda nitong pangangatawan.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" nakataas ang isang kilay na tanong niya rito.
Tumayo ito nang deretso at inilagay sa ulo nito ang shades nito. "Ibinalik na ni Mommy sa 'kin ang kotse ko dahil ang akala niya, totoong magkaibigan tayo. Kailangan lang nating magpanggap na magkaibigan at ang kalayaan ko naman ang mabawi ko."
"So, bakit ka nga nandito?" nakaismid na tanong niya rito.
"Well, para ihatid-sundo kita. Ginagawa ko lang ang kailangan kong gawin para hindi bawiin sa 'kin ang kotse ko." Inihagis nito ang susi ng kotse sa kanya. Nasalo naman niya iyon. "Pero dahil ikaw ang babysitter ko, ikaw ang magmaneho."
"What?" gulat na bulalas niya.
Binuksan nito ang pinto sa driver's side. "Don't forget our deal, sweetie."
Wala na siyang nagawa kundi ang sumunod sa gusto nito. Siya ang nagmaneho samantalang ito ay prenteng nakaupo sa passenger's seat. Isinuot uli nito ang shades nito bago nagsimulang kumain ng prutas habang nasa biyahe sila. May basket na may lang saging, orange, ubas at mansanas sa kandungan nito.
"Here, Snoopy," mayamaya ay sabi ni Garfield, saka inilapit sa bibig niya ang isang liha ng orange.
Wala na siyang nagawa kundi isubo iyon. Nang malunok niya iyon ay sinubuan uli siya ng panibago ni Garfield. Mayamaya lang ay saging naman ang pinakain nito sa kanya. Sumunod ay ubas. Wala siyang nagawa dahil abala siya sa pagmamaneho para makipagtalo pa rito.
Mansanas naman ang iniumang nito sa bibig niya nang maging pula na ang ilaw ng stoplight. Tinitigan niya ito. "Ano'ng ginagawa mo?" nagtatakang tanong niya rito.
"I'm feeding you."
Bumuntong-hininga siya. "That's not what I meant."
"Okay, fine. I'm trying to be nice to you so, eat."
Iniwas niya ang mukha niya rito. "I guess you've heard my story from your mom. Kung mabait ka lang sa 'kin dahil naaawa ka sa 'kin, 'wag na lang. Sungitan mo na lang uli ako at lait-laitin."
"Hindi kita nilait."
She just rolled her eyes and continued driving. "'Wag mo 'kong kaawaan. Sinasaktan mo ang pride ko."
"Hey, I'm being nice to you because I want to apologize for the things I said last time. I'm sorry, Snoopy," sinserong sabi nito.
Sinulyapan niya ito. Alam naman niyang sinsero ito kaya pinatawad na niya ito. Isa pa, hindi naman siya nagalit dahil totoo naman ang sinabi nito. Nasaktan siya pero ngayong humingi na ito ng tawad, bale-wala na iyon sa kanya. "Okay, kalimutan na natin 'yon."
"Pero, Snoopy, minsan kailangan din nating tumanggap ng awa mula sa ibang tao."
Mapait na ngumiti siya. "Bata pa lang ako, umaapaw na ang awa na natanggap ko. Hindi mo na kailangang dagdagan pa 'yon."
"It only means I care about you."
Nagulat siya sa sinabi nito. Nagtama ang mga tingin nila. "You do?"
Tumango ito. "Yep."
"Bakit?"
"Crush kita, eh."
"Ah."
Napahigpit ang pagkakahawak niya sa steering wheel nang may kakaibang kaba ang bumunggo sa dibdib niya. Hindi lang niya ipinahalata pero ang totoo ay naapektuhan talaga siya sa mga sinabi nito. Pero pinilit niyang alisin iyon sa isip niya.
Ang kapal talaga ng mukha ng Garfield na 'to para sabihing crush niya ako pagkatapos niya akong insultuhin no'ng nakaraan.