NAPANSIN ni Snoopy na buong araw walang kumausap sa kanya sa klase niya. Maging si Gummy ay lumayo sa kanya. O mas tamang sabihing inilalayo ito sa kanya ng mga kaklase nila dahil tuwing nilalapitan siya ni Gummy ay bigla itong hinihila ng kung sino. In short, ina-isolate siya ng mga kaklase niya na halos lahat ay kaibigan ni Gummy. Maaaring siya pa rin ang pinaghihinalaan ng mga ito sa pagkalat ng video ni Gummy noong nakaraang linggo. Well, they were right, only they didn't have any evidence to prove it.
Sa halip na sa cafeteria kumain ay nag-take out na lang siya ang pagkain niya at umakyat siya sa rooftop ng high school building ng EU. Rooftop garden iyon na ipinatayo ng direktor ng unibersidad. May access siya roon dahil ninang niya ang direktor.
Nagsisimula na siyang kumain ng binili niyang strawberry shortcake at milk shake nang bumukas ang pinto ng rooftop. Natigilan siya nang makita si Garfield na iginagala ang tingin sa buong hardin.
He whistled. "This place is nice."
"Paano mo nalaman ang lugar na ito, eh, kata-transfer mo lang?"
Tumingin ito sa kanya. "Dinala ako ng mabuting hangin dito." Walang permisong lumapit ito at umupo sa bench na kinauupuan niya.
Bumuga siya ng hangin. "Sinusundan mo ba ako?"
Dinukot nito ang cell phone sa bulsa nito. "Sabihin mo kay Mommy na matino na ako saka sabihin mo ring lalabas tayo para ibalik na niya ang credit card ko."
Kumunot ang noo niya. "Bakit ako?"
"My mom likes you so she will listen to you. C'mon, you're my babysitter."
"Hindi ka ba nahihiyang tawagin ako nang ganyan? Ang laki-laki mo na, para ka pa ring baby. At ang sabi ni Mommy sa 'kin, mas matanda ka sa 'kin ng dalawang taon. So that means you're twenty-three now. Kaya bakit nakaasa ka pa rin sa mom mo? Are you a mama's boy?"
"True," walang kagatol-gatol na pag-amin nito. "You know, my dad passed away when my sister and I were just thirteen. Ako na lang ang naiwang lalaki sa pamilya namin kaya naman naging sobrang malapit ako sa mommy ko at sa kapatid ko. As a bachelor, siyempre ang gusto ko ay bumukod na. Pero hindi ko pa kayang iwan sina Odie at Mommy. Lalo na ngayon na nagbabalak nang magpakasal ang kapatid ko. If my sister gets married, Mom will be lonely. And I don't want her to be sad."
"Kaya ba umaarte ka pa rin na parang baby niya? Para i-secure mo si Tita Gracia na kahit matanda ka na ay hindi ka pa rin mawawala sa kanya?"
He chuckled. His eyes grew warmer. "You see right through me. Aaminin ko na kahit mahalaga sa 'kin ang mommy ko, binigyan ko pa rin siya ng sakit ng ulo. Nagloko ako. I can't help it, I'm a young man, after all. But now that I think about it, I guess it's time for me to act responsibly. Si Mommy ang mag-isang nagpapatakbo ng architectural firm namin. I have to take over our company para naman makapagpahinga na siya."
Nang mga sandaling iyon ay umusbong ang paghanga niya kay Garfield. Hindi ito nahihiyang umamin na mama's boy ito, at hindi rin ito nahiyang umamin na dala ng kabataan nito ay minsan itong nagkamali. Ang mas hinangaan niya rito ay ang labis na pagpapahalaga at pagmamahal nito sa pamilya nito. Kahit hindi niya ito lubusang kilala, naramdaman niyang responsableng lalaki ito o kung hindi man ay handa na itong maging responsable.
Garfield was strong, and despite him acting like a mama's boy, she knew he was an independent guy.
Nakaramdam siya ng kaunting inggit dito. Kung sana ay kaya niya ring maging sintapang at sintatag nito. Nahiling din niya na sana ay maging mapagmahal ang ama niya gaya nito. If only she felt loved by her father, maybe she wouldn't be this insecure.
Pabirong siniko siya ni Garfield sa braso niya. "O, ano? Ipagpapaalam mo na ba ako sa mommy ko?"
Sinimangutan niya ito. "Are you saying you want to be more responsible, pero gusto mong magsinungaling ako sa mommy mo?"
"Hindi ka naman magsisinungaling. Lalabas talaga tayo. Ililibre kita kung ipagpapaalam mo 'ko kay Mommy."
"Sino ba'ng nagsabing gusto kong ilibre mo ako?"
"Kung ayaw mo, ako na lang ang pakainin mo." Walang permisong inagaw nito sa kanya ang plastic fork na hawak niya saka kinain ang strawberry shortcake niya.
Napasinghap siya. "Hey! That's my food!"
Tinitigan lang siya ng mokong habang nakaipit sa pagitan ng mga labi nitong may icing na ang tinidor. He looked like he was savoring the taste of her favorite dessert. Mukhang inaasar lang siya nito, pero iba ang epekto nito sa kanya.
To her, it seemed like he was seducing her. And it was damn effective. Hindi niya maalis ang paningin niya sa mga labi nito. Nang umangat naman ang tingin niya sa mga mata nito, napansin niyang nagbago na ang kislap ng mga iyon. The gentleness in his eyes was replaced by... by... was he really seducing her?!
Napatayo tuloy siya nang wala sa oras. Nagpaypay siya gamit ang kanyang kamay. Pakiramdam niya ay biglang uminit. "Kung wala kang perang pambili ng pagkain mo, pauutangin kita. Hindi mo kailangang mang-agaw ng food."
Kumunot ang noo nito, halatang hindi nagustuhan ang sinabi niya. "Hey, lady. Mayaman ako at kaya na kitang buhayin gamit ang savings ko. Mas preferred ko lang ang credit card dahil mas napipigilan kong gumastos kapag naka-credit card ako."
Akmang sasagot pa siya nang tumunog ang cell phone niya. Nagulat siya nang makitang ang ama niya ang tumatawag sa kanya kaya agad niya iyong sinagot. "Daddy?"
"Snoopy. Regarding your birthday, I'll ask someone to pick you up tomorrow night and we'll just meet at the restaurant I reserved for us. Is that okay?"
Napangiti siya. "Yes, Dad. I'll see you then."
"All right." And he hung up.
Nakangiting niyakap niya ang cell phone niya. Kahit walang kalakip na damdamin ang boses ng daddy niya, masaya pa rin siyang nagawa nitong maglaan ng oras para i-celebrate ang birthday niya nang kasama ito. Sapat na iyon para sa kanya dahil alam niyang sa pagkakataong iyon ay siya ang nasa priority nito, kahit isang gabi lang iyon.
Nang maramdaman niyang may nakatingin sa kanya ay lumingon siya kay Garfield. Titig na titig ito sa kanya. Maganda ang mood niya nang mga sandaling iyon kaya naging mabait siya rito. Nginitian niya ito saka pinunasan ng panyo niya ang icing sa gilid ng bibig nito. Pagkatapos ay masuyong ginulo niya ang buhok nito.
Umatras si Garfield, halatang nagulat sa ginawa niya. Napakurap-kurap ito. "Ano'ng ginagawa mo?"
"I'm petting you. Kung babysitter ang tingin mo sa 'kin, pet naman ang tingin ko sa 'yo. Let's go, ililibre kita," nakangising sabi niya, saka ito tinalikuran. Nagtaka siya nang mapansing hindi pa rin ito sumusunod sa kanya kaya nilingon niya ito.
Hawak ni Garfield ang buhok nito at ang mukha nito, mukhang litong-lito na hindi niya maintindihan. Nang magtama ang mga mata nila ay bigla itong yumuko at tinakpan ng kamay nito ang mukha nito. Pero nakita niyang namumula ang mga tainga nito.
Napangiti siya.
Cute din pala ang mokong.