Princess Of The Night

2151 Words
“ESMERALDA! Esmeralda!” Iyan ang mga sigaw ni Heleina na naulinigan ni Esmeralda habang siya’y papalayo. Luhaan siyang lumipad patungo sa tuktok ng bundok. Muli ay kinanlong siya ng malaking puno roon habang humahagulhol siya ng iyak. Tahimik ang buong paligid. Para bang nakikisimpatya ito sa kaniyang kalungkutan at nakikiramdam sa kaniyang nadaramang takot. Kumukuti-kutitap man ang mga bituin sa langit ay mistula itong nakatunghay sa kaniyang pagluha. “Hindi maaaring mangyari ang aking mga nakita. Ayaw ko nang muli pang tumungtong sa palasyo. Gusto ko nang lumayo,” aniya sa pagitan ng kaniyang mga hikbi. “Hindi ba’t mayroong nagsabi sa iyo na pakawalan mo na ang negatibong damdamin na iyan sa iyong puso nang tuluyan kang maging malaya?” tinuran ng isang pamilyar na tinig. Napapitlag si Esmeralda at kaagad na iginala sa paligid ang kaniyang paningin. Hanggang sa mula sa madilim na bahagi sa lugar na iyon ay lumabas ang nagkukubling si Agor. “Pantas?” Napamulagat si Esmeralda. “Paanong nandito rin kayo sa tuktok ng bundok? Masyado itong malayo sa palasyo, maging sa inyong tahanan.” “Mayroong nagsabing dito tayo dapat na magkita at hindi sa iyong tahanan. Tinulungan niya ako upang madaling makarating dito,” paliwanag ni Agor. “Tila napaka-espesyal naman po ng inyong pakay para sadyain n’yo pa ako rito. Nakakahiyang ang isang iginagalang na pantas ay naglakbay ng malayo para lamang sa isang alipin.” Ang tinig ni Esmeralda ay sadyang napakabigat para kay Agor. Hindi nalalayo sa buslo na noon ay palagi niyang bitbit araw-araw na puno ng kalungkutan. “Alam mo kung ano ang aking pakay, sapagkat ayon sa kaniya ay sabay nating nakita ang mga kapilas ng hinaharap. Mas malawak nga lang ang saklaw ng sa akin sapagkat tila hindi ka pa handa at ayaw ka niyang biglain,” salaysay ni Agor. “Sino siya?” Napaisip si Esmeralda. “Ang tanging nakakaalam na nagtutungo ako rito ay si Heleina at ang isang matandang babae. Siya ba, pantas?” urirat niya. Ngiti lamang ang isinagot doon ni Agor. Samantalang si Esmeralda ay napaluha. “Hindi ako karapatdapat sa ating mga nakita. Mababago pa ang nakatakda kung lilisanin ko ang Safferia.” Napatingin si Esmeralda sa pinakamalaking tala sa langit. “Patawarin nawa ako ni bathaluman sa nais kong gawin, ngunit ito lang ang paraan upang mapunta sa higit na nararapat ang trono.” “Subalit ikaw ang nararapat!” mariing sagot ni Agor. “Paano ako magiging karapatdapat gayung isa lamang akong pinalayas na alipin? Hindi ako mula sa angkan ninyong mga maharlika.” Nagsipatakan ang mga luha ni Esmeralda. “Isa kang maharlika. Lahat ng Safferian ay maharlika. Pantay-pantay tayo sa mga mata ni Saffira.” Sinubukan ng pantas na lapitan si Esmeralda para yakapin subalit kaagad itong lumayo sa kaniya. “Sumama ka na sa akin pabalik sa palasyo. Nandoon ang pamilya mo. Makakaya mo ba silang iwanan?” “Hindi na ako babalik sa lugar na iyon. Hindi ko patutunayan sa kanilang lahat na totoo ang mga ibinibintang nila sa akin. Nandoon ang prinsesa. Siya ang tagapagmana.” “Ikaw ang totoong prinsesa sa mga mata ni Saffira,” pag-amin ni Agor. “Ano?” naibulalas ni Esmeralda. “Totoo nga kayang baliw ang pantas?” “Nakita ko ang lahat sa aking pangitain, hindi siya maaring maging reyna sapagkat pagbagsak at sumpa ang kasasadlakan ng Safferia. Isasalaysay ko ang lahat sa inyo ng hari sa ating pagbabalik sa palasyo.” Marahan niyang hinawakan ang kamay ni Esmeralda na nakaharang sa kaniya. “Tama na, pantas!” singhal ni Esmeralda. Galit niyang binawi ang kaniyang kamay. “Ayaw kong pagtaasan kayo ng boses dahil iginagalang ko kayo, ngunit h’wag n’yo akong pipilitin sa mga ayaw ko! Kung anuman ang mga nakita mo, `yan ang sumpa. H’wag n’yo na akong idadamay pa dahil lumayo na ako. Ihingi n’yo na lang ako ng tawad sa hari—sa itinuturing kong pangalawang ama.” Tinalikuran ni Esmeralda ang pantas at muli ay lumitaw ang kaniyang magagandang pakpak na katulad ng sa mga makukulay na ibon sa himpapawid. “Esmeralda, pakiusap! Kailangan nating gawin ang tama!” sigaw ni Agor habang papalayo ang engkantada. “Ang aking paglayo, iyon ang tama.” Iyon ang naulinigang sagot ng pantas mula sa engkantadang sinusuyo. Samantala, ang isipan ni Esmeralda ay lalong naguluhan. Halos hindi niya na maaninagan ng maayos ang kaniyang kapaligiran nang dahil sa pagluha. “Ikaw ang totoong prinsesa sa mga mata ni Saffira.” Nagpaulit-ulit iyon sa pandinig ni Saffira habang ang kaniyang puso ay patuloy sa pagtutol. Pagdating niya sa kaniyang tahanan ay dumiretso siya sa kaniyang higaan at doon humagulhol ng iyak. Makalipas ang ilang sandali ay naulinigan niya ang mga yabag na papalapit hanggang sa isang nilalang ang tumabi sa kaniya at mahigpit siyang niyakap. Samantala, bigo ring bumalik sa kaniyang tahanan ang pantas. Naging mailap ang antok sa kaniya buong gabi sapagkat ang kaniyang pangitain at si Esmeralda ay hindi mawaglit sa isipan niya. Kinaumagahan ay ginising naman siya ng mga tinig ng bathaluman mula sa panaginip. Kung kaya’t muli siyang naglakbay patungo sa tahanan ni Esmeralda habang umaasa na pakikinggan siya ng engkantada at susundin ang tadhanang nakasulat sa kaniyang mga palad. Natatanaw niya pa lamang ang sinabing tahanan ng engkantadang kaniyang sadya ay mayroon na siyang kakaibang naramdaman sa paligid. Tinalasan niya ang kaniyang paningin at noon ay napansin ang mga nilalang na nakapalibot sa kaniya na nagkukubli sa hangin. “Sino kayo? Ano’ng mga nilalang kayo at ano’ng ginagawa n’yo rito malapit kay Esmeralda?” matapang na tanong ng pantas. “Kung may binabalak kayong masama sa kaniya, dadaan muna kayo sa ibabaw ng aking bangkay!” Matapos niyang sabihin iyon ay tuluyang nagpakita sa kaniya ang mga nilalang na iyon sa tunay nilang anyo nang hindi gumagaya sa kulay ng kanilang paligid. Napamulagat si Agor sapagkat batid niyang mababangis ang mga ito. Subalit, ang takot niya’y nahaluan ng pagtataka. “Ikaw, ano’ng sadya mo sa aming prinsesa? Subukan mong saktan siya, kami ang makakalaban mo!” singhal ni Amian na pinangungunahan ang mga kasama. Napangiti si Agor at bahagyang napawi ang takot sa kaniyang dibdib. “Kung gano’n ay hindi tayo magkaaway. Nandito rin ako para sa prinsesa at gabayan siya sa landas na marapat at nakatakda niyang lakaran,” makahulugang wika ni Agor. Nagkatinginan sina Amian. Tanging mga kurap ng kanilang iisang mata na tila nangungusap sa isa’t isa ang kaniyang napansin. Hanggang sa muling mabaling sa pantas ang tingin ng kanilang pinuno. “Tinawag mo siyang prinsesa?” Ang kaninang pasinghal na tinig ni Amian ay nahalinhan ng pagpapakumbaba. “Kung gano’n, alam mo?” “Lahat ng bagay ay nalalaman ko. Lahat ng mangyayari ay batid ng pantas.” Nakangiting lumapit si Amian kay Agor at hinawakan siya sa kaliwang kamay. “Nagagalak akong makadaupang palad ang pantas ng Safferia,” magiliw na wika ni Amian. “Tulungan mo kaming ibalik siya kung saan siya nararapat. Siya lamang anag makatutulong sa amin.” “Matigas ang kaniyang ulo. Ayaw niyang tanggapin na pinili siya. Marahil ay namuhi siya sa akin kagabi sa pamimilit ko sa kaniya,” malungkot na tugon ni Agor habang nakatanaw sa nakahahalinang tahanan. “Buong gabi siyang umiiyak. Paulit-ulit niyang binabanggit hanggang sa kaniyang pagtulog na hindi maaari at ayaw niya.” Nangilid ang mga luha sa mata ni Amian. “Naaawa kami sa kaniya at nauunawaan namin siya, ngunit paano naman kami? Sino ang magsasalba sa aming mauubos nang lahi?” “Hindi ako titigil. Hindi ko siya susukuan,” wika ni Agor. “Nangako ako sa hari. Babalik ako sa palasyo na kasama ang kaniyang tunay na prinsesa.” Hawak pa rin ni Amian ang kaniyang kamay at bahagya pa siyang hinahatak patungo sa tahanan ni Esmeralda. Napakunot naman ang noo ni Esmeralda nang makita ang pantas. Namumugto ang mga mata ni Esmeralda. Tangan niya sa kaniyang kamay ang paboritong aklat na inihandog sa kaniya ng hari. Ang kaibigan nitong lambana ay tahimik lamang na nakaupo sa hawakan ng silyang kinauupuan ng kaniyang kaibigan sa beranda. “Kung naririto kayo upang dumalaw ay malugod ko kayong patutuluyin at hahandugan na matamis na inumin mula sa katas ng mga bulaklak. Ngunit kung makikiusap na naman kayo na sumama ako sa inyo, bumalik na kayo sa palasyo nang mag-isa.” Walang emosyong mababakas sa mukha ni Esmeralda, kung kaya’t nagdulot ito ng pangamba sa pantas. “Mababangis `yang mga kaibigan ko. Baka masaktan nila kayo kapag nagpumilit pa kayo,” dagdag pa ni Esmeralda. Nang dahil sa narinig ay napabitiw si Amian kay Agor. Tiningala niya ito na para bang nangungusap ang mga mata, bago ibinaling kay Esmeralda ang malungkot niyang mga tingin. “Hindi namin siya sasaktan. Isa siyang mabuting kaibigan, alam mo `yan,” wika ni Amian. “Tumuloy kayo, pantas,” sabat ni Heleina. Matalas na mga tingin mula kay Esmeralda ang natanggap ni Heleina subalit pinanindigan nito ang pagpapatuloy sa kanilang panauhin. Nag-anyo siyang engkantada at hinandugan ng silya ang pantas. Aligaga itong pumasok sa loob at sa paglabas ay tangan nito ang isang mainit na inumin. Sa kabila ng inis, nagtaka si Esmeralda nang maulinigan ang tawanan ng kaniyang kaibigan na para bang natutuwa sa ginawa ni Heleina. Pumasok din ang mga ito at naupo sa kanilang tabi. “Maraming salamat sa pagdalaw sa aming prinsesa, ginoong pantas. Ma—” “Amian!” saway ni Esmeralda. “H’wag n’yo nga akong tatawaging prinsesa. Ilang beses ko bang sasabihin `yan!” Napatungo si Amian na tila nalungkot at pasimpleng lumingon sa pantas. “H’wag mong pagagalitan ang iyong mga kaibigan, Esmeralda. H’wag ka na rin sanang mamumuhi sa akin. Kahit saktan mo pa ako at pagsalitaan ng masama, hinding-hindi ka magiging masama rito at dito.” Itinuro ng pantas ang kaniyang mga mata at sentido. “Patawad, pantas, ngunit pakiusap tigilan n’yo na ako. Ang lahat ay labag sa aking kalooban.” “Ang pakiusap ng hari ay muli kang makita at makasama sa palasyo. Kung totoong isang ama ang tingin mo sa kaniya, makakaya mo bang pabayaan siya sa kaniyang pangungulila sa `yo?” wika ni Agor. “Pinarusahan niya na si Oruza kaya’t marahil magdadalawang isip na siyang saktan ka at tratuhin ng masama.” “Pinarusahan?” naibulalas ni Esmeralda. Nagtatanong ang kaniyang mga titig. Tumango ang pantas. “Ayon sa narinig kong kuwento mula sa mga kawal, sinaktan niya ang iyong kapatid dahil nagkaroon sila ng pagtatalo at nakita iyon ng hari. Mapalad ang iyong kapatid dahil nasa panig siya ng tama.” “Ngunit, bakit gano’n na lamang ang trato sa akin ng hari gayung isa lamang akong hamak na alipin?” pag-iiba ni Esmeralda sa usapan. “Batid mo naman na patas siya sa lahat. Hangad ng isang ama ang ikabubuti ng kaniyang mga anak at gagawin niya iyon sa sarili niyang patas na pamamaraan.” Nang dahil sa mga nalaman ay tila napalambot ni Agor ang puso ni Esmeralda. Nakaramdam din naman ang engkantada ng pag-aalala kay Ruru at sa kanilang ina na baka gantihan sila ni Oruza. Napilitan siyang sumama kay Agor, ngunit sa gitna ng kanilang paglalakbay ay bigla na lamang nakadama ng takot at pagdududa si Esmeralda. Habang walang kamalay-malay ang pantas na nangunguna sa kanilang paglalakbay ay lumiko siya ng daan. Malaki ang pagtutol ni Heleina sa ginawa ng kaibigan kung kaya’t iniwan nito ang nagmamatigas na si Esmeralda at sinundan ang pantas. “Hindi nila ako malilinlang. Ang kaniyang mga tinuran ay maaring walang katotohanan at bitag lamang,” bulong ni Esmeralda sa kaniyang sarili. Tumakbo siya nang tumakbo sa gitna ng gubat sapagkat alam niyang madali siyang matutunton ng pantas kapag gumamit ito ng kapangyarihan laban sa kaniya. Ngunit sa gitna ng pagtakas, bigla siyang natigilan. Umalingawngaw sa kaniyang pandinig ang mga ingay—mga sigawan, iyakan at mga pagsabog. Hindi naglaon ay nangibabaw ang isang pamilyar na tinig. “Ang iyong pagiging suwail ay may kaparusahan!” sigaw ng tinig. “Tama na! Kung sino ka man, tumigil ka na!” “Sige, magmatigas ka! Paparating na ang susunod na hari—madadamay siya sa parusa! Kakayanin kaya iyon ng iyong konsensiya?” Halos mabingi si Esmeralda dahil sa lakas ng tinig na iyon. Nang dahil sa takot ay nagdilim ang kaniyang paningin at tuluyang nawalan ng malay. Subalit lingid sa kaniyang kaalaman, may mga bisig na sumalo sa kaniya sa pagbagsak niya. “Engkantada!” Tinapik-tapik ng estranghero ang pisngi ni Esmeralda at nang hindi ito magising ay pinaypayan niya ng kaniyang sombrero. Nang hawiin niya ang buhok na tumatakip sa kanang bahagi ng mukha ng engkantada ay namilog ang kaniyang mga mata. Marahan niyang hinimas ang makinis nitong pisngi. Hindi naglaon, mayroong umagaw sa kaniyang pagkakatitig kay Esmeralda. Naulinigan niya ang mga yabag na papalapit sa kanilang kinaroroonan. Kaagad niya itong binuhat at kapwa sila naglaho sa gitna ng kagubatan. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD