AYAW pa sanang paalisin ni Sassa si Phillip ngunit alam din niya na kailangan ito ng kapatid nito. Kasalukuyan pa raw na nagpapagaling sa isang ospital si Glanys. Sumaglit lang talaga ito sa Sta. Catalina upang damayan siya. “Ingat sa pagmamaneho,” bilin niya rito nang ihatid niya ito sa sasakyan nito. Katatapos lamang ng libing ng kapatid niya. Pagkatapos ng tanghalian ay nagpaalam na ito sa kanya na bibiyahe na paluwas sa Maynila. Dinampian nito ng masuyong halik ang mga labi niya. “Tatawagan mo ako kapag nakabalik ka na sa Maynila,” bilin din nito. Tumango siya. May bigla itong isinuksok sa bulsa ng pantalon niya. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang pera iyon. Bago pa man siya makapiyok o madukot uli ang pera, ginapi na nito ang mga kamay niya at muli siyang hinagkan sa mga labi.

