Naglalakad na ako papunta sa Lino's. Tutugtog na naman kami panigurado, ano pa nga ba. Dumiretso na ako sa likod kase nakasara pa yung harap. Nakabukas yung pinto sa likod kaya pumasok agad ako, dumiretso ako sa locker para kunin yung damit ko.
Napansin kong may mga babae pa sa loob ng bar kaya naghanap ako ng lugar na pagbibihisan. May masikip na daan pababa sa gilid ng locker, parang basement. Bumaba ako doon para magbihis. Nababa palang ako ng hagdan eh naghubad na ako ng pantaas. Dire-diretso lang akong naglalakad habang naghuhubad ng t-shirt, di ko namalayan nakapasok na pala ako sa loob. Wala akong makita kasi nakasaklob pa sa ulo ko yung t-shirt ko.
Ilaw na yellow lang nakikita ko sa paligid, pinipilit ko talagang alisin yung t-shirt sa ulo ko, sobrang higpit kasi. Habang ginagawa ko yun eh may nabangga akong mesa tapos nagkalampugan yung mga nakapatong doon. Tumigil ako kasi baka may mabasag ako. Tapos dahan-dahan kong tinanggal yung damit ko.
Nagulat ako dahil imbis na mga bote o baso yung narinig kong nagkauntugan sa mesa, nakita ko ang mga itak na matatalas at kumikinang. Mga kutsilyo, bakal na pamalo, ibat ibang klase ng armas. Tangina, kinabahan ako bigla.
Napalinga ako sa paligid kasi baka may nakakita sa akin na pumasok ako dito. Paatras akong naglakad palabas. May nakita akong anino sa isa pang kwarto doon, nagmadali akong umatras kaso natigilan ako dahil naramdaman kong may humawak sa likod ko.
"Bata, saan ka pupunta?"
Tangina boses ng lalaki yun ah, tangina si Manong Juan ito. Humarap ako sa kanya. Tama nga ako, si Manong Juan, may hawak syang kutsilyo.
"Ah eh, aakyat na po ako, sorry po talaga. Balak ko lang po sanang magbihis dito kasi nakakahiya sa mga babae hehe...", sabi ko habang naatras ako. Nanginginig ako tsaka kinakabahan, pakiramdam ko parang sasaksakin nya ako, tangina neto papatayin ako.
"Ano yan pare? Oh?! Si Tristan bakit andito?", tanong ni Mang Lino.
"Pumasok sya nang walang paalam, ngayon alam na nya ang sikreto natin, anong gusto mong gawin natin sa kanya?", tanong ni Mang Juan.
"Hmmmm ano kayang magandang gawin sa batang iyan...", sabi ni Mang Lino.
"Edi ano pa?! Edi kakainin natin!", biglang sabi ni Mang Jose pagpasok nya.
"Oo nga! Mukhang sariwa talaga itong batang 'to, kakainin ko ang atay nya tapos iaadobo ko yung bituka nya.", sabi ni Mang Lino. Umaakto sila na parang mga nababaliw. Mga psychopath ata sila! Tama! Mga psycho 'tong mga 'to!
"Wag po! Bata pa po ako! Marami pa akong pangarap sa buhay!", tarantang sabi ko. Kinakabahan ako baka patayin ako ng mga yun. Putangina, sa isip ko totoo talaga ang mga aswang bwisit, kaharap ko lang sila!
"Hoy mga hangal, tantanan nyo yang bata. Mga siraulo talaga kayo.", sabi ng isang matanda na biglang dumating.
"Ikaw talaga panira ka hahaha.", sabi ni Mang Lino. Nagtataka ako dahil biglang nagbago ang mood.
"Ha? B-Bakit po? Di nyo na po ako kakainin?", tanong ko.
"Hahahahaha siraulo kang bata ka, hindi kami aswang.", sabi ni Manong Jose.
"Ako si Pepe, kaibigan nila ako, isa akong manggagamot.", pakilala ng matanda na dumating kanina.
"Hindi ka dapat pumapasok dito Tristan.", sabi ni Manong Juan.
"Eh di ko po sinasadya sorry po talaga!", sabi ko.
"Di bale, magkekwento kami mamaya, umakyat ka na sa taas at hintayin mo kami roon.", sabi ni Manong Lino.
Nagmadali akong umakyat sa taas tapos pumunta akong bar. Halos magkandarapa pa ako. Humingi ako ng kape kay Jonathan.
"Ano napagtripan ka ano? Wag ka kasing papasok doon.", kantsaw ni Maverick.
"Tangina, ano bang klaseng tao kayo? Mamamatay ako sa kaba.", sabi ko naman.
"Ahahahaha, mamaya malalaman mo. Hindi kami magbubukas ng bar ngayon sabi ni Mang Lino.", sabi ni Maverick.
"Bakit?", tanong ko naman.
"Magkakaroon ng pagtitipon ngayon. dadating din yung iba mamaya.", sagot ni Jonathan.
"Pagtitipon ng?", tanong ko.
"Basta...", sabi ni Jonathan.
Pagkatapos ng ilang oras dumating na yung apat na matanda. Umupo sila sa upuan tapos nag usap-usap sila.
"Nga pala, ikaw yung bago?", tanong ni Mang Pepe.
"O-Opo, bakit po?", sabi ko.
"Sasabihin ko sayo ito at kailangang paniwalaan mo....", sabi ni Manong Pepe.
"S-Sige po", tugon ko naman.
"Kami ay grupo ng mga taong pumapatay ng aswang.", sabi ni Mang Pepe.
Natigilan ako saglit, "Eh??? Ano pong sinasabi nyo?", pagtataka ko.
"Totoo iyon iho.", sabi ni Manong Lino.
Maya maya pa ay may mga dumating na mga tao na mukhang armado at mukhang delikadong personalidad. Medyo marami sila.
"Teka, ano bang kabaliwan ito?! Hindi naman kapani paniwala ito eh. B-baka mamaya sindikato kayo. O baka mga mamamatay tao talaga kayo.", sabi ko sabay lakad ko paalis, kinakabahan na ako dahil talagang kaduda-duda sila.
"Pabayaan nyo sya, sige.", sabi ni Mang Lino.
Kinuha ko yung gamit ko sa locker tapos nagpalit ako ng damit. Binilisan ko talaga ang kilos ko kasi baka mamaya di na ako makalabas dito. Pagkatapos kong magpalit lumabas agad ako, gabi na rin pala.
Madilim sa labas, di nila binuksan yung mga ilaw. Nangangapa tuloy ako sa daan, di pa ko nakakalabas sa eskinitang iyon eh biglang may humarang sa akin na matanda, yung matandang babae na laging nasa bar kahit di na order.
"Sarado kayo iho?", tanong nung matanda.
"Opo, makikiraan po.", sabi ko naman.
Humarang sya sa direksyon na dadaanan ko. "Iho, ang tagal na ng hinintay ko makakain lang nang kumpleto ulit, at ngayong nakahanap na ako sa tingin mo pakakawalan pa kita dito?", sabi ng matanda.
"A-Ano po?", tanong ko naman.
Biglang nagkaroon ng pakpak ng ibon yung matanda tapos nagkaroon din sya ng balahibo sa katawan. At yung mukha nya naging ulo ng uwak kaso sobrang basag ng itsura ng mukha nya tapos may sugat sugat, labas yung pangil sa tuka.
"Putangina kang matanda ka! Anong klaseng nilala ka?!", nilabas ko yung batuta ko tapos inandayan ko sya ng hampas, kaso pinutol nya lang yung batuta ko.
Sumigaw sya na halos mabasag yung eardrum ko. Sinugod nya ako bigla at napayuko ako sa tabi ng basurahan. Di ko naramdamang inatake nya ako. Bigla syang natigilan, di ko alam kung bakit ganun.
"Teka, anong nangyari?", tanong ko sa sarili ko.
Nakita ko si Manong Jose na nakatayo sa gilid ko, nakita ko din na may sibat sa katawan yung matanda.
"Hehe, tangina kang matanda ka. Iba ang hinihintay namin dito pero ikaw ang nahuli namin.", sabi ni Mang Jose.
"Anong meron? Aba aba lintek nga naman oh.", sabi ni Mang Lino.
"Teka, lalapitan ko at baka tumakas tong hayop na to.", sabi ni Mang Jose.
"Hayop kang pakialamero ka!", sabi ng matanda.
"Hoy aswang, putangina mo ka bumalik ka na sa impyerno. Bibiktimahin mo pa talaga yung bata namin hangal ka. Ngayon mamamatay ka nang punyeta ka.", sabi ni Manong Jose.
"Babalikan kita! Babalikan kita!", pagbabanta ng matanda.
"Ahaha, di ka na makakabalik hangal.", biglang pinugutan ni Mang Jose yung matanda, tapos nakita ng mga mata ko na naging abo yung katawan ng matandang aswang.
"Ano? Naniniwala ka na ba bata?", biglang tanong ni Mang Lino.
"O-Opo, opo! Naniniwala na talaga ako! Tulungan nyo ko, ayoko na makakita ng ganyan!!!!!", mabilis kong tugon.