Pagpunta namin dito sa Lucban nakita namin na naghahanda yung mga tao. Kanya-kanyang ayos at gawa ng disenyo sa bahay nila. Kung pamilyar kayo sa Pahiyas Festival, alam nyo naman siguro kung anong disenyo yung tinutukoy ko. Nakita din namin yung simbahan na nandun, ang laki ng simbahan. So ayun, nandito na kami sa tapat ng bahay nila Yvonne, medyo may kalakihan din at kalumaan. Semento yung baba at kahoy yung taas pero okay naman, maganda yung itsura at may care taker din na naabutan naming nag-aayos ng hardin.
"Kuya Lito!", tawag ni Yvonne dun sa matanda.
"Ay, Maam Yvonne, kayo po pala. Teka lang po bubuksan ko lang yung gate para makapasok yung kotse.", sabi ni Kuya Lito.
Pinasok na ni Komang yung sasakyan sa loob ng garahe. Tapos sina Patrick pinasok nila sa loob yung mga gamit. Pagpasok ko sa loob ng bahay nagulat ako kasi may aso. Eh di ako ganun kahilig sa aso, may phobia ako sa kahol ng aso sa totoo lang. Pero friendly naman yung aso, mukhang labrador na kulay light brown. Aso daw ni Kuya Lito yun, minsan andun sila natutulog kasama ang aso nya, minsan dun sila natutulog sa mismong bahay nila kasama ang misis at isang batang anak. Eh si Ramona mahilig sa aso kasi may aso din sila sa kanila. Nung pinapahawak sakin ni Ramona yung aso medyo kinakabahan talaga ako kasi baka tahulan ako eh pero kinamot ko yung ulo nung aso, friendly naman pala. Di ko alam kung bakit, pero sabi ni Kuya Lito naaamoy daw nung aso kung may masamang balak o wala kaya ganun, madaling maging friendly sa mabait.
Binigyan kami ni Kuya Lito ng susi, isang kopya lang ng dalawang magkaibang susi kasi yung isang kopya siya yung humahawak, nakatago daw sa kanila. Kandado at door knob lang yung lock ng pinto. Kung ano yung susi ng kandado sa pinto, ganun din sa gate. Nagbiro pa nga si Kuya Lito na wala daw magnanakaw ng gamit dun sa lugar, magnanakaw lang ng lamang loob. Natawa silang lahat bukod sa akin at kay Patrick kasi alam na namin yung ganung senaryo. Si Komang eh wala naman atang kinatakutan yan. Si Ernesto naman sanay na sa ganyang usapan.
May tatlong kwarto sa bahay na yun sa 2nd floor tapos may parang sala set at balkonahe sa taas. Sa baba kasi malaki yung kitchen at dining area, tapos yung sala set dun parang pambisita lang, walang appliances bukod sa electricfan. Dun sa taas sabi ni Kuya Lito na hindi daw muna sila matutulog doon dahil nandoon naman daw kami kaya nagdecide sila na tig-dalawang tao sa dalawang kwartong maliit at apat sa isang malaking kwarto. Eh syempre bespren, dun kami ni Komang sa isang maliit na kwarto, si Ramona at Yvonne dun sa kwarto ng magulang ni Yvonne, at yung iba dun na pumwesto sa malaking kwarto. May sari-sarili naman silang higaan, kami ni Komang magkatabi sa iisang kama, malaki yung kama kaya di kami magkakabaklaan dun. Si Ramona at Yvonne ganun din magkatabi sa kama.
Nakakatuwa lang na sobrang linis ng bahay, maaliwalas tsaka kumpleto yung gamit. Inayos ko lang bag ko, di ko na tinanggal yung laman kasi incase of emergency eh isang hatak ko lang sa bag ko okay na, walang hassle, si Komang ganun din ginawa. Nagpalit muna ako ng pantaas para presko talaga, nagulat si Komang sa nakita nyang paso sa likod ko.
"Ano yan tattoo?", tanong nya.
Nalimutan ko, hindi ko pala naikwento na minarkahan ako ng Night Owls gamit yung pagpaso sa balat ko at tinapyas nila yung balat tapos nilagyan ng kung anong gamot para hindi nakabukol yung peklat.
"Ay di ko pala naikwento sayo. Tanda yan na kabilang ako dun sa organsasyon na sinasabi ko sayo na sinalihan ko.", pabulong ko na kwento kay Komang.
"Ah akala ko talaga nagpatattoo ka eh, ang astig pala.", sabi nya.
"Teka lang, sabihin mo nga sakin. Kayo na ni Yvonne ano?", tanong ko naman bigla dahil nagtataka ako sa kinikilos nila.
"Uy, hindi ah.", sabi ni Komang at namumula pa, halatang denial amputa.
"Aminin mo na tol, ako lang makakaalam.", sabi ko.
"Eh, sige na nga, oo kami na. Pero di namin sinasabi sa iba. Ikaw lang talaga nakakaalam.", sabi ni Komang.
"Bakit?", tanong ko.
"Syempre yari ako kay Mayor, nag-aaral parin si Yvonne ngayon, baka magalit sakin yun si Mayor.", sabi ni Komang.
"Hmmm, sabagay, mukha pa naman di ka mapagkatiwalaan sa itsura mo.", sabi ko kay Komang.
"Tarantado!", sabi nya sakin.
Lumabas kami ng kwarto tapos nakita ko sina Yvonne na bumaba. Lumabas ng kwarto si Eko at Patrick. Sinabihan kami ni Eko na nagyayaya yung asawa ni Kuya Lito na doon kumain sa bahay nila ng hapunan, kaya nagsibabaan kami at naglakad papunta kina Kuya Lito. Medyo nahuli pa nga kami ni Komang dahil ni-lock pa namin yung pinto at gate.
Sinundan ko lang ng tingin sina Patrick kung saan sila dumaan at lumiko kasi hinintay ko pa nga si Komang. Tapos ayun nakaliko na sina Patrick bago pa kami makalakad papunta dun. Medyo may kalayuan pala ang lalakarin namin. Habang naglalakad kami yung mga tao dun nililigpit na yung mga ginagawa nilang palamuti. Para daw sa linggo yun at yung iba daw sa linggo palang magdidisenyo para saktong pista.
Pagliko namin nakita ko si Betty na pabalik, yun pala susunduin pala dapat kami kaso nagkasalubong. Eh sa kabilang kalye pala ang bahay nila Kuya Lito, baka malito daw kami kung saan ulit liliko. Pumasok kami doon sa bahay nila Kuya Lito pero tumambay nalang kami sa labas dahil di naman ganun kalaki ang bahay nila. Sina Yvonne, Ramona, Betty at Eko lang medyo kaclose nung mga tao doon. Syempre magpapari si Eko kaya parang natutuwa yung mga tao dun pati mga kapitbahay. Birthday pala ng anak ni Kuya Lito na si Yuri. Medyo bata pa pala anak nila at may mga bisita din sila. Luto na yung mga handa, may pa bidyoke pa nga eh.
Pinakuha na kami nung asawa ni Kuya Lito na si Ate Risa ng mga pagkain. Syempre, titig muna kami Komang at Patrick kay Ernesto kung okay lang ba yung pagkain. Pero sabi ni Ernesto okay naman daw at nakita ko din naman na okay lang din. Tinuruan pa nga kami ni Ernesto ng gagawin bago uminom. Una piliin namin yung babasagin na baso, tapos hawakan yung pwetan ng baso gamit ang kaliwang kamay at hawakan yung katawan ng baso gamit yung kanang kamay, tapos pihitin pakaliwa at pakanan, pag nabasag yung baso magsialis na daw kami dahil siguradong may mangyayari. Pero di naman nabasag yung baso, di ko alam kung bakit pinapagawa sa amin yun ni Ernesto.