“SO, DITO tayo titira?” tanong ni Khrysstyna nang makapasok sa loob ng bahay. Katatapos lang ng kasal nila ni Edrian. Nang mag-uwian ang mga bisita ay sinabihan siya ng asawa na magbihis na at uuwi na sila.
Pagkatapos magbihis ni Khrysstyna ay dinaanan nila ang kanyang mga gamit sa kanilang bahay. Hindi na siya nagtagal sa bahay nila dahil nakaayos na ang mga kukunin niyang gamit. Isa pa’y halos ipagtabuyan na siya paalis ng kanyang ama. Ang Mommy niya at si Khrichelle lang naman ang nalungkot sa pag-alis niya.
“Bakit? Ayaw mo ba?” balik tanong ni Edrian.
Sasagot na sana si Khrysstyna ngunit sinalubong naman sila ng mga unipormadong kasambahay.
“Good evening po, Sir Edrian, Ma’am!” halos sabay-sabay na bati ng mga ito habang nakayuko sa harap nila.
“Siya si Khrysstyna, ang asawa ko. Tawagin ninyo siyang Ma’am Khrysstyna,” pagpapakilala ni Edrian.
“Pakidala na lang ang mga gamit sa kuwarto namin,” utos nito na agad namang sinunod ng tatlong kasambahay.
Binalingan siya ni Edrian. “Welcome to your new home. I hope you will enjoy your stay here,” nakangising wika nito.
Napa-buntunghininga na lang si Khrysstyna. Gusto sana niyang sagutin ito pero iba naman ang lumabas sa bibig niya. “Nandito rin ba ang mga magulang mo?”
“Huh? Hinahanap mo ang parents ko? Bakit gusto mo ba silang makasama?”
Hindi agad nakaimik si Khrysstyna. Hindi niya kasi alam kung paano sasagutin ang tanong ng asawa. “Uhmm…tinatanong ko lang naman. But your parents seem nice. Unlike kay Daddy na…” Hindi na niya itinuloy ang kanyang sinasabi dahil sumasakit na naman ang dibdib niya.
“What about your Daddy?” kunot noong tanong ni Edrian.
“Never mind. Huwag mo na lang pansinin iyong sinabi ko,” sagot ni Khrysstyna. Hindi siya komportableng pag-usapan ang pamilyang pinanggalingan niya. Isa pa’y ayaw din niyang magkaroon ng masamang impression ang asawa niya tungkol sa pamilya nila. Kahit paano ay gusto pa rin naman niyang ingatan ang imahe ng pamilya nila kahit man lang para sa Mommy niya at kay Khrichelle.
“Okay. Let’s go. I’ll show you to our room,” ani Edrian at nauna na itong nagtungo ng hagdan. Kaya sumunod na lang siya dito.
“Here’s the master bedroom,” sabi ni Edrian nang buksan nito ang isang pintuan.
Tumambad kay Khrysstyna ang napakaluwang na kuwarto. Kasingluwang yata ito nang pinagsamang sala at kusina ng bahay nila. Mayroon itong sitting area. Kompleto rin ito sa gamit mula sa sala set, TV, aircon, mini ref, bookshelf, study table at desktop computer. May mga indoor plants at hanging lamps din na dekorasyon. Napansin din niya na may dalawang pintuan sa isang panig ng kuwarto. Tantiya niya ay banyo at walk in closet ang mga iyon.
“I have a proposition to make,” ani Edrian nang pumasok ito sa loob.
“Ano iyon?” tanong ni Khrysstyna nang sundan niya ito.
“Hindi ako sanay matulog na may katabi. Kaya matutulog ka doon sa sofa. But don’t worry bukas ay magpapabili ako ng sofa bed para maging komportable ka,” imporma ni Edrian.
Nagulat man si Khrysstyna sa sinabi ng asawa, hindi na siya tumutol pa. “O-okay.”
“That’s good. Kung gano’n, tara na sa dining room. Kain na tayo ng dinner,” wika nito saka nauna nang lumabas ng kuwarto.
Agad namang sumunod si Khrysstyna. Tama ang tantiya niya kanina na malaki nga ang bahay na titirhan nila. Mabuti na lang at sinundan niya agad ang asawa, kung hindi’y maliligaw siya sa dami ng pintuan na maaaring daanan at pasukan. Nang makarating sila sa dining room ay dalawang plato lang ang nakahanda sa ten-seater dining table.
“Tayo lang ba ang kakain?” nagtatakang tanong niya nang ipaghila siya ni Edrian ng upuan.
“Oo naman. Bakit may inaasahan ka bang bisita natin?” tugon ni Edrian nang umupo ito sa kabisera.
“Hindi ba sasabay sa atin ang Mama at Papa mo?” usisa ni Khrysstyna.
Kumunot ang noo ni Edrian. “Hindi ko nasagot ang tanong mo kanina? Nasa mansyon sa Forbes Park sina Mama at Papa. Kaya tayong dalawa lang ang nandito sa bahay kasama ang mga maids, driver, at security guards,” paliwanag nito.
“Ah, gano’n ba? Pero ang laki ng bahay na ito, ah. Sobrang laki nito para sa ating dalawa,” puna ni Khrysstyna.
Nagsalubong ang kilay ni Edrian. “Are you suggesting that we should look for another house?”
Marahas na iling ang tugon ni Khrysstyna. Mukhang nagkamali yata siya nang pagpuna sa bahay na ito. “No, of course not. Hindi gano’n ang gusto kong mangyari. I was just saying that…” Hindi niya natapos ang kanyang sinasabi dahil bigla na lang sumabad si Edrian.
“That’s enough. Kumain na lang tayo. Then we will talk after dinner. Doon tayo sa kuwarto mag-usap. I don’t want the maids to hear what we’re going to talk about,” may diing sabi nito.
Hindi na umimik si Khrysstyna. Tumango na lang siya bilang pagsang-ayon.
Hindi siya gaanong makakain. Ang dami kasing pagkain na nakahain sa harapan nila katulad din sa reception ng kasal nila kanina. Nalulula siya sa dami ng nakikitang pagkain. Ganito siguro kumain ang mga mayayaman, parang laging may okasyon at bisita.
“I’ll go ahead. Hihintayin na lang kita sa kuwarto,” wika ni Edrian nang matapos itong kumain.
Tinanguan lang ito ni Khrysstyna habang tinatapos ang kanyang pagkain. Nang matapos siyang kumain ay pumunta siya ng kusina para tumawag ng magliligpit sa pinagkainan nila.
Pagbalik niya sa kanilang kuwarto ay eksakto namang kalalabas ng asawa niya mula sa banyo. Naka-pajama na ito at nagpupunas ng basa nitong buhok.
“Magsa-shower lang muna ako bago tayo mag-usap,” wika niya rito.
Tumango lang ang asawa niya saka siya nilagpasan.
Binuksan ni Khrysstyna ang nilabasang pintuan ni Edrian. Napansin niyang banyo at walk-in closet pala ang nasa loob. Nahati lang ito sa pamamagitan ng pader sa gitna.
Tutuloy na sana siya sa banyo nang maalalang wala pala siyang dalang bihisan. Kaya dumiretso siya sa walk-in closet. Nagulat siya nang makitang nakaayos na ang mga gamit niya roon. Kumuha siya ng tuwalya at bumalik sa banyo.
May nakita siyang laundry basket sa tabi ng lababo kaya inilagay niya roon ang tinanggal na damit. Nalula siya nang makapasok sa shower area. May dalawang shower valve at bathtub sa loob. Naisip niyang puwede palang maligo nang sabay ang dalawang tao.
Oops! Khrysstyna, iniisip mo bang sabay kayong maliligo ng asawa mo? Baka hindi pumayag iyon. Hindi ka nga niya gustong makatabi sa pagtulog, iyon pa kayang maligo kayo ng sabay? Mangarap ka na lang sa panaginip!
Napasimangot si Khrysstyna nang maisip ang ideyang iyon.
Sandali lang siyang naligo saka binilisan din niya ang pagbibihis. Pagkatapos ay nag-toothbrush na rin siya bago lumabas.
Nadatnan niya ang asawang naghihintay na sa kanya sa sofa. Lumapit siya dito at umupo sa tapat nito.
“Since this is our first night together, let us have some house rules,” bungad ni Edrian.
Tumaas ang kilay ni Khrysstyna sa sinabi nito ngunit nanatili siyang tahimik.
“Number one, no sleeping together in the same bed. Number two, mind your own things. Walang pakialaman ng gamit. Number three, lights off during sleeping time. Hindi ako makatulog kapag may nakabukas na ilaw. Number four, do not disarrange the things in this room. Kung anong ayos ng mga gamit na nadatnan mo, huwag mong pakikialamang baguhin. Number five, no eating on the bed. Kung gusto mong kumain, dito ka sa sofa pumuwesto. Number six, do not try to open that door,” sabi ni Edrian sabay turo sa pintuan na kahilera ng pintuan papuntang banyo. “Bawal kang pumasok diyan. Number seven, don’t try to call or text me unless it’s emergency. Number eight, no pets allowed inside the house. Kung gusto mong mag-alaga ng aso, pusa o anumang hayop, sa labas lang sila mag-stay. Number nine, no visitors allowed in this room. Ibig sabihin, tayong dalawa lang at iyong maid na naglilinis ang maaaring pumasok at mag-stay dito sa kuwarto. Number ten, call me Edmark, not Edrian,” pagtatapos nito.
“Edmark? Iyon ba ang palayaw mo?” Sa lahat ng rules na sinabi ng asawa ni Khrysstyna, iyon talaga ang una niyang naalala.
“Yes. My name is Edrian Mark. So, it’s Edmark. Mula ngayon, huwag mo na akong tatawaging Edrian,” bilin nito.
“Okay, Edmark.”
“Maliwanag na ba sa iyo ang mga rules na sinabi ko?”
“Yeah, it’s crystal clear. Puwede rin ba akong maglatag ng rules ko?”
Nagsalubong ang kilay ni Edmark. “I don’t think so. Ako ang may-ari ng bahay na ito kaya iyong rules ko lang ang susundin,” balewalang sabi nito.
“Ano? Bakit gano’n? Mag-asawa naman tayo. Kaya dapat pantay lang iyong karapatan natin. Kung puwede kang magbigay ng rules, dapat ganon’n din ako,” may diing sabi ni Khrysstyna.
“I’m sorry. But that is not the case. Our marriage is not like the others. We got married for convenience. Kaya kung ayaw mo sa sinasabi ko, puwede kang lumabas ng bahay at bumalik sa mga magulang mo. Walang problema sa akin. Mga magulang lang naman natin ang may gusto na magpakasal tayo,” paliwanag ni Edmark.
Napabuga ng hangin si Khrysstyna sabay tapik sa kanyang noo. Pambihira! Mahirap palang pakibagayan ang lalaking ito. Umakyat pala sa ulo nito ang pagiging mayaman at makapangyarihan. Kung makapag-discriminate, wagas!
Walang pakialam sa damdamin ng ibang tao. Unang gabi pa lang nilang magkasama ay marami na itong gustong mangyari. Ang masama pa nito ay wala siyang karapatang magreklamo. Tagasunod lang ang papel niya. Saan makakarating ang relasyon nila? Hindi na siya magtataka kung mauuwi rin sa hiwalayan ang pagsasama nila.
Saan ka naman kasi makakakita ng one-sided na relasyon na magtatagal? Bukod pa sa malabo rin na magustuhan nila ang isa’t isa. Dati na siyang may galit sa mga lalaki. Tapos ngayon, madadagdagan na naman ang listahan niya ng mga lalaking katulad ni Edmark. Masyadong mataas ang tingin sa sarili pero mababa naman ang tingin sa mga kababaihan.
Ang saklap! Masaklap ang kapalaran niya sa piling nito. Makakatagal kaya siya sa relasyong ito? O baka naman siya ang unang susuko? Pero kapag ginawa niya iyon, siguradong kawawa si Khrichelle. Hindi niya hahayaang mapahamak ang kapatid niya kaya nga siya nagsakripisyo para dito.
Huminga siya nang malalim. “Puwede ba akong magtanong?”
“Sure. What is it?”
“May girlfriend ka ba?” usisa niya rito.
Nagsalubong ang kilay ni Edmark. Hindi yata nito nagustuhan ang tanong niya.
“Ang ibig kong sabihin, may iniwan ka bang babae bago tayo nagpakasal?” paglilinaw niya.
Umiling si Edmark. “Wala. Single talaga ako. Kung may girlfriend lang ako, iyon sana ang pinakasalan ko at hindi ikaw,” diretsahang sabi nito.
Napangiwi si Khrysstyna. Nakakagulat talaga ang mga rebelasyon ng lalaking ito.
“Speaking of girlfriend, I think we need rule number eleven. That is, mind your own affairs. Puwede akong magka-girlfriend at wala kang pakialam doon. Kung gusto mo, makipag-boyfriend ka rin. Hindi kita pakikialaman. Siguraduhin mo lang na walang makakaalam lalo na ang mga parents ko. Tapos, rule number twelve, bawal kang magpabuntis sa ibang lalaki. Kung magkakaroon ka ng affair, siguraduhin mong hindi ka mabubuntis,” pahayag ni Edmark.
Parang sumakit ang ulo ni Khrysstyna sa karagdagang rules na sinabi ni Edmark. “Wait, linawin ko lang, ha? Kung hindi ako puwedeng magpabuntis, ibig sabihin hindi ka rin dapat makabuntis, tama ba?”
Marahas na umiling si Edmark. “I don’t think so. Kung hindi mo ako mabibigyan ng anak, maghahanap ako ng babaeng magbibigay ng anak sa akin. Hindi ako makapapayag na wala akong magiging anak,” mariing sabi nito.
Gustong magmura ni Khrysstyna. Kung hindi lang niya inaalala na magagalit ang asawa niya, baka murahin niya ito mula ulo hanggang paa. Double standard lang ang loko! Maraming bawal sa kanya, pero kay Edmark puwede nitong gawin. What the f!
Sarap sakalin ng lalaking ito. Kung hindi lang talaga siya naaawa sa kapatid niya, baka mag-alsa balutan siya ngayong gabi at bumalik na lang sa bahay ng mga magulang niya. Peste lang ang lalaking ito! Kaya hindi matatapos-tapos ang galit niya sa mga kalalakihan dahil sa mga katulad ni Edmark na walang respeto sa babae. Ni hindi man lang nito inisip kung ano ang mararamdaman niya sa mga pinagsasabi nito.
Magmumukha lang siyang tagasunod ng lalaking ito. Halos wala siyang ipinag-iba sa mga kasambahay. Mas lamang lang siya dahil asawa siya kahit sa papel lang.
Pero iyong sinabi ni Edmark tungkol sa anak, para siyang kinilabutan. Ibig sabihin may mamamagitan pa rin na s****l activity sa kanilang dalawa. Ayaw niya yatang isipin iyon. How can two people engage in s****l acts when there is no love between them? Kapag nangyari iyon, wala na silang ipinag-iba sa relasyon na mayroon ang mga bayarang babae at customer ng mga ito.
“By the way, may ibibigay pala ako sa iyo,” sabi ni Edmark nang bigla itong tumayo. May kinuha ito sa isang drawer. Pagbalik nito ay inilapag ang dalawang card sa center table sa mismong harapan niya.
“This black one is a credit card. It has a one hundred thousand peso-limit. While this green one is an ATM card. It contains fifty thousand pesos. Renewable every month ang laman ng mga ito. Puwede mong gastusin kahit saan mo gusto,’ wika ni Edmark.
Napamura na lang sa kanyang isip si Khrysstyna. Hindi na lang siya tagasunod, bayarang asawa na rin pala siya!