bc

Kahit Isang Saglit (Completed)

book_age12+
1.3K
FOLLOW
4.3K
READ
love-triangle
sensitive
boss
drama
betrayal
illness
like
intro-logo
Blurb

Walang panahon si Adrian sa pakikipagrelasyon, sa halip na i-enjoy ang pagkabinata ay nakatuon ang isip niya sa negosyo. Until he meets Jamelia, hindi ito katulad ng ibang mga babae na nakilala niya, at may kung anong espesyal na katangian ito na muling nakapagpatibok ng kanyang puso. Madaling napalapit ang loob niya rito.

Pero kung kailan plano na niyang sabihin dito ang tungkol sa nararamdaman niya ay saka naman bumalik ang taong naging dahilan ng pagkamatay ng kanyang puso noon. Ang babaeng sumira ng tiwala niya noon. At bitbit pa nito ang isang bata na pilit ipinapaako sa kanya.

Paano pa niya maipaparamdam kay Jamelia ang pagmamahal niya rito ngayong naging komplikado na ang lahat.

chap-preview
Free preview
Chapter One
NAPAKUNOT-NOO si Adrian nang pagbaba niya sa living room ay naabutan niya roon si Angelie na kampanteng nakaupo sa sofa. Hindi niya maipaliwanag pero talagang hindi niya gustong nakikita ang babae, lalo na ang ayos nito kapag pumupunta ito sa kanila. Katulad ng dati, halos makita na ang kaluluwa nito sa suot na body-fit blouse at miniskirt. "Hi, Adrian!" Tumayo ito at lumapit sa kanya. Hindi siya nakaiwas nang halikan siya nito sa pisngi. "Mabuti't nagising ka na. Kanina pa kita hinihintay, eh." "May kailangan ka ba?" "Magpapasama sana ako sa `yo mamayang gabi." Lalong tumamis ang pagkakangiti nito at ipinulupot pa ang isang kamay sa braso niya. Gusto sana niyang alisin ang kamay nito sa kanya pero ayaw rin naman niyang bastusin ito. Hinayaan na niya ang kamay ni Angelie. Tinungo niya ang sofa at naupo roon, tumabi din sa kanya ang babae. "Birthday kasi ng kaibigan ko. Wala akong maisip na ibang maisasama sa party niya, eh. Puwede ka ba?" Napahugot siya ng malalim na hininga.You mean, wala kang ibang maisip na maipapara at maipapakilalang boyfriend maliban sa akin? ngalingaling sabihin niya rito. "Gusto sana kitang samahan pero may dinner kami mamaya ng isa sa mga distributors namin," pag-a-alibi niya. Kumunot ang noo nito. "Ang sabi ni Tita Vera, tamang-tama raw ang pag-iimbita ko sa iyo dahil ipina-cancel mo na kahapon pa ang meeting mong iyon." He silently cursed. Bakit ba ubod ng daldal ng tiyahin niya? Wala tuloy siyang maikakatwiran para makaiwas sa babaeng ito. "Wala ka ba talagang ibang maisasama?" Umiling ito at tiningnan siya na parang nagpapaawa. "Okay," napipilitang sabi niya. "Anong oras ang party?" Lumarawan ang tuwa sa mukha nito. "Eight o'clock," sagot nito. "So, sunduin mo ako sa bahay nang mga around seven?" Pigil niya ang sarili na mapailing. Daig pa nito ang nobya niya kung mag-demand pero tumango na lang siya. Kung hindi lang ito anak ng matalik na kaibigan ng ama niya ay hindi niya ito pagbibigyan. "Well, hindi na ako magtatagal." Kinuha nito sa coffee table ang handbag at pagkatapos ay hinalikan uli siya sa pisngi. "Bye. See you later." Napahinga siya ng malalim habang sinusundan ito ng tingin. Nang wala na ito ay saka siya tumayo at nagtungo sa kusina para mag-almusal. Naabutan niya roon si Vera na abala sa paghahanda ng mga ingredients. Mukhang magbi-bake ito ng cake. "Good morning, Tita," bati niya rito. Hinagkan niya ito sa pisngi. Nginitian lang siya nito. Si Vera ang nag-iisang kapatid ng yumao niyang ama. Ito ang nakatulong ng kanyang papa sa pagpapalaki sa kanya dahil maagang namatay ang kanyang ina. Kung minsan ay nagi-guilty siya kapag naiisip niyang tumandang dalaga ito dahil sa pag-aalaga sa kanya. Mahal na mahal niya ito at parang tunay na ina ang turing niya rito. "Nagkausap na ba kayo ni Angelie?" tanong nito. Tumango lang siya. Nagsalin siya ng juice sa isang baso. Kumuha siya ng butter at jam sa refrigerator bago siya nagsalita. "Bakit ho pinatuloy na naman ninyo ang babaeng 'yon?" "Ikaw naman, alangan namang ipagtabuyan ko siya. Nakakahiya naman kung gagawin ko iyon." Hindi siya sumagot. "Pagpasensiyahan mo na lang. Pasasaan ba't magsasawa rin iyon sa kakahabol sa `yo kapag naramdaman niyang wala talagang pag-asa na magustuhan mo siya." Maingat na isinalin ni Vera ang mga dry ingredients sa malaking mixing bowl. Patuloy siya sa pag-aalmusal habang pinanonood ang ginagawa ng tiyahin. "Bakit nga ba ayaw mo kay Angelie? Maganda naman siya, may pinag-aralan at sopistikada. Hindi naman siya nakakahiyang maging nobya." "Hindi siya ang tipo ng babae na gusto ko," simpleng paliwanag niya. Umiling ito. "Iyan din ang sinabi mo noon kina Monica at Clarissa. Ano ba talagang klase ng babae ang hinahanap mo? Iyong galing sa bundok na halos hindi makabasag-pinggan?" Hindi siya umimik. Luma na ang usapan nilang iyon na magtiya. Halos ipagtulakan na kasi siya nito sa kung sinu-sinong babae dahil gusto na raw nitong magka-apo. Lagi nitong sinasabi na mag-asawa na siya; ang problema ay wala siyang magustuhan sa mga babaeng nakikilala niya. Huminga ito nang malalim at tinitigan siya. "Hijo, alam ko kung ano ang ikinatatakot mo." "Tita-" "Kailangan mong maintindihan na hindi pare-pareho ang ugali ng lahat ng babae," putol nito sa pagsasalita niya. "Hindi por que sinaktan ka noon-" "Tita, ayoko nang marinig ang pangalan niya o ang kahit na ano'ng bagay tungkol sa kanya," maagap na sabi niya sa mas mataas na tinig. "Adrian, you have to move on. Ang tanda-tanda mo na. Malapit ka na ngang mag-trenta anyos. Aba'y ano'ng balak mong gawin sa sarili mo? Pitong taon na rin naman ang nakararaan kaya kalimutan mo na siya. Mayroon pa naman ibang babae diyan na maaaring magmahal sa iyo ng totoo." Tumayo siya. Ayaw niyang humaba pa ang usapang iyon. "Aakyat na ho ako, Tita," paalam niya. "Maghahanda pa ako para sa lakad namin ni Angelie mamaya." "Sasama ka sa kanya?" hindi makapaniwalang tanong nito. "Do I have a choice? Ipinahamak na ninyo ako nang sabihin n'yo sa kanya na libre ako ngayong gabi. Sasamahan ko siya pero ito ang una't huling beses na pagbibigyan ko siya." Pagkasabi niyon ay iniwan na niya ang tiyahin. NANGHIHINA na naupo si Jamelia sa sofa pagdating niya sa apartment nila. Maghapon siyang naghanap ng trabaho kaya pagod na pagod siya. Naghuhubad siya ng sapatos nang pumasok sa sala ang kanyang Ate Jenny. "Kumusta ang lakad mo?" tanong ng panganay niyang kapatid. "Wala pang resulta ang mga nauna kong in-apply-an," sagot niya. Umupo ito sa tabi niya. "Sinabi ko naman kasi sa iyong huwag ka munang maghanap ng trabaho at ang pagma-master mo muna ang pagtuunan mo ng pansin." Hindi siya kumibo.  Tinitigan siya nito at pagkatapos ay napapangiting siniko siya. "Umiiral na naman iyang kadramahan mo." Napatungo siya. Hindi drama lang ang nararamdaman niya sa mga oras na.iyon, totoong nahihiya siya rito. Mula nang mamatay ang kanilang mga magulang ay ito na ang tumayong ama't ina nila ng bunsong kapatid na si Lester. Ito ang nagtaguyod sa kanyang pag-aaral hanggang sa makatapos siya ng kolehiyo sa kursong Education. "Jamelia, magkakapatid tayo at bilang panganay, obligasyon kong suportahan at alagaan kayo." "Gusto ko na ring makatulong. Sobra na ang pagsasakripisyo mo para sa amin. Pati nga ang pag-aaral mo noon ay isinakripisyo mo." "Bakit, nagrereklamo ba ako?" pakli nito. "Kahit hindi ka nagsasalita ay alam kong nahihirapan ka na rin at naaawa na ako sa iyo. Basta gusto ko nang makahanap ng trabaho para hindi ko na iasa sa iyo ang gastos sa pagma-masteral ko." Napabuntong-hininga ito. "Ikaw na nga ang bahala." Tumayo ito at bumalik sa kusina. Sumunod siya rito. Napasukan niya ito na abala sa paglalagay ng rekado sa niluluto nito. "Bakit ikaw ang nagluluto? Nasaan si Lester?" Nasa unang taon na sa kolehiyo si Lester. Ito ang nakatokang magluto kapag ganoong may lakad siya at ang ate nila ay galing sa trabaho. "Dumaan siya kanina sa restaurant," wika ng kanyang ate. "Nagpaalam siyang doon siya matutulog sa bahay ng kaklase niya. May tatapusin daw silang project." Kumunot ang kanyang noo. "Baka naman kung saang gimikan lang iyon pupunta?" Nangingiting umiling ito. "Minsan lang naman iyon ginawa ni Lester at tiyak na hindi na niya uulitin iyon. Ikaw ba naman ang maparusahan ng ganoon." Napangiti rin siya nang maalala ang tagpong iyon. Minsan ay nagpaalam si Lester na sa bahay ng kaklase nito matutulog dahil may gagawin daw project ang mga ito. Agad niyang nadiskubre na nagsisinungaling ito. Hindi pala school project ang pinagkakaabalahan ng mga ito kundi pagna-night swimming. Bilang parusa ay pinatulog niya ito sa labas ng bahay. Tiniis niyang makita na pinapapak ito ng mga lamok para maturuan ito ng leksiyon. Hindi pa siya nasiyahan, sinulsulan pa niya si Ate Jenny na isang linggo nitong huwag bigyan ng allowance ang bunsong kapatid. "Intindihin mo rin naman si Lester," anang ate niya. "Alam mo namang nagbibinata na siya, eh." "Alam ko iyon, Ate. Ang sa akin lang ay magpaalam siya ng maayos. Magsabi siya sa atin ng totoo." Kumuha siya ng mga plato at kubyertos at iniayos sa mesa ang mga iyon. "Maiba nga pala ako, Ate. Wala bang bakante sa inyo?" "Bakanteng ano?" "Trabaho. Baka naman puwede akong makapasok sa inyo." Sa isang malaking restaurant ito nagtatrabaho bilang kahera. Ilang taon na rin na nagsi-serbisyo doon ang kapatid niya, kontento na ito sa pagtatrabaho doon dahil bukod daw sa mabait ang amo nito ay malaki pang magpasuweldo. "Kung may bakante roon, eh, hindi mo na kailangang magtanong sa akin. Ako mismo ang magrerekomenda sa iyo kay Ma'am Vera." Huminga siya ng malalim at saka umupo sa isang silya. "Ano kaya kung huwag ko na lang ituloy ang pagma-master ko at mag-apply na lang ako sa mga eskuwelahan dito sa atin?" Ibinaba nito sa mesa ang isang bandehadong kanin at isang platong ulam na sinandok nito at saka siya tiningnan. "Iyan ang huwag na huwag mong gagawin, Jamelia." "Pero, Ate-" "Alam ko kung ano ang pangarap mo. Gusto mong makapagturo sa malaki at sikat na eskuwelahan kaya paano mo matutupad iyon kung hindi mo itutuloy ang pagma-master mo?" Umupo ito sa harapan niya at nagsimula na silang kumain. "Puwede ko naman `yong ituloy sa ibang pagkakataon. Kapag nakaluwag na tayo. Kapag nakapag-ipon na ako." Huminto ito sa pagsubo at muli siyang tiningnan. "Kung ayaw mo akong mawalan ng gana, itigil mo na iyang sinasabi mo." Natawa siya. "Oo na, Ate. Magma-master ako pero maghahanap pa rin ako ng trabaho." "Bahala ka. Bilisan mo na ang pagkain para makapagpahinga ka na."

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

Broken Angel

read
3.9K
bc

OWNED BY THE BILLIONAIRE'S BODYGUARD: MATTHEW MONDRAGON

read
47.9K
bc

Wildly and Desperately (TAGALOG/SPGR18+)

read
632.2K
bc

Mister Arrogant (TAGALOG/SPG18+)

read
831.5K
bc

The Cold Husband-SPG

read
4.7M
bc

His Cheating Heart

read
40.8K
bc

Mister Billionaire's Secret Wife [Tagalog/Filipino]

read
5.1M

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook