chapter 1
_Ang aklat na ito, sakaling sa pagkatunghay ninyo sa mga dahon, ay di
kakitaan ng mga matatamis na pangungusap, ng matatayog na pagkukuro ng
kaisipan, at gayon din, sakaling di maging masarap sa inyong panglasa
ang nalalaman dito, ay hinihiling ko ang paumanhin ng madla sa abang
kathang ito; pagka't ako ay hindi isang tanyag na manunulat at
mangangatha._
_Sinulat ko ang aklat na ito, sa maalab na nasang makapaglingkod ang
abang kaliitan sa bayang may sariling wika, nguni't alanganing lagi
ang katatayuan--maraming nagtatakwil sa Inang Wika_....
_Sinulat ko rin ito, sa maalab na nasang mailarawan ang tinawid ng
dalawang magkasintahan nguni't kapag nagkaminsan ang matamis na
pagiibigan ay nagkakaroon ng mapait na wakas para sa dalawang puso_.
_Ngayon, ay ipinababatid ko sa madla, na, sakaling maraming mali sa
pagkakasulat nito, marahil, sanhi na lamang ng kabataan ng aking
panitik--hindi pantas na mangangatha._
_Kaya aking inuulit, na, sa pagbasa ng aklat na ito at hindi kapulhan
ng bagay sa inyong panglasa, ay hingi ko ang paumanhin sa lahat, dala
ng hindi ko pa kabihasnan. Gayon man ay hangad ko rin at inaasahang
ito ay isa man lamang mabilang sa mga punpon ng aklat na nasusulat sa
ating wika._
_BALBINO B. NANONG._
=HANDOG=:
Sa mahal kong kapatid: kay Consolacion Elento at sa madlang kasapi sa
"Panulat Banahaw" lalong lalo na sa mga magagandang tala: Ursula
Maderal, Atilana Abrilla, Guadalupe Abad, Pining Ravida, V. Abutal at
Roming Dator; at sa masisiglang kasaping Z. O. Maderal, B. E. Palacio,
E. Nañola at Ben. Racelis. At, gayon din inihahandog ko ito sa mga
kapisanang naglilinang ng sariling wika sa lalawigang Tayabas, lalong
lalo na sa "Pagasa ng Lucena", "Panitik Atimonan" at "Hilaga ng
Tayabas."
_ANG SUMULAT_.
HIWAGA N~G PAGIBIG
I
SA LILIM NG ISANG MANGGA.
Kung madadama lamang natin ang dibdib ni Leonora, ay ating
mararamdaman na para bang lalong lumalakas ang pagkaba. Malakas at
masasal na parang tinatahip ang dibdib sa lakas ng t***k ng puso.
Parang may sindak, nguni't sa harap pa ba kaya naman ng isang
kasintahan masisindak at waring matatakot? Isang hiwaga ang ganito!
Sila'y magkapiling ni Eduardo. Ang kanilang mga puso ay parang
nangapiping ilang sandali sa dahilang tila tumagos sa puso ng binibini
ang pangungusap na binigkas ng binata. Ang huling katagang binigkas ni
Eduardo ay parang nagdulot sa puso ni Leoning ng isang pagkaawa.
Nguni't ang pagkaawa niyang yaon ay nangahulugan ng kanyang pagkapipi
sa dahilang hindi mabigkas ng bibig ang isasagot, samantalang, sa
katotohanan ay di natin nababatid ang mga lihim ng kanilang puso.
At upang matalos naman natin kung bakit ang binibini ay parang
sumisikdo ang puso at parang tinatahip ang dibdib ay narito ang
dahilan. Siya ay di natin dapat pagkamalang natatakot. Ang nasa harap
niya ay si Eduardo, isang uliran, mabait at matimtimang binata. Walang
kilos na magaspang at marungis na paguugali.
Nang mga sandaling yaon ay idinadaing niya sa harap ni Leoning ang
dalisay na tibukin ng kanyang puso sa dahilang sinisinta niya nang
tapat si Leonora.
--Leoning, malaon nang ang palad ko ay nasa kandungan ng dusa.
Nguni't kailan ko pa kaya matatamo ang pagasang maituturing kong
ligaya ng aking buhay? Katulad ko Leoning ay isang bulaklak na
nalalanta at ang tanging makapagpapasariwa, lamang ay ang hamog ng
iyong kaawaan.
Datapwa't ang binibini ay patuloy sa kanyang pagkapipi; hindi pa rin
sumasagot, kaya si Eduardo ay muling nangusap.
--Leoning, kailan pa? Maanong sa ngayon ay idulot mo na at kung
hihintayin mo pa ang bukas, oh! Leoning, sa aba ko ay wala na! Tila
isang libingang napakapanglaw ang kahihinatnan ng palad ko. Kaya, kung
may paglingap ka ay igawad mo na ngayon sa akin.
Ang ganitong mga pangungusap na binigkas ni Eduardo ay parang lubos na
tumagos sa kaibuturan ng puso ni Leoning. Sa gayon, si Leoning ay
nagkaroon ng awa at tila ganap na nahabag sa anyong kanyang namalas
kay Eduardo. Naawa siya. Nguni't ang kasagutang bibigkasin ay parang
nabitin sa kanyang labi. Pinagaalinlanganan niya ang pagbigkas sa
matamis na salitang "OO" para sa isang Eduardo, kaya't pinigil pa rin
niya at di binitawan.
Ang mga sandaling yaon ay siyang huling gabi ng kanilang paguusap, at
kung maulit man ay maluluwatan na pagka't sa kinabukasan ng araw na
yaon ay patungo ng Maynila, si Eduardo, sa dahilang panahon na naman
ng pagbubukas ng mga paaralan. Hindi na niya maaaring magawa pa ang
dating pagdalaw kay Leoning na walang liban tuwing hapon.
Kaya't boong pagsusumikap ang ginawa ni Eduardo, upang kung maaari
lamang tamuhin niya ang kanyang mithing makamtan; ang pagibig ni
Leoning bago lisanin ang sariling bayan. Kaya't sa gitna ng
paghaharing yaon ng katahimikan ay pamuli siyang nangusap:
--Leoning, ano ang kahulugan ng di mo pagsagot na ito sa akin?
Niwawalang bahala mo kaya pagka't akong kaharap mo ay isang abang
maralitang Eduardo lamang na di dapat pansinin?
--Eduardo, bakit ka nagsalita ng ganyan?
--Leoning, hindi ba katotohanan ang aking sinabi?
--Eduardo, huwag mong pasakitan ang aking puso. Oo, iniibig kita. Ikaw
lamang ang buhay ko.
--Leoning, salamat, diyata...?
--Eduardo, asahan mong boong puso kitang iniibig.
--Leoning!!!
--Eduardo!!!
Walang naitugon ang binata sa dalaga kundi isang halik sa mapulang
labi at isang mahigpit na yakap. Kay papalad na mga puso! Salamat at
walang nakasaksi sa kanila kundi ang mga bituin at ang kabilugang
buwang sa kaliwanagan ay parang nakabitin sa langit.
--Eduardo, baka pagkatapos ng lahat ng ito ay pabayaan mo ang aking
palad?
--Leoning, alalahanin mong libingan ang kasasadlakan ko kapag nagmaliw
ang aking pag-ibig.
--Eduardo, baka....
--Leoning, maniwala ka.
--Baka sabi mo lamang ang lahat ng iyan.
--Leoning, malasin mo ang mga bituin, malasin mo ang buwang iyang
nagsasabog ng kaliwanagan--iyan, iyan ang mga tangi kong saksi.
--Masasaksi mo nga iyan; nguni't hindi mo ba naaalaala na ang buwang
iyan ay naglalaho kung sinasaputan ng ulap? Ganyan din naman ang
iyong pagibig na mangyayaring maglaho pagdating ng panahon.
--Huwag mong pahirapan ang aking puso. Alalahanin mong ang puso ko ay
katulad ng isang bulaklak na kapag hindi nadilig na isang umaga ay
nalalanta; kaya't kung malanta nga ang paglingap mo, ay! sa aba ko ay
wala nang pagasa kundi ang tunguhin ang huling hantungan ng lahat.
--Eduardo, ang lahat ng iyan ay masasabi mo; nguni't pagdating mo
marahil sa Maynila, ay pawi nang lahat sa iyong alaala ang mga
pangungusap mong iyan sa harap ko.
--Leoning, balintuna ang iyong hinagap. Alalahanin mong sa kaibuturan
ng puso ko ay isa kang bulaklak na pinakakaingatan at laging dinidilig
ng aking pagmamahal.
--Eduardo, marahil ay malilimot mo rin ang lahat ng iyong mga
pangungusap. Kung nasa piling mo na marahil ang magagandang bulaklak
sa Maynila, na, pugad ng mga pusong uhaw sa hamog ng ligaya ay
lilimutin mo na ang lahat ng ito.
--Leoning, huwag mong pangarapin ang ganyang mong hinala; alalahanin
mong ang paglisan ko bukas ay nangangahulugan ng mapait na gunitain.
--At marahil, sa paglisan mong iyan ay limot mo na ako sa alaala.
--Leoning, alamin mo na mula sa mga sandaling ito ay nakatitik na sa
kaibuturan ng aking puso ang iyong pangalan.
--Oo, nguni't pagdating sa Maynila, ay pawi na.
--Leoning, namamali ka; ang sabihin mo'y hanggang libingan.
--Hanggang libingan na di mo na maaalaala ang iyong pangako? Marahil
nga....
--Leoning, saan man mahantong ang aba kong palad ay di maaaring
mawalay sa gunita ko't alaala ang larawan mo.
--Isinusumpa mo kaya ang lahat mong mga pangungusap na iyan?
--Leoning, sumpa ko.
--Hanggang....
--Hanggang hukay Leoning ko!
--¡...............!
--Leoning!
--Eduardo!
--Habang buhay!!!
--Hanggang libingan naman!
--Hindi ka kaya makalimot?
--Habang tumitibok ang puso ko.
Saksi nila ang mabituing langit. Ang liwanag ng buwan ay parang
nalulugod na bumabati sa kanilang pagkamapalad. Ang simoy ng hangin ay
parang nagbabalita sa madla ng pagkamapalad ng dalawang puso: ni
Eduardo at ni Leoning. Ang halimuyak ng mga bulaklak na nasa bakurang
mahalaman ay tila naghahatid ng samyo at kabanguhan sa kahilang
paguulayaw.
Kay papalad!
Dalawang pusong nagkakaisa ng tibukin. Si Eduardo ay naliligaya sa
piling ni Leoning. Si Leoning ay nalulugod sa harap ni Eduardo. Si
Leoning ay isang mabangong bulaklak na humahalimuyak kung nagbubukang
liwayway. Si Eduardo naman ay isang paruparung nagkapakpak na uhaw sa
katamisan ng nektar at bango ng pag-ibig.
Ang gabing yaon ay parang isang langit na mabituin at puno ng mga
pangarap at pagasa kay Eduardo. Kung pagkuruin niya ay tila siya na
lamang ang pinakamapalad at pinakamaligaya sa sangdaigdig. Laging
sariwa ang ngiti. Naging masigla siya buhat ng mga sandaling bitiwan
ni Leoning ang oong kanyang malaon nang ninanais makamtan. Kay palad
nga naman niya! Tinamo rin niya sa kabila ng pagod at masasaklap na
pagtitiis ang ligaya ng kanyang puso.
Samantala, si Leoning ay nalulugod din naman sa kabilang dako. Pusong
umiibig sa kapwa puso ay pusong naliligaya. Kay tamis dilidilihin!
Isang batisang pinagmumulan ng mga pangarap at kaaliwan para kay
Leoning ang kanyang puso sa dahilang siya'y umiibig.
Datapwa't sa pagkalugod ni Leoning ay parang nakatatanaw siya sa
kabilang dako ng manipis na ulap: nalulugod siya sa harap ni Eduardo,
nguni't iilang sandali na lamang ang itatagal ng kanilang paguulayaw
at pagpapalitan ng ngiti at titig. Matatapos na ang paguusap nang
lihim ng kanilang mga mata kung sakali't nahihinto ang kanilang
paguusap. Kinabukasan ay hindi na mauulit ang ganito. Aalis na si
Eduardo at ang pangyayaring ito ay tila isang tinik na susubyang sa
kanyang puso. Magkakahiwalay silang maluwat. Kay lungkot na mga
sandali!
Kay Eduardo man ay gayon din. Parang subyang na dumuduro sa kaibuturan
ng kanyang puso ang gayong paghihiwalay. Ilang saglit na lamang at
sila'y magpapaalaman.
--Leoning, huwag sanang magbabago ang iyong damdamin.
--Eduardo, huwag ka sanang makalilimot sa iyong sumpa.
--Leoning, aalis na ako. Huwag ka sanang magbabago ng kalooban at
alalahanin mo sana akong parati.
--Eduardo, ipinababaon ko ang aking pagmamahal sa iyo. Alagaan mo
sanang lagi at ako ay iyong alalahanin.
--Leoning, Leoning, hanggang hukay.
At isang mariing halik at mahigpit na yakap ang nailagda ni Eduardo
kay Leoning. Salamat na lamang at walang nakasaksi sa kanila. Ang
dalawang batang kasama ni Leoning at saka ang matandang kanyang ali,
ay salamat at paraparang nagsisipaghilik ng mga sandaling yaon at kung
hindi sana ay di nila magagawa ang gayon.
Habang naaabot ng tanaw ni Leoning, si Eduardo ay di nagbabago ang
pagkakatitig ng binibini. Sa palagay ni Leoning ay parang isang
dapit-hapon ang gayon. Dinalaw rin siya ng munting pagkalungkot. Isang
tanaw pa ang inihabol ni Leoning, nguni't, oh! wala na....
Pagdating ni Eduardo sa sariling tahanan ay nagbihis ng kanyang damit
na pangpahinga at bago natulog ay idinalangin at sinabi ang ganito:
--Huwag nawang makalilimot si Leoning sa aming sumpaan!
II
Dalawang buwang singkad ang lumipas mula nang lisanin ni Eduardo ang
sariling bayan.
Si Eduardo ay parating tumatanggap ng mga sulat na buhat kay Leoning.
Si Eduardo ay palagay ang loob. Ang kanyang pagaaral ay lalong
sinisikap upang sa wakas ay magtamo ng tagumpay.
Lalo at lalong sumisigla ang kanyang katawan. Lubos na nasisiyahan.
Kay palad na Eduardo nga naman! Lagi nang sa mga huling titik ng mga
liham na kanyang tinatanggap ay di nawawala ang matatamis na alaala ni
Leoning, na, siyang lubos niyang nagiging kaluwalhatian.
"--Tanggapin mo ang matatamis na alaala at walang kupas na pagmamahal
ng iyong Leoning na sumisinta hanggang hukay."
Ganyang mga pangungusap ang lagi nang tinatanggap at nababasa ni
Eduardo kung sumusulat sa kanya si Leoning.
Kay tamis nga namang magaalaala ni Leoning!
Kaya't gayon na lamang ang kasiyahang loob ng binata. Iyan ang tangi
niyang nagiging kaligayahan sa lahat ng sandali ng pagiisa.
Ang bawa't pangungusap ni Leoning ay di pinangangawitang basahin.
Minsan ... makalawa ... makaitlo ... Kung tinititigan niya ang sulat
mula sa binibini ay waring siya'y nakikipagusap. Anong tamis nga
namang magmahal ni Leoning!
Si Leoning ay isang binibining katutubo ang kayumian. Ang kanyang
puso ay minsan lamang kung sumumpa sa kanyang iniirog, bukod sa
maganda at mabait.
Nguni't sa pagiisa ni Eduardo ay kanyang naiisip na matagal pang
panahon bago niya masisilayan ang mukha ni Leoning.
Iyan ang mapait dilidilihin para sa kanya. Kailan pa niya makikita ang
mukha ng kanyang kasintahan? Kailan pa?
Kailan pa kaya niya makikita ang kanyang ilaw at buhay? Kailan niya
makikita ang titig na mapangakit ng kanyang Leoning?
Kay pait nga naman ng ganito!
--Ano kaya ngayon si Leoning? Naaalaala rin kaya niya ako paris ng
ginagawa kong pagaalaala sa kanya?--ang madalas nasa pagiisa'y
naitatanong ni Eduardo sa sarili.
Oh! ang puso nga namang nalalayo sa sinisinta!
Para kay Eduardo ay lalo't lalong nananariwa ang pagkasabik na kanyang
makita si Leoning. Kaya't madalas niyang masabi sa sarili:
--Huwag nawang maglalaho ang kanyang sumpa!
Nalulungkot siya sapagka't ang kanyang kasintahan ay nasa malayong
hindi maabot ng kanyang tanaw. Ang kanyang puso ay nangungulila sa
madlang kaaliwan. Ngayon niya nadadama ang sakit ng malayo sa
kasintahan. Walang kasing pait!
Baka nga naman pagdating ng panahon ay ganap na siyang limutin? Anong
malay ng isang Eduardo, na, nasa malayo?
Oh! kaawaawang Eduardo kung magkakaganito!
Pati yaong gabi ng mga sandaling sila'y nagpapaalaman ay waring
sumusurot sa kanyang alaala. Maaaring sa isang iglap nga lamang ay
ipagwalang bahala ni Leoning ang gayon. Maaari ngang mangyari ang
lahat ng mga hinagap na ito.
Sukat ng maalaala ni Eduardo ang kanyang bayan ... Maari ngang ang
isang Leoning ay ganap na makalimot. Maaari nga sapagka't doo'y
maraming mayayamang binata. Maaaring si Leoning ay mabihag ng iba.
Paano nga naman ang isang Eduardo, kung ang isang Leoning ay lumimot
pagkatapos?
Kaawaawang binata!
Oh! ang puso nga namang nalalayo sa kapuwa puso!
Mangarap na lamang at umasa. Manalig sa pagasang ikinakalat ng
bubukang liwayway pagsikat ng araw.
Bulaklak na uhaw sa patak ng hamog sa kaumagahan at anyung nalalanta;
kampupot na ang kabanguhan ay humahalimuyak nguni't ang kasariwaan ay
waring naluluoy na,--katulad ng isang talang untiunting tinatakasan ng
liwanag,--ganyan, ganyan ngayon ang kaparis ni Leoning.
Ang kanyang puso ay waring may subyang. Nangungulilang lubos sa mga
kaaliwan sa buhay. Sa kanyang pagiisa ay madalas na pumapatak na
lamang ang masasaklap na butil ng luha--luhang tila perlas na
dumadaloy sa kanyang mga pisngi. Kay pait ng mga sandaling mangulila
sa kasuyuan!
Apat na liham na ang kanyang ipinadala kay Eduardo, nguni't kahit
isang kasagutan ay di siya nagtatamo man lamang. Nasaan nga naman ang
dating paglingap ng ating binata? Bakit parang kasing bilis ng kidlat
na naglaho? Nasaan ang kanyang dating paglingap kay Leoning? Nilimot
na kaya niyang lahat?