bc

KAMBAL NA BAGWIS (Tagalog)

book_age0+
3.3K
FOLLOW
17.5K
READ
adventure
others
arrogant
powerful
princess
royalty/noble
king
queen
drama
comedy
twisted
5 Seconds of Summer
like
intro-logo
Blurb

Dalawang sanggol na may pakpak ang magkasunod na isinilang sa kalaliman ng gabi!

Ang isa sa sanggol ay may buhok na kulay mais at animo ginto. Mala-sutla ang kutis at ang mukha ay napakaamo.

Habang ang isa naman ay kulot ang buhok na nakadikit sa anit at ang kulay ng balat ay kasing dilim ng gabi.

Ano ang kapalarang naghihintay sa magkapatid.....

sa KAMBAL NA BAGWIS...

chap-preview
Free preview
CHAPTER 1 - Anghel sa Altar
NOONG unang panahon, mayroong isang baryo na kung tawagin ay Traves. Matatagpuan ang kanilang baryo sa kabila ng isang mataas na bundok, masukal na kagubatan at malawak na karagatan. Kung titignan mula sa himpapawid ay hugis trayanggulo ang nakapalibot dito at ang baryo ay mistulang mata sa pinakagitna. Payak lamang ang uri ng pamumuhay ng mga taga Traves. Ang kanilang mga tahanan ay yari sa matitibay na katawan ng mga puno, kawayan, pawid at sawali. Ang iba sa kanila ay nagsasaka sa bukid at nagtatanim ng palay at mais. Ang ilan ay nagtatanim naman ng mga gulay at mga halamang ang bunga ay nakakain. Marami sa kanila ang may alagang hayop sa likod bahay. At ang iba naman ay nangingisda gamit ang bangkang de sagwan at mga lambat. Mayroong mga balon kastila sa Traves na ang tubig ay nagagamit nilang panlaba at panglinis. Ang iniinom naman nilang malinis at malinamnam na tubig ay nagmumula sa naglalakihang ugat na nakalawit galing sa bundok. Kusang umaagas ang tubig t'wing sasapit ang bukang liwayway at t'wing magda-dapit hapon. Kailangan nilang sahuran ang kanilang mga sisidlan upang makapag-imbak ng inumin sapagkat kusa rin itong humihinto pagkaraan ng ilang oras. Madalang ang dayuhang nagagawi sa kanila, sapagkat napakahirap marating ang kanilang lugar. Hindi rin naman madali para sa mga tagarito ang makaalis upang pumunta sa kabayanan sapagkat kakailanganin pa nilang panhikin ang bundok, taluntunin ang gubat o kaya naman ay tawirin ang dagat. Mayroong mga kalapit baryo ang Traves. Kung nakasakay sa kalabaw ay kailangang maglakad iyon ng anim na oras. O kaya ay humigit kumulang sa tatlo hanggang apat na oras na tatakbuhin naman ng kabayo bago iyon marating. Kaya naman kung hindi rin lang kailangan ay pumipirmi na lamang sa kanilang baryo ang mga naninirahan dito. Kumpleto ang pasilidad ng Traves kung ikukumpara sa iba. Ang mga kalsada nila na siyang laruan ng mga bata at kahigan ng mga tinaling manok ay patag at matigas na tila bato. Mayroon silang kapilya o bahay dalanginan na tinitirhan ng nirerespeto nilang pari. Nagsasagawa ito ng misa t'wing araw ng linggo at mga espesyal na araw. Nagkakasal, nagbibinyag, nagbabasbas sa mga maysakit at mga namamatay. Mayroon silang sementeryo sa gawing bungad na bahagi ng gubat. Mayroon silang manggagamot o albularyong pinagkakatiwalaan para sa kanilang kalusugan. Ang mga karamdaman ng mga tagarito ay nalulunasan sa pamamagitan ng pag-inom o pagtatapal ng mga dahon at ugat ng mga halaman o puno. Gumagaling maging ang mga sugat o sakit nila sa balat. Mayroon din silang hilot na siyang nangangalaga naman sa mga babaeng may sanggol sa sinapupunan at nagpapaanak. Ito rin ang takbuhan kung may napipilayang mga bata o kahit pa ng mga matatanda. Ang haplos ng mga palad at pagtalunton ng mga daliri nito sa kanilang mga litid at ugat ay agad na nagpapawala sa kirot na kanilang nararamdaman. Ang kapayapaan at katiwasayan naman ay pinamamahalaan ng mga matatapang na kalalakihan na matiyaga at masipag na nagro-ronda mapa-umaga man lalo na sa gabi. Pinamumunuan ang mga ito ng magiting at mahusay nilang Teniente del Barrio. Ano pa nga at bagama't payak at simple ay kuntento na silang namumuhay sa kanilang lugar at sama-samang hinaharap at pinagtutulungan ang mga dumadating na pagsubok sa kanilang baryong pinakamamahal. SIMULA... "Dalian mo naman, Julian. Tiyak na nakabukas na ang kapilya.", pakiusap ni Esmeralda sa kabiyak na kasalukuyang nagdidilig ng mga tanim sa likod bahay. "Sandali na lang at patapos na ako.", sagot ng lalaking ang kamay na binubuhusan ng tubig ay maingat na iwiniwilig sa mga pananim na may bunga na. Napangiti ang makulit na ginang nang makitang ubos na ang lamang tubig sa balde. Agad nitong iniabot ang isang malinis ngunit lumang kamisodentro sa kabiyak upang magamit na pangtuyo sa mga braso at kamay. "Ano ba ang gagawin mo sa kapilya at gustung-gusto mong pumupunta roon?", tanong ni Julian habang pinupunasan na rin ang pawis sa mukha at leeg. "Basta..", malambing na sagot naman ng ginang at pagkatapos ay hinawakan na ang kamay ng kabiyak at may pagmamadaling hinila. Nagpatianod na lamang ang naiiling na lalaki. Nadaanan nila si Aling Dalmacia na kasalukuyang nagbabayo ng palay. Ito ang butihing ina ni Julian. "Inang, sasaglit lang po kami sa kapilya, ha.", paalam ni Esmeralda sa ina ng kabiyak. "Oo, sige. Dahan-dahan sa paglakad at hindi naman aalis sa kinatitirikan niya ang kapilya.", natatawang bilin ng biyenan sa manugang at anak. Alam ng matanda ang dahilan kung bakit panay ang punta ng manugang sa kapilya. Ang madalas nitong pagduduwal t'wing umaga at pagkaliyo, idagdag pa ang pagkain nito ng bubot at napakaasim na bunga ng sampalok at kamias ay mga palatandaang malapit na siyang magkaroon ng apo. Wala pa man ay nasasabik na siya sa pagdating nito sa kanilang buhay. Ipinagpatuloy na ng ale ang ginagawa matapos matanaw ang pagliko ng mag-asawa hanggang sa tuluyan nang mawala sa kanyang paningin. Sa kapilya...... Nadatnan ni Esmeralda at Julian ang paring nagdidilig ng mga halaman. "Magandang araw po, Padre Serafin!", magalang na pagbati ng mag-asawa. At pagkatapos ay magkasunod na inabot ang isang kamay ng pari at idinikit sa kanilang noo. "Magandang araw din sa inyong dalawa. Kaawaan kayo ng Diyos.", ganting pagbati ng pari at tugon sa respetong ipinakita ng mga ito sa kanya. Pagkatapos magbigay galang ay nagkumahog na si Esmeralda sa pagpasok sa loob ng kapilya. Nasundan naman ng tingin ng dalawang lalaki ang paglalakad nito. "Pasensya na po sana kayo sa aming mag-asawa, Padre Serafin. Kay aga-aga ay naparito na kami. Iyan kasing si Esmeralda ayaw maglubay sa pag-aya sa akin na pumunta rito.", nahihiyang hingi ni Julian ng paumanhin. "Wala kang dapat alalahanin hinggil sa bagay na 'yan, Julian. Bukas ang ating kapilya anumang oras para sa mga may nais magpunta at manalangin.", nakangiting sagot ng pari. "Salamat po, Padre.", naginhawahang sabi ng lalaki. "Huwag mo naman sanang mamasamain ang itatanong ko, ha.", wika ng pari. "Napansin ko nga ang madalas na pagpunta ninyo rito at kung magkaminsan, maging sa hapon ay nagagawi pa rin dito si Esmeralda kahit siya lamang mag-isa. Madalas ko siyang nakikitang nakatitig sa larawan ng mga Anghel sa altar. Masaya ang mukha at makinang ang mga mata. Nu'ng minsan ay nahilo pa siya at nagduwal. Maigi na lamang at nagkataong dumating ang tagalinis natin sa kapilya kung kaya naagapan siyang maiupo at maalalayan. Nagdadalantao ba ang iyong maybahay?", masayang tanong ng pari. Nandilat ang mga mata ni Julian sa narinig. Mabilis na bumadha sa mukha ang kagalakan. Naging alumpihit ito at nagpandalas ang pagsulyap sa pintuan ng kapilyang pinasok ng kabiyak. Napansin ng pari ang hindi mapakaling kilos ng kausap. "Sige na, Julian. Sundan mo na si Esmeralda sa loob.", nakangiti nitong taboy sa lalaki. Sa narinig ay nagkumahog na rin si Julian na makapasok sa kapilya. Sa bungad pa lamang ng pintuan ay agad na niyang nakita ang kabiyak na nakatalikod at nakapaharap naman sa larawan ng mga Anghel. Nagluluha ang mga mata ni Julian habang papalapit sa harap ng altar. Luha ng kaligayahan ang dumadaloy sa kanyang pisngi. Magtatatlong taon na ang pagsasama nila ni Esmeralda at kung tama ang hinuha ng kanilang pari ay magiging lubos na ang kaligayahan nilang lahat. "O, Diyos ko! Ipahintulot po Ninyo. Harinawa po ay nagdadalantao na nga ang aking maybahay. Sana nga po.", piping panalangin ni Julian. Tila alapaap ang nilalakaran niya. Malakas ang pagkabog ng kanyang dibdib. Samantala... "Napakaganda ng inyong mga pakpak. Puting-puti at parang napakalambot. Marahil ay napakasarap lumipad at libutin ang malawak na himpapawid gamit ang inyong pakpak.", bulong ni Esmeralda habang hinahaplos ang larawang pinagmamasdan. "Bakit hindi mo sinabi agad na may nararamdaman ka pala? Tama ba ang naisip ni Padre Serafin? Nagdadalantao ka nga ba?", nasasabik na tanong ni Julian. Saglit na natigilan si Esmeralda sa tanong ng kabiyak na hindi niya namalayang nakalapit na pala. Nakangiti niya itong nilingon. "Sa pagsapit sana ng iyong kaarawan ay saka ko pa lamang balak sabihin ang tungkol sa kalagayan ko. Siya kasi ang ire-regalo ko sa sa iyo.", sabi ng buntis. Mabilis na niyakap ni Julian ang ginang. "Napakaganda ng regalo mo sa akin, Esmeralda. Maraming salamat! Maraming maraming salamat!", tuwang-tuwang sabi nito. "Simula ngayon......, araw-araw, kahit sa hapon at maging sa gabi man kapag gusto mong magtungo dito sa kapilya ay pupunta agad tayo! Pakikiusapan ko si Padre Serafin na pagbuksan tayo ng pinto! Magiging tatay na ako!", puno ng pagkasabik na sabi uli ni Julian. "Hoy! Nasa loob tayo ng kapilya, hinaan mo lang ang boses mo.", natatawang saway ni Esmeralda sa kabiyak. Ngunit imbis na sumunod ay pumagitna pa ang lalaki sa harap ng altar at saka malakas na nagsalita. "Salamat po, Diyos ko! Salamat po sa lahat ng pagpapala N'yo sa amin! Ipinapangako ko po na pakamamahalin ko ang aking asawa at ang aming magiging anak! Pangangalagaan ko po sila at paliligayahin sa abot ng aking makakaya! Maraming salamat po, Diyos ko. Maraming-maraming salamat po!", taos pusong pasasalamat ni Julian. Nasisiyahang pinanonood naman siya ng paring nakatayo sa may pintuan. At ni Esmeralda na nagkakandaiyak sa labis na tuwa dahil sa nakikitang kagalakan niya. "Maraming salamat po, Diyos ko! Salamat po sa bigay Ninyong sanggol na narito sa loob ng aking katawan. Gaya po ni Julian ay ipinapangako ko po na mamahalin siya at aalagaan. Palalakihin ko siyang may takot sa Inyo at may mabuting kalooban. Gabayan N'yo po ako , Panginoon. Ipahintulot N'yo po na maging malusog kaming mag-ina upang mailuwal ko siya nang maayos. Kayo na po ang bahala sa amin.", taimtim na panalangin ng ginang. Pagkatapos ng ilang saglit ay nagpaalam na ang mag-asawa. Magkahawak pa ang kamay ng mga ito nang maglakad pabalik sa tinitirhan.

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

The Heartless Billionaire (Tagalog)

read
698.8K
bc

My Secret Agent's Mate

read
114.9K
bc

Wife Of A Ruthless Mafia Boss (R18)

read
453.4K
bc

One Night with the Bachelor

read
7.1M
bc

A Night With My Professor

read
496.0K
bc

My Favorite Subject

read
216.9K
bc

The Possessive Mafia Boss ( Tagalog )

read
341.9K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook